Free Essay

Factors Affectingacademic Perfomance of Civil Technology College Students

In:

Submitted By shender10
Words 1555
Pages 7
APENDIKS D
BUOD NG DIAWOT NI TANASYO BARABAG Anim na magkakapatid ang naninirahan sa lugar ng Mapandan. Si Lanus ang panganay na lalaki, pangalawa si Dawmon at bunso sa lalaki si Manggob. Si Sollanan naman ang panganay na babae, sumusnod si Dyaopan at si Abogaygay, ang pinakabunso sa anim. Isang araw, habang nagtitipon-tipon ang tatlong magkakapatid na lalaki, nagpagawa ng pudong si Manggob kay Dawmon. Sa simula, maayos ang pagkakalikha nito ngunit inantok si Dawmon at nasira ang pudong. Itonapon niya ito sa silong. Bago siya natulog, binalaan niya ang kalikasan pati na rin si Manggob na huwag gumawa ng anumang ingay at huwag siyang gambalain kahit na may sumalakay na kaaway. Habang natutulog si Dawmon, nainip si manggob at naisipan nitong maglaro kasama ang alipin ni Dawmon na si Borong. Naaliw nang husto sa paglalaro si Manggob hanggang sa pinaikot na ang trumpo nito. Sa sobrang tindi ng ikot ng trumpo, nawasak ang mga kabahayan sa silong ng mapandan na lumikha ng napakalakas na ingay. Dahil dito, nagising si Dawmon at hinanap kung sino ang lumusob sa kanilang lugar. Sinabi sa kanya ni Lanus na walang lumusob sa kanila, ang ingay ay likha ni Manggob na noo’y hindi pa rin tumitigil sa paghiyaw habang kasamang umiikot ng kanyang trumpo. Nagalit si Dawmon, kinuha niya ang trumpo at itinapon sa karagatan. Nag-away silang magkapatid ngunit inawat sila ni Lanus at iba pa nitong mga kapatid na babae. Dahil dito, nagpasyang umalis si Manggob. Nagsimula ang paglalakbay ni Manggob. Nang makarating siya sa lugar ng Bidyuwan, nakasalubong niya ang balangay nina Monggo na taga-Orayon. Para hindi siya makita, ginawa niyang kawayan ang kanyang sibat at kumubli siya rito. Nang makita ni Lyomontad ang pambihirang puno ng kawayan, bumaba siya upang kumuha ng suloy. Hindi siya nakakuha ng suloy sapagkat nagsalita si Manggob at itinanong sa kanya kung saan sila tutungo. Sinabi ni Lyomontad na pupunta sila sa Mapandan upang hingin ang kamay ni Sollanan upang maging asawa ng kanyang nakatatandang kapatid na si Monggo. Nang malaman ito ni Manggob, sinabi niyang hindi sila maaaring tumuloy sapagkat magulo ang Mapandan. Pagkarinig ni Lyomontad sa balitang ito, bumalik siya sa balangay at ibinalita ang nangyari sa kanilang ama na ni Dyoyan. Iniutos ni Dyoyan na ipagpaliban na lamang ang lakad at pinabalik niya ang balangay. Nang makaalis na ang balangay, ipinagpatuloy ni Manggob ang paglalakbay. Narating niya ang alapaap ng Subangnon. Ipinatawag ni Manggob ang hangin at inutusan nitong lusubin ang Subangnon upang agawin si Barobaynon, babaeng napupusuan ni Dawmon, mula sa kanyang kapatid na si Tibay. Nag-away ang hangin at si Tibay. Natalo si Tibay at tinangay ng hangin si Barobaynon upang iharap kay Manggob. Inutusan ni Manggob ang hangin na dalhin sa Mapandan si Barobaynon upang ibigay kay Dawmon. Kasabay ng bagyo ang kwintas ni Manggob na tumungo sa Mapandan. Ipinakuha ni Manggob sa kwintas si Abogagay, ang nakababata nitong kapatid, bilang kapalit kay Barobaynon. Bago umalis ang kwintas, ibinilin ni Dawmon na pinauuwi na si Manggob upang makasama sa pakikidigma ngunit tinawanan lamang ito ni Manggob. Mula sa