Ano kaya ang nilalaman ng pangatlong nobelang ito na isinulat n g ating pambansang bayani na si Duktor Jose Rizal na isinalin ni Dutor Nilo Ocampo? Tungkol saan kaya at sino-sino ang mga mahahalagang karakter dito sa nobelang ito? Ito siguro ang mga tanong ng mga taong hindi pa nakakaalam at hindi pa nakakabasa ng ikatlong nobelang ito. Ako mismo ay nagulat nang malaman kong may kasunod pala ang pagkahaba-habang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Ang setting ng mga pangyayari sa nobelang ito ay sa bayan ng Pili kung saan sinasabing ang mga tao roon ay mahirap pasunurin. Naganap ang mga pangyayari sa panahon ng mga Kastila sa Pilipinas kung saan ang mga namumuno nang ganap ay ang mga prayle. Gaya ng ibang mga nobela ni Duktor Jose Rizal, ginawa niya ito para maipakita sa mamamayan ang mga tunay na nangyayari sa bayan ng Pilipinas.
Kung ikokompara ang Etikang Tagalog sa ibang mga gawa ni Duktor Jose Rizal, makikitang hindi ito tapos. Bitin ang mga pangyayari pero masasabing mas nakakatawa ang mga pangyayari at hindi gaano madrama. Dahil dito mas nakakaenganyo at mas magugustuhan ito ng mga mambabasa. Sinimulang isulat ni Duktor Jose Rizal ang nobelang ito sa salitang Tagalog ngunit banadang huli ay tinuloy ang istorya sa wikang Espanyol at kinulang na ng oras para matapos ito.
Hindi gaanong kaklaro kung sino-sino ang mga main karakter bilang hindi tapos ang nobela pero kita naman sa nobela na kasali sa mga major na karakter sina Padre Agaton, pamilya ni Kapitan Panchong, at pamilya ni Don Crispin. Si Padre Agaton ang kura ng bayan ng Pili na may gusto sa anak ni Kapitan Panchong na si Cecilia na tumitibok ang puso para sa pamangkin ng koadhutor na si Isagani. Magkaaway sa pulitika sina Kapitan Panchong at Don Crispin. Si Don Crispin ay may anak na mayabang at sobrang dominante. Pangalan niya ay Silvino. Nakaaway niya ang lalaking anak nina Kapitan Panchong at Kapitana Barang na si Ape.
Nagsimula ang nobela sa pagiintrodus sa bayan ng Pili. Sa araw na iyon, tinapos ni Padre Agaton ang misa nang maaga. Hindi ito nagbigay ng komunyon kaninuman. Hindi makapaniwala ang mga tao at natakot. Maya-maya ay nagsialisan din sila. Umalis nang madalian si Padre Agaton. Kung ano ang sinasabi ng kura ang siyang masusunod. Kinakatakutan at hinahangaan siya sa bayan na ito. Ang mamamayang hindi sumunod sa kanya ay ipinapatapon. Sisante ang may puwesto na sasalunga sa kanya kaya naman todo-todo ang pagsisipsip sa kanya ng dalawang magkaaway sa puwestong sina Kapitan Panchong at Don Crispin. Si Kapitan Panchong ay may asawang ubod sama ng ugali na nagngangalang Kapitana Barang. Si Kapitana Barang ay may katulong na laging pinagmamalupitan at sinisi pa sa hindi pagbigay komunyon ng kura. Ang katulong na ito ay si Anday na may anak na ginugulpi ni Kapitan Panchong. Pinagnanasahan siya ni Kapitan Panchong ngunit iniiwas niya ito. Gusto na ni Anday na umalis sa lugar na ito ngunit marami pa siyang utang na kelangan pang bayaran sa pamilyang ito kaya wala siyang ibang papatunguhan kundi ang pagsilbihan sila. Umuwi nang may sakit si Kapitan Panchong. Hindi malaman kung ano ang dahilan. Malungkot at nag-aalala si Cecilia. Pumunta si Cecilia sa kanyand silid para makapag-isip. Nakita niya si Isagani at nagngitian sila. Iniimadyin niya si Isagani nang dumating ang kura sa bahay nila. Pinainom si Kapitan Panchong ng tubig galing sa Ilog Jordan. Gumaling ang Kapitan at naging usap-usapan ito sa plaza. Sa plaza, andoon ang anak ni Don Crispin na naghahamon ng mga kabataan ng larong tuktukan. Ayaw makipaglaro sa kanya ng mga kabataan doon dahil alam na madaya siyang kalaro. Hinamon niya si Ape na anak ni Kapitan Panchong at natalo. Nag-away, nagbugbugan, at nagsakitan silang dalawa. Umawat ang mga tatay nila at nagpatawag pa ng duktor at abogado.
Sa nobelang ito ipinakita ni Duktor Jose Rizal ang mga kaugalian, kagandahang asal, at kasamaan ng mga Pilipino. Nasa nobela pa rin ang impluwensya ng kura sa bayan. Inilarawan niya ang mga buhay ng mga Pilipino sa nakakatawa at nakakaasar na paraan. Siguro kung natapos ang istorya, mas makakareleyt ang mga Pilipino kapag nabasa ito.
Nang matapos kong mabasa ang nobela, ako ay natawa at naasar sa mga pangyayari. Nakakatawa kasi totoo ngang nangyari ang mga nakasaad sa nobela, ngunit nakakaasar din dahil maiisip mong ito pala ang katotohanan. Para sa akin, ang nobelang ito ay napakaganda at nakakahumaling. Hindi mahirap intindihin ang mga pangyayari sa nobela dahil madali ang mga salitang nagamit. Tamang-tama lang ang pagsasalin ni Duktor Nilo Ocampo. Dahil dito, tiyak na natupad ang mga pangarap n gating pambansan bayaning si Duktor Jose Rizal na maipabasa ang kanyang mga gawa at sulat para sa mga Pilipino. Dapat mabasa rin ng iba para sila ay matawa at maasar. Marahil, magugulat ang mga mambabasa kung malaman nilang may isa pa palang nobela si Rizal na hindi pa nila nababasa at hindi pa napapag-aralan sa kanilang eskwelahan.