Banta Sa Kinabukasan: Kalusugan Ng Kasanggulan at Kabataan Sa Lungsod Maynila
In:
Submitted By adreario Words 7492 Pages 30
Banta sa kinabukasan: Kalusugan ng kasanggulan at kabataan sa Lungsod Maynila
Iniharap ni
Antonio Domingo R. Reario III
Komunikasyon II TFG2
Kay Rosemarie Roque (Instruktor)
8 Hunyo 2015
Unibersidad ng Pilipinas-Manila
Kalye Padre Faura, Ermita, Manila
Banta sa kinabukasan: Kalusugan ng kasanggulan at kabataan sa Lungsod Maynila
Ang malnutrisyon
Ang malnutrisyon ay isang seryosong problemang pampublikong kalusugang naka-ugnay sa malaking pagtaas ng panganib na mamatay at magkasakit (Blossner & de Onis, 2005). Karagdaran pa rito, ito ay nakaaapekto na sa daang at milyong buntis na ina at bata (Müller & Krawinkel, 2005).
Layunin ng pananaliksik na itong malaman ang estado ng malnutrisyon ng mga batang 0-71 buwang gulang sa Lungsod Maynila. Maliban pa rito, susuriin ng papel na ito ang mga posibleng paliwanag, dahilan, at solusyon sa problemang tinatalakay. Ang pananaliksik na ito ay makatutulong sa lahat ng mga magulang at balak maging magulang.
Ang nutrisyon ay may tatak na impluwensiya sa paglaki, lalo na sa mga unang taon ng buhay (Koletzko, 2008). Ibigsabihin nito ay makikita sa pagtanda ng isang tao kung naging tama, labis, o kulang ang nutrisyong nakuha nito noong siya ay bata pa lamang. Ayon kay Cunningham (n.d.), nangyayari ang malnutrisyon kapag ang kinakain ng isang tao ay hindi akma sa kailangan nitong mga nutrient upang mapanatiling malusog ang katawan. Nangyayari ang pagiging kulang sa nutrisyon kung ang kinakain ng isang tao ay kulang sa kailangan nitong mahahalagang nutrient o kaloriya upang mapanatiling malusog ang katawan. Samantalang nangyayari naman ang pagiging sobra sa nutrisyon kung ang kinakain ng isang tao ay higit sa kailangan nitong mahahalagang nutrient o kaloriya upang mapanatiling malusog ang katawan.
Pinakaimportante ang nutrisyon sa kasanggulan at kabataan dahil dito nagaganap ang mabilis na paglaki at pagdebelop (Koletzko, 2008). Kapag hindi nabigyan ng importansiya, maaaring humantong ito sa pagtigil ng paglaki (stunted growth) (World Health Organization, 2014). Ang pagkaroroon ng mababang tangkad ay hindi lamang nakaugnay sa genes ng isang tao ngunit sa nutrisyon simula kasanggulan at kabataan din. Maaari ding mabawasan ang Intelligence Quotient (IQ) points ng bata kung siya ay nakaranas ng malnutrisyon sa kasanggulan o kabataan (Waber et al., 2013). Ibigsabihin nito ay maaaring mabawasan ang likas na talino ng isang bata dahil sa malnutrisyon. Kapag ganito ang nangyari, hindi na maibabalik pa ang nabawas na tangkad at IQ points.
Maraming paraan upang malaman kung hindi sapat ang nutrisyong nakukuha ng isang sanggol o bata. Ang pangunahing ginagamit dito sa Pilipinas ay ang taas at timbang. Ginagamit ang impormasyong anthropometric upang malaman ang estado ng nutrisyon ng isang bata. Ikinokopmara ang datos ng isang bata sa isang reperensiyang pamantayan at mula roon ay malalaman kung sapat o mali ang nutrisyong nakukuha (World Food Programme & Centers for Disease Control and Prevention, 2005). Ayon sa World Health Organization (WHO) & United Nations Children’s Fund (UNCF) (2009) mayroong pamantayang itinakda ang WHO para sa regular na timbang para sa tangkad at ang mga paglihis dito ay nagpapahiwatig ng hindi tamang nutrisyong nakukuha.
Malnutrisyon ng mga bata sa Lungsod Maynila Tumataas ang bilang ng mga batang 0-71 buwang gulang na hindi malusog sa Lungsod Maynila. Noong taong 2014, mayroong 3.91% ng mga bata sa Lungsod Maynila ang kulang sa timbang at 1.1% naman ang labis ang timbang (National Nutrition Council – National Capital Region, 2014). Kung ikokompara sa huling tatlong taon, lumalala ang kalagayan ng nutrisyon ng mga bata sa Lungsod Maynila. Noong 2011 mayroong 3.36% na kulang sa timbang at 0.91% na sobra (National Nutrition Council, 2011). Sa taong 2012 naman ay mayroong 3.67% na kulang sa timbang at 0.96% na sobra (National Nutrition Council, 2012). Para sa taong 2013 naman mayroong 3.84% na kulang sa timbang at 0.84% na sobra (National Nutrition Council – National Capital Region, 2013).
Kapansin-pansing konsistent ang pagtaas ng mga kulang at labis sa timbang na mga batang 0-71 buwang gulang sa Lungsod Maynila. Bagama’t hindi kataasan ang porsiyento ng mga kulang at labis sa timbang na mga bata sa Lungsod Maynila, hindi parin wastong hindi ito pansinin lalo pa na tuluyang tumataas ang bilang. Bukod pa rito, ang Lungsod Maynila rin ang pangalawa sa pinakamalaking lungsod sa National Capital Region (NCR) kaya mataas din ang bilang ng maliit na porsiyento.
Kung ikokompara ang porsiyento ng kulang sa nutrisyon ng mga lungsod sa buong NCR, makikita ring tumataas ang ranggo ng Lungsod Maynila. Mula taong 2011 na panglima ang Lungsod Maynila, naging pang-anim, pang-apat, at pangatlo ito sa taong 2012-2014. Sa labis na nutrisyon naman, mula sa pagiging pang-12 sa taong 2011, naging pang-10, pang-11, at pang-10 muli ang Lungsod Maynila. Mayroong mga salik na hindi nakokontrol na nakaaapekto sa paglaganap ng malnutrisyon at nangunguna rito ang pagsalanta ng mga bagyo (E. Federizo, personal na komunikasyon, 13 Abril 2015). Mayroong mga walo o siyam na bagyong dumadaan sa lupa ng Pilipinas bawat taon at mga 10 naman sa mga tubig nito (Brown, 11 November 2013). Sa kalimitan ng bagyong dumarating sa ating bansa, hindi naiiwasang marami ang nasasalanta lalo kapag malakas ito. Ayon din kay Brown (11 November 2013), ang pinakamahal na bagyong tumama sa Pilipinas ay puminsala ng halos 1 bilyong dolyar. Bukod sa perang nawawala sa ating bansa dahil sa mga imprastrukturang nasisira, tiyak na mas mahirap paring pagdaanan ang pagharap sa realidad na may mga maaaring mamatay. Dahil sa kawalan ng mga bahay at buhay sa ganitong sitwasyon, hindi naiiwasang kulangin sa pansin ang nutrisyon ng mga pamilya. Dahil mahirap ang paghahanap ng bagong matitirhan at hanapbuhay ng mga magulang upang makaahon sa hirap, maaaring hindi mabigyan ng pansin ang nutrisyon ng mga anak.
