Free Essay

Abcd

In:

Submitted By ralphdy
Words 44725
Pages 179
Ang Filipino at Tagalog, Hindi Ganoong Kasimple ni Ricardo Ma. Nolasco, Ph.D.

Sa maraming Pilipino, ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto. Hindi tama ito.

May mga paraan ang mga pantas-wika o linguists para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto. Ang batayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang nagsasalita. Kapag hindi sila nagkakaunawaan, nagsasalita sila ng magkaibang wika. Kapag nagkaunawaan, nagsasalita sila ng parehong wika o diyalekto ng isang wika. Walang bale kung ang pananalita ay may lima o isang milyong tagapagsalita; kung mayroon itong panitikan o wala; o kung sinasalita ito sa isang baranggay o sa buong probinsya. Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at ano ang diyalekto.

Sa batayang ito, ang Ilokano, Sebwano, Kapampangan, Pangasinan, Hiligaynon, Bikol, Butuanon at Meranao, kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi ganap na mga wika. Diyalekto o wikain ang tawag sa baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.

Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa. Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto. Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig. Nangunguna ang Papua New Guinea.

Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika? Hindi. Ang mga ito ay mga baryasyon na “mutually intelligible” at samakatwid, ay kabilang sa iisang wika. Ayon sa KWF, ang Filipino ay ang uri ng wika na sinasalita sa Metro Manila at iba pang punong-lunsod na pinagtatagpuan ng iba’t ibang grupong etniko. Ito ang pinakaprestihiyosong uri ng Tagalog at ang wikang ginagamit ng masmidyang pambansa.

Ang isa pang panukat para makilala ang isang wika sa isang diyalekto ay: ibang gramatika, ibang wika. Iisa ang gramatika ng “Filipino,” “Pilipino” at “Tagalog.” Magkakapareho ang ginagamit nitong mga pananda (ang, ng at sa); mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atb.) panghalip-panturo (ito, iyan, doon, atb.); pangatnig (na, at at ay); kataga (na at pa); at panlaping makadiwa –in, -an, i- at –um-. Sa madaling salita, magkaparehong gramatika, magkaparehong wika.

May ilang taga-akademya na nagsasabing ang Tagalog ay “purista” at ang Filipino ay hindi. Para sa kanila, ang “pulong” at “guro” ay salitang Tagalog samantalang ang “miting” at “titser” ay salitang Filipino. Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang panghihiram ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika. Hindi ito nauunawaan ng mga nagsasalita ng Espanyol.

May mahalagang gamit din ang “purismo.” Ang tinutukoy ko rito ay hindi ang purismong pinagbungahan ng mga salitang gaya ng salumpuwit at salipawpaw. Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,” at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.” Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa. Sapagkat palasak na ang silya at eroplano, ang ganitong uri ng purismo ay hindi nagkaroon ng kabuluhan at itinakwil ng mamamayan.

Tinatangkilik ko ang purismong gumagabay sa paggamit ng mga salitang gaya ng gasang. Ang gasang ay Sebwano at Tagalog para sa “coral” at ang kagasangan naman ay nangangahulugan ng “coral reef”. Kung patuloy nating gagamitin ang terminong Ingles para sa konsepto, o magkakasiya na lamang sa ponetikong baybay na koral rif, ang katutubong salita ay mamamatay. Hindi tayo dapat matakot na turuan ang madla ng bagong mga salita kung ito’y eksakto at angkop para sa okasyon.

Subalit kung ito ma’y simpleng Tagalog o malalim na Tagalog, puro o halu-halong Tagalog, ito’y Tagalog pa rin. Nabibilang pa rin sa iisang wika.

Kung gayon, bakit natin kinailangang magpalit ng pangalan buhat sa Tagalog, patungo sa Pilipino at pagkatapos sa Filipino?

Ang mga dahilan ay may kinalaman sa aspektong panlipunan o sosyo-pulitikal ng wika. Buhat sa isang wika ng mga taal na Tagalog at probinsyang Tagalog, naging wika na ito ng mamamayang Pilipino. Naging pambansa ang naturang wika. Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog.

Batay sa sensus ng 2000, 9 sa 10ng Pilipino ang nagsasalita at nakakaunawa ng Tagalog, magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Kahit sa dulo ng timog, gaya ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang pakikipag-usap na inter-etniko. Salamat sa TV, radyo, komiks, paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon.

Ngunit, karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng unang wika na naiiba sa Tagalog. Ang Sebwano ay unang wika ng may 18.5ng milyong tagapagsalita, sunod dito ang Ilokano na may 7.7ng milyon, Hiligaynon na may 6.9ng milyon at Bikol na may 4.5ng milyon. Ang Tagalog ay may 22ng milyong taal na tagapagsalita.

Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika. Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na mani (walang impit na tunog) ng isang Ilokanong nagsasalita ng Tagalog. Dahil dito, nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog. Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na bahagi ng wikang pambansa.

Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino. Gayon man, higit itong prestihiyoso kaysa Filipino. Ayon sa surbey noong 2006 ng Social Weather Stations, 7 sa 10ng Pilipino ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles. Halos kalahati (48%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at sa ikatlo (32%) ang nagsabing nakakapagsalita nito.

Ito ang magpapaliwanag bakit kadalasa’y pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Filipino. Tinatawag ito ng marami na “Taglish.” Sa ilan, ito ay kapag sinisimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap, tapos you switch to another language sa parehong pangungusap. “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog ngunit bokabularyo naman ng Ingles. Napakalawak na ng panghihiram ng Filipino sa Ingles kaya mahigit sa 1,500ng salitang Ingles ang natagpuan nang tatlong beses sa isang corpus ng isang milyong salitang Filipino. Ito ay ayon sa isang pag-aaral noong 1998 na nagmungkahing ang pinakagamiting salitang Ingles gaya ng okey, mommy, pulis, daddy at mister ay bahagi na ng Filipino.

Noong 1987 ay pormal nang kinilala ng mga pinuno ng ating bansa ang wikang ito na ginagamit ng mga Pilipino bilang lingua franca nila. Tinawag nila itong “Filipino” na may “F” bilang hudyat na ito ay isang wikang batay hindi lamang sa Tagalog kung hindi sa iba pang mga wika ng Pilipinas at dayuhang wika. Nais din nilang ihiwalay ang wikang ito sa “Pilipino” na ipinalalagay nilang “purista”.

Gayon man, hindi alintana at walang pakialam sa mga pagtatalo ang mga gumagamit ng pambansang wika. Dalawampung taon matapos mabigyan ng pangalang Filipino ang kanilang wika, ang tawag nila dito ay Tagalog pa rin.

Sa maraming talakayan, tinatanong din ako kung ano ang nararapat na itawag sa ating wika, sa tao o sa ating pagkamamamayan at sa ating bansa. Lagi kong sinisimulan ang aking pagsagot sa pagsabing depende sa kung anong wika ang ginagamit. Kung sa Ingles, ang ating wika ay “Filipino”, ang tao o ating pagkamamamayan ay “Filipino” at ang ating bansa ay “Philippines.” Kung sa wikang pambansang tinatawag na Filipino, ang ating wika ay “Filipino”, ang tao o ating pagkamamamayan ay “Pilipino” at ang ating bansa ay “Pilipinas.” Hindi ko ipinapayong gamitin ang “Filipinas” para sa ating bansa, at “Filipino” para sa tao o ating pagkamamamayan sapagkat salungat ang mga ito sa opisyal na pagtutumbas.
Ano ang Pagkaiba ng Filipino sa Tagalog? ni Dr. Isagani R. Cruz

“Ano ang pagkakaiba ng Filipino sa Tagalog? Ano pa, di ang Filipino komiks, ang Tagalog klasiks.”
-Anonymus

Tatlo ang given ko.

Una, ang komersyal sa telebisyon na nagpapakita na ang maling ginagawa ng matanda ay nagiging tama para sa bata. Ipakikita ko na ang ginagawa ng nakatatanda sa atin sa paggamit ng wika – ang mga batikang manunulat – akalain man nating mali ay nagiging tama para sa ating mga batang sumusunod lamang sa kanila.

Ikalawa, ang artikulo ni Brother Andrew Gonzalez, FSC, na pinamagatang “When Does an Error Become a Feature of Philippine English?” at nagpapatunay sa teorya ni Teodoro Llamzon na may uri (variety) ng Ingles na maaaring tawaging Philippine English. Ayon kay Gonzalez, wala ni isang Filipino na nakapagsasalita ng Standard American English; aniya, “The perfect coordinate bilingual is a myth” (126). Dahil dito’y dapat ituring na diyalekto ng Ingles ang Philippine English, “a variety of English at par with American, British, Australian, Canadian and other varieties of English in formerly colonized countries in Asia and Africa” (110). Ipakikita ko na ang mga inaakala nating kamalian sa paggamit ng Tagalog ay palatandaan na mayroon na palang uri o diyalekto ng Tagalog na maaaring tawaging Filipino.

