“Gabi ng mga Stecians”
Bawat kadilimang dinaanan, bawat lubak-lubak na daan, at bawat pawis na nasayang ay may darating na isang liwanag na handang suklian ang tinamasang kahirapan.
Sa paglubog ng araw ng ika-3 ng Oktubre ay siya namang paglitaw ng mga nakakabighaning kagandahan at nagniningningang mga talento ng mga Stecians. Ipinamalas nila ang kanilang mga natatanging talento sa larangan ng pag-awit, pagsayaw, at maging sa pag-arte sa harap ng mga manunuod na sabik masaksihan ang kanilang tunay na kakayahan.
Sinimulan ang programa sa pag-awit ng Lupang Hinirang, na sinundan ng mga awiting nagpaantig sa puso ng mga madla. Kasunod nito ay ang mga naglalagablabang presentasyon mula sa iba’t ibang antas o lebel ng mga estudyante. Ang mga pagtatanghal ay nagsimula sa pangunguna ng 4th year-Archimedes, sumunod ang Grade 7-Newton, Grade 8-Beethoven, mga awitin, Grade 8- Mozart, sayaw na ginawa ni Guada Batulan ng Grade 9-Pythagoras at Kyle Laurito ng Grade 8-Mozart, Grade 9- Euclid, Grade 9-Pythagoras at ng Grade 7-Einstein. Ang lahat ng mga gilas na ipimalas ng mga Stecians ay tumatak sa isipan ng mga manunuod. Makalaglag pangang mga presentasyon ang kanilang ipinakita na humantong sa isang malakas na hiyawan at palakpakan galing sa mga manunuod. Ang pagtatanghal na ito ay naging daan upang maipakita at maipagmalaki ng mga Stecians kung anong talento meron sila. Sa pamamagitan din nito ay napatunayan nila na hindi lamang sa utak sila malakas kundi pati na rin sa abilidad nila sa pagsayaw, pag-awit, pag-arte at iba pa na siyang magiging tulay nila tungo sa isang matamis na tagumpay.