Ang ating gobyerno, partikular ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiyang nagtataguyod ng nutrisyon, ay nagpapatupad ng mga programa at adbokasiyang naglalayong bawasan ang malnutrisyon.
Isa sa mga batas na ginawa ng gobyerno upang mas mapatibay ang pagpapasuso ng ina sa anak nito ay ang Executive Order 51 (EO 51) o Milk Code (E. Federizo, personal na komunikasyon, 13 Abril 2015). Ito ang batas na tumitiyak sa kaligtasan at kasapatan ng nutrisyon sa mga sanggol sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pagpapasuso at pagaareglo ng mga artipisyal na pormula ng gatas (“About Executive Order no. 51”, n.d.). Sa batas na ito, hindi maaaring ipatangkilik ng mga kompanyang nagbebenta ng mga artipisyal na pormula ng gatas ang kanilang produkto sa mga ina o ipamigay nang libre.
Isa pa sa mga batas na sinabi ni Ginang Federizo (personal na komunikasyon, 13 Abril 2015) ay ang Republic Act 10028 na naghihikayat sa mga opisina na magtayo ng estasyong puwede magpasuso o magimbak ng gatas ang ina. Ang Republic Act no. 10028, o mas kilala bilang Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009, ay ang batas na nagtataguyod sa pagpapasuso at pagkaroroon ng mga silid sa mga gusali, opisina, atbp. na lumilikha ng kapaligirang naghihikayat sa pagsasanay ng pagpapasuso (Villanueva, 24 Marso 2010). Ito ay ipinatupad upang kahit wala sa bahay ay may lugar na maaaring makapasuso at maka-imbak ng gatas ang mga ina na puwedeng ipainom sa mga bata.
Isa sa mga programa ng National Nutrition Council (NNC) na nabanggit ni Ginang Federizo (personal na komunikasyon, 13 Abril 2015) ay ang Operation Timbang Plus. Ayon kay Ginang Reario (personal na komunikasyon, 1 Hunyo 2015, para. 1): “Ang Operation Timbang Plus o OPT Plus ay [ang] taunang pagtitimbang ng lahat ng bata 0-71 buwan o mga batang kulang sa 7 taon sa isang pamayanan upang matukoy at malaman ang malnoris o kulang sa timbang na mga bata.” Kung wala ang programang ito, walang impormasyon o datos na magagamit upang malaman kung umuunlad ba ang estado ng nutrisyon sa isang lugar sa Pilipinas. Importante rin ito dahil dito nalalaman ang mga lugar na may mataas na malnutrisyon na kailangang mas bigyan ng pansin upang maagapan agad.
Isa pa sa mga programa ay ang peer counseling ng NNC (E. Federizo, personal na komunikasyon, 13 Abril 2015). Ayon muli kay Ginang Reario (personal na komunikasyon, 1 Hunyo 2015, para. 4): “Ang breastfeeding peer counsellor program ay isang programa na [kung saan] ang isang ina [ay] ang tumutulong sa kapwa ina. Ang mga peer counselor ay mga kababaihan na matagumpay na nakapagpasuso at nais na tumulong sa ibang kababaihan sa kanilang baranggay o pamayanan.” Sa ganitong paraan, nagkaroroon ng tagapayo ang mga bagong ina sa mga tamang paraan ng pagpapasuso at sa pagpapalaki ng kanilang mga sanggol.
Responsibilidad ng magulang sa nutrisyon ng sanggol o bata
Responsibilidad ng mga magulang o tagapangalaga ng mga bata ang kanilang pagkain at pisikal na gawain upang sila ay magkaroon ng malusog na pamumuhay (More, 2013; E. Federizo, personal na komunikasyon, 13 Abril 2015). Dahil dito, masasabing nasa kamay ng mga magulang kung magiging kulang, sapat, o sobra ang nutrisyong makukuha ng kanilang mga sanggol. Simula sa desisyon na maging buntis at sa pagbubuntis pa lamang ng ina ay nakaaapekto na ito sa sanggol. Una, importante ang kinakain ng inang nagdadalang-tao dahil ipinapasa niya lamang ang kaniyang nutrisyon sa kaniyang dinadalang anak (More, 2013). Ang tanging paraan ng pagpasa ng nutrisyon sa isang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ng ina ay mula sa placenta. Doon ay dumadaloy ang mga nutriyent mula sa ina papunta sa sanggol kaya mayroong mga pagkain na mainam kainin ng isang buntis at mayroon din mga kailangan iwasan.
Ikalawa, ayon kina Leddy, Power, & Schulkin (2008), tumataas ang panganib sa pagdadalang-tao kung ang ina ay labis ang timbang dahil maaari itong magdebelop ng mga karamdamang posibleng magdulot ng komplikasyong nangyayari lamang kapag buntis. Maaaring magkaroon ng mga komplikasyon o mga sakit na gestational; halimbawa nito ay ang gestational diabetes. Ito ay maaaring magdulot ng kapanganakan ng patay o stillbirth. Maaari ding magdulot ng sakit sa puso o hypertension sa mga labis ang timbang na ina at maaari din itong maipasa sa kanilang dinadala.
Ang ikatlo at panghuli, maaaring magkaroon ng mga komplikasyon kung ang ina ay gumagamit ng droga, nagsisigarilyo, umiinom ng alak, o umiinom ng labis na kape bago siya mabuntis (Lassi, Imam, Dean, & Bhutta, 2014). Ang mataas na pag-inom ng may caffeine bago mabuntis ay nagpapataas ng panganib ng pagkawala ng dinadala. Ang madalas na pag-inom ng alak naman bagama’t hindi makabuluhan ay nagpapatas ng 30% sa posibleng biglaang pagkalaglag. Ang paninigarilyo naman ay nagpapataas din ng halos tatlong beses sa panganib na magkaroon ng congenital na depekto sa puso.