At ikatlo, ang panuntunan sa wikang Ingles, na ginagamit sa Harper Dictionary of Contemporary Usage, na ang mga tuntunin ng wika ay dapat ibatay sa aktuwal na gamit ng mga pinakamahusay na gumamit ng wika – “the standards of linguistic usage adhered to by those who use the language well” (xiv); para sa mga editor ng Harper, ang mga pinakamagaling gumamit ng wika ay ang mga manunulat. Ano nga ba ang usage? Ayon sa Longman Guide to English Usage, “usage is the way in which words and phrases are actually used in accepted practice, as distinct from what abstract theory might predict” (742). Ipakikita ko na iba ang aktuwal na gamit ng wika kaysa iniuutos ng abstraktong teorya o ang tinatawag nating balarila.

Magsisimula ako sa pamamagitan ng isang quiz.

Alin sa mga pangungusap na ito ang may mali?

• Ang pagkaramdam ay isinisigaw din ng nakakaramdam at di ng mga nanonood lamang. (Lope K. Santos, Banaag at Sikat, 1906: 537)

• Nakakagulat ang putok. (Lope K. Santos, Balarila ng Wikang Pambansa, 1939: 286)

• Siya ang lalong nakakaalam. (B. S. Medina Jr., Moog, 1991: 145)

• Lasing na ako, pero hindi ko sasabihin at lalong hindi ko aaminin kung may makakahalata. (Jun Cruz Reyes, Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe, 1982: 161)

• “Nagpi-pills ako!” amin ni Rica. (Liwayway Arceo, Hanggang sa Kabila ng Langit, 1971: 74)

• “Galit ang lahat sa ‘kin ... pati ang sariling parents ko ... pati si Joanna ... pero ikaw ... wala kang sinabing masama laban sa ‘kin!” (Lualhati Bautista, Dapat sa Iyo, Isumpa!, 1983: 105)

• Nang mga panahong iyon, haling na haling si Abadilla sa Freudian fantasies – nagkatusak noon ang mga aklat ni Freud sa sikolohiya at psychoanalysis. (Efren R. Abueg, “Isang Sulyap kay Kapulong,” 1988: 270)

• Gumamit man ng panawagan, napipigil ng siste’t pag-uusisa ang tinig tungo sa pagpapamalas ng tinatawag ng mga New Critics na “disiplina sa damdamin” at “sopistikasyon.” (Virgilio S. Almario, Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp., 1992: 102)

• Naka-barongs [mabilis ang bigkas] ang mga gurong lalaki at ang ilang pinunong namamahalan sa halaga ng ternong amerikana’t pantalon bukod pa sa lubhang naiinitan (Abril ngayon), barongs na yari sa telang galing sa Hongkong. At tapos na ang Araw ni Balagtas. Maikakahon na’t maitatago nang mahigpit upang ilabas na muli sa isang taon. Ang mga baro’t saya, at barongs, pati na wika. (Genoveva Edroza Matute, “Liham sa Kabataan ng Taong 2070,” 1970: 56)

Ayon sa maraming guro sa hayskul na panahon pa ni Bernardo Carpio nagtuturo, mali ang nakakaramdam, nakakagulat, nakakaalam, at makakahalata, dahil pantig ng unlapi ang inuulit at hindi pantig ng salitang-ugat. Hindi ko alam kung sino ang nagsabi sa mga gurong ito na mali ang pag-uulit ng pantig ng unlapi sa mga salitang nagsisimula sa panlaping maka-, pero hindi si Lope K. Santos ang nagsabi nito. Ang talagang sinabi ni Santos sa kanyang Balarila ay ito: “Ang anyo ng pangalang-diwa sa maka, ay binubuo ng pag at salitang-ugat; ang sa maka ay gayon din, bagaman maaari ring may-ulit pa ang unang pantig ng ugat” (285). Sa siping ito’y mapapansin na napansin lamang ni Santos na may mga pantig ng salitang-ugat na inuulit; hindi niya sinabi na dapat ulitin ang pantig ng salitang-ugat. Sa katunayan, ang mismong halimbawa niya sa seksyong hinanguan ng sipi ay nakakagulat, na dalawang beses niyang ginamit: “nakakagulat na putok” at “nakakagulat ang putok” (286). Samakatwid, malinaw na hindi tuntunin ni Santos ang matagal nang itinuturo ng ating mga guro sa hayskul na dapat diumano na huwag ulitin ang pantig ng panlapi. Sa katunayan ay hindi sinanto ni Santos ang panlapi, dahil sa kanyang pagtalakay sa mga panlaping banghayin, sa ibang seksyon ng kanyang Balarila, ay iminungkahi niyang ulitin ang “huling pantig ng unlapi” para makabuo ng “panahong kasalukuyan at darating” ng mga pandiwang tulad ng sama - nakakasama - makakasama at alis - napapaalis - mapapaalis (264). Ayon pa rin sa mga guro sa hayskul na pinagtaksilan na ng panahon ay mali rin ang nagpi-pills, parents, fantasies, New Critics, at barongs dahil hindi dapat dinaragdagan ng letrang -s ang maramihan o plural ng pangngalan. Siguro’y nabasa ng mga gurong ito ang sinabi ni Santos sa kanyang Balarila na

