Kultural Na Sanaysay: Isang Pagsusuri Sa Mito Ng Mang Inasal
In:
Submitted By andiejurado Words 1150 Pages 5
Kultural na Sanaysay: Isang Pagsusuri Sa Mito ng Mang Inasal
Kailan lamang ay nauso ang mga chicken barbeque houses dito sa Pilipinas. Kahit saan ka lumingon ay mayroon kang makikitang manukan. Isa na sa mga ito ang Mang Inasal. Ang Mang Inasal ay isang barbeque fastfood chain dito sa Pilipinas na naghahain ng chicken barbeque, pork barbeque at iba pang mga pagkaing Filipino. Una itong itinatag noong December 12, 2003 sa Iloilo City. Nagsimula ito bilang isang maliit na fastfood kiosk na may laking 250 sqm sa parking building ng Robinsons Place Iloilo. Sa kasalukuyan, ang Mang Inasal ay mayroong 445 na branches sa buong bansa. Naging patok ang Mang Inasal sa panlasa ng mga Filipino. Maituturing na kulturang popular sa Pilipinas ang Mang Inasal dahil sa kanyang mga katangian. Ang unang katangian ng fastfood chain na ito ay nilikha ito para sa kita. Sa katunayan, ang nagmamayari ng Mang Inasal na si Edgar Sia ay pinangalanang pinakabatang bilyonaryo ng Forbes’ “The Philippines 40 richest” noong 2010 nang ibenta niya ang 70% nito sa Jollibee. Ang pangalawang katangian nito ay ang pagkakaroon nito ng mga advertisement na makikita natin sa iba’t ibang klase ng media tulad ng print at broadcast. Isa sa mga konseptong kinakatawan at binabalot ng Mang Inasal sa kaniyang sarili ay ang kaniyang pagka-Filipino. Makikita natin ito sa menu ng Mang Inasal. Dahil ang kanilang mission ay “To consistently provide our customers a great pinoy dining experience”, ang mga nilalaman ng menu nila ay mga pagkaing Pinoy tulad ng chicken inasal na nagmula sa Bacolod, sisig, dinuuguan at puto, halo-halo at marami pang iba. Makikita rin ang pagiging Filipino ng Mang Inasal sa kaniyang mga advertisement. Isang halimbawa ng commercial ng Mang Inasal na kumakatawan ng pagka-Filipino niya ay iyong commercial niya ng dinuguan at puto, kung saan si Jose Manalo ng Eat Bulaga ang ginamit nila para sa commercial. Makikita sa commercial na ito na ililibre ni Jose ang kaniyang mga kaibigan. Gumagamit rin siya ng “barok” na Ingles o karabao English dito. Subalit maaaring isipin ng marami na ang paggamit ni Jose ng mali-maling Ingles dito ay para lamang magpatawa, maaaring mayroon pang ibang dahilan kung bakit ganito ang uri ng wika na ginamit niya. Sa commercial na ito, kinakatawan ni Jose ang isang ideyal na karaniwang Filipino na nanlilibre ng mga kaibaigan at nagsasalita sat wikang Ingles upang mapakita sa iba na mayroon siyang kakayahan. Ginamit ng Mang Inasal si Jose Manalo para sa advertisement na iyon dahil mayroon si Jose noong mga katangian ng ideyal na karaniwang Filipino. Dati siyang nagtratrabaho lamang behind the scenes sa Eat Bulaga at sa huli ay naging regular co-host sa noon-time show na ito. Kinakatawan niya ang Filipino na nagmula sa hirap subalit ngayon ay mayroon nang maipagmamalaki. Pwede siyang ikahon sa kategoryang mahirap o sa kategoryang may kaya. Kaya siya ang nasa commercial ng Mang Inasal dahil ang gusto ng Mang Inasal ay sila ay maging para sa lahat ng Filipino, mahirap man o mayaman. Ngunit kinakatawan din ng Mang Inasal ang pagmamalabis. Isa itong pagmamalabis sa konseptong abot-kaya ng isang karaniwang Filipino, sa konseptong sulit at sa konseptong para sa lahat. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang kahulugan ng sulit ay “antas ng pakinabang sa puhunan”. Kilala ang Mang Inasal dahil sa pagkakaroon nito ng “Value Meals” na may “unli rice” o unlimited rice. Pumapatak ang mga halaga nito mula P99 hanggang P112. Tinatangkilik ito ng mga Filipino dahil nauugnay ng mga Filipino ang rice o kanin sa pagkabusog, kaya kapag kumain sila dito ay siguradong sulit ang kanilang binayad sapagkat sila ay mabubusog. Samantala, ang mga “Sulit Meals” naman ng Mang Inasal ay hindi unli rice. Ito naman ay may halagang P59. Maipapasok dito ang mga konsepto ng ekonomiks. Ang minimum wage sa NCR, ang rehiyon kung saan pinakamataas ang minimum wage sa Pilipinas, ay mula P419.00 hanggang P456.00 kada araw. Sa kabilang dako, 7.2% ng labor force ng Pilipinas ay unemployed at 18.8% ng employed ay underemployed. Marami sa mga Filipinong employed ay nakakatanggap ng minimum wage. Malaking porsiyento ng ating populasyon ay nasa Class D at E o lower middle class at lower class. Ang 60% ng populasyon ng bansa ay kabilang sa Class D na may average annual income na P191,000, habang 30% naman ang kabilang sa Class E na may average annual income na P62,000. Ang mga kabilang sa class na ito ay maituturing na “masa” o karaniwang Filipino. Kung ganito ang kalagayan nang marami sa ating mga kababayan, masasabi pa rin ba na ang Mang Inasal ay abot-kaya ng isang karaniwang Filipino? Matutupad pa rin ba ang vision ng Mang Inasal na “To be the preferred quick service restaurant of every pinoy everywhere!”? Para sa isang Filipino na unemployed o sumesweldo lamang ng minimum wage, hindi niya masasabing abot-kaya ang kumain sa Mang Inasal. Hindi kaya ng bulsa ng isang tricycle driver na kumikita ng P150 kada araw kumain ng pagkaing naghahalaga ng P59 hanggang P112 kung mayroon pa siyang pamilyang pakakainin. Kung hindi ito abot-kaya ng ganito nating klaseng mga kababayan ay hindi rin masasabi na ito ay sulit. Para sa isang karaniwang Filipino o Filipino na maituturing na masa, hindi abot-kaya ang Mang Inasal kaya masasabing hindi ito para sa lahat ng Filipino. Ito ay para lamang sa upper middle class hanggang upper class sapagkat para sa kanila lamang ito mura o abot-kaya. Ang Mang Inasal ay pagmamalabis sapagkat hindi ito tunay na para sa lahat ng Filipino at hindi ito pipiliin ng lahat ng klase ng Filipino. Sa katotohanan, ang konsepto nito sa pagiging sulit at abot-kaya ay malayo sa pangkaraniwan at pangkalahatan.
Bibliograpiya
Imbong, Peter. “10 Most Inspiring Entrepreneurial Stories of 2010”, Entrepreneur Philippines, 21 December 2010, http://www.entrepreneur.com.ph/ideas-and-opportunities/article/10-most-inspiring-entrepreneurial-stories-of-2010 (nakuha noong 24 January 2013)
About Us, http://manginasal.com/index.php/about-us.html (nakuha noong 24 January 2013)
Jose Manalo, http://en.wikipedia.org/wiki/Jose_Manalo (nakuha noong 24 January 2013) de Santos, Jonathan. “Mang Inasal's Sia is youngest in top PH billionaires; Sy family still richest”, Yahoo! News, 21 June 2012, http://ph.news.yahoo.com/mang-inasal-s-sia-is-youngest-in-top-ph-billionaires--sy-family-still-richest.html (nakuha noong 24 January 2013)
Menu, http://manginasal.com/index.php/our-menu.html (nakuha noong 24 January 2013)
NCSB - Statistics - Labor and Employment, http://www.nscb.gov.ph/secstat/d_labor.asp (nakuha noong 24 January 2013)
Official Website of National Wages and Productivity Commission, http://www.nwpc.dole.gov.ph/pages/statistics/stat_current_regional.html (nakuha noong 24 January 2013)
Socioeconomic classes (SEC) ABCDE: Percentage of population, http://www.pinoymoneytalk.com/sec-abcde-percentage-population/ (nakuha noong 24 January 2013)
UP Diksiyonaryong Filipino. Quezon City: Anvil Publishing Inc, 2001.