Ilang beses nang nabanggit ang pagpapasuso sa pananaliksik na ito. Halos lahat ng programa at adbokasiyang ipinatupad ng gobyerno at mga institusyon ay agresibong nagtataguyod ng pagpapasuso. Ito ay dahil pagpapasuso ang inirerekomendang paraan ng pagpapakain sa lahat ng sanggol (Samour, 2013).
Ang gatas ng ina ay mayroong mga salik na angkop para sa mga nutrisyonal na pangangailangan ng isang sanggol na hindi makukuha kahit saan pa. Ang gatas na mula sa ina ay nagbabago-bago depende sa tao, yugto ng paggagatas, oras sa araw, oras sa pagpapakain, at karaniwang kinakain ng ina (Samour, 2013). Ang gatas ng ina ay gawa para sa mga tao mismo at ito ay nagpabago-bago at umangkop na kasabay ng panahon upang matugunan ang nagbabago-bago ring mga nutrisyonal na pangangailangan ng isang sanggol para sa paglaki, pagdebelop, at pagkabuhay nito (Jones & King, 2005). Hindi lamang sustansiya ang dala ng gatas na mula sa ina dahil may kasama rin itong mga hormon, mga salik na nakaaapekto sa paglaki ng sanggol, at mga compound na nakatutulong sa kaligtasan mula sa sakit (Koletzko, 2008).
Higit na lamang ang mga benepisyo ng pagpapasuso kaysa sa mga madalang na kapinsalaanan nito gaya ng nasasama sa gatas ng ina ang drogang kaniyang ginamit (Jones & King, 2005). Dahil nanggagaling sa ina ang gatas na pinapainom sa sanggol nito, maaaring makamasama kung may ginamit man ang ina na droga. Wala pang formula milk ang may sangkap na nagbibigay ng kaligtasan mula sa mga sakit para sa mga sanggol (Jones & King, 2005). Kaya siguro ang gatas na mula sa ina rin ay ang inirerekomendang tanging panggagalingan ng nutrisyon ng mga sanggol na apat hanggang anim na buwang gulang. Sa ika-anim na buwan, maaari nang simulang magpakain ng medyo matitigas na pagkain habang pinapasuso parin hanggang 9-12 buwan (Koletzko, 2008).
Ang pinakamalaking panganib para sa mga labis ang timbang sa kasanggulan o kabataan ay ang pagkakaroon ng magulang na labis din ang timbang (Samour, 2013). Ito ay dahil tumataas din ang posibilidad na labis ang napapakain sa sanggol o bata na hindi namamalayan ng magulang. Ang paghadlang sa labis na katabaan ay nagsisimula sa pagpapakain habang sanggol pa lamang. Ang mga sanggol ay may mga senyas na naghihiwatig na sila ay busog na at sa mga ganitong oras ay dapat itinitigil na ang pagpakain (Marotz, 2012). Mula sa sipi ni More (2013), mas napapakain nang higit sa kailangan ang sanggol kapag galing ito sa chupon kaysa sa pagpapasuso ngunit marami paring ibang salik ang nakaaapekto sa labis na katabaan (Hediger et al. 2001, Clifford 2003). Mas natututo ang sanggol na kusang malaman kung busog na ito kapag pinapasuso habang bata pa lamang kung ikukumpara ito sa pagpapainom mula sa bote ng formula milk dahil mayroon itong dami na maaring hindi angkop sa bata at hindi minsan masigasig ang mga magulang sa pagtuklas ng mga senyas sa pagkain (Samour, 2013).
Ngunit kahit sa pagsisikap ng gobyerno at ng mga ahensiya sa paglutas ng malnutrisyon ng mga bata, maraming mga salik na nakaaapekto sa mga pamilya ang nakaaapekto rin sa nutrisyon ng mga bata.
Isa sa maaaring dahilan ng malnutrisyon ng kabataan ay ang kakulangan sa kaalaman ng mga magulang sa tamang nutrisyon at pangangalaga sa mga bata maging sa mga oportunidad na makatutulong sa kanila. Halimbawa na lamang ay ang hindi pagdala ng mga magulang sa mga sentrong pangkalusugan ng kanilang mga anak kahit libre ito. Maaari ding apektado ng ekonomiya ang estado ng mga mag-anak kaya nahihirapan pagkasyahin ang kita sa iba’t ibang pangangailangan (E. Federizo, personal na komunikasyon, 13 Abril 2015).
Matatamasa lamang ang ninanais na lipunang walang malnutrisyon sa kolektibong pagsisikap ng lahat ng ahensiya, kahit hindi direktang kaugnay ng kalusugan. Kailangan ang lahat ng ahensiya upang tumulong sa paglutas ng problema ng malnutrisyon. Ayon nga kay Ginang Federizo (personal na komunikasyon, 13 Abril 2014, para. 20): “Kasi ang malnutrisyon hindi kaya solusyonan ng iisang ahensiya eh. Kailangan katuwang natin [NNC at mga sektor na naglalayong solusyonan ang malnutrisyon] ang iba’t ibang sektor. Di lang gobyerno pati dapat yung nasa pribadong sektor. At saka tayo bilang indibiduwal, kailangang maki-alam [akin ang salin].”
Lahat ng bata ay kailangan ng tamang edukasyon kahit sa kanilang murang edad tungkol sa kalusugan. Sa paaralan din madalas ang mga bata kaya mainam maumpisahan na ang aktibong pamumuhay roon pa lamang. Kailangan din ng pakikipagtulungan sa mga ahensiyang tumutugon sa mga sakuna upang maagapan ang mga hindi inaasahang pangyayaring nakaaapekto rin sa kalusugan.
Ang malnutrisyon ay hindi isang sakit na madadaan sa mga pakain o mga gamot lamang; ito ay isang paraan ng pamumuhay na kailangang baguhin upang matamasa ang mahaba at makabuluhang buhay.
Maaari pang mapabuti ang pananaliksik na ito. Maaaring makapunta pa sa mga sentrong pangkalusugan ng mga baranggay upang magkaroon ng mas espesipikong pananaw tungkol sa problema mula sa mga lokal na manggagawang kalusugan o mga nanay mismo.
Listahan ng sanggunian:
About executive order no. 51. (n.d.). Milk code executive order no. 51. Retrieved from http://www .milkcodephilippines.org/abouteo51.php
Blossner, M., & de Onis, M. (2005). Malnutrition: Quantifying the health impact at national and local levels. Retrieved from http://www.who.int/quantifying _ehimpacts/publications /MalnutritionEBD12.pdf?ua=1
Brown, S. (2013, November 11). The Philippines is the most storm-exposed country on earth. Time. Retrieved from http://world.time.com/2013/11/11/the-philippines-is-the-most
-storm-exposed-country-on-earth/
Cunningham, M. (n.d.). Malnutrition: Causes of over-nutrition and under-nutrition & most affected regions [lesson transcript]. Retrieved from http://study.com /academy/lesson/malnutrition-causes -of-over-nutrition-and-under-nutrition-most
-affected-regions.html
Jones, E., & King, C. (Eds.). (2005). Feeding and nutrition in the preterm infant. London, UK: Elsevier Churchill Livingstone.
