TANGKILIKIN.BASAHIN. PAGYAMANIN.
KALIGIRAN
Ang literaturang Filipino ay isa sa mga pamamaraan upang mapaunlad ang ating sariling wika. Maraming Pilipino na ang nagsulat at nag-ambag ng mga akdang nagsilbing daan para sa pamumulaklak ng literaturang Filipino. Maraming Pilipino ang nawili sa pagbabasa ng mga ito dahil sa kulturang nakapaloob dito, sa mga aral at sa kadahilanang nagkakaroon sila ng kaalaman ukol sa mga pambansang isyu. Maging ang kabataan ay nagbabasa nito. Nariyan ang mga akdang Canal de la Reina, Dekada '70, Maganda Pa Ang Daigdig, Pilipinas: Taong 0069 at iba pa. Ngunit ilang dekada na ang nakalilipas matapos ang mga pangyayaring ito. Masakit mang tanggapin ngunit malaki na ang pagbabagong naganap sa kabataan. Mas tinatangkilik na nila ang gawa ng mga banyagang manunulat. Sikat na sikat sa kanila ang mga akdang gaya ng Harry Potter, Twilight, Hunger Games at iba pa. Kung ang isang nobelang Ingles ay nagkakahalaga ng mahigit Php 300.00 hanggang Php1, 000.00, bakit hindi bumibili ang mga kabataan ng nobelang Tagalog na Php 50.00 hanggang Php 350.00 lang naman ang presyo? Sa tinatawag na 21st century learners, mas marami ang nahuhumaling sa pagbabasa ng mga akdang banyaga partikular na ang mga nasa hayskul at kolehiyo dahil sa bagong teknolohiya at impluwensiya ng ibang tao sa kanila. Sa mga merkado (bookstores) at silid-aklatan sa bansa, mapupuna na halos lahat ng librong naroon ay nakalimbag sa wikang Ingles. Ngunit hindi lamang ito ang indikasyon ng isyu ukol sa hindi pagtangkilik sa akdang Filipino. Nagkaroon din ng ilang pagsusuri ukol dito. Sa ilang sarbey na naitala, mas malaki ang porsyento ng kabataang nagbabasa ng mga banyagang akda kaysa sa akdang nakalimbag sa wikang Filipino. Bakit nga ba nawawalan ang kabataan ng interes sa mga akdang Filipino? Ayon sa ilang pananaliksik, ang mga akdang lokal ay hindi nagugustuhang basahin dahil ito raw ay 'baduy' pakinggan at kung minsan pa ay hindi angkop ang mga salitang ginagamit ng may-akda. Aminado rin ang ilang mag-aaral na ang nababasa nilang akdang Filipino ay parte ng kurikulum ng kanilang paaralan. Isa pang dahilan ay ang pagkakaroon ng limitadong bokabularyo sa wikang Filipino. Hindi nila maunawaan ang ilang salitang nakapaloob sa akda kaya naman hindi nila ito ninanais basahin. Nahihirapan sila sa paggawa ng mga talata sa Filipino na tama ang gramatika. Ayon sa istatistiko, tinatayang nasa 96% ang literacy rate ng Pilipinas. Ngunit nakalulungkot mang isipin, tila ito ay panunuya lamang kung titingnan ang mahinang pagtangkilik ng mga Pilipino sa sariling wika. Kasabay ng pag-angkat natin ng mga akdang banyaga ay ang pagpanaw ng pag-angat ng mga akdang nakalimbag sa sariling wika. At dahil dito, nawala ang pamumulaklak ng akdang Filipino na nagiging mitsa sa pagkakakilanlan nating mga Pilipino.
Tangkilikin. basahin. PAgyamanin.
Ang mga katagang ito ang siyang kumakatawan sa mga daymensyong iikutan ng adbokasiya. Ito ang nagbubuod kung ano ang rasyunal, mithiin at layunin ng adbokasiya. Ipinapakita nito kung ano mga aksyong gustong ipatupad ng adbokasiya.
Tangkilikin. Pahalagahan ang yaman ng Inang Bayan. Dapat itaguyod natin ang kung ano ang mayroon tayo. Tangkilikin ang mga gawa ng manunulat na Pilipino at ipagmalaki ang literaturang sariling atin.
