Free Essay

Epekto Ng Pagseselfie

In:

Submitted By PeytAnL
Words 6015
Pages 25
Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas
Mabini Campus, Sta.Mesa, Manila

Epekto ng Pagseselfie sa mga Mag-aaral ng Unang Taon Seksyon-31 sa Batsilyer ng Pagtutuos ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus
Faith Ann R. Laspina
BSA 1-31
Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, Ma. Victoria R. Apigo
Marso 15, 2014

KABANATA 1
PANIMULA
Simula taong 2012 hanggang ngayong 2013, tanyag na tanyag ang salitang "selfie", na tumutukoy sa mga larawan na kadalang pinopost nang solo.
Ayon sa mga pinakahuling pag-aaral, naging malaki ang epekto ng pagkakaroon ng mga social networking accounts tulad ng Facebook, Twitter , Instagram at iba pa na kinakailangan mong magkaroon ng mga virtual circle of friends. Nagdudulot daw ito ng pagiging conscious ng isang indibidwal sa kung gaano kadaming followers meron sila at kung anu-ano ang mga dapat ipo-post sa kanilang mga accounts na makakapag-pa -impress sa ibang maaaring makita ng post na iyon.
Dahil sa patuloy na popularidad, itinanghal bilang "word of the year" ng Oxford English Dictionary ang "selfie".Ayon sa Oxford Dictionaries, lumobo sa 17,000-porsyento ang paggamit ng salitang "selfie" mula noong 2012. Pagkuha ng self portrait gamit ang smartphone, webcam at camera ang kahulugan ng "selfie". Naungusan nito ang mga sumikat na salita ngayong taon kagaya ng "twerk" o pagsayaw sa mapang-akit na paraan na pinasikat ng singer na si Miley Cyrus sa MTV Video Music Award noong Agosto 2012. Sa kaparehong buwan din naging viral sa social media ang "selfie" ni Pope Francis kasama ang mga kabataang bumisita sa Vatican.
Hanggang sa itinanghal na ng TIME Magazine ang Makati City bilang “The Selfie Capital of the World noong March 14, 2014. Batay sa pag-aaral ng TIME, mayroong 258 selfie-takers sa bawat 100,000 mamamayan. Kasama rin ng Makati City ang kapitbahay nitong Pasig City, at pang-siyam rin sa listahan ang Cebu City na may 99 selfie-takers sa bawat 100,000 mamamayan. 1.1 LAYUNIN NG PAG-AARAL Ang papel pananaliksik na ito ay may layong mabigyang pansin ang mga opinyon ng mga mag-aaral sa unang taon – seksiyon 31 ng Batsilyer ng Pagtutuos sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila sa mga dahilan kung bakit nahuhumaling ang mga kabataang mag-aaral na katulad nila sa pagseselfie. Nais ring maipaalam ng mananaliksik ang mga positibo at negatibong epekto ng pagseselfie sa kanilang pamumuhay.
1.2 SULIRANIN NG PAG-AARAL 1. Anu-ano ang mga dahilan kung bakit naaakit mag-selfie ang isang kabataang indibidwal? 2. Anu-ano ang mga positibong epekto ng pagseselfie sa iyong sarili? 3. Anu-ano naman ang mga negatibong epekto ang kaakibat ng sobrang pagkahilig sa pagseselfie? 4. At kung ano ang mas nangingibabaw sa kanila, ang positibong epekto nito o ang negatibo? 1.3 SAKLAW AT LIMITASYON
Ang pag-aaral na ito ay nakabase lamang sa mga opinyon ng mga indibidwal na napili upang sumagot ng sarbey kwestyoneyr na inihanda ng mananaliksik tungkol sa mga dahilan kung bakit naaakit ang mga indibidwal sa pagseselfie, ang mga positibo at negatibong epekto nito sa mismong taong sumiselfie at kanilang sariling pananaw kapag sila ay nakakakita ng taong nagseselfie. Ang mananaliksik ay pumili ng tatlongpu’t anim (36) na respondente na nakatakdang sumagot sa sarbey at ang mga respondenteng ito ay nagmula sa seksyon 31 sa unang taon ng Batsilyer ng Pagtutuos sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila, Taong Pampanuruan 2013-2014. 1.4 TEYORETIKAL NA BALANGKAS
Ang pag-aaral na ito ay iniugnay sa mga teorya upang mapagpatibaya ang mga resulta at upang mas maging batayan ng mananaliksik sa pagbuo ng buong papel pananaliksik.
Sa Maslow’s Hierarchy Of Needs, kinakailangan ng isang tao ang sosyal na pangangailangan (social needs), kailangan ng isang tao ang pagmamahal, at matanggap sila ng kanilang pamilya, kaibigan at mga katrabaho kung ano at sino sila sapagkat sila ay nasa isang mundong kinagagalawan lamang (McLeod, 2007), sa tulong ng Selfie o Pagseselfie, nagkakaroon ng sosyal na koneksyon ang isang indibidwal sa mga ito sa tulong ng mga litrato. May relasyong nabubuo malayo man o malapit ang mga taong nakakakita nito. Kaugnay rin dito, maliban sa pangangailangang sosyal, ayon sa Self-Verification Theory, isang teorya na nakapokus sa kagustuhan ng tao na makilala at at maintindihan ng mga tao. Karamihan ng mga indibidwal ay gustong maging in o laging sunod sa uso, dahil sa pakiramdam nila at pag-aakala ay sila ay matatanggap at makikila kung gagawin at sasabay sila sa kung ano ang patok at sikat (Swann, 1983). Kakabit din ng teoryang ito ang kakayahang maiba ang personalidad ng isang tao sa pamamagitan ng interaksyon sa isang indibidwal. Nagiging isang malaking impluwensiya ito para mahubog ang mga ugali at kagustuhan. Sa subjek ng mananaliksik na selfie, nakikita rito na ang mga tao ay sumusunod sa kung ano ang uso at ginagawa nila kung ano ang ginagawa ng kanilang mga kasama sa pang-araw-araw dahil isang impluwensiya ang mga ito sa paghubog ng personalidad. Maipapakita ito sa sarvey na isinagawa ng mananaliksik.
Sa pagpapatuloy, ang lahat ng bagay ay may mga positibo at negatibong epekto, sa Self-Worth Theory Of Achievement Motivation, ito ay teorya kung saan sinasabi na ang pinakamataas na prayoridad ng isang tao ay ang self-acceptance , kung saan naaakit mag-ayos ang isang inidibidwal upang matanggap lamang siya ng kanyang mga kasama (Covington,1998) , kalakip nito ang magandang epekto ng pagseselfie sa tao, gamit ng Selfie naakit sila mag-ayos upang makakuha ng magagandang komento at sa paghahanap nito ay nagiging resulta ng pagdepende ng isang tao sa kanyang sarili. Wala na siyang pakialam sa kanyang paligid kaugnay nito ang Adolescent Egocentrism sa mga kabataan kung saan lagi na silang nakatuon sa kanilang panlabas na anyo at ugali (Elkind,PhD, 1967). Naniniwala sila na ang lahat ng mata ay sa kanila nakatuon o “imaginary audience”. Ipinapakita lamang nito ang isa sa mga negatibong epekto ng pagseselfie sa kadahilanang nagiging sarado ang isipan ng isang tao sa kanyang paligid bagkus nakatuon lamang siya sa kung ano siya at kung anong meron siya.
1.5 KONSEPTWAL NA BALANGKAS
Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa mga dahilan at epekto ng pagseselfie sa mga inidbidwal, positibo man o negatibo na inirepresenta ng mga respondente, kaugnay rin dito ang pagtitimbang ng mga epekto mula tatlongpu’t anim (36) na mga mag-aaral ng Unang Taon, seksyon-31 ng Batsilyer ng Pagtutuos ng Politeknikong Unibersidad Pilipinas, Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila sa paraan ng deskriptib sarvey na kanilang sinagutan upang makakalap ng mga kinakailangang impormasyon. 1.5 PAGLALAHAD NG METODOLOHIYANG GINAMIT 1.6.1 DISENYO NG PANANALIKSIK Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng deskriptib sarbey upang malaman ang mga pananaw at opinyong ng mga respondente tungkol sa mga nabanggit na layunin, suliranin at pokus ng pananaliksik na ito. Sa pag-aaral ng mananaliksik, ang paggamit ng talatanungan ay isang produktibo at mas magandang paraan upang makalap ang mga impormasyon, saloobin at komento na kailangan mula sa mga respondente.