Koletzko, B. (Ed.). (2008). Pediatric nutrition in practice. Basel, SE: S. Karger AG.
Lassi, Z., Imam, A., Dean, S., & Bhutta, Z. (2014). Preconception care: Caffeine, smoking, alcohol, drugs and other environmental chemical/radiation exposure. Reproductive Health, 11(Suppl 3): S6. doi:10.1186/1742-4755-11-S3-S6
Leddy, M., Power, M., & Schulkin, J. (2008). The impact of maternal obesity on maternal and fetal health. Reviews in Obstetrics and Gynecology, 1(4), 170–178. Retrieved from http://www .ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2621047/
Marotz, L. (2012). Health, safety, and nutrition for the young child (8th ed.). Boston, MA: Wadsworth Cengage Learning.
More, J. (2013). Infant, child, and adolescent nutrition a practical handbook. London, UK: Taylor and Francis Group.
Müller, O., & Krawinkel, M. (2005). Malnutrition and health in developing countries. Retrieved from http://files.givewell.org/files/DWDA%202009/Interventions /Muller%20and%20Krawinkel .%20005. %20Malnutrition%20and%20health %20in%20developing %20countries.pdf
National Nutrition Council – National Capital Region. (2013). Regional consolidation sheet of Operation Timbang Plus results. Unpublished raw data.
National Nutrition Council – National Capital Region. (2014). Regional consolidation sheet of Operation Timbang Plus results. Unpublished raw data.
National Nutrition Council. (2011). 2011 OPT result [Data file]. Retrieved from http://nnc.gov.ph/opt-results
National Nutrition Council. (2012). 2012 OPT result all areas [Data file]. Retrieved from http://nnc.gov.ph/opt-results
Samour, P.Q., & King, K. (Eds.). (2013). Essentials of pediatric nutrition. Burlington, MA: Jones & Bartlett Learning, LLC.
Villanueva, M. (2010, March 24). GMA signs expanded breastfeeding act. The Philippine Star. http://www.philstar.com
Waber, D., Bryce, C., Girard, J., Zichlin, M., Fitzmaurice, G., & Galler, J. (2013). Impaired IQ and academic skills in adults who experienced moderate to severe infantile malnutrition: A forty-year study. Nutritional Neuroscience, 17(2), 58-64. doi: 10.1179/1476830513Y .0000000061
World Food Programme & Centers for Disease Control and Prevention. (2005). A Manual: Measuring and Interpreting Malnutrition and Mortality. Retrieved from http://www.unhcr.org/45f6abc92.pdf
World Health Organizaiton & United Nations Children’s Fund. (2009). WHO child growth standards and the identification of severe acute malnutrition in infants and children. Geneva, CH: WHO Press.
World Health Organization. (2014). Global nutrition targets 2025: Stunting policy brief. Retrieved from http://www.who.int/nutrition/publications/globaltargets2025 _policybrief_stunting/en/
Apendise A
Transkripsiyon ng aking panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo, ang Nutrition Program Coordinator ngNational Nutrition Council – National Capital Region
Tungkol sa malnutrisyon ng mga batang 0-71 buwang gulang sa Lungsod Maynila
13 Abril 2015, Lungsod Mandaluyong Anton: So magandang umaga po ginang Federiza. Salamat po ulit sa pagpapaunlak sa isang panayam kasama kayo kasi po makakatulong po ito sa pagsusulat ko ng aking term paper so ah simula na po tayo?
Ginang Federiza: Sige magandang umaga rin sa ‘yo Anton.
Anton: Magandang umaga po! Unang una po kumusta po yung kalagayan ng malnutrisyon sa Lungsod Maynila?
Ginang Federiza: Okay so pag sinabi nating malnutrisyon hindi lang ito tungkol sa kakulangan ano ang sinasabi nating underweight o mababang timbang kasama rin dito yung tinatawag nating overnutrition or yung sobra ang timbang. Ngayon simulan muna natin sa pag-alam kung ano ang sitwasyon sa pagdating sa kakulang sa nutrisyon meaning yung mga batang kulang sa timbang. So meron kaming datos ang Operation Timbang results. So pag sinabi nating Operation Timbang ito ay ginagawa taon-taon sa lahat ng barangay sa buong Pilipinas. So ang meron kaming data sa ngayon based sa 2014 that is the latest na Operation Timbang results plus kaya siya tinawag na plus kasi bukod sa timbang sinusukat narin ang taas ng mga bata ngayon. Okay so yung babalik ako sa katanungan mo tungkol sa kung ano kalagayan ng malnutrisyon ng Lungsod ng Maynila batay sa datos ng resulta ng Operation Timbang pagdating sa mga batang 0-6 years old o 0-71 months sa Manila mayroong kabuuang 3.91% ng mga batang natimbang ang kulang sa timbang or mga payat so 3.91%. Ngayon kung ikukumpara natin ito sa 2013 hanggang 2012 para makita natin yung trend, medyo tumaas no kasi noong 2012 ang malnutrition rate ng Manila kung irarank natin siya sa 17 cities o lungsod at saka nag-iisang bayan ng Metro Manila which is Pateros number 6 sila noon noong 2012 in terms of underweight. Tapos noong 2013 naging number 4. Tapos noong 2014 last year ito yung latest, number 3. Makikita natin na tumataas ang kanilang ranking in terms of prevalence ng undernutrition.
Ngayon kung titingnan natin ang porsiyente (Hinahalungkat sa mga papel ang datos). Kasi hiwa-hiwalay yung data natin (Anton: Ay okay lang po sige lang) Okay lang yun (Anton: Opo) Ms. Tesa? Ay may kausap (Anton: Okay lang po sige lang) underweight. Kung titingnan natin kasi yung prevalence ng Manila, noong 2014 3.91% ano? Noong 2013 3.84, so kita nating tumataas. So kung based dun sa prevalence rate, makikita natin hindi maganda. Kasi imbes na lumiit yung porsiyento ng mga batang mababa ang timbang, tumataas pa siya. Although yung increment niya hindi masasabing masyado malaki, still the trend is increasing so hindi siya maganda.