Basahin. Mataas ang literasi rate ng Pilipinas. Ibig sabihin, marami ang marunong magbasa. Dapat basahin ang mga akdang nakalimbag sa wikang Filipino. Huwag nating gawing dahilan na hindi nakakaagaw ng pansin ang mga pabalat ng mga akdang lokal. Hindi nasusukat sa pabalat ang kagandahan ng isang akda, bagkus ay makikita ito sa nilalaman nito at sa nais iparating ng may-akda.
Pagyamanin. Bawat Pilipino ay may tungkulin na paglikuran ang Inang Bayan. Iangat ang antas ng literatura sa Pilipinas. Ipagmalaki at payabungin ang wikang Filipino at hikayatin ang iba na gawin din ito.
Pagtibayin at suportahan ang mga akdang Filipino at huwag itong balewalain lamang. Mahalin ito kagaya ng pagmamahal sa iyong bayan dahil hindi biro ang ginagawa ng mga manunulat na Filipino para itaguyod ang Industriya ng Literatura sa Pilipinas.
RASYUNAL, MITHIIN AT MGA LAYUNIN
Nais naming mga proponents na bigyan ng pansin ang isyu dahil ito ay napapanahon at angkop sa amin. Bilang bahagi ng kabataan, ang isyung ito ay hindi lingid sa aming kaalaman. Sa katunayan, kami ay aminadong parte ng kabataang mas tinatangkilik ang akdang banyaga kaysa akdang Filipino. Ngunit napagtanto naming kailangang bigyan ng halaga ang mga akdang sariling atin. Oras na upang gumawa ng hakbang tungo sa muling pamumulaklak ng literaturang Filipino. Dapat lamang na matuto ang kabataang pahalagahan at tangkilikin ang mga aklat o istoryang Filipino. Nararapat na bigyang-pansin na ang isyung ito upang hindi na lumala pa at hindi na umabot sa puntong wala nang kaalam-alam ang kabataan ukol sa literaturang Filipino.
Ang adbokasiyang ito ay may mga sumusunod na layunin: 1) Muling mapanumbalik ang magandang pagtingin ng kabataan sa mga akdang Filipino 2) Magkaroon ng karagdagang kaalaman ang kabataan ukol sa kulturang nakapaloob sa mga akdang Filipino 3) Mapaunlad ang talasalitaan o bokabularyo sa wikang Filipino 4) Mabatid ng kabataan ang mga pambansang isyu na karaniwang paksa ng mga akdang Filipino 5) Mapanumbalik ang pamumulaklak ng akdang Filipino 6) Mabigyang-pansin ang kabataan ng kasalukuyan na may angking kakayahan sa pagsulat ng mga akdang Filipino 7) Mabigyang-halaga ang mga manunulat na nagtataguyod ng literaturang Filipino
PROYEKTO
Ang adbokasiya ay naglalayong tulong sa pagresolba ng isyung nabanggit sa pamamagitan ng mga naisip naming paraan tulad ng pagkakaroon ng "reading time" at pagsasagawa ng mga book fairs at seminars. Naglalayon ito na makapag-ambag sa kaunlaran ng industriya ng literatura sa Pilipinas.
BENEPISYO AT INAASAHANG RESULTA
Sa pagtatapos ng adbokasiya, ang mga sumusunod ay maisasakatuparan: 1) Pagbabalik ng pagkahilig ng kabataan sa mga akdang Filipino 2) Pagpapadali ng pag-aaral sa Filipino dahil sa pagkakaroon ng mas malawak na talasalitaan sa wikang ito 3) Pag-unlad ng industriya ng literaturang Filipino
KARAGDAGANG IMPORMASYON
Ayon sa pagsusuri nina: Angeles, Keith Andrea F., Bustinera, Kimberly D., Demdam, Sean, Lorena, Selah Grace G., Manongsong, Mary Margarette V., Obispo, Kaithlyn M., Sosa Mary Jamie M., at Tan, Jellaine M.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang link na ito: https://prezi.com/db3baardivfv/pagtangkilik-sa-mga-akdang-lokal-at-banyaga-ng-kabataan-tung/
KABAN NG ilang AKDANG FILIPINO