Epekto
Dahilan
Unang Taon-Seksiyon 31, Batsilyer ng Pagtutuos , Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus, Sta.Mesa Manila

SELFIE
Deskriptib Sarvey
Negatibo
Positibo

Dayagram 1.

1.6.2 MGA RESPONDENTE NG PAG-AARAL
Ang pag-aaral na ito ay may tatlongpu’t anim (36) na mag-aaral na nanggaling sa Seksyon-31 ng Unang Baitang sa kursong Pagtutuos ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila. Ang mga respondente ay napili ng mananaliksik dahil sa kadahilanang sila ay abot-kamay na ng mananaliksik at ang mga respondente ay nakapaloob at kasali sa grupo ng mga kabataan at mag-aaral na kinakailangan para maisakatuparan ang layunin ng papel pananaliksik na ito at para makakuha ng mga datos o impormasyon para sa mga nabanggit na suliranin. 1.6.3 INSTRUMENTO NG PANANALIKSIK
Ang paggamit ng isang talatanungan o sarbey ay ang paraan ng mananaliksik upang kumalap ng impormasyon at datos mula sa mga iginagalang na respondente. Ang talatanungang ito ay naglalaman ng mga tanong na nakabatay sa layunin at suliranin ng papel pananaliksik kung saan ang mga respondente ay nakatakdang sagutan ang mga tanong gamit ang paglalagay ng tsek sa mga kahon katabi ng mga pagpipiliang sagot o nasa paraang close ended. Mayroon rin tanong kung saan ang sagot ay wala nang pagpipilian sa halip ito ay nasa sariling mga salita na ng mga respondente o tinatawag na open ended. 1.6.4 PARAAN NG PAGKALAP NG DATOS Katulad ng nabanggit sa itaas, gumamit ng sarbey ang mananaliksik sa tatlongpu’t anim (36) na respondente na nagmula sa seksyon 31 ng Unang baitang ng Kursong Pagtutuos mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Ang mga talatanungan ay ibigay sa mga respondente sa angkop na oras at ito ay ikinolekta ilang minuto pagkatapos ibigay at sagutan ang nasabing papel. Sa unang tanong ay nakabatay kung ipagpapatuloy pa nila ang pagsagot sa nasabing kwestyoner dahil ito ang magsasabi kung sila ay pasok sa krayterya ng kabataang mag-aaral na nagseselfie. 1.6.5 TRITMENT NG DATOS
Pagkatapos masagutan ng mga respondente ang talatanungan, ang kanilang mga sagot ay itatali sa hiwalay na papel, ang mga nakuhang mga resulta ay gagamitan ng pormula upang maipakita ang mapagkakatiwalaang porsyento ng mga nasabing sagot ng mga napiling respondente.

Porsyento=BILANG NG MGA SUMAGOTKABUUANG BILANG NG MGA RESPONDENTE X 100

POLYTECHNIC UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES
MABINI CAMPUS, STA. MESA, MANILA
IKALAWANG SEMESTRE, TAONG PANURUAN 2013-2014

PANGALAN:

Isang Mapagpalang Araw Mga Kapwa Ko Mag-aaral Ng BSA 1-31!