Kung itatanong mo naman sa akin ang overnutrition, the other side of malnutrition, noong 2014 in terms of overweight, ang Manila nasa ano siya rank 10 among the 17 LGUs with a prevalence rate of 1.10%. Dati siyang rank 11 noong 2013 then rank 10 noong 2012. Kung titingnan natin sa percentage, ang Manila noong 2014 is 1.1% ano? (Anton: Opo) Noong 2013, 0.84%. (Anton: So bumababa po?) Makikita nating tumataas ang undernutrition at overnutrition. So makikita natin na ang kalagayang nutrisyon ng mga bata sa Manila hindi maganda kasi merong mga batang payat, kulang sa timbang meron ding matataba o sobra sa timbang.
Anton: Pero ano po yung mas problema yung pagkaroon ng kulang ang timbang o ang pagkakaroon ng labis na timbang?
Ginang Federiza: So based dun sa data na nakita natin, kasi 3.91% ang underweight eh ang yung overweight is 1.1% so makikita natin na problema talaga natin yung mg payat o mababa ang kanilang timbang. Yung hindi angkop yung kanilang timbang sa kanilang edad.
Anton: Ano po kaya yung mga posibleng salik o factors na nakakaapekto dun po sa pagkakaroon nila ng kulang sa timbang pati yung pagiging sobrang lusog?
Ginang Federiza: Kung titingnan natin, kasi dalawang mukha yan ng malnutrisyon no so kapag naman ang bata ay payat or mababa ang kanyang timbang ibigsabihin dalawa kasi ang pangunahing dahil: Una, hindi sapat yung pagkain. So ibigsabihin kulang yung sustansiyang pumapasok sa kanyang katawan. Pangalawang pangunahing dahilan yung ang malimit na pagkakasakit. So yung infection. Kapag may infection, wala kang ganang kumain. So pag wala kang ganang kumain, magkukulang ka sa sustansiya, mas lalo kang magkakaroon ng sakit. So yung malnutrisyon at saka infection ay ano siya eh may synergistic relationship. Bukod dun, syempre kung tatanungin natin bakit nagkukulang sa pagkain. So una, maaaring ang paraan ng pagpapakain ng ina ay hindi tama no lalo na sa mga sanggol kapag hindi siya pinasuso ng gatas ng ina at nagdedepende sa mga formula milk alam naman natin sa hirap ng buhay eh napakamahal ng formula milk, ang nangyayari is ang mga nanay ay pinapalitan yung formula milk ng am o masyadong dina-dilute yung formula so nagkukulang sa sustansiya so talagang pinopromote natin is breastfeeding. Oo. Kapag ang bata hindi pinasuso ng gatas ng ina bumababa yung kanilang resistance against infection. So sila ang mas prone na magkaroon ng sakit at saka maging malnourished at an early age ha at an early age. Dun naman sa mga 6 months na mga bata pataas maaaring mali na yung iniintroduce na pagkain. So it’s either kulang no o hindi tama yung uri ng pinapakain sa kanila ng ina nila or yung caregiver. So basically pag kulang ka sa pagkain nagkukulang ka sa sustansiya. So doon nagsisimula yung malnutrition. Kung tatanungin natin bakit mali yung pagpapakain? Maaaring isa sa mga dahilan ay yung kulang ng kaalaman sa tamang nutrisyon, tamang pag-aalaga kasi yung child care, improper child care is a very important factor for child growth and development. So kung hindi tama yung pangangalaga ng magulang, hindi maganda ang kalusugan ng bata. Bakit nagkukulang ang pagkain? Maaaring kulang sila sa pambili. Bakit kulang sa pambili ng pagkain? Mababa ang kita? Or walang trabaho? Or wala silang ibang mapagkunan ng pagkain kasi wala naman silang tanim sa kanilang bakuran. Or affected sila ng economics. Mahal ang mga bilihin. Uhm ano pa? Yun. Kakulangan ng kabuhayan. Maling prayoridad sa pagbibigay ng pangangalaga sa bata kasi merong mga pamilya na hindi binibigyan ng pagpapahalaga yung kalusugan ng pamilya. Yung mga buntis na hindi agad pumupunta sa health center para magpakonsulta. O kaya naman libre naman ang bakuna, pero hindi pinapabakunahan ang kanilang mga sanggol. So mas nagiging prone sila sa mga sakit na maaaring mauwi sa malnutrisyon. Yung regular na pagpapatimbang, may mga ina o mga magulang na hindi naiintindihan na mahalagang mamonitor ang timbang ng kanilang mga anak. Kasi syempre yung timbang isang paraan para malaman kung lumalaki ba ng tama ang kanilang anak. So mga ganun yung pagpapahalaga yung pagbibigay ng values no, na isa sa mga factor kung bakit nauuwi sa malnutrisyon ang bata. Marami no ang malnutrisyon kasi masalimuot eh hindi mo ma pinpoint what exactly is the cause. (Anton: Kung ano po yung sanhi) Pero yung ayaw natin nag awing dahilan ay ang kahirapan. Kasi madalas although alam naman natin talaga na ang kahirapan ang pinag-uugatan pero it doesn’t give you a reason or an excuse na sabihin mong mahirap ako kaya ang anak ko ay malnourished. So kung mahirap ka, kailangan the more na alamin mo kung pano maibibigay mo sa iyong anak ang tamang pangangalaga at tamang nutrisyon para maisalba mo ang iyong anak sa malnutrisyon.
Anton: Ihabol ko narin po sa mga sinabi ninyo, sa sinapupunan palang po ba ng nanay importante na po ba na alam nila yung mga kailangan po nilang kainin para sa pagpapanganak po nila ay may koneksyon po ba iyon para maging malusog kapag nag dadalangtao palang po sila?
