NAGTIPID SI CHELO Nakabahala kay Chelo ang panawagan ng kanilang Barangay Chairman tungkol sa patuloy na krisis sa gasolina at langis. Gayon din ang nababasa niya sa mga peryodiko, naririnig sa radyo at napapanood sa telebisyon. Kanina, sa pulong ng kanilang barangay, hiningi ang kanilang pakikiisa sa kampanya sa pagtitipid sa paggamit ng panggatong. Siya ang tagapangulo ng komite sa malnutrisyon, at kanina ay galing na sila sa dako ng mga iskuwater sa tabi ng riles ng tren, sa gilid ng mabahong estero at tambakan ng basura. Nakalunos sa kanya ang nasaksihan: mga batang halos buto’t balat, malaki ang tiyan at madidilaw ang balat. At ngayon, heto pa ang isang problema: gasolina at langis. “Mapapabayaan ng ating pamahalaan ang ibang malulubhang problema, kabilang ang malnutrisyon, kung dahil sa sobrang paggamit ng gasolina at langis ay limitahan at gawing rasyon lamang ang pagbibigay nito,” paliwanag pa ng kanilang Barangay Chairman. “Pag inirasyon ang pagbibigay nito, liliit ang produksiyon ng lahat ng gamit natin at lalong tataas ang mga bilihin. Lalong hirap ang aabutin natin, karamay pati ang mga batang hindi mapakain ng masustansiyang pagkain.” Bago sila naghiwa-hiwalay, ipinamigay ng Barangay Chairman sa bawat may kotse, kabilang si Chelo, ang isang kupon sa gasolina, kaugnay sa isang timpalak para sa energy conservation. Kasama pati ang konsumo ng koryente sa bahay. Ang tuntunin: kung sino ang makagamit ng pinakamatipid na gasolina at koryente sa isang buwan, ay pagkakalooban ng libong pisong gantimpalang cash at iba pang produkto. Noon pa’y may kumislap nang ideya sa isip ni Chelo. Tamang-tama ang dating ng contest na ito, dalawang ibon sa isang putok ang aking magagawa. Mag-aalas-sais na nang dumating si Chelo sa kanilang bahay. Saglit siyang tumigil sa may tarangkahang bakal. Ang kanilang semi-bunggalong bahay ni Alfredo ay waring nag-aanyaya sa sino mang makakikita na magpahingalay sa aliwas at magaganda nitong silid, sa berandang naliligid ng mga paso ng halaman at sa masinop at maluwang na salas na kubkob ng malalapad na kurtinang tumatabing sa nakasisilaw at nakasasakit sa matang liwanag, kung ganitong palubog ang araw. Ngunit walang gayong pag-aanyayang nadama si Chelo nang sandaling ito. Salising naglalaro sa kanyang isip ang dalawang problema: energy conservation at malnutrition. Dala marahil iyon ng pagkakapalaki sa kanya. Maykaya man sa buhay, ang nasira niyang ina ay matulungin at maawain sa mahihirap. May abuloy itong nakalaan sa iba’t ibang institusyon. Laging nangunguna sa mga gawaing sibiko. Paglilinis ng bakuran at kalsada. Pagpapaganda sa paligid. Green Revolution. Nangunguna na ipatupad ang mga kautusan para sa kagalingang bayan. At dito siya nagmana!
Pagpasok ng pinto, hindi niya binuhay na lahat ang ilaw, na dati niyang ginagawa. Isang fluorescent lang ang sinindihan, at tumuloy sa kusina pagkatanaw na maliwanag doon. Inabutan niyang nakaharap sa lutuang de-koryente ang katulong na si Aling Tuding. May nakasalang sa dalawang burner; bukas ang dalawang ilaw at tumutugtog ang radyo. “Aling Tuding, mula ngayon ay babawasan natin ang paggamit ng koryente para makatulong sa panawagang konserbasyon ng panggatong,” tagubilin niya at piñata ang isang ilaw, hinugot ang plug ng radyo at inilagay sa low ang kalan. “Kung tapos na kayo sa pagluluto, patayin na n’yo ang kalan..” “E lalamig ang ulam ni Alfredo,” paalaala ni Aling Tuding. Ngumiti si Chelo. “Mag-aral siyang kumain ng malamig, kung hindi siya makauwi nang maaga.” Pasado alas-siyete nang marinig ni Chelo ang ugong ng awto ng asawa na ipinasok sa garahe. Kanina, kinuha na ng official recorder ang meter reading ng kanilang koryente para malaman ang kanilang kunsumo sa isang linggo. Sampung buwan pa lamang silang kasal ni Alfredo, na assistant purchasing manager ng LP Manufacturing Company sa Makati. At sa ipinundar nitong bahay at lote tumuloy sila matapos makasal. Ideal husband si Alfredo at compatible sila maging sa edad. Sinalubong niya ang asawa sa pinto na pagkakita sa kanya’y mahigpit na niyakap at matunog na hinagkan sa pisngi. “Chel, sori… tinapos kasi namin ang kumperensiya sa bago naming produkto,” kasabay sa paghakbang ang pagbabalita. “Lambot na ‘ko sa gutom… sa komedor na tayo tumuloy.” Isang mapanuksong kislap ang naglaro sa mga mata ni Chelo. “Tamang hindi ka na muna magpalit ng damit; pagkakain mo’y magsasadya tayo sandali sa istasyon ng gasolina para rito,” at ipinakita ang kupon sa gasolina, kasabay ang paliwanag tungkol sa nilahukang timpalak sa energy conservation. Napatingin si Alfredo sa asawa, naghihinala. “May kutob akong malaking papel ang gagampanan ko sa pinasok mong contest na ito.” Hindi kumibo si Chelo, ang sagot ay idinaan na lamang sa pagtawa. Kinabukasan, buo na sa isip ni Chelo ang plano ng kanyang programa para manalo sa timpalak. Kagabing makapanggaling sa istasyon ng gasolina, sinukat niya ang laman ng kanilang tangke saka sinidlan ng gasolina ayon sa tagubilin sa kupon - ay hindi siya agad natulog. Pinag-aralan niya ang lahat ng anggulo kung paano higit pang makapagtitipid, mula sa mga gagamitin sa bahay hanggang sa sasakyan ng asawa.