Hinihiling kong sagutan niyo ang mga tanong sa bandang baba ng papel na ito gamit ang tsek () sa loob ng kahon ng inyong napiling sagot. Isa lamang sa bawat tanong ang maaaring lagyan ng tsek. Paalala lamang na sagutan ito batay sa iyong pananaw o opinyon para maging katiwa-tiwala ang mga lalabas na resulta at mas maging tapat ang aking magiging papel pananaliksik na may titulong “EPEKTO NG SELFIE SA MGA MAG-AARAL SEKSYON 31-UNANG TAON NG KURSONG PAGTUTUOS SA POLITEKNIKONG UNIBERSIDAD NG PILIPINAS.”

Maraming Salamat!
-------------------------------------------------

1. Ikaw ba ay nagseselfie? * OO * Hindi
(Kung ang sagot ay hindi, marapat lamang na itigil nang sagutan ang mga susunod pa.) 2. Ano ang iyong dahilan kung bakit ka naaakit magselfie? * Gusto lamang magpahayag ng damdamin. * Dahil may bago kang gamit o sa tingin mo ay mukhang masarap ang iyong pagkain at ito ay iyong ipinapakita gamit ang pagseselfie kasama ang mga ito. * Gusto mo makakuha ng maraming “likes” sa mga social networking sites katulad nd Facebook at Instagram. * Nakikiuso lamang. * Iba pa: ______________________________________________ 3. Ano sa iyong opinyon ang mga positibong epekto ng pagseselfie sa iyong sarili? * Naaakit na mag-ayos ng sarili. * Napupuri ng ibang tao sa paraan ng pagkokomento sa iyong mga selfie sa social networking sites. * Tumataas ang tiwala sa sarili. * Naibabahagi ang mga nararamdaman. * Iba pa: ______________________________________________

4. Ano sa iyong opinyon ang mga negatibong epekto ng pagseselfie sa iyong sarili? * Nagiging self-centered o nakatuon lamang sa sarili. * Mas maraming oras sa pagseselfie at pagpipili ng iyong larawan upang i-post sa social networking sites. * Naaakit bumili ng mga kagamitan (hal. Camera/DSLR, mamahaling cell/smartphones na may mas mataas na megapixel) upang gamitin sa pagseselfie. * Laging hinihiram ang camera ng kaibigan o kapamilya hanggang sa ito ay malowbat, makapagselfie lamang. * Iba pa: _______________________________________________ * 5. Sa iyong palagay, ano ang mas nangingibabaw ang positibong epekto nito o ang negatibong epekto? Bakit? (PAKISAGUTAN SA MAAYOS NA PARAAN)
__________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________

_________________________ Lagda ng Respondente

Inihanda ni:
Faith Ann R. Laspina

KABANATA 2
MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL AT LITERATURA
2.1 Kaugnay na Literatura Kultura ng ‘selfie’ WEDNESDAY, SEPTEMBER 25, 2013 http://www.abante.com.ph/issue/sep2513/op_edit.htm#.Uwzcl2J_vfI Usung-uso nga ang ‘selfie’. Ito ‘yung pagkuha ng sariling litrato gamit ang mga makabagong gadget na mayroong kamera. Pero hindi lang natatapos ang pagkuha ng sariling mukha kundi ipino-post pa ang mga ‘selfie’ pictures sa social media tulad ng Facebook at Instagram.
Isang obispo ng Simbahang Katoliko ang nakapuna sa lumalawak na kultura ng ‘selfie’ lalo na sa mga kabataan. Ang interpretasyon kasi rito ni Archbishop Teodoro Bacani ay isang estado ng kaisipang nagsusulong ng pagiging makasarili ang ‘selfie’ culture, lalo na sa mga kabataan.
Uso kung uso pero may punto si Bishop Bacani. Sabi nga sa isang pelikula, ang ‘vanity’ o sobrang pag-aayos ng sarili para maging maganda sa sariling paningin at sa paningin ng iba ay isa sa paboritong ‘sin’ ng kadiliman. Tunay na itinatatak nito sa kaisipan ang pagiging makasarili.
Imbes na mukha ng pamilya o kaibigan o mahal sa buhay ang litratuhan ay panay sarili na lamang ang kinukunan ng litrato. Nawawala na ang pakikipagkapwa-tao. Sabi pa ni Bishop Bacani, “I, me, myself” na lamang ang nasa isip sa lumalawak na ‘selfie’ culture.
Walang masama kung pahalagahan at mahalin ang sarili pero hindi dapat kalimutan ang iba pang mahahalaga ring bagay. Unang-una na, ang pagpapalago ng pananampalataya sa Panginoong Lumikha. Sa sobrang kaabalahan sa sarili, nakakaalala pa ba ang mga kabataan na magdasal at magsimba. Kung mayroon mang mangilan-ngilang nagsisimba, makikita pa rin silang kuha pa rin nang kuha ng ‘selfie’ pictures sa kanilang mga mobile phones.

Sa mga pagtitipon ng pamilya, naaalala pa bang pagtuunan ng pansin ang ibang miyembro ng pamilya, lalo na ang mga nakakatanda? Katwiran ng mga bagets, wala naman silang FB account bakit kailangan pang isama sa litrato? Baka walang mag-like.
May oras pa bang kumustahin ang mga kapitbahay o nauubos na ang oras sa pagbababad sa Internet?
Sa mga reunion ng dating magkakaklase o schoolmate, hindi ba’t mas mahaba ang oras ng kuhanan ng litrato kaysa kumustahan at totoong kwentuhan? Bago kumain, litrato muna imbes na humingi ng basbas ng Panginoon para sa nakahaing grasya.
Marami sa kasalukuyang henerasyon ang umiikot ang buhay sa social media. Kahit ang mga ipino-post na status, tungkol lahat sa sarili. Hindi lang litrato ang nase-selfie kundi maging ang mga inihahayag sa social media. Wala nang pakialam sa pangangailangan ng iba. Ni hindi makuhang magbida para naman sa karangalan o magandang balita tungkol sa kapwa.
Sana nga ay magkaroon ng limitasyon ang pagiging ‘selfie’ at sana ay hindi mahuli ang pagputol ng mga magulang sa ganitong kultura, lalo ng mga kabataan.
Selfie-selfie rin pag may time! http://alaminmokasi.wordpress.com/ July 24, 2013, Karl Olivier Jamandra
Ilang beses na siguro nating narinig ang katagang selfie sa mga kaibigan, kasamahan, kapamilya o kakilala natin. Marami ring personalidad sa telebisyon ang nabanggit na ito, sa balita man o hindi. Ano ba ang selfie? At ano ang implikasyon nito sa ating mga sarili?