Ginang Federiza: Maganda yung tanong mo no kasi ang kalusugan ng isang sanggol nakadepende yan sa kalusugan ng ina bago pa man siya magbuntis. Kaya dapat ang mga ina na nasa reproductive age, inaalagaan sila in terms of their health and nutrition. Kasi napakalaki ng ano eh ng connection kaya nakafocus tayo sa sinasabi nating first 1000 days. Ito yung unang 1000 araw ng isang sanggol. Nakapaloob dun sa first 1000 days yung kalusugan ng baby during the time of conception. So pinagbubuntis palang siya ng ina niya, nagsisimula na yung dapat pagbibigay ng tamang pangangalaga para masigurong healthy si mommy para healthy yung baby. So importante yung maternal care, yung maternal nutrition. Make sure na healthy si mommy, nasa tama siyang antas ng nutrisyon, para masiguro yung paglaki ng kanyang baby sa kanyang sinapupunan healthy din. Kasi nakadepende yung sanggol sa sustansiyang nakukuha mula sa nanay eh. Ngayon pagkasilang naman ni baby, dapat masiguro na: Una, yung nanay mabigyan ng vitamin A supplement within the first month after giving birth. Bakit? Kasi yung vitamin A importante yun naman dun sa yung vitamin A ng kanyang milk at saka ng kanyang katawan. Okay. So dapat si baby during the first hour, unang oras, ano unang- within the first hour after maisilang, dapat masimulan na yung pagpapasuso niya. Mainitiate na siya sa breastfeeding. So dapat breastfeeding siya eksklusibo meaning no other fluid other than breastmilk. So breastfeeding from birth up to 6 months. And then after 6 months at the start of completed age of 6 months, aside from giving breastmilk, kailangan bigyan na siya ng karagdagang pagkain para kumpleto yung sustansiyang nakukuha niya from the breastmilk at saka sa iba pang pagkain habang tuloy tuloy na breastfeeding. So yung mga health services for a newborn or infant kailangan maibigay din- yung bakuna, yung weighing, yung micronutrient supplementation like iron etc. So bakit kailangan natin mag-invest sa nutrition ng bata during the first 1000 days? Kasi yun ang critical period in development eh. Yun yung window of opportunity na tinatawag na maibigay natin sa kanya yung tamang nutrisyon, pangangalaga, at pagmamahal para maisalba siya sa maaaring pagsisimula ng malnutrisyon. Kasi pag nangyari ang malnutrisyon during the first two years of life ng isang sanggol, maaaring ang consequences o mga bunga nito ay irreversible. Hindi mo na siya maibabalik pa. Yung nawalang IQ points sa kanya, hindi mo na maibabalik. Yung kanyang potential as a human being is greatly affected by poor nutrition.
Anton: So dapat po sa simula palang na pagkabata, sa pagkasilang po, dapat binibigyang pansin na po talaga yung ganun?
Ginang Federiza: Oo! At pinagbubuntis palang ay sinisimulan na siyang alagaan at siguraduhin na healthy siya by taking care of the mother during pregnancy.
Anton: Sinabi niyo rin po kanina yung sa pagpapasuso kung gaano siya kaimportante. Masasabi niyo rin po ba na isa rin sa mga rason kung bakit may mga malnourished sa Maynila dahil sa mga nanay din po hindi sila nagpapasuso o marami rin po kayong kumbaga parang mga programa narin po na nagpapadagdag po ng kaalaman sa exclusive breastfeeding nga pong sinabi ninyo?
Ginang Federiza: Okay so ang layunin talaga natin, lahat ng ina ay magpasuso ng kanyang sanggol. Pero sad to say, marami sa mga ina, hindi lang sa Manila ano sa siyudad o lungsod ng Manila may mga inang hindi nagpapasuso. I think all over the country, hindi pa natin namemeet yung tinatarget nating at least 70% ay talagang nagpapasuso. Kailangan talaga 100% pero sad to say hindi nangyayari yun. So tuloy-tuloy parin yung kampanya natin sa pagpopromote ng breastfeeding. Actually ang National Nutrition Council ay very aggressive in promoting breastfeeding. In fact nagkaroon tayo ng mga pagsasanay para sa mga nutrition enforcers(?) ng Lungsod ng Maynila at saka ng NCR din. At ginawa rin to sa mga ibang regions kung saan tinrain ang mga mother leaders, mga barangay nutrition scholars, health workers, mga health personnel, kung anong kaladangan(???) ng pagpapasuso, pano nila tutulugan yung mga nanay na iprepare themselves for breastfeeding at masustain yung breastfeeding so may mga training. Tapos organiza rin ng mga breastfeeding support groups. So yung ating mga breastfeeding support groups, kasama diyan yung tinatawag nating peer counselors. Peer meaning nanay to nanay. Mga nanay na natrain on breastfeeding, siya ngayon ang maghihikayat sa kapwa niya na ina na magpasuso sa pagsimula ng kanyang pagsilang ng sanggol so meron tayong tinatawag na breastfeeding support groups. So ang ginagawa ng nating breastfeeding support groups, buntis palang inaalam na sino yung mga buntis sa komunidad. Tapos binibigyan na yun ng counseling para maprepare ang kanilang sarili sa pagpapasuso once na magsilang ng sanggol. Pag nagsilang naman ng sanggol, sisiguraduhin nila na nainitiate or nasimulan yung pagpapasuso within the first hour after birth at magtuloy-tuloy ito no exclusive breastfeeding for the first 6 months. So iyon. Mahalaga yung role nila eh kasi alam mo maraming mga ina gusto talaga mag breastfeeding pero kulang sa kaalaman. Yung ating mga breastfeeding support group. Sila yung nagbibigay, nagpapalakas ng kumpiyansa sa sarili ng mga ina at nagbibigay ng knowledge and skills kung pano yung tamang pagpapasuso. Ah ano pa ba. Yung ating mga Local Government Units naggagawa rin ng mga batas or ordinansa in support of EO 51 yung tinatawag nating milk code. Sinusuportahan nila yung mga programa na nagpopromote ng breastfeeding. Ayun isa sa mga challenges ng ating mga ina na nagttrabaho ay yung pagkatapos ng kanilang maternity leave na 2 months and then they go back to work, kailangan nila ng support for breastfeeding. Like kailangan may breastfeeding station or breastfeeding room ang opisinang kanilang pinagttrabahuhan para meron silang pupuntahan para makapag-express ng kanilang milk. Meron dung refrigerator na pansamantala nilang ilalagak yung kanilang nakolektang gatas para yun naman ang kanilang dadalhin pag-uwi. So parang pinapasalubong nila kay baby. So kasi ang pagpapasuso kailangan tuloy tuloy para yung katawan ng ina patuloy parin siya maggawa ng gatas. Kasi once na tumigil ang nanay sa pagpapasuso, kusa siyang hihinto ang produksiyon ng gatas. So kailangan talaga masuportahan ang ating mga inang nagttrabaho. Yun ngayon ang nakapaloob dun sa batas na Republic Act 10028 yung Expanded Breastfeeding Promotion Act na kung saan hinihikayat ng ating mga workplaces to put up breastfeeding station, breastfeeding room, para sa mga ina na makapag-express ng kanilang milk.
Anton: Meron din po yan- yan din po ba yung nakikita natin sa mga malls? (Ginang Federiza: Malls, oo) under po yun nun? (Ginang Federiza: Yes) Ah okay po.
