Ang Makahiya
Onofre Pagsanghan
May damong ligaw sa ating bayan na kung tawagin nati'y "Makahiya." Huwag mong makanti ang damong ito't dagling iikom. At kapag ito'y nakaikom na'y mahirap mo na uling mapabukadkad. Ang Makahiya ay maraming tinik. Kapag nagkamali ka nang tangan ay dagli kang magagalusan. Ang Makahiya ay walang bunga, walang katuturan -- hindi gamot, hindi rin gulay. Ang "Makahiya" ay balakid sa paglaki ng ibang tanim na napapakinabangan. Kung kaya't ang "Makahiya" ay binubunot, tinatapon, at sinisigan; sapagka't kapag napabayaan kay bilis nitong kakalat at maghahari-harian sa buong halamanan.
Taglay ng marami sa ating mga kababayan ang isang kaugaliang tulad ng "Makahiya." Ito'y ang labis na pagkamahiyain. Ang karupukang ito'y isang balakid sa pag-unlad. Ayaw mamuno. Nahihiya. Kiming sumalungat sa kasamaan. Nahihiya. Kiming ipagtanggol ang katarungan. Nahihiya. Kiming makipagpaligsahan. Nahihiya. Ayaw maiba sa karamihan. Nahihiya. Takot mag-isa kahit na sa gawang kabutihan. Nahihiya.
Ang labis na hiya'y nagsusupling pa rin ng ibang karupukan. Ang labis na mahiyain kapag napagsabihan ay nagtatampo; kapag napagsalitaan ay nagmamaktol; kapag napulaan ay nasisiraan ng loob; kapag sumama ang loob ay di na makikiisa kahit na sa kanyang sariling ikauunlad. Ito'y mga karupukang supling ng labis na hiya.
Ako ang huling magpapayong itapon natin sa hangin ang hiya. Ang taong walang hiya ay masahol kaysa taong labis ang hiya. Ang aking iminumungkahi ay ang wastong pagpapahalaga sa hiya. Ikahiya ang dapat ikahiya -- ang paggawa ng masama, ang paglabag sa utos ng Diyos, ang paglapastangan sa kapuwa. Nguni't huwag nating payagang ang ating hiya ay pumigil sa ating pag-unlad sa kasaganaan. Huwag nating payagang magapos tayo ng labis na hiya sa pagsalungat sa kasamaan. Huwag nating payagang ang ating hiya ay maging isang damong ligaw na sasakal sa ating pagpupunyagi sa kabutihan. Lagutin natin ang gapos ng labis na hiya. Bunutin natin ang damong "Makahiya" sa ating katauhan -- bunutin at sigan. Lakas loob na umusad sa ikasasagana ng bayan. Lakas loob na bumukod at sumalungat sa kasamaan. Lakas-loob na ipagsanggalang, kahit na mag-isa, ang katarungan. Lakas-loob na magpunyagi sa ipagtatagumpay ng kabutihan.