Ano ang SELFIE?
Ang selfie ay ang pagkuha ng larawan sa saril gamit ang cellphone o kaya digital camera. Kadalasang nilalabas o pinapakita ito sa mga social networking site tulad ngInstagram at Facebook. Madalas umanong kaswal ang kuha nito gamit ang camera na hawak palayo sa sarili ng kumukuha o kaya naman sa harap ng salamin.
Saan nagmula ang katagang ito?
Ang katagang ito ay pinauso ng designer/photographer na si Jim Krause. Sa umpisa raw ay mas popular ito sa mga kabataan. Nang naglaon, ginagawa na rin ito ng mga mas nakatatanda. Sinabi naman sa Time Magazine na isa sa Top 10 Buzzwords ng 2012 ang katagang ito. At ngayon ngang 2013 ay halos araw-araw na itong naririnig sa mga bibig ng mga tao, maging tayong mga Pilipino.
Ano ang indikasyon sa ating mga sarili ng selfie?
Isa bang indikasyon ang selfie kung gaano kamahal ng tao ang kanyang sarili, mula hitsura hanggang tindig? Sa totoo lang, wala namang masama kung tutuusin ang pagkuha ng selfie. Natural na mahalin natin ang ating sarili at ipakita ang nararamdaman nating ito sa iba. Sa aking palagay, nagiging di kanais-nais lamang ito pag sobra-sobra na. Paanong sobra-sobra? Di pa natatapos ang araw, may panibagong selfie na naman. Wala sanang problema kung nakatago lamang ito sa cellphone o camera pero hindi. Kailangang ipangalandakan sa lahat-lahat. Parang sarili at sarili na lang lagi ang iniisip. Nakakasuya na ag ganun, hindi ba?
Isang Magandang Artikulo
Isang linggo na ang nakararaan, nabasa ko ang isang artikulong may kaugnayan sa selfiesa website na rappler.com. Pamagat ng artikulo ay 7 Signs You Might Be A Narcissist. Ito ay akda ni Chinie H. Diaz, na in-interview ng TV 5 para sa isang segment ng kanilang programang tinatawag na Reaksyon tungkol sa selfie dahil na rin sa mga larawang nilikha n’ya tungkol dito. Sa nabanggit na segment din daw ay may in-interview na isangpsychologist at sinabi umano nito na ang sobra-sobrang pagkuha ng selfie ng isang tao ay maaaring senyales ng pagkakaroon ng narcissistic personality disorder.
Ano ang narcissistic personality disorder (NPD)?
Ayon sa isang artikulo mula sa behavenet.com, ang NPD ay isang sakit sa utak kung saan ang taong mayroon nito ay may labis-labis na persepsyon kung gaano sila kaimportante. Inaasam nilang kalugdan at tingalain ng iba samantalang mayroon lamang silang maliit na kapasidad na ikagalak ang prespektibo ng iba.
Balik sa artikulong nabanggit kanina, ang 7 senyales na isa kang narcissist ay ang mga sumusunod: 1. Di ka mabuting tagapakinig. 2. Ibinababa mo ang iba upang maiangat mo ang iyong sarili. 3. Iniisip mong di ka sakop ng mga patakaran. 4. Di mo kayang tanggapin nang maluwang ang kritisismo. 5. Umiidolo ka ng iba hanggang sa puntong perpekto ang turing mo sa taong iyon. 6. Tinatago o nagsisinungaling ka tungkol sa iyong kabataan at kasaysayang pampamilya. 7. Desperado kang laging may kontrol sa mga bagay-bagay sa paligid.
Marami ba sa mga nabanggit ay maituturing mong ikaw? Panahon na siguro na tingnan mo ang sarili mo. Hindi sa paraang angat na angat ka sa iba sa puntong dapat kang kalugdan ha, kundi sa paraang ano kaya ang iniisip ng iba tungkol sa iyo. Masyado na bang sarili at sarili mo, hitsura at hindi ugali na lamang ba ang iniintindi mo? Isip-isip din pag may oras. Bisita rin sa kinauukulan pag sobra-sobra na. Mahirap ang mabuhay sa sariling mundo ng pagiging makasarili.
TATAK PINOY – Picture, Picture lang pag may time! http://www.kabayanweekly.com/2013/09/12/tatak-pinoy-picture-picture-lang-pag-may-time/
-------------------------------------------------
September 12, 2013
Ni Kabayan Francis L.J. Gacer
Ang mga Pinoy raw ang numero unong namamayagpag sa social media sa pag-upload ng sariling litrato. Lalo na nung nauso ang mga cellphone na may camera. Sa lahat ng sulok ng baranggay, iskwelahan, banyo, bansa at mundo pihadong hindi palalampasin ng Pinoy na magpakuha ng litrato. Iba nga naman daw ang feeling kapag maraming humahanga at mga “likers” ng iyong nai-upload na litrato. Kung maraming nahuhumaling na maipakita sa mundo ang sarili nila, mayroon din namang nagbabago ng isip kaagad at inaalis ang litrato.
Mahihilig ang Pinoy sa teknolohiya at palagi nating sinisugurado na ang binili nating cellphone ay magagamit sa hustong oportunidad. Talagang love na love nating magpakuha ng litrato. Hindi lang yata love, talagang nahuhumaling tayo sa kuhanan ng litrato. Kahit ma-late sa pagpasok sa eroplano, nagkukuhanan pa rin ng litrato.