Anton: Dun sa ano po- Yun po yung mga programang ginagawa ng National Nutrition Council pati ng iba pong mga ahensiyang may pakialam po dito. Dun naman po sa ano-- dun po yung sa kulang sa nutrisyon po diba. Meron din po ba yung, ano naman po yung maaaring ginagawa para naman dun sa overweight? O hindi rin po siya masyado napapansin kasi mas importante po yung pagkakaroon ng… (tumatango na ang iniinterbyu naiintindihan na raw niya)
Ginang Federiza: Actually, yung tungkol naman patungkol sa overweight, ano na yan kinikilala na yan ng ating bansa na malaking problema. Hindi kasing laki ng mga payat, pero ang nakakaalarma is konsistent ang kanyang increase. Ibigsabihin ang kanyang trend ay increasing so that is alarming. Considering na ang overnutrition hindi na siya nakikita ngayon sa mga adults, nakikita narin siya even in young children. So alam natin ang overweight and obesity ay risk factor for non-communicable diseases. Now to answer your question, ano ba ang ginagawa ng ating pamahalaan, so in fact yung ating mga LGU katulad ng Lungsod ng Maynila, nagbibigay sila ng counseling para dun sa mga overweight individuals. Una , inaassess muna nila no. Dinedetermine kung overweight ba sila o obese. And then meron silang mga healthy lifestyle activities katulad ng zumba, mga exercise. And then yung ating mga partner agencies like DepEd yun unti-unti binabalik natin yung sa mga mag-aaral yung importansya ng pagiging physically active kasi ang ating mga kabataan ngayon sedentary yung lifestyle eh. Kasi ang mga laro nila is computer games (Anton: teknolohiya na po) oo, technology. So yun. And patuloy ang pagbibigay natin ng kaalaman tungkol sa ano ba yung masamang dulot ng pagiging overweight. So yun, ineemphasize natin na kailangan panatilihin tama yung timbang. Nakapaloob din yun sa ating 10 Kumainments eh if you are familiar with that. So andun yung gabay no sa tamang nutrisyon and then ang FNRI kasama rin syempre doon ang NNC, nagdevelop sila ng pinggang pinoy. So yung pinggang pinoy naman nandun yung ano ba yung tamang pagkain ng isang adult. Dapat sa isang kainan, kailangan nandun yung 3 grupo ng pagkain go, grow, glow. So dapat balance. Kasi syempre ang diet ng mga Pilipino ngayon hindi healthy kasi more on matataba, matatamis, maaalat, so nakaka-add yun dun sa problem natin na overweight, obesity kasunod dun yung mga sakit. Sakit sa puso, diabetis, hypertension.
Anton: Ano nalang po, sapat po ba yung ginagawa ng mga ahensiya na concerned dito para po mabawasan o malutas yung malnutrisyon?
Ginang Federiza: Kung titingnan natin yung dalawang mukha ng malnutrisyon, yung under at over nutrition, since nakikita natin na andiyan parin yung problema, maaaring sabihin nating hindi sapat kasi hindi parin natin siya tunay na ano na nareresolba eh nandiyan parin yung problema so ibigsabihin kulang pa, kailangan dagdagan pa, kailangan pagtulugan. Kasi ang malnutrisyon hindi kaya solusyonan ng iisang ahensiya eh. Kailangan katuwang natin ang iba’t ibang sektor. Di lang gobyerno no pati even yung nasa private sektor. At saka tayo as an individual, kailangang maki-alam.
Anton: Ah ano nalang po mga huling 2 tanong nalang po. Sa inyong palagay po ba maaaring magkaroon sa isang lugar ang isang lugar na walang malnutrisyon?
Ginang Federiza: Yun ang dream ng lahat ng Local Government Units I suppose no. Yung 0 malnutrition. Maaaring posibleng mangyari pero hanggang nandiyan ang problema ng kahirapan, problema ng kakulangan ng trabaho, problema ng polusyon, problema ng hindi balanse yung ating pangangalaga sa kalikasan, yung mga nangyayaring sakuna mga typhoon etc, hangga’t nandiyan yan mahirap sabihin na mawawala ang malnutrisyon eh. Kasi hangga’t merong kakulangan sa mga pagkain, hangga’t di natin nasusugpo ang mga impeksiyon, maaaring nandiyan at nandiyan ang problema ng malnutrition. Pero ang importante ay dapat meron tayong ginagawa na once meron tayong ma-identify na isang batang payat, wag nating hayaan na siya’y maging bansot. Kasi ibigsabihin pag naging bansot, hindi natin natugunan yung pangangailangan niya during the time na mababa yung kanyang timbang kasi hinayaan natin mag-progress yung kanyang pagiging underweight. Nauwi sa hindi na paglaki. (Anton: Ah yung stunting?) Oo yung stunting. So yun. Ang importante is hindi man natin mameet yung dream natin na 0 malnutrition, kasi kung titingnan natin ang nutrition landscape natin for many many many years, ang malnutrition sa Pilipinas andun padin eh. Parang hindi ganun siya drastic na nagbabago or naiimprove. So ibigsabihin we need to find ways on how to effectively address the problem. And I think we need to work together para maimprove yung socio-economic condition, yung health status, yung knowledge ng mga tao about importance of health, importance of nutrition, na kung ang malnutrition ay sanhi ng marami at samo’t saring dahilan, ang solution din dun ay samo’t sari rin.
Anton: So ano po kailangan po talaga collective efforts ng lahat ng – hindi lang po yung DOH, di lang po ng NNC, kundi lahat po talaga para ma-achieve po at marating/
Ginang Federiza: Saka idudugtong ko lang Anton no kasi (Anton: Sige po) marami kasi ang perspektibo ay dapat ang may ginagawa ay gobyerno. Kailangan gumawa ng mga programa pero nalilimutan natin na ang responsibilidad sa pangangalaga ng mga anak ay nasa magulang. Ang kalusugan ang nutrisyon ng pamilya nakasalalay yan sa mga magulang. So sila yung may pangunahing katungkulan na sikapin maging malusog ang kanilang pamilya. The government can only do so much. But it is the (Anton: Nasa pamilya) the family dapat sila yung magtaguyod ng sarili nilang kalusugan, gumawa sila ng paraan upang mapangalagaan ang kanilang health and nutrition. Kasi marami sa mga magulang andiyan na yung mga serbisyo, hindi pa siya nakikicooperate, hindi parin nila tinatangkilik yung mga prorama sa health center, or nandiyan na ang feeding program pero hindi dinadala yung anak, mga ganun.
Anton: Ay itanong ko narin po kasi nalagpasan ko kanina. Yung mga pasilidad po ng ng sating mga lokal na pamahalaan, yung mga baranggay po, meron po ba o matino rin po ba yung pasilidad?