Maging nang bagu-bago pa lamang sila sa pook na ito, ang paglahok niya sa ano mang gawaing sibiko, ay laging kalakip ang layuning manguna para maging huwaran ng iba pang barangay. Kahit na anong proyekto ang masalihan, ginagampanan niya ang tungkulin nang buong puso at kasiglahan. Gaya ng pagkalahok niya ngayon sa energy conservation contest, hindi ang sarili lamang ang ipinakikipaglaban niya. Kung siya’y mananalo, maipakikilala niya sa lahat, na kahit na sino ay magagawang makapagtipid sa panggatong kung talagang pangangatawanan at magsisikap. Magkasabay silang pumanaog ng asawa para sa agahan. At pagkakain handa na si Alfredo na pumasok sa opisina. Hiningi ang susi ng kotse kay Chelo. “Uuwi ako ng tanghali, ano ba’ng ulam natin?” masayang wika pa ni Alfredo, bitbit ang attaché case. Nasa mga mata na naman ni Chelo ang nanunuksong kislap. “Conserve energy, Al.” paalala niya. “Hindi ka muna mag-aawto, umpisahan mo nang sumakay sa bus mula sa araw na ito at h’wag ka na ring umuwi ng tanghali, malaki ang matitipid sa gasolina kung ikaw ay matrapik, at ga’no ang distansiya mula rito hanggang sa Makati? Kelangang manalo tayo, at para manalo, tulungan mo ako,” at hinagkan ang asawa. “Duda na nga ba ‘ko sa nakita kong kakaibang kislap sa ‘yong mga mata,” nasabi na lamang ni Alfredo at ngumiti. “Pero, okey na rin sa ‘kin, katulong mo ‘ko sa ‘yong project.” At nagmamadaling nanaog pagkatanaw sa dumarating na bus. Ang inumpisahan ni Chelo ay ipinagpatuloy, kahit na kinailangan din niyang magsakripisyo sa ilang kaginhawahan ng katawan. Sa paliligo, kung malamig ang tubig, hindi na siya nag-iinit ngayon. Ayaw na niyang makaragdag pa sa kunsumo ng koryente ang paggamit sa kalan. Itinigil na rin niya ang paggamit ng air-condition. Binalikan din niya ang gamit na uling sa pamamalantsa. Nagtaka pa si Aling Tuding nang ilabas niya mula sa taguan ang luma nilang plantsang de-uling. “Hindi na muna natin gagamitin ang de-koryenteng plantsa, Aling Tuding.” Paliwanag niya sa nagtatakang katulong. “Menos-gastos ang de-uling na plantsa, kung ihahambing sa nakukunsumo sa koryente. Gagamitin natin ang de-koryenteng plantsa sa mga apurahang lakad lamang, na kelangang paraanan ng plantsa ang lukot ng damit.” Napatungo si Aling Tuding, nasakyan ang tinutukoy ni Chelo. “Pareho lang sa ‘kin ‘yan: ang totoo’y sa plantsang de-uling ako nasanay noong araw sa amin sa probinsya.” Mayroon din siyang sorpresa para sa asawa nang kinagabihan ay dumating ang sandal ng kanilang pamamahinga, bago matulog. Nahirati na si Alfredo na manood ng telebisyon matapos makakain. Kanina, hindi na nito pinansin ang kaunting kadiliman sa salas dahil isang bombilya lang ang sinindihan ni Chelo. Pero bago niya mabuksan ang pihitan ng TV, humadlang si Chelo. “Al, conserve energy,” paalaala uli niya. “Kung manonood tayo, limitahan na lang natin sa isang oras, at piliin natin ang pinakamagandang palabas. Sa gayong paraan, nakatipid na tayo ay napag-ingatan pa nating hindi mapagod an gating mata.” “Chel, ano na ba naman ang konting natitipid sa TV; mahina naman ang konsumo nito,” reklamo ni Alfredo. Nakangiti, masuyong itinutok ni Chelo ang hintuturo sa labi ng asawa. “Konti man ay karagdagan sa marami, hindi ba? At saka, sa sanayan lang ‘yan – kung mahirati tayo sa maikling panonood, hindi na natin hahanapin ang dating gawi – at baka sa katagalan ay