Binawalan na sa kasalan pero kumukuha pa rin ng litrato. Biruin mo ba naman pati yung tagyawat na lumalaki ay kinukuhanan pa rin? Tsk!tsk!tsk! Walang duda na ang ganitong kaugalian ay dulot ng bisyo at uso. Naging bahagi na rin ng kulturang Pinoy ang kuhanan ng litrato. Kaya nga naman ang ngiti ng mga may-ari ng photo studio ay hanggang bumbunan dahil mas dumami ang kanilang customer. Pero sa dinami-rami ng mga nagkukuhanan ng litrato ay halos sa kanila ay hindi nagpapa-develop.
Madalas din ang dahilan ng pagpapakuha ng litrato ay upang maipaalam ang ginawa, saan pumunta at kung sino ang kasama mo. Para bang kung paano mo tinatago ang ano mang souvenir na nanggaling sa eroplano, sa ibang bansa, sa concert o sa restaurant na kinainan ninyo. Ganyan din ang klase ng prinsipyo na umiikot sa utak ng isang Pinoy; hindi na nga natin nilalagyan ng linya kung ano ang importante at hindi. Humantong naba ang henerasyon ng mga Pilipino ngayon sa isang yugto ng buhay na okay lang na malaman ng iba ang personal na buhay? Tingnan mo nga naman ang panahon, iba na ang ikot.
Dati, kahit ang pagtanong sa kakainin mo ay hindi tinatangkang gawin. Pero ngayon ultimo ang klase ng iyong gupit ay pwede na ring pakialaman ng iba. Basta picture, picture lang pag may time wala namang masasayang. Di tulad noon, dahil ang camera natin ay may film, ayaw nating sayangin ang bawat shot. Pero ngayon, di bale na shot lang nang shot kasi pwede namang i-delete ang mga hindi magaganda at mahalaga.
Ang mga mobile phones na may camera ay talagang ginhawa sa mga parokyano; halos na yata ang lahat ng tao sa mundo ay naging photojournalist. Kung may nangyari sa iyong harapan, kinukuhanan agad ng litrato o di naman kaya ay video. Kaya marami na ring mga kilos protesta ngayon na ang pinagsimulan ay ang mga litrato o video na nakuhanan sa telepono. May mga taong nasa posisyon ang napatalsik dahil sa kinuhanan ng cellphone na may camera. Maraming nagkagustuhan at nagpakasal dahil sa litratong kinuhanan. Mga ordinaryong taong sumikat at naging tanyag sa ibang bansa dahil sa videong kinuhanan sa cellphone. Sa ganang ito ay umangat ang antas ng oportunidad ng bawat Pinoy. Tumaas din ang antas ng tapang ng mga Pinoy patungkol sa mga isyu ng bayan. Pero napapansin mo ba na madalas ang paksang paboritong ginagamit ng Pinoy ay ang kanyang sarili? Kaya nga naman naging matunog ang “SELFIE”; haharap ka lang sa salamin o kaya naman ilalayo ang cellphone upang kuhanan ang sarili at ang kaibigan na matagal nang hindi nakita. Kapag bored na bored ka na…selfie agad. Kapag ang tagal dumating ng kausap mo…selfie na naman! Kapag napadaan ka sa isang magandang sasakyan na naka parade…selfie na naman! Bagong biling blush on o lipstick…selfie ulit! Lalo na ngayon ang Instagram ay may opsyon na magpapakinis ng mukha, para bang matagal ka nang pasyente ni Vicky Belo. Basta alam mo lang kung paano mo ipihit ang iyong bisig upang magkaroon ng magandang angulo ang iyong litrato.
Isa rin sa napapansin natin sa kahalusan ng mga Pinoy ay mahilig magbahagi ng sariling impormasyon sa iba. Kung baga ay pina-high tech lang ang salitang “tsismis”. Ito na yung oportunidad mo upang pag-usapan ka. Kahalusan pakiramdam ay naglalakad sa ulap kapag maraming naglalagay ng komento at humahanga sa klase ng iyong pagmumukha (hindi naman ako galit, nagpapaliwanag lang).
Kung baga tayo ang nagiging host ng sarili nating talk show. Ikaw na ang bahala kung ano ang pamagat ng talkshow mo, tutal ikaw naman din ang bida. Ikaw at ikaw lang ang paksa ng sarili mong balitaktakan. Ang niluluto mo, gaano karami na lang ang tinira sa iyong ulam, yung sugat sa iyong tuhod, yung dahilan ng pinag-awayan n’yong mag-asawa, yung pagpaparinig mo sa iyong kaaway o yung bagong gupit mong buhok. Hindi mo na nga kailangan ang GMA, ABS CBN o ang TV 5 basta may facebook, Twitter at Instagram ayos na ang lahat.
Sabi ng iba ang taong naka-shabu daw ay laging tamang hinala: feeling lagi na may nakatingin sa kanya. Well ngayon, hindi na kailangan ng isang tao ang gumamit ng bawal na gamot bago magkaroon ng ganitong feeling kasi dahil sa pagkahumaling ng mga Pinoy sa picture, picture ay hinahayaan mo nanag may tumingin sa iyo lagi. Ikaw rin ang may kagagawan kung bakit alam na ng buong baranggay ninyo ang personal mong pamumuhay.
Siguro nga sabay lang talaga sa saliw ng teknolohiya ang mga Pinoy. Pero kahit ano pa man ito hindi mapapalitan ang punto na ang mga Pilipino ay masayahing tunay. Ilabas na ang mga cellphone o digital camera at mag-picture, picture pag may time.