Ang kailanan sa mga pangngalan ay walang sarili at sadyang anyo. Ang kung iisa o kung marami ang nginangalanan, ay di naipakikilalang mag-isa ng pangngalan, kundi sa tulong ng mga pantukoy, ng mga pamilang at ng mga pang-uring kasama sa pangungusap. (153)

Oo nga’t nasabi iyan ni Santos, pero ipagpatuloy ang pagbasa ng seksyong ito ukol sa kailanan ng mga pangngalan. Isinunod kaagad ni Santos na may mga pangngalang pang-isa at may mga pangngalang pangmarami. Sa mga pangngalang pangmarami ay anyo mismo ng pangngalan ang nagbabago, ayon kay Santos:

Datapwa, kung sa mga pangngalang isahan ay pantukoy lamang at pamilang ang nakapagpapakilala ng kaisahan ng nginangalanan, sa mga pangngalang maramihan, bukod sa mga pantukoy at pamilang, ay may mga iba pang hugis at paraang nakapagpapakilala o nakapaghihiwatig man lamang ng pagkahigit sa isa o pagkamarami ng nginangalanan. (154)

Maraming halimbawa si Santos ng mga pangngalang maramihan na anyo ang nagbabago. Halimbawa’y buhay-buhay, pagbabasa, pagkain-kain, kinumpare, kinamag-anakan, kamag-anakan, sangkatauhan, pagbibiruan, at pagsasabihanan (154-55).

Samakatwid, walang batayan ang ating karaniwang inaakala na mali ang pag-ulit ng pantig ng panlapi o ang pagbabago ng anyo ng pangngalang maramihan. Idagdag pa natin dito ang tayo at papel ng mga manunulat na sumulat ng mga siping inilista ko, at mabubuo sa ating isipan na tama pala ang pag-uulit ng pantig ng panlapi at ang pagbago ng anyo ng pangngalang maramihan.

Hindi ba totoo na ang mga gumamit ng mga salitang ito, kasama na si Santos mismo, ay mga tinitingalang manunulat na itinuturing na mahusay gumamit ng wika? Maaari nating sabihin siguro, batay sa sinabi ng Longman Guide, na iba ang aktuwal na gamit ng wika sa abstraktong balarilang karaniwang ipinamumudmod sa kabataan sa hayskul.

Sa halip ng sundan ko ang pagdulog ng Longman Guide ay susundan ko ang pangangatwiran ni Gonzalez hinggil sa Ingles: ang mga inaakalang kamalian sa gamit ay palatandaan na may bagong diyalekto ng wika. Pananaw ko na ang bagong diyalektong ito ay ang tinatawag ng ating Konstitusyon na wikang Filipino. Hindi ako interesado sa pagpapangalan sa Filipino, kung ito nga’y ganap na wika o diyalekto lamang ng Ingles. Ang ganyang pagtalo ay matagal nang nalutas sa larangan ng Englishes – ang mga salitang creole, dialect, at variety ay salitang pangkapangyarihan o panggahum lamang at hindi importante sa estruktural na paglarawan o diskripsiyon ng isang wika. Magbibigay ako ng dalawang depinisyon.

Para sa akin, ang Tagalog ay ang wikang diniscrayb ni Santos sa kanyang Balarila. Tagalog din ang wikang kasalukuyang ginagamit sa katagalugan sa labas ng kamaynilaan.

Para sa akin, ang Filipino ang wikang diniscrayb naman nina Fe Otanes at Paul Schachter sa kanilang Tagalog Reference Grammar (1972). Ito ang tinatawag na Educated Manila Tagalog. Kahit na Tagalog ang tawag nina Otanes sa wikang ito’y Filipino ang itatawag ko rito dahil iba ang wikang ito sa wikang diniscrayb ni Santos.

