bakla.com.ph
Isang koleksyon ng mga sanaysay ng isang lalaking nagdadalaga
Paolo F. Alcantara
2009-07424 BA Public Administration
Filipino 25 – G. Romulo Baquiran
05 Oktubre 2011
I. Born this way
II. Rampa
III. Disi-sais at disi-syete
IV. Pag-ibig ng dalawang binatilyo
V. Si Jerick
Born this way
“I’m beautiful in my way ‘cause God makes no mistakes. I’m on the right track, baby, I was born this way.”
Heto nanaman ako, kumakanta sa banyo habang naliligo. Ito pa nga’t kumekembot-kembot pa habang sinasabon ko ang aking mga kamay pati ang kili-kili. Bata pa lamang ako nang makagawian ko ang mag-production number with a performance level sa shower. Sa loob kasi ng banyo, mag-isa lang ako – walang nakakakita, walang nang-uusisa, walang nagkukutya. Dito sa maliit na silid na ito, nailalalabas ko ang tunay na ako. Mas malaki man nang di hamak ang bahay namin sa Pangasinan kumpara sa banyong ito, pakiramdam ko mas maluwang ito. Dito kasi, mas malaya akong nakasasayaw sa himig ng mga paborito kong awitin gaya ng mga kanta ni Lady Gaga o ni Beyonce. Malaya akong kumembot, maglakad na parang nasa runway at magpose nang magpose na parang model. Hindi ko ito nagagawa sa bahay – hindi talaga. Hindi namin napag-uusapan ang aking sekswalidad sa bahay. Alam kong alam nila ngunit ni minsan hindi pa nila tinanong kung sino ang crush kong lalaki o kung may boyfriend na ba ako. Nakakairita nga minsan dahil tinutukso nila ako sa mga kaibigan kong babae. Gusto kong sabihin sa kanilang, “hindi ako tomboy para magkagusto sa babae no.” Sabi ng aking mga kaibigan, umamin na raw ako sa aking pamilya para makagalaw na ako nang normal sa bahay. Ano iyon, magkukumpisal ako? Kahit kailan hindi ko itunuring na kasalanan ang pagiging bakla. At hindi rin ako komportable na sabihin habang naghahapunan o nanonood ng prime time bida na, “Mom, dad, listen to me… I’m gay”. Ang corny kaya. Saka, para saan pa ang pag-aming iyan kung alam naman na nila? Halata ngang minsa’y nagpaparinig si daddy kapag pinag-uusapan ang mga bakla sa showbiz. Gaya na lamang ni Bebe Gandanghari na ayon sa tatay ko, kawawa daw ang pamilya niya. Kesyo, hindi raw lamang niya inisip ang magiging kahihiyan ng kanyang pamilya at pinili pang lumandi. Gusto ko sanang ipagtanggol si Bebe at ang buong kabaklaan pero natatakot ako. May pakiramdam akong homophobic si daddy at hanggang ngayon ay in-denial pa rin sa aking sekswalidad. Isa siya sa mga dahilan kung bakit kapag ako’y nasa bahay namin sa Pangasinan, sa banyo ko lang nakakanta at nasasayaw ang “Born This Way.”