KABANATA 3 PAGLALAHAD AT PAGSUSURI NG MGA NAKALAP NA DATOS

Tungkulin ng kabanatang nito na ilahad ang mga nakalap na datos mula sa sarbey na sinagutan ng mga respondente. Kalakip ng mga tanong ay bilang ng mga sagot at ang porsyentong ekwibalent na ginamitan ng pormula na nakalagay sa isang talahanayan.

1. Ikaw ba ay nagseselfie? | Kabuuang Bilang ng Sumagot (41) | OO | 36 | HINDI | 5 |
TALAHAYANAYAN 1.
Sa Talahanayang ito, sa 41 na kabuuang bilang ng binigyan ko ng sarvey at ito rin ang bilang ng mga sumagot, lumabas sa pagtatali ng riserter na 36 respondente ang sumagot na “OO” at lima (5) ang nagsabi na hindi sila nagseselfie. Batay sa nakalap na datos mula sa unang kwestyon, lumalabas na 36 respondente na lamang ang maaaring magpatuloy na sagutan ang natitira pang tanong sa nasabing kwestyoner dahil sila na lamang ang may kakayahang sagutan ito sa rason na sila lamang ang bilang ng gumagawa ng pagseselfie.
Sa puntong ito, 36 nalamang ang bilang ng respondenteng naiwan kaya’t sa pormulang gagamitin, 36 na ang kabuuang bilang ng mga respondente.

2. Ano ang iyong dahilan kung bakit ka naaakit magselfie? | Kabuuang Bilang ng Sumagot (36) | Ekwibalent na Porsyento Porsyento=BILANG NG MGA SUMAGOTKABUUANG BILANG NG MGA RESPONDENTE X 100 | Gusto lamang magpahayag ng damdamin. | 6 | 17 % | Dahil may bago kang gamit o sa tingin mo ay mukhang masarap ang iyong pagkain at ito ay iyong ipinapakita gamit ang pagseselfie kasama ang mga ito. | 2 | 5 % | Gusto mo makakuha ng maraming “likes” sa mga social networking sites katulad ng Facebook at Instagram. | 3 | 8 % | Nakikiuso lamang. | 13 | 36 % | Iba Pang mga sagot:Trip langNararamdaman nila na maganda sila sa litrato.Para maglibangPampersonal na larawanMay pang-display picture. | 62211 | 17 %5 %5 %3%3% | | 36 | 100% |
TALAHANAYAN 2. Sa Talahanayan 2, Ang may pinakamataas na porsyento ay ang dahilan na nakikiuso lamang sila na may 13 respondente ekwibalent sa 36%, tabla naman ang pagpapahayag ng damdamin at trip lang ang pagseselfie na mayroong anim(6) na respondente katumbas ng 17%, sumunod ang kagustuhang makakuha ng maraming likes sa mga social networking sites katulad ng Facebook at Instagram na mayroong tatlong(3) respondente o 8 %, parehas naman na may 5% o dalawang (2) respondente ang dahilang may bago silang gamit o sa tingin nila ay mukhang masarap ang kanilang pagkain at ito ay ipinapakita gamit ang pagseselfie kasama ang mga ito, dahil nararamdaman nila na sila ay maganda at para maglibang. Ang dahilang para sila ay may pang-display picture at para sa kanilang pampersonal na picture ay may isang(1) respondente na may katumbas na 3%. 3. Ano sa iyong opinyon ang mga positibong epekto ng pagseselfie sa iyong sarili?

| Kabuuang Bilang ng Sumagot (36) | Ekwibalent na Porsyento Porsyento=BILANG NG MGA SUMAGOTKABUUANG BILANG NG MGA RESPONDENTE X 100 | Naaakit na mag-ayos ng sarili. | 14 | 38% | Napupuri ng ibang tao sa paraan ng pagkokomento sa iyong mga selfie sa social networking sites. | 3 | 8% | Tumataas ang tiwala sa sarili. | 5 | 14% | Naibabahagi ang mga nararamdaman. | 6 | 17% | Iba Pang mga sagot:NalilibangMasayang mag-apdeyt ng display picture.Naiiba ang personalidad.Nagkakaroon ng madaming pictures.Walang positibong epekto. | 41111 | 11 %3%3%3%3% | | 36 | 100% |
TALAHANAYAN 3.

Sa Talahanayan 3, nakakuha ng pinakamadaming sagot ang positibong epekto na naaakit mag-ayos ng sarili na may 38% o 14 respondente, sumunod ay ang naibabahagi ang mga nararamdaman na may anim(6) na respondente o 17%, tumataas ang tiwala sa sarili na may limang(5) respondente o 14%, nalilibang na may apat(4) na respondente o 11 %, may tig-isang respondente naman ang mga sagot na masayang mag-apdeyt ng display picture, naiiba ang personalidad, nagkakaroon ng madaming pictures, at walang nakikitang positibong epekto na nakakuha ng 3 posyento.

4. Ano sa iyong opinyon ang mga negatibong epekto ng pagseselfie sa iyong sarili?

| Kabuuang Bilang ng Sumagot (36) | Ekwibalent na Porsyento Porsyento=BILANG NG MGA SUMAGOTKABUUANG BILANG NG MGA RESPONDENTE X 100 | Nagiging self-centered o nakatuon lamang sa sarili. | 8 | 22% | Mas maraming oras sa pagseselfie at pagpipili ng iyong larawan upang i-post sa social networking sites. | 7 | 19% | Naaakit bumili ng mga kagamitan (hal. Camera/DSLR, mamahaling cell/smartphones na may mas mataas na megapixel) upang gamitin sa pagseselfie. | 8 | 22% | Laging hinihiram ang camera ng kaibigan o kapamilya hanggang sa ito ay malowbat, makapagselfie lamang. | 5 | 14% | Iba Pang mga sagot:Nawawalan ng oras para sa ibang bagayMay mga naiinis o nang-aaway.Over-confidence.Walang nakikitang negatibong epekto. | 1115 | 3 %3%3%14% | | 36 | 100% |
TALAHANAYAN 4.

