Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok.
“Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang