Pagsusuring Pampanitikan: Suyuan sa Tubigan ni Macario Pineda
03/05/2013
Pagsusuring Pampanitikan
Suyuan sa Tubigan
I. Panimula
Ang panitikang susuriin ay maikling kwento. Ang maikling kwento ay isang maiksing salaysay na tungkol sa isang mahalagang pangyayaring kinasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan at problema lamang. Ang maikling kwento ay may limang uri, ito ay ang trahedya, komedya, satira, romansa at realismo.
II. Pormalistiko
A. Buod
Madaling-araw pa lamang ay papunta na sa tubigan sina Ka Albina, kasama ang anak na dalagang si Nati at ang pamangking si Pilang. Sunung-sunong nila ang mga matong ng kasangkapan at pagkain. Habang daan, nakasabay nila sina Ka Ipyong, Pakito at Pastor na nakasakay sa kalabaw dala ang kani-kaniyang araro. Habang naglalakad, nagkakatuwaan sila at nagkakatuksuhan. Si Ore na kasama rin nila ay nagpatihuli na parang may malalim na iniisip.
Nang marating nila ang tubigang aararuhin, may nadatnan na silang nagtatrabaho. Ang iba naman ay katatapos lamang sa pagtilad at habang nagpapahinga ay nagkakasarapan sa pagkukuwentuhan. Habang abala sa pag-aayos ng mga kasangkapang gagamitin sina Nati at Pilang, nandoon din si Pastor at nagpipilit na tumulong kay Pilang. Si Ore naman ay mapapansing pinamumulhang pisngi. Inabutan ni Pilang si Pastor ng kape ngunit sinamantala ito ng binatang sapupuhin ang kamay ng dalaga. Walang kibong lumapit si Ore kay Nati at humingi ng kape at kamote. Walang patlang ang sulyapan nina Nati at Ore habang nagkakainan. Si Pastor naman ay laging nahuhuling nakatingin say Pilang. Makakain, inumpisahan nila ang suyuan. Sunud-sunod silang parang may parada. Masasaya silang nag-aararo at maitatangi ang kanilang pagkakaisa sa tulung-tulong na paggawa. Para silang nagpapaligsahan sa ingay at hiyawan. Ganoon na nga ang nangyari. Lihim na nagkasubukan sa pag-aararo sina Pastor at Ore. Pagpapakitang bilis sa pagbungkal ng lupa at gilas ng kalabaw. Ipinanahimik lamang ito ng dalawang dalaga na alam na alam ang dahilan. Nauna si Pastor, sumusunod lamang si Ore. Malaki na ang kanilang naaararo ngunit patuloy pa rin sila. Mahina ang kalabaw ni Ore kaya nahuhuli, samantalang magaling ang kalabaw ni Pastor kaya nangunguna. Hindi na makahabol si Ore sa layo ni Pastor nang huminto na ang kalabaw niya sa sobrang pagod.
Tinawag sila ni Ka Punso para kumain. Tumigil si Pastor. Kinalagan ang kalabaw niya at sinabuyan ng tubig. Nakatawa itong lumapit sa mga kasama. Samantalang si Ore ay hinimas-himas pa muna ang batok ng kanyang kalabaw na bumubula ang bibig at abut-abot sa paghinga. Nilapitan siya ng isa sa mga kasamahan at ipinagpatuloy ang ginagawa niya. Lumapit si Ore sa mga kasamahang mapulang-mapula ang mukha at paulit-ulit na ikinukuskos ang mga palad na malinis na naman sa pantalon at walang masabi kundi ang pag-aming talagang makisig ang kalabaw ni Pastor. Naupo si Ore ilang hakbang ang layo kina Nati at Pilang. Si Pastor ay kumakain sa tabi ni Pilang. Nilapitan ni Pilang si Ore at dinulutan ng pagkain. Naibsan ang pagod at hirap ni Ore. Nagwakas ang kuwento sa pahiwatig na bagamat natalo ni Pastor si Ore sa pag-aararo ay natalo naman ni Ore si Pastor sa pag-ibig ni Pilang.
B. Mga Elemento
1. Paksa- tungkol ito sa mga kayang gawin ng isang tao para makuha ang kanyang minamahal.
2. Tagpuan- sa tubigan; Bukid.
3. Tauhan
· PILANG: Dalagang pamangkin ni KA ALBINA. Pinsan ni NATI. Mahiyain at maganda.
· PASTOR: Binata. Isa sa mga magsusuyod sa tubigan ni Ka Teryo. May gusto kay PILANG.
· ORE: Binata. Anak ni Ka Inso. Isa sa mga magsusuyod. May gusto kay Pilang.
· KA ALBINA: Tiya ni PILANG at ina ni NATI.
· MILYO: Binata. Malapit na kaibigan ni ORE.
· PAKITO: Binata. Malapit na kaibigan ni PASTOR.
· FILO: Binata. Kaibigan ni PASTOR.
· TONING: Binata. Kaibigan ni ORE.
· ASYONG: Binata. Kaibigan ni ORE.
· TINONG: Binata. Kaibigan ni PASTOR.
· KA IPYONG: kamag-anak ni Ka Teryo at KA ALBINA.
· FERMIN: anak ni KA ALBINA at Ka Teryo. Kapatid ni NATI. Pinsan ni PILANG. May-asawa
· KA PUNSO: Isa sa mga pinakamatanda. Ginagalang ng mga kasama. May-asawa.