Sa Talahayanayan 4, ipinapakita na parehas ang nakuhang porsyento ng mga sagot na nagiging self-centered o nakatuon lamang sa sarili at naaakit bumili ng mga kagamitan (hal. Camera/DSLR, mamahaling cell/smartphones na may mas mataas na megapixel) upang gamitin sa pagseselfie na mayroong 22 % na ekwibalent sa 8 respondente. Mayroon namang 7 respondente katumbas ng 19 % ang napili ang sagot na mas maraming oras sa pagseselfie at pagpipili ng iyong larawan upang i-post sa social networking sites, tabla rin sa 14 porsyento na nakuha ng mga sagot na laging hinihiram ang camera ng kaibigan o kapamilya hanggang sa ito ay malowbat, makapagselfie lamang at walang nakikitang masamang epekto katumbas ng 5 respondente at may tis-isang respondente naman ang mga sagot na nawawalan ng oras para sa ibang bagay, may mga naiinis o nang-aaway at over-confidence. 5. Sa iyong palagay, ano ang mas nangingibabaw ang positibong epekto nito o ang negatibong epekto? Bakit?
Ang tanong na ito ay nasa paraang open-ended, malayang sumagot ang respondente sa kanilang paraan. Ang mananaliksik ay ipinagsama-sama ang mga magkakapareho at may iisang ideya na mga sagot mula sa mga respondente.
Sa nasabing tanong, 27 na respondente ang sumagot na mas nangingibabaw positibong epekto at 9 ang mas nangingibabaw ang negatibong epekto.
Sa 27 na respondente na nagsabi na ang mas mangingibabaw ang positibong epekto, pinakamadami ang may dahilang dahil dapat may limitasyon lamang at ito ay makokontrol naman mula sa walong(8) respondente, apat(4) ang sumagot na sila ay dahil sila ay nalilibang at nakakalimot sa problema, apat(4) ang nagiging pala-ayos sa sarili, tatlo(3) respondente dahil ito ay isa lamng pagpapahayag ng damdamin, tig-dalawa ang sagot na nakakapagtanggal ng stress at nakakapagpataas ng self-esteem , tig-isa din ang sumagot ng nalalaman ang kalagayan ng isang tao gamit ang litrato at nahihikayat mag-ayos ng sarili at isa rin ang bilang ng sumagot na positibo sa kadahilanang isa mas marami ang nakikita niyang positibong epekto kaysa sa negatibong epekto nito.

Sa kabilang banda , sa siyam(9) na respondente na sumagot na mas nagingibabaw ang negatibong epekto nito ay may dalawa(2) respondente na nagsabi na dahil ginagawa lang daw ito upang magyabang, dalawa(2) din ang nauubos lang ang oras nila dahil sa pagseselfie, at dalawa rin ang sumagot na naiipagpaliban ang ibang bagay, tig-iisa naman ng mga respondente ang sumagot na wala namn daw itong naiitulong o nai-aambag sa lipunan, maraming naasar sa iyo at nasosobrahan sa pagseselfie.