Rampa
Pangarap kong maging isang model – iyong tipong sumasali sa mga reality fashion shows ni Tyra Banks o iyong pinipiling maging front cover ng Preview Magazine. Pilit kong ginagaya ang paglalakad ng mga babaeng modelo maging ang kanilang facial expression, lalung-lalo na ang pagpout ng labi. Bata pa lamang ako alam ko nang gusto kong rumampa. Hindi ko ito nagawa ni minsan nung hayskul pa ako. Kung kaya’t nang ako’y tumungtong sa kolehiyo at nilisan ang probinsya, nagmistulang isang mahabang runway para sa aking modeling career ang Maynila. Nakatira ako ngayon sa isang dormitoryo sa UP at tabi nito’y isang barangay, ang Krus na Ligas. Dito ako madalas rumampa. Tuwing binabaybay ko ang mataong lugar na ito, palagi kong sinisigurong nakaayos ako – nakafoundation at konting blush-on, naka-masikip na T-shirt at may medyo maikling shorts. Mayroon kasi akong mga crush na lalaki dito – mga orihinal na taga KNL. Palagi silang nakatambay lang sa may maliit na tindahan sa tabi ng kinakainan ko ng pananghalian o panghapunan. Umubra naman ang model walk ko dahil ngayon ay magkakakilala na kami at minsan pa nga’y niyaya nila akong makipag-inuman. Siyempre pa’t sa unang alok ay tumanggi ako, ngunit nang kalauna’y pumayag na rin. Lalaki talaga ang kahinaan ko. Kaiba sa mga lalaking ito na walang trabaho at pawang mga tambay, isang lalaki pa ang nakilala ko rin sa KNL nang magpalaba ako sa isang laundry shop dito. Sa taglay niyang kagwapuhan at laki ng katawan na natural ang dating, hindi ko inakalang sa laundry shop siya nagtatrabaho. Mabait sa akin si Bogs kung kaya’t naging suki ako sa shop at madalas akong makipagkwentuhan sa kanya kahit hindi naman ako magpapalaba. Palagi kong pinipisil-pisil ang kanyang masels sa braso kung walang kustomer. Minsan pa nga’y pinahawak niya sa akin ang dibdib at tiyan niya ngunit nang akmang ibababa ko na ang aking kamay, bigla siyang umiwas. May restriction din pala siya. Kaya ngayon, kuntento na lamang ang aking mga kamay sa paghaplos sa kanyang biceps at dibdib. Mabait talaga itong si Bogs, ang problema lamang sa kanya ay mahina yata ang pag-iisip; mahina sa arithmetic. Palagi kasing kinukulang ang sukli niya sa akin. Minsa’y kulang ng bente, o singkwenta, minsan pa’y umaabot ng dalawang daan. Ngumingiti na lamang ako sa tuwing ito’y nangyayari… sabay pisil sa kanyang masels.
Disi-sais at disi-syete
Gabi na noon nang magtext sa akin si Ate Jimmy na bet daw niyang maglakad-lakad sa KNL. Hindi babae si Ate Jimmy pero mas gusto niyang “ate” ang itawag ko sa kanya. Tinatamad man akong lumabas pa nang gabing iyan, pumayag na rin akong sumama sa paglalakad-lakad dahil ililibre daw niya ako ng pizza. Sa tono ng pagtetext niya sa akin nang gabing iyon, may pakiramdam akong may gustong mangyari si Ate Jimmy. May hinala akong gusto niyang mamingwit ng lalaki sa KNL. Hindi nga ako nagkamali dahil nang magkita na kami ay umamin siyang may natitipuhan siyang lalaki na tumatambay sa tabi ng tindahan ng pizza. Kinindatan daw siya ng lalaking ito noong isang gabi at umaasa siyang makikita niya ulit ito dito. Naka-isang oras na kami kakahintay sa loob ng tindahan ngunit wala pa rin ang sinasabi niyang matangkad, kayumanggi at mukhang sangganong lalaking kumindat sa kanya. Nagpasya na lamang kaming umuwi. Ngunit hindi talaga papayag si Ate Jimmy na uuwi siyang luhaan. Hindi man niya makuha ang jackpot na si kuyang sanggano, okay lang daw sa kanya ang consolation prize. At ayun nga, habang umiinom kami ng softdrinks sa