Ang Maamong Puso Ng Leon – Rio Guadalupe, Sept 2011
In:
Submitted By RioGuadalupe Words 843 Pages 4
Ang Maamong Puso ng Leon – Rio Guadalupe
Nagsimula ang lahat nang mabalitaan ko sa iba’t ibang mag-aaral ang pag-uugali niya. Natakot ako na para bang ayaw ko nang pumasok. Sabi-sabi kasi na napakasungit at napakaistrikto niya raw. Sinong mag-aaral ba naman ang magnanais ng ganoong klaseng guro?
Noong una ko siyang makita, di ko maipaliwanag ang kaba sa dibdib ko na daig pa ang nararamdaman ko sa isang pagsusulit. Ang kanyang mukha ay tila galit na leon na gustong takutin ang mga tao sa paligid. Nang narinig ko ang kanyang boses at tono ng pananalita ay lalo akong kinabahan. Pakiramdam ko ay wala siyang makikitang tama sa aking pagkilos. Marami akong akala noon. Tama ang iba rito ngunit karamihan ay mali.
Sa paglipas ng mga araw ay mas nakita ko kung anong klaseng guro siya. Ang kanyang pagngiti ay kayang kaya bilangin ng aking mga daliri sa isang kamay. Kung minsan ay inaasam kong marinig ang tono ng kanyang kasiyahan. Sabik ang aking mga tainga sa kanyang paghalakhak pero hindi ko pa iyon naririnig hanggang ngayon. Dalawang beses sa isang linggo ay nagiging guro ko siya sa isang asignatura kung saan mabagal ang pagproseso ng aking utak. Bago ang klase ay nagdarasal ako sa Diyos na sana ay hindi niya ako mapansin. Pero tila medyo marumi yata ang tainga ng Diyos tuwing Martes at Huwebes. Madalas niya akong mapansin. Mabuti sana kung napupuri niya ako ngunit hindi. Madalas na puna niya sa akin ay ang aking kamalian tulad ng hindi pag-aayos ng aking upuan, pakikipagtinginan sa aking kamag-aral, hindi pagbibigay ng sagot na hinihingi niya kung saan inakala kong mapapalabas ako ng silid aralan at iba pa.
Dahil sa mga hindi kagandahang karanasan ko sa kanya ay hindi ko siya magawang batiin sa labas ng aming silid aralan. Kapag nasulyapan ko na ang kanyang ginintuan at papasok na buhok na sumasabay sa galaw ng kanyang katawan ay biglang lilihis ang aking mga paa sa dapat kong daanan para lamang hindi magtagpo ang aming landas. Ganoon na lamang ang takot ko sa kanya.
Isang araw, tinawag niya ako sa klase para sumagot sa kanyang tanong. Simple lamang ang aking sagot pero laking tuwa ko noong sinabihan niya ako ng mga katagang “very good.” Pakiramdam ko ay napakahusay ko nang estudyante kahit hindi. Unang beses niya kasi napansin na may tama rin pala akong ginagawa sa klase niya. Noong araw din na yon pagkatapos ng aming klase habang naglalakad ako ay napansin kong magkakasalubong kami ng daan. “Liliko ba ako? Kaliwa? Kanan? Diretso ba?” Yan ang mga tanong na bulong ng puso ko. Dumiretso ako. Bakit ako iiwas eh “very good” ako noong araw na iyon? Kaya binati ko siya. “Hi Miss!” kasabay ang ngiti ko na halos pikit na ang aking mga mata. Laking gulat at tuwa ko noong sumagot siya ng “Hi” kasabay ang isang magandang ngiting nagpakita ng kanyang mga ngipin at makinang na mga mata. Napa-wow ang aking puso. Ang tila leon na propesor ko ay naging isang napakaganda at napakaamong pusa bigla sa aking paningin.
Simula noon ay nagbago na ang tingin ko sa kanya. Tila pa rin siya isang guwardiya sibil sa aming klase ngunit sa labas ay nakikita ko ang kanyang kabutihan at magandang hangarin sa kanyang mga estudyante. Lalo akong nagsipag sa pag-aaral sa kanyang klase.
Malapit na ang pagtatapos ng semester, laking gulat ko nang malaman ko sa klase na mayroon palang takdang aralin na dapat basahin. Hindi ko ito nagawa at sobrang kabado ako. Nakakabingi ang katahimikan sa aming klase habang nagtatanong siya. Dahil doon ay napagdesisyunan niya na bigyan kami ng biglaang pagsusulit. May mga naisagot ako ngunit alam kong mali. Nagsagot lamang ako ng kung anu-ano dahil gusto ko pa rin maglagay ng kahit konting pamamaraan para makakuha kahit isang puntos lang. Alam kong matalas ang kanyang pakiramdam at isang tingin niya pa lang sa papel ko ay alam niyang hindi ako nagbasa. Paglabas ko ng aming kwarto ay tinanong niya ako sa may pintuan, “Hindi ka nagbasa, ano?” Nahiya ako. Napayuko na lang at umiling. Tinanong niya ako kung bakit. Bakit nga ba? Hindi ko rin alam kung bakit. Sobra akong nahiya. Ngunit masaya ako dahil naramdaman ko na siya ay isang gurong nagmamalasakit sa kanyang mga estudyante. Ang kanyang pagiging istrikto ay hindi para magpasikat at manakot kundi para turuan kami ng maraming bagay hindi lamang sa klase kundi pati na rin sa mga bagay-bagay sa mundo na dapat naming matutunan.
Siguro nga ay hindi siya palakaibigan at palabiro sa mga estudyante niya. Marahil ay mas madalas siyang istrikto kaysa masaya sa klase. Bagsak ako sa pagsusulit na ibinigay niya pero iyon ang naging dahilan kung bakit ko siya nagustuhan. Dahil sa pagbagsak kong iyon, tumaas ang tingin ko sa kanya. Tinuruan niya ako kung paano mas maging isang responsableng mag-aaral. Ang gurong noon ay inakala kong isang leon ay isa palang gurong may maamong puso na hindi lamang nakikita ng ilan dahil sa kanyang prinsipyo sa pagtuturo.