mapalampas pa natin nang hindi napapansin. Okey ba, darling?” “Ikaw, oo, kinukuha mo ‘ko sa pilosopiya,” sagot sabay pagyakap sa asawa. Nagtatawang pumiglas si Chelo, at nang makakawala ay tumakbo, patungo sa silid, kasunod ang gumigikgik na si Alfredo. Pagkaraan ng ilang araw, tinitingnan ni Chelo ang metro ng koryente. Nakatitipid nga sila, pero hindi pa siya kuntento. Sinuri rin niya ang tangke ng gasolina ng awto; kakaunti ang bawas. May laban na sila sa natipid sa gasolina. Kung sabagay, ang katumbas naman niyon ay pagtitiis ni Alfredo tuwing umagang papasok at sa hapon pag-uwi. Kung pakikinggan niya ang daing nito, baka makalimot siya sa patakarang sinusunod at ipagamit na ang kotse. “Dati naming wala tayong kotse; sanayin mo na uli ang katawan sa pagsakay sa bus at jeepney.” Igaganti niyang pabiro sa mga pagrereklamo ng asawa. “At saka tingnan mo, mas malusog at matitigas ang laman mo ngayon, kesa noong hindi ka napapagpag dahil sa pagsakay-sakay sa kotse.” “Al, ang gagawin natin sa labas ay siyang magbibigay sa’tin ng panalo sa contest, kung payag ka pang makipagtulungan sa ‘kin.” Payapang nagbabasa noon ng diyaryo si Alfredo nang tabihan niya at lagdaan ng halik sa pisngi. Naghihinalang tumingin sa kanya ang asawa. “Sumama ka na sa ‘kin nang makayari tayong maaga.” Sa likod-bahay ay naihanda na ni Chelo kanina ang martilyo, lagari, pako at tabling inilabas mula sa garahe. Patakang napamasid ditto si Alfredo. “Dito tayo gagawa ng kapirasong kalanan nang hindi mausukan ang loob ng bahay,” ani Chelo sa biglang napamaang na asawa. “Marami tayong kahoy na panggatong.” “Ba’t ako pa, tumawag na lang tayo ng karpintero,” tutol ni Alfredo. “Kasama ito sa conservation.” Hadlang ni Chelo. “Ang magagawa natin ay h’wag na nating iasa sa iba. Sige, umpisahan mo na’t tutulungan kita. At least, may nagawa tayong kapaki-pakinabang sa maghapon.” Hindi na nakatutol, napilitang abutin ni Alfredo ang lagari nang ibigay ni Chelo. Tuwang-tuwa si Chelo nang tanggapin ang pasabi mula sa Inampalan ng contest na silang mag-asawa ang nanalo sa Energy Conservation Contest. At sa kalakip na imbitasyon, inaanyayahan silang dumalo sa Awards Ceremony para tanggapin ang gantimpala. Kinagabihan, excited sila habang nagbibihis. At ang matagal na nabakasyong awto ay ginamit nila patungo sa pagdarausang awditoryum. Habang daan ay inuusal-usal na ni Alfredo: “Ang cash ay maililigpit natin at pati mga household prizes, pero ang premyong isang buwang libreng gasolina ay gagamitin naman natin – babawi tayo sa matagal na pagsakay sa bus,” sinulyapan ang asawa. “Ano na lang ang sasabihin ng Pangulo at ng First Lady sa gayong extravagance, h’wag mo nang ituloy,” isinalag ni Chelo, at isang mahiwagang ngiti ang naglaro sa labi. Kinabahan si Alfredo, duda siya sa iniisip ng magandang asawa. At hindi nagkabula ang hinala ni Alfredo, nang tanggapin ni Chelo ang mga gantimpala, sa gitna ng palakpakan at masayang mga pagbati, ay ipinahayag nito: “Ang mga gantimpalang ito’y higit na kailangan sa mga institusyon, mga ospital, at ang pagkain ay sa mga kawawang bata na biktima ng malnutrisyon…” Hindi nakapalakpak si Alfredo, para siyang nakaramdam ng panlalambot – ngayon lang tumalab sa kanya ang hirap na dinanas sa ginawa nilang energy conservation ni Chelo. Pero sa ubod ng puso, may pagmamalaki siyang nadarama sa napagtagumpayan ng asawa.