tabi ng isang sari-sari store malapit sa dorm ko, may dalawang lalaking nakaporma ang bumaba mula sa tricycle. Nagkatinginan kami ni Ate Jimmy na animo’y sinasabing “alam mo na ang gagawin.” Bumulong nang malakas si Ate Jimmy sa akin, sakto ang lakas upang marinig din ng dalawang lalaki, “Ang gwapo naman ng dalawang ‘yon.” Sumagot naman ako ng malakas na bulong, “mukha pang mabango.” Napatingin sa amin ang dalawa at sila naman ang nagkatinginan. Naglakad sila palayo ngunit huminto rin sa medyo madilim na sulok. Sabay silang umihi sa isang puno at sabay rin silang biglang tumingin sa amin. Alam na. Ito na. Lumapit kami sa punong iyon at nang pagdating nami’y sakto namang tapos na sila sa pag-ihi. Nalaman naming nakainom ang dalawa galing sa birthday celebration ng isang kabarkada. Go na go ang magkaibigang ito at niyaya pa kami sa isang inuman malapit sa kinaroroonan namin. Pumayag kami ni Ate Jimmy kahit pa alam naming kami ang taya. Tinanong ko si Ate Jimmy kung sino ang type niya sa dalawa. Sinabi niyang iyong mas malaki daw – iyon ‘yung medyo mas maitim, mas malaki ang braso, gwapo naman ngunit may sira ang ngipin. Natuwa ako dahil ang ibig sabihi’y walang conflict of interest sa pagitan namin. Mas gusto ko kasi iyong isa – kahit mas maliit, mas cute naman at mas mukhang malinis. Siyempre pa’t partner by partner ang itsura namin sa inuman. Marami kaming napag-usapan ng dalawang lalaki. Ang kanilang love-life at mga sex experiences. Nalaman ko ring nagpapabayad pala ang dalawang ito upang makipagtalik sa mga bakla. Inalok pa nga nila kami ni Ate Jimmy upang matulog sa isang hotel sa halagang tig limang daang piso sila. Nagulat ako at biglang naturn-off. Sa fresh ng itsura nila, hindi ko akalaing ganito pala ang pinagkakaabalahan nila. Nakakagulat. Nang mapag-usapan ang edad, proud na proud nilang sinabing sila ay pawang disi-sais at disi-syete pa lamang. Sa maikling salita, sila’y mga menor-de-edad. Hindi ako makapaniwala dahil kung makapagsalita sila’y akala mo kung sinong expert sa love at sex. Nakakagulat lang. Bumulong sa akin si Ate Jimmy na umalis na raw kami dahil natatakot siyang makasuhan ng child abuse. Maging ako ay takot. Hindi dahil sa kasong child abuse kundi dahil sa katotohanang ang mga batang ito ay gumagawa na ng mga di-pambatang gawain. Ang mga menor-de-edad na ito ay sumasangkot na sa prostitusyon na dapat sana’y abala sa pag-aaral. Nakakatakot panoorin na pabata na nang pabata nagbebenta ng katawan dito sa Pilipinas. Natatakot ako sa hinaharap ng dalawang batang ito – ang edad disi-sais at disi-syete.
Pag-ibig ng dawalang binatilyo
Sigurado akong nabalitaan mo na ang istorya kamakailan lamang ng isang musmos na pag-ibig na humantong sa dalawang masalimuot na kamatayan. Ito ang istorya ng isang trese anyos na binatilyo na dahil sa matinding selos ay binaril sa ulo ang sarili matapos itong gawin sa kanyang iniibig, ang isa pang binatilyong disi-sais anyos, sa loob SM Pampanga. Nakakalungkot at nakababahala ang pangyayaring ito. Nalulungkot ako sa pagkawala ng dalawang binatilyong umiibig na maari sanang napigilang mangyari kung naintindihan lamang ng trese anyos na lalaki na dumarating talaga sa buhay ng taong umiibig ang magduda at masaktan ngunit hindi ito sapat na dahilan upang kitilin ang dalawang buhay. Nakababahala naman na sa isang mall pa maganap ang ganitong pangyayari kung saan dapat ay may sapat na seguridad. Kung sana’y hindi nagkulang sa seguridad ang mall, marahil napiligan pa ang malagim na