Subangnon, napadaan si manggob sa lugar ng Pammaroyan. Nakita niya rito ang taong naging bato. Tinulungan niya ito upang maging tao muli. Gusto nitong sumama sa kanya ngunit tumanggi si Manggob. Sa kanyang pag-alis, ang tao’y naging bato muli. Dumaan din si Manggob sa Pannibadan. Dito natutulog ang napakalaking buwaya. Ginising ito ni Manggob upang magpaalam na dadaan siya ngunit lalo itong nahimbing. Nainis si Manggob kaya pinalo niya ito sa ulo. Binantaan siya ng buwaya na ngunguyain ngunit nago pa man nangyari ito, hinawakan ni Manggob ang nguso ng buwaya at iwinasiwas hanggang sa nabali ang gulugod at buntot nito. Itinapon ni Manggob sa kabilang pulo ang wasak na katawan ng buwaya. Maraming lugar pa ang nilibot ni Manggob bago narating ang pinakadulong isla. Tuyo ang lupang ito ngunit kabigha-bighani sa kagandahan. Ang buhangin dito ay tila ginto na kumikinang lalo na kapag nasisikatan ng buwan. Tinutubuan ito ng mga kalibaw at tambo. Nahigitan pa nito ang Mapandan ngunit walang naninirahan sa pook na ito. Nagpahinga lamang rito si Manggob at nagpatuloy sa kanyang paglilibot. Nakarating siya sa lugar ng Ogsoban kung saan naninirahan ang malaking alimpuyo. Ang lugar na ito’y pinaliligiran ng dagat at wala nang natatanaw na isla sa paligid. Natanaw ni Manggob ang alimpuyo na umaabot hanggang sa kalagitnaan ng langit. Lalalpitan sana niya ito nang harangin siya ng bagyo. Naglaban si Maggob at ang bagyo. Natalo ang bagyo at hinayaan niyang makatawid si Maggob. Sinisid ni Manggob ang karagatan. Inabot siya ng walong araw bago marating ang kailaliman ng dagat. Nang nasa ilalim na siya ng tubig, natanaw niya ang nag-iisang bahay ng alimpuyo. Nabatid ni Manggob na hindi pangkaraniwan ang naninirahan dito. Dumaan lamang siya rito at nagpatuloy sa kanyang paglalakad sa ilalim ng karagatan. Natating niya ang lugar ni Pyandagindin, ang kanyang tiyahin. Tinanggap siya ni Pyandagindin bilang panauhin dahil hindi naman niya nakikilala na si Manggob ang kanyang kaharap. Sa pamamagitan ng panaginip ni Taranginan, anak ni Pyandagindin, nalaman nilang si Manggob ang dumating. Nagsaya sila sa pamamagitan ng pagnganga at pag-inom ng alak. Nagpaalam si Manggob at sinabihan siya ni Pyandagindin na dumaan sa bahaging Silangan upang marating ang lugar ng kanyang tiyuhin na si Ammamaroy, kapatid ni Pyandagindin. Umahon na si Manggob sa karagatan. Sa kanyang pag-ahon, narating niya ang Yognokan. Nadatnan niya sa dalampasigan si Ammamaroy na naghahasa ng kanyang sandata. Pagkatapos nilang mag-usap, napagkasunduan ng dalawa na magbuno. Kung sakaling matatalo ang matanda, ibibigay nito kay Manggob ang dalagang kanyang inaalagaan. Kung si Manggob naman ang matatalo, hindi na siya makakaalis sa Yognokan. Sa kanilang pagbuno, natalo ang matanda. Sa kanilang pamamahinga, natanaw nilang sinalakay ng mga taga-Mamaylan ang kanilang karatig-pook na Mobollog. Sinabi ni Manggob sa matanda na ihanda ang balangay upang kanila ring lusubin ang Mamaylan. Inihanda ni Ammamaroy, ang napakalaking balangay sa tulong ng kanyang higanteng asawa. Pagdating sa Mamaylan, si manggob lamang ang nag-iisang humarap sa mga bagani samantalang nagpaiwan naman si Ammamaroy sa balon. Nang makalapit na si Manggob, inanyayahan siyang ngumanga at uminom ng mga bagani ng Mamaylan. Tinggihan niya ang mga ito. Sa halip, dinampot niya ang mangkok at inihampas sa ulo ni Masandal (pinuno ng mga mandirigma). Pagkatapos niyang ihampas ang mangkok, sinimulan na niya ang pananaga. Nilipol ni Manggob ang libo-libong mga bagani ng Mamaylan. Nag-uwi sila ng napakaraming bihag. Sa lahat ng mga bihag, natatangi si Saringkogon. Nabighani si Manggob sa taglay nitong kagandahan kaya itinago niya ito sa kanyang kwintas. Bumalik na ang balangay sa Yognokan, lulan ang libo-libong nga bihag. Nagdiwang sila sa natamong tagumpay. Binilang ni Ammamaroy ang mga napatay ni Manggob. Hindi niya nakayanang bilanginang mga ito sa loob ng isang araw at kalahati. Nahigitan ni Manggob ang katapangan ni Ammamaroy dahil dito at dahil na rin sa katandaan, isinalin ni Ammamaroy kay Manggob ang kanyang kapangyarihan. Iginawad kay Manggob ang pamagat na bagani. Nang maging bagani na si Manggob, tinupad ni Ammamaroy ang kanyang pangakong ibibigay ang dalagang inaalagaan. Ang dalagang ito ay si Allag, kapatid ni Mawngat na taga-Yobagan. Itinago siya ni Mawngat sa Yognokan upang walang sinumang lalaki ang makakita sa kanya ngunit wala nagawa si Allag nang ipagkaloob siya ni Ammamaroy kay Manggob. Ikinasal sina Manggob at Allag sa Yognokan. Pagkatapos ng kasal, naisipan ni Manggob na bumalik sa Mapandan. Sa kanyang pagbabalik, isinama niya si Allag. Itinago niya ito sa isa sa mga palawit ng kanyang kwintas. Sa kanilang paglalayag pabalik sa Mapandan, napadaan sila sa karagatan ng Orayon. Sinalubong ni Liban (pinsan ni Lyomontad) ang balangay ni Manggob. Hindi alam ni Liban na si Manggob ang kanyang kaharap. Ibinalita ni Liban na lahat ng mga kapatid ni Manggob ay nagsipag-asawa na. Nagalit si Manggob at pinaalis si Liban. Itinuloy niya ang kanyang paglalayag. Nang makarating si Manggob sa Mapandan, hindi na siya namumukhaan ng kanyang mga kapatid. Sa pamamagitan ng panaginip ng anak ni Lanus, ipinaalam na nagbabalik na si Manggob. Noon lamang nila nakilala si Manggob. Isinalaysay nina Lanus na nagsipag-asawa na ang lahat nilang mga kapatid. Muling nagalit si Manggob ngunit kinausap siya ni Lanus. Isa-isang ipinalabas ni Manggob ang mga babaeng nakatago sa kanyang kwintas. Una niyang ipinalabas si Abogaygay, pangalawa si Allag at pangatlo si Saringkogon. Nang makita ni Allag si Saringkogon, nagalit siya kay Manggob at nagpaalam na babalik siya sa Yognokan. Pinigilan siya ni Manggob at muling inilagay sa loob ng kwintas. Itinuloy naman ni Manggob ang kanyang balak na lusubin ang Orayon bilang ganti niya kay Monggo dahil pinakasalan nito si Sollanan sa panahong wala siya. Pagdating ni Manggob sa Orayon, pinatay niya ang mga bagani doon. Libo-libo ang kanyang napatay. Ipinagbigay-alam ng isang bagani kay Monggo ang nagyari kaya naghanda na ito upang harapin si Manggob. Naghahanda pa lamang ito nang puntahan na siya ni Manggob at hinamong bumababa at harapin siya. Nagharap na sina Manggob at Monggo upang maglaban nang hinarang sila ni Lanus. Nang malaman ni Monggo na si Manggob ang kanyang nakaaway, nagkasundo silang dalawa. Nagkaroon ng kasiyahan sa Orayon. Dumating din si Ammamaroy upang makibahagi sa kasiyahan. Nailagay na sa ayos ang lahat. Ang bawat tauhan ay namuhay nang matiwasay sa kani-kanilang mga lugar kasama ang kanilang mga pamilya.

Similar Documents