Ginang Federiza: Yeees actually maganda na ngayon ang sitwasyon ng health services lalo na sa Metro Manila kasi kumpara sa ibang probinsya, ang Metro Manila mapalad kasi sa mga baranggay meron na tayong mga health centers eh. Hahakbang lang yung nanay o lalakad ng kaunti andiyan na yung health center. So abot kamay ang mga programa, mga serbisyo. Ngayon nasa sa kanila kung papaano nila ito i-aavail o pagpapahalagahan.
Anton: Masasabi po nating ginagawa naman po ng gobyerno lahat ng maaari at pwede po nitong gawin para malutas. Nasa mga magulang nalang din po talaga kung magpaparticipate po sila dun sa mga programa.
Ginang Federiza: Actually ginagawa naman talaga ng government, ng iba’t ibang mga sangay ng gobyerno, pati ng lokal na pamahalaan, ang city government ng Manila. But of course, yung adequacy, alam naman natin ang Metro Manila napaka ano, highly urbanized. Ang Manila ang problema ng migration ay malaki diba kasi come and go mga tao diyan eh. So yung populasyon, kapag malaki yung populasyon, malaki yung demand for services. So maaaring masasabi na natin na nandiyan ang mga programa, pero the programs and services may not always be enough.
Anton: Maraming salamat po ulit sa pagpapaunlak, at nakatulong po ito sa pagpapagawa po naming ng aming pananaliksik!
Ginang Federiza: Walang anuman, Anton. (Anton: Salamat po) Good luck sa ‘yo (Anton: Salamat po)
Apendise B
Kopya ng personal na komunikasyon (e-mail) kay Arlene R. Reario, Nutrition Program Coordinator Region V, tungkol sa dalawang programa ng National Nutrition Council noong 1 Hunyo 2015.
1. Ano ang operation timbang? Ano ang ginagawa rito? Paano ito ginagawa? Para saan ito?
Ang Operation Timbang Plus o OPT Plus ay taunang pagtitimbang ng lalhat ng bata 0-71 buwan o mga batang kulang sa 7 taon sa isang pamayanan upang matukoy at malaman ang malnoris o kulang sa timbang na mga bata. Ang mga impormasyon na nalalakap ay ginagamit upang makabuo ng isang lokal na plano na pang nutrisyon kasama na ang bilang ng mga malnoris na bata at alamin sino ang unang dapat bigyan ng tulong sa pamayanan.
Ito ang mga layunin ng OPT plus
1. matukoy ang lugar o bahay ng mga batang 0-71 buwan na kulang o lampas sa normal ang timbang;
2. matukoy sino ang mga batang kulang o sobra ang timbang at dapat na bigyan ng agarang tulong;
3. tukuyin sino ang mga batang hindi maayos ang paglaki sa madaling panahon;
4. hikayatin ang mga magulang o taga alaga sa mga bata na matimbang ng regular ang kanilang anak o bata;
5. tukuyin ang lugar and mga tao para sa lokal ng programang pang nutrisyon;
6. magbigay ng akmang serbisyong pangkalusugan at nutrisyon sa mga batang kulang sa timbang; at
7. alamin ang pagiging epektibo ng ng lokal na programang pangnutrisyon.
Ito ay ginagawa mula Enero hanggang Marso ng mga BNS o BHW sa bawat barangay sa buong bansa. Ang lokal na pamunuan ng kalusugan ng isang bayan ang namamahala nito kasama ang pinuno ng opisina ng nutrisyon.
2. Ano ang peer counseling? Ano ang ginagawa rito? Paano ito ginagawa? Para saan ito? Paano ito nakatutulong sa mga nanay sa pagtatangkilik ng pagpapasuso?
Ang breastfeeding peer counsellor program ay isang programa na ang isang ina ang tumutulong sa kapwa ina. Ang mga peer counselor ay mga kababaihan na matagumpay na nakapagpasuso at nais na tumulong sa ibang kababaihan sa kanilang baranggay o pamayanan. Ang isang peer counselor ay isang “mentor” o tagaturo na tumutulong sa mga bagong ina upang maging maayos ang pagpapasuso ng kanilang sanggol. Hinihikayat nya ang mga bagong ina na tuloy tuloy na magpasuso sa pagbibigay ng mga praktikal na suporta o suhestiyon para sa matagumpay na pagpapasuso. Ang programang ito ay tinataguyod ng DOH at NNC katulong ang ibat ibang NGO upang mapalaganap ang tamang pagpapasuso ng sanggol at masiguro ang kalusugan ng mga bata.
Isang pagsasanay o review program ang ginaganap para sa mga nanay na nais maging peer counselors sa kanyang baranggay. Dito ay tinuturuan sila ng tamang position sa pagpapasuso, mga tama at maling akala sa pagpapasuso, mga maaaring mga maging problema o sakit ng isang inang nagsisimula pa lamang magpapasuso at iba pang mga kaalaman ukol sa pagpapasuso kasama na ang skill para sa counselling. Ito ay ginagawa upang masiguro na tama ang impormasyon at paraan ng pagbigay nito ng isang peer counselor (PC) sa mga ina. Mahalaga na sa unang anim na buwan ng sanggol ay gatas lamang ng ina o eksklulsibong pagpapasuso lamang ang praktis ng isang ina.
Regular na miting ng mga peer counselors ang ginaganap buwan buwan upang tuluyan pang mahasa sa skill at kaalaman ang mg PC. Ang lokal na departamento ng kalusugan o nutrisyon ang siyang nagpapatupad nito. Subalit ang mga PC ay mga volunteer lamang at walang sweldong nakukuha mula sa barangay o bayan. Maaari na mabigyan ng Tshirt o vest ang mga PC upang medaling matukoy sila sa barangay. Tunay namang ang mga PC ay maituturing na mga bayani sa baranggay sa tulong nilang binibigay sa kapwa ina.
--------------------------------------------
[ 1 ]. Halimbawa ng iba pang paraan ay mid-upper arm circumference (MUAC) at oedema
[ 2 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 18 apendise A
[ 3 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 16 apendise A
[ 4 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 17 apendise A
[ 5 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 13 apendise A
[ 6 ]. Tingnan ang bahaging ito sa sa panayam kay Arlene R. Reario sa p. 23 apendise C
[ 7 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 16 apendise A
[ 8 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Arlene R. Reario sa p. 23 apendise C
[ 9 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 18 apendise A
[ 10 ]. Gestational ang tawag sa nangyayari lamang kapag nagdadalang-tao
[ 11 ]. Diabetes na nakukuha lamang kapag buntis
[ 12 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa p. 14 apendise A
[ 13 ]. Tingnan ang bahaging ito sa panayam kay Milagrosa Elisa V. Federizo sa sa p. 18 apendise A