bangungot na ito. Sa kabila ng lahat, mas ikinababahala ko ang pagsisisi ng ilan sa pagiging bakla ng dalawang binatilyo na diumano’y dahilan kung bakit humantong sa ganito ang lahat. Sinisisi nila ang patuloy na paglaganap ng homosekswalidad bilang sanhi ng pangyayari. Isang malaking kalokohan ang pagturo sa kabaklaan bilang sanhi ng mga ito dahil ito ay istorya ng isang nagseselos na nobyo na kayang gawin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig – at ito ay pwedeng mangyari sa kahit kanino – bakla man o hindi. Walang kinalaman ang homosekswalidad sa pangyayaring ito, nagkataon lamang na mga bakla ang dito’y nasangkot. Isa pang ikinababahala ko ay ang pahayag ni Anthony Taberna, isang TV journalist, sa isang segment sa Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN patungkol sa insidenteng ito. Ayon sa kanya, ang media daw ay dapat ding sisihin dito sapagkat puro kabaklaan ang ipinapakita nito sa publiko kung kaya’t tinatanggap na ng lipunan ang homosekswalidad. Isa rin diumano ito sa mga dahilan kung bakit maagang inilalabas ng mga kabataan ngayon ang kanilang kabaklaan at umiibig pa sa kapwa lalaki. Isang napaka-insensitibong pahayag! Una, lumalabas na ayaw ni Anthony Taberna na patuloy na tanggapin ng publiko ang homosekswalidad. Nakababahala ang paghahangad niya ng isang lipunang hindi tumatanggap sa pagkakaiba-iba ng sekswalidad. Walang masama kung ipakita ng media ang iba’t-ibang anyo ng gender ng tao lalo pa’t kung maimumulat nito ang lipunan sa katotohanan. Pangalawa, ipinapakahulugan ni Anthony Taberna na hindi dapat ipahayag ng bata ang kanyang kabaklaan at huwag umibig sa kapwa lalaki sa murang edad. Ano ang masama sa paglalabas ng tunay na nararamdaman? Hindi masama ang pagiging totoo sa sarili sa murang edad. Walang age requirement ang pagpapahayag ng kasarian at sekswalidad, lalung-lalo na ang umibig at magmahal. Hindi kabaha-bahala ang homosekswalidad kundi ang homophobia. Pilit na ikinakabit ng ibang tao ang sisi sa pagiging bakla sa mga kaganapan. Kung may ginawa ang isang tao, idadahilan nilang, “Bakla kasi.” Tila lahat ng bagay na aming ginagawa o kinakamtan ay pawang mga bunga ng aming homosexuality. Para sa kaalaman ng lahat, ang pagiging bakla ay isang parte lamang ng pagkatao namin. Hindi ito ang aming kabuuan at hindi makabuluhang gawin itong turuan ng sisi sa lahat ng bagay na aming ginagawa.
Si Jerick
Kung ako si Juliet, siya ang aking Romeo. Kung ako si Marian Rivera, siya si Dingdong Dantes. Ako si Maganda, siya si Malakas. Ako si Cinderella, si Snow White at si Sleeping Beauty at feeling ko, siya ang aking nag-iisang prince charming. Siya ang unang lalaking nakadate ko sa isang mamahaling restaurant; siya ang unang lalaking nagbigay sa akin ng tsokolate; at siya rin ang unang lalaking nakasama kong manood ng sine. Dahil sa kanya, naramdaman ko’ng, aba, nagdadalaga na pala ako. Napalapit ako kay Jerick nang maging kaibigan ko ang mga kabarkada niyang babae at lalaki nang makasama ko sila sa isang field trip sa Ilocos. Hindi ko akalaing close pala nila ang ultimate college crush ko. Hindi ko iyon pinalampas at hindi pumayag na hindi ako ipakilala sa kanya. Mahiyain si Jerick at madalas mamula sa tuwing inaasar kaming dalawa. Ayaw niyang nag-uusap kami sa harap ng mga kaibigan niya o ng kahit sino man ngunit napakadaldal naman niya sa tuwing nagtetextan kami. Kinikilig naman ako sa bawat reply niya. Lalo pa kaming nagkalapit ni Jerick nang malaman niyang matataas pala ang nakuha ko