Dalawa ang pamaraang gagamitin ko sa pag-iba sa Filipino at Tagalog. Ang una’y dayakronic at ang ikalawa’y singkronik. Una’y bibigyan ko ng maikling historikal na pagpaliwanag ang aking paniwala na iba ang wika sa kamaynilaan sa wika sa katagalugan. Ang pinakamadaling paraan ng paglahad dito’y ang paghambing sa ating wika sa wikang Ingles.

Natatandaan natin – at mababasa natin ito sa kahit na aling ensayklopedya – na noong ika-5 at ika-6 dantaon pagkamatay ni Kristo ay dumating sa Inglatera mula sa Alemanya at Denmark ang mga Jutes, Angles, at Saxons. Dala-dala ng mga ito ang kanikanilang mga wika. Dahil nakilala ang Inglatera bilang Engla Land o lupa ng mga Engle o Angle ay tinawag na Englisc ang wikang ginagamit doon. Itinuring na diyalekto ng Englisc ang tatlong wika ng Jutes, Angles, at Saxons. Nang dumami na ang populasyon ay naging apat ang diyalekto: Northumbrian, Mercian, West Saxon, at Kentish. Sa ika-9 dantaon ay naging hari si Haring Alfred ng Winchester; dahil dito’y ang West Saxon ang naging standard Old English. Nang dumating si San Agustin noong 597 ay dinala niya ang wikang Latin. Sa mga unibersidad ng Oxford at Cambridge ay Latin ang ginamit na wikang panturo, dahil Latin ang wikang panturo sa buong Europa at ang lahat ng libro noong panahong iyon ay nakasulat sa Latin. Pero ginagamit din sa mga unibersidad ang wikang Greek, dahil Greek ang wika ng mga lumang dokumento at panitikan.

Nang nilusob ng mga Pranses ang Inglaterra noong 1066 ay nawala ang pagka-istandard ng West Saxon. Naging London na at hindi Winchester ang kapital ng Inglatera. Nagkawatak-watak ang mga diyalekto. Naging Scottish at Northern ang Northumbrian, naging East Midland at West Midland ang Mercian, naging South Western ang West Saxon, at naging South Eastern ang Kentish. Sa London, Central French ang naging wika ng mayayaman, dahil tulad din sa ibang bansa, ang mayayaman ang pinakakolonyal ang isip. Latin pa rin ang nanatiling wikang panturo at Greek ang wikang panriserts. Ang mga karaniwang tao sa London ay East Midland ang diyalekto. Naging halu-halo ang Middle English – naging Pranses na may halong Latin na may halong East Midland. Noong 1362 ay tinangka ng gobyerno na palaguin ang Ingles: ginawang batas na dapat gamitin sa pagsalita sa korte ang Ingles kahit na Latin pa rin ang gagamitin sa pagsulat. Ito ang tinatawag na Statute of Pleading.

Si Geoffrey Chaucer ang talagang lumikha ng Modern English. Kahit na magaling siyang sumulat sa Latin, Pranses, at Italian ay sinadya niyang sumulat sa wikang Ingles, dahil sa panahong iyon ay pangkalye lamang ang East Midland at hindi pampanitikan o pang-unibersidad. Dahil kulang-kulang ang salita noon sa Ingles ay minabuti ni Chaucer na humiram ng salita sa Pranses; kalahati ng mga salitang ginamit niya sa pagsulat ay Pranses at kalahati ay Ingles.

Pagkamatay ni Chaucer noong 1400 ay sinundan siya ng napakaraming manunulat at iskolar sa panahon ng Renaissance na malayang humiram ng mga salita sa Latin, Pranses, at Greek. Nang maging magulo na ang Ingles ay sinubok nina John Dryden ng Royal Society of London noong 1662 na gawing istandard ang wikang Ingles, pero walang nangyari sa kanilang pagpursigi; hanggang ngayo’y wala pa ring Surian ng Wikang Ingles. Ang unang diksyunaryo ng Ingles ay ginawa ni Samuel Johnson noong 1755; ang Oxford English Dictionary na kasalukuyang tinitingala bilang awtoridad sa wikang Ingles ay unang nilimbag noong 1884. Noong ika-18 dantaon ay maraming mambalarila ang nagtangkang sabihin kung ano ang tama at ano ang mali sa paggamit ng wikang Ingles; nakatutuwang alalahanin na noon ay inakala ng maraming iskolar na Ingles na mas maganda ang wikang Latin sa wikang Ingles dahil ang wikang Latin ay wikang pandaigdig.

Alam na natin ang nangyari sa ating sariling dantaon. Lumawak nang lumawak ang mundong sinasaklaw ng wikang Ingles at ito’y naging international language na. Dahil sa bawat bansa ay nahahaluan na ito ng mga wikang katutