Carla Jane G. Lim
2014-62401
Fil 40 WFV4 11:30am-1:00pm
Reaction Paper
Bilanggo ng Pag-ibig: Pagsasadula ng Sugat ng Bayan Ang mga pangyayari sa buhay ng tao ay bunga ng mga desisyon na ginawa niya sa nakaraan. Karamihan sa mga ito ay bunga ng pansariling interes lamang. Kakaiba ang dulang Bilanggo ng Pag-ibig na ipinalabas ng organisyasyong Dulaang Unibersidad ng Pilipinas noong Pebrero. Ito ay dahil ang dulang ito ay hindi basta-basta nagpapakita at tumatalakay sa normal o nakagawiang buhay ng tao, bagkus isinasalaysay nito ang isang hindi pangkaraniwang realidad tungkol sa mundong kinabibilangan natin. Ang buhay ng tao ay hindi basta-basta lang. Bawat buhay ay may kwentong karapatdapat marinig ng iba. Ito ang itinuro ng dulang Bilanggo ng Pag-ibig sa akin. Ang dula ay may sariling talinhagang nakapaloob sa kwento nito. Ito ang nagbigay ng buhay sa kwento at ang nakapukaw ng atnesyon ko.
Nais kong bigyang diin ang mga paniniwala at teorya ni Jean Genet sa mga digmaan lalo na sa Digmaang Palestino. Maraming digmaan ang nagsimula sa pagsakop ng isang estado sa iba pang estado upang palakihin ang kanilang nasasakupan. Ano nga ba ang dahilan ng pananakop na ito? Upang mapalawak ang lupain ng isang bansa? Upang magkaroon ng mas maraming pagkukuhanan ng yaman ang bansa? Upang magkaroon ng ‘bragging rights’ ang isang estado? Karamihan sa pananakop na nagaganap ay para lamang sa pansariling kagustuhan ng mga lider ng isang bansa. Marahil ay tunay na mas uunlad ang isang bansa kung mas marami ang makukuhanan niya ng yaman. Tulad na lamang ng isyu ng pananakop ng Espanyol sa Pilipinas na nagmula lamang sa paghahanap ng ‘spices’ na maaring magamit sa Asya na sa kalaunan ay maging pinakamakapangyarihang estado sa mundo. Paano naman ang mga taong nakatira sa lupain sinakop? Nawawala ang karapatang pantao na dati’y nilalasap nila. Nawala na ang karapan nila upang mamuhay ng malaya at tahimik sa sariling lupain. Itinatali sila sa mga patakaran at alituntunin na ipinapatupad ng isang estadong labas naman sa kanilang bansa. Kasama ng pananakal na ito, maraming kakawala sa hindi makatwirang pamamalakad. Dito karaniwang nagsisimula ang mga digmaan na nauuwi sa kamatayan ng maraming tao. At higit pa sa lahat, kung sino ang mga mas may karapatan sa sariling lupa, sila pa ang nababansagang mga terorista. Totoo din ang sinabi sa dula na ang mga media ay may napakalakig kontribusyon na pagleleybel na ito. Dahil ang nakikita lang nila ay pawang mga nasa harap nila at ang sinasabi nila ay base sa mga opinyon nila, hindi masasabing pawangg katotohanan ang sinasabi ng media. Ang katotohanan ay karaniwang nababaon sa mga salitang karaniwang nahaluan na ng opinyon ng iba.
Sobrang daming tao ang naisasakripisyo sa mga digmaang karaniwan ay resulta ng kaibahan ng ideolohiya o paniniwala ng dalawang panig. Sobrang daming buhay ang nasasayang sa walang tigil na karahasan upang patunayan ang gustong sabihin ng dalawang panig. Sobrang daming buhay ang nawawala bunga ng paghihigantihan ng dalawang panig. Sobrang daming buhay ang nawawala dahil sa ‘pride’ ng mga nakatataas. Ito ang mapait na katotohanan sa buhay na nakita ko sa dulang Bilanggo ng pag-ibig.
Isa pang kotrobersyal na isyu na ipinalabas sa dula ay ang homosexuality o ang pagkagusto ng dalawang taong magkapareho ng kasarian sa isa’t-isa. Matagal ng isyu ng lipunan ang homosexuality. Isa itong pandaigdig na isyu na inuugnay sa iba’t ibang disiplina tulad ng sikolohiya at teolohiya. Maraming mga bansa ang salungat sa ideya ng homosexuality. Ilan sa naging argumento nila ay ang paglabag nito sa natural na gawain ng mga tao. Normal para sa tao ang magkagusto sa isang taong salungat sa kasarian nila at ang pagkagusto sa taong kapareho ng kasarian ay hindi pinapansin dahil sa pagiging kakaiba nito. Sa opinyon ko, hindi ibig sabihin na hindi siya pangkaraniwang ay mali na ito. Hindi ibig sabihin na sumasalungat siya sa nakagawian ng tao ay hindi na siya dapat tanggapin. Isa pang argumento tungkol dito ay ang pagkawala ng kahulugan ng pamilya at kasal. Kung pareho ang kasarian ng ikakasal, hindi sila makabubuo ng pamilya pagkat hindi sila makapagpapasupling ng anak. Isa pa sa argumento nila ay ang pagkakasala sa Panginoon. Ayon sa isang pag-aaral, ang same sex marriage ay sumisira sa natural na moral na alituntunin na mismong ang Panginoon ang nagsabi. Ayon sa librong Genesis: “God created man in His image; in the Divine image he created him; male and female He created them. God blessed them, saying: ‘Be fertile and multiply; fill the earth and subdue it.’” (Gen. 1:28-29). Ang homosexuality ay malinaw na lumalabag dito. Ngunit sa kabila ng mga argumentong ito, may mga bansa pa ring pinapahintulutan ang homosexuality. Ayon sa kanila, walang tuwirang utos ang Panginoon na bawal ang homosexuality. Sinasabi din nila na sa Bibliya, may mga istoryang nagpapakita ng homosexuality tulad ng Ruth and Naomi; David and Jonathan; at Daniel and Ashpenaz. At ang huling argumento nila ay ang pagiging natural at inborn ng homosexuality.
Sa aking opinyon, ang homosexuality ay ipinagbabawal lang dahil sa sinisira nito ang nakagawian natin at natatakot ang mga taong tuluyan ng magbago ang mundong ginagalawan nila. Hanggang ngayon, laman pa rin ng mga debate ang homosexuality. Kahit na legal siya sa ibang bansa, nananatili pa rin ang ilang bansa na sumalungat sa same sex marriage.
Isang isyu tungkol dito ay ang isyu ni Charice Pempengco. Si Charice ay isang kilalang artista sa larangan ng musika at nakilala bilang “pinakatalentadong babae sa mundo,” dahil kay Oprah Winfrey. Taong 2013, sa kasagsagan ng kasikatan ni Charice, iniba niya ang imahe mula sa pagiging sobrang babae papunta sa medyo panlalaking itsura. Hindi nagtagal ay isiniwalat niya ang totoong sekswalidad sa telebisyon, ang pagiging tomboy. Maraming fans ang umayaw sa kanya pagkatapos ng pagsiwalat niyang ito. Binabansagan din siya ng iba ng sari-saring mga pangalan at ininsulto. Ito ang nagpapakita ng kaibahan ng trato ng mga tao sa mga homosexual at sa mga normal na tao. Sa aking opinyon, hindi tama na nileybelan siya ng mga tao ng dahil sa kasariang pinili niya. Ito ang problema ng mga homosexual, napipintasan sila ng dahil sa pagiging iba nila. Pinipintasan sila ng mga tao dahil pinili nilang lumabas sa nakagawian ng mga tao sa buhay.
Ang huling ideya na nais kong talakayin ay ang paghahanap ng isang tao ng pagmamahal sa katauhan ng ibang tao ng dahil sa kakulangan ng iba ng tao sa kanya. Sa karanasan ni Jean, iniwan siya ng kanyang mga magulang noong bata pa siya. Sa kanyang paglaki, natutunan niyang hanapin ang pagmamahal na dapat niyang naramdaman noong bata pa siya sa ibang taong nakakasalamuha niya. Hindi na ito bagong isyu sa ating lipunan. Marami na ang gumagawa nito. Ilan na dito ang mga bahay na sobrang daming mga anak ngunit mababa lamang ag sahod ng mga magulang nila. Hindi lang ito, nagkukulang din sila sa pagmamahal at kalinga dahil nagiging abala ang mga magulang nila upang may makain sa araw-araw. Isa ito sa mga dahilan kung bakit maraming nabubuntis na mga kabataan. Sa tingin ko, ang kakulangan na ito ang nagtulak kay Jean Genet na magmahal ng isang taong kapareho ng kasarian niya.
Ang buong dula ay hindi lamang upang aliwin ang mga tao, kundi upang ipakita sa kanila ang talinhaga ng mga opinyon ng manunulat na Pranses na si Jean Genet. Ipinakita dito ang kakaibang pananaw niya sa buhay pati na ang mga mali sa lipunang ginagalawan natin ngayon.
Kakaiba ang dulang Bilanggo ng Pag-ibig dahil ang mga aral dito ay hindi lamang basta-basta nangyayari sa totoong buhay, ito ang sugat ng lipunan na dapat ay simulan na ng mga taong pahilumin at takpan upang mas mapaunlad ang buhay.