sa Math 11 exams at exempted sa finals kung saan naman siya ay nanganganib na bumagsak. Nakiusap siya sa akin na tulungan ko siya sa pagrereview at sagutan ang mga sample problems. Gusto niyang mag-aral hanggang umaga bago ang araw ng final exam. “Overnight ba ito? Matutulog ako sa bahay mo?” Hindi na nga ako nagpadalus-dalos pa. Go kung go, pak na pak! Ganoon pala ang feeling kapag ginagawan mo ng favor ang man of your dreams. Pinilit kong maging magaling sa paningin niya at talaga namang performance level ang pagtutor ko sa kanya ng algebra. Ipinagtimpla ko pa siya ng gatas at ipinagluto ng pancit canton at itlog bago mag-exam kinaumagahan. Misis na misis ang feeling ko noon. Pakiramdam ko’y kami’y bagong kasal at wala akong ibang dapat isipin kundi ang siya ay alagaan. Mataas ang nakuha ni Jerick sa exam na iyon at malaki ang pasasalamat niya sa akin. Katunayan pa nga’y inilibre niya ako ng dinner sa isang mamahaling restaurant. Kinilig ako nang todo at feeling ko ako si Anne Curtis sa ganda. Di pa diyan natigil ang kagandahan ko. Inilabas niya ang isang kahon at nang buksan ko’y, Diyos ko po, tsokolate. Halos maiyak ako. Pakiramdam ko’y ako’y isang babae – babaeng umaapaw sa alindog. Bago tuluyang matapos ang semestre, nagkautang sa akin si Jerick ng hindi naman ganoon kalaking halaga. Nawalan kasi siya ng wallet. Isang araw, nag-inuman kami ng best friends kong babae. Medyo nakainom ako. Tinext ko si Jerick, out of the blue, ng “Jerick Jerick Jerick.” Non-sense lang. Ang reply niya, “Paolo Paolo Paolo.” Non-sense lang din, pero biglang nag tugs tugs tugs ang puso ko. Hindi ko rin alam kung bakit pero sinabi kong, “Jerick, alam mo ba na irresistible ka?” “Haha. Anong sinasabi mo?,” ang sagot niya. “Ah basta nakakainis ka, Jerick.” Tinanong niya kung bakit at sabi ko kasi hindi niya ako pinapansin tuwing nakikita sa school. Idineny niya ito at sinabing, “…heto pa nga’t yayayain kitang manood ng Inception.” Oh my God! Totoo ba ito? Niyaya niya akong manood ng sine? Pakiramdam ko pwede ko nang tirintasin ang buhok ko sa sobrang haba. Nagbasa muna ako ng movie review ng Inception bago makipagkita kay Jerick sa araw ng panonood namin. May hinala kasi akong hindi ko maiintindihan ang pelikula at baka magtanung-tanong siya sa akin ng tungkol dito. Nakapula noon ang gwapong-gwapong si Jerick. Madalas ko siyang makita ngunit parang palaging surprise sa tuwing masisilayan ko ang itsura niya. Nagulat kaming pareho nang malaman naming kahapon pala ang last showing ng Inception. Nagdesisyon kaming Salt na lang ang panoorin. Siya ang nagbayad ng ticket namin sa sinehan. Pero sandali lang, nasabi ko bang napagkasunduan namin na ibabawas iyon sa utang niya sa akin? Natapos ang pelikula ngunit hindi ko ito naintidihan. Halos nagkwentuhan lang kasi kami ni Jerick sa loob. Habang nanonood, may panahong natatahimik ako at ninanamnam ang mga sandaling magkadapo ang mga braso namin, ang mga sandaling nagsheshare kami sa iisang popcorn, ang mga sandaling nanonood ako ng sine kasama ang mahal ko. Feeling ko akin lang siya. Feeling ko boyfriend ko siya. Feeling ko mahal niya rin ako. Pero natapos na nga ang pelikula. Hindi na naulit pang muli iyon, maging ang dinner date. Hindi na ako nakatanggap ng tsokolate, kahit cloud 9 man lang. Nagtext siya sa akin minsan, pero missent lang. Nalaman ko na lamang mula sa mga kabarkada niya na iniiwasan na pala niya ako. Hindi nila sinabi kung bakit. Akala ko gusto rin ako ni Jerick, feeling ko lang pala iyon.