KABANATA 4
PAGLALAHAD NG NATUKLASAN, KONKLUSYON AT REKOMENDASYON

4.1 PAGLALAHAD NG NATUKLASAN Mula sa mga nakalap na datos mula sa mga respondente mula sa seksyon 31-Unang taon ng Kursong Pagtutuos sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila, natuklasan ng mananaliksik na lumabas na ang pangunahing dahilan kung bakit naaakit mag-selfie ang mga kabataan ay dahil sila ay sumasabay lamang sa uso patunay lamang na ito ay nakakuha ng 36% sa nasabing sarvey. Ang iba naman ay nagpapahayag lamang ng kanilang damdamin at ang iba naman ay natripan lang sumelfie, itong dalawang dahilan na ito ay ikalawa sa pangunahing dahilan batay sa nakalap na impormasyon na may 17%. Sumunod dito ay ang 8% kagustuhan na makakuha ng maraming likes sa kani-kanilang mga social networking sites na kinabibilangan. May 5% naman ang mga dahilang gusto lamang nilang maglibang at feeling nila ay sila ay maganda sa napiling litrato at sila ay bagong gamit. Mayroon naming tig –isang porsyento ang mga dahilang para sila ay may pang-display picture at pampersonal na picture. Natuklasan rin ng mananaliksik ang mga opinyon ng mga respondente sa mga nakikita nilang positibong epekto ng pagseselfie sa kanilang sarili. Nakakuha ng pinakamataas na porsyento, 38%, na sila ay naaakit mag-ayos ng kanilang sarili, mayroong 17% ang mabuting epekto sa paraan ng pagpapahayag ng damdamin, 14% mula sa mga respondente ang tumataas ang tiwala sa sarili, 11% ang nalilibang, at 3% naman ang mga positibong epekto na naiiba ang personalidad, pagkakaroon ng madaming picture, naa-update ang display pictures, mayroong ring 3% ang nagsabing wala silang nakikitang positibong epekto. Sa kabilang banda, nakuha rin ng mananaliksik ang opinyon ng mga respondente ukol sa mga nakikita nilang negatibong epekto ng selfie sa kanilang sarili. Pinakamataas na porsyento rito ay 22%, ang pagiging self-centered at ang pagkaakit sa pagbili ng mga kagamitan (hal. Camera/DSLR, mamahaling cell/smartphones na may mas mataas na megapixel) upang gamitin sa pagseselfie. May 19% ang mas maraming oras sa pagseselfie at pagpipili ng iyong larawan upang i-post sa social networking sites, pantay naman ang sa 14 porsyento ang laging hinihiram ang camera ng kaibigan o kapamilya hanggang sa ito ay malowbat makapagselfie lamang at walang nakikitang masamang epekto. Ang mga negatibong epekto tulad ng nawawalan ng oras para sa ibang bagay, may mga naiinis o nang-aaway at over-confidence ay pare-parehas nakakuha ng 3 porsyento. Sa kabuuan, ayon sa sarvey na isinagawa, natuklasan rin ng mananaliksik na mas nangingibabaw sa 36 na respondente ang positibong epekto ng pagseselfie dahil 27 sa kanila ang pumanig dito, 8 ang sumagot na ito naman daw ay makokontrol at dapat lamang ay may limitasyon, tig-apat na bilang naman ang kadahilanang sila ay nalilibang, nakakalimutan ang problema at nagiging palaayos sa sarili. May 3 respondente rin na sumagot na dahil ito ay nakakapagatanggal ng stress. tig-isa din ang sumagot ng nalalaman ang kalagayan ng isang tao gamit ang litrato at nahihikayat mag-ayos ng sarili at isa rin ang bilang ng sumagot na positibo sa kadahilanang isa mas marami ang nakikita niyang positibong epekto kaysa sa negatibong epekto nito. Sa siyam (9) na nagsabi naman na mas nangingibabaw sa kanila ang negatibon epekto nito, tig-dalawa (2) ang may dahilang ginagawa lamang ito upang magyabang, nauubos lang ang oras nila dahil sa pagseselfie, at dalawa rin ang sumagot na naiipagpaliban ang ibang bagay. Tig-iisa (1) naman ang nagdahilan na wala namn daw itong naiitulong o nai-aambag sa lipunan, maraming naasar sa iyo at nasosobrahan sa pagseselfie. 5.2 KONKLUSYON Batay sa mga datos, ang mananaliksik ay nakabuo ng konklusyon na karamihan sa mga respondente ay sumusunod sa uso at gustong maging – in sa mga nangyayari sa kanilang paligid. At karamihan din sa ma ito ay ginagawang instrumento ang pagseselfie upang magkaroon ng oras at mahikayat ang sarili upang makapag-ayos. Ang iba ay negatibo ang tingin dito, dahil sa kanila ay isa lamang itong pagmamayabang, pag-aaksaya ng oras at walang maitutulong sa lipunan. Ngunit sa ipinakita ng mga impormasyon, mas marami pa rin ang nakakakita ng mga positibong epekto nito sa kabuuan dahil itinuturing nila itong isang paraan upang mas maging maayos na indibidwal. 5.3 REKOMENDASYON Kaugnay sa mga natuklasan, inirerekomenda ng manananaliksik katulad ng isang sagot sa sarvey, na dapat alamin muna ng mga taong gustong gawin ang isang bagay ang mga limitasyon at mga kaugnay nitong kapalit o “consequences”. Katulad ng pagseselfie, ito ay may dulot na positibo at negatibong epekto sa isang tao, dapat lamang ay alamin muna natin kung hanggang saan lamang tayo upang ang magagandang dulot nito ay ating maranasan at maiwasan na rin ang mga masasamang kapalit nito.

Referensya

Hogaza, M.A (2014, Marso 11). TIME tags Makati as ‘Selfie Capital of the World’. Manila Bulletin. http://www.mb.com.ph/time-tags-makati-as-selfie-capital-of-the-world/ McLeod, S. (2004). Maslow's Hierarchy of Needs-Simply Psychology. http://www.simplypsychology.org/maslow.html
Swann, W. (1983). Self-Verification Theory. http://homepage.psy.utexas.edu/HomePage/Faculty/Swann/docu/svt-for-wiki.pdf
Covington (1976). Self-Worth Theory. http://principlesoflearning.wordpress.com/dissertation/chapter-3-literature-review-2/the-human-perspective/self-worth-theory-covington-1976/
Elkind, D. (1976). Egocentrism and Child Development. http://tweenparenting.about.com/od/behaviordiscipline/a/AdolescentEgocentrism.htm

E

Similar Documents

Free Essay

Epekto Ng Pagseselfie

...Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas Mabini Campus, Sta.Mesa, Manila Epekto ng Pagseselfie sa mga Mag-aaral ng Unang Taon Seksyon-31 sa Batsilyer ng Pagtutuos ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Mabini Campus Faith Ann R. Laspina BSA 1-31 Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, Ma. Victoria R. Apigo Marso 15, 2014 KABANATA 1 PANIMULA Simula taong 2012 hanggang ngayong 2013, tanyag na tanyag ang  salitang "selfie", na tumutukoy sa mga larawan na kadalang pinopost nang solo.  Ayon sa mga pinakahuling pag-aaral, naging malaki ang epekto ng pagkakaroon ng mga social networking accounts tulad ng Facebook, Twitter , Instagram at iba pa na kinakailangan mong magkaroon ng mga virtual circle of friends. Nagdudulot daw ito ng pagiging conscious ng isang indibidwal sa kung gaano kadaming followers meron sila at kung anu-ano ang mga dapat ipo-post sa kanilang mga accounts na makakapag-pa -impress sa ibang maaaring makita ng post na iyon. Dahil sa patuloy na popularidad, itinanghal bilang "word of the year" ng Oxford English Dictionary ang "selfie".Ayon sa Oxford Dictionaries, lumobo sa 17,000-porsyento ang paggamit ng salitang "selfie" mula noong 2012. Pagkuha ng self portrait gamit ang smartphone, webcam at camera ang kahulugan ng "selfie". Naungusan nito ang mga sumikat na salita ngayong taon kagaya ng "twerk" o pagsayaw sa mapang-akit na paraan na pinasikat ng singer na si Miley Cyrus sa MTV Video Music Award noong Agosto 2012. Sa kaparehong buwan din naging viral sa social...

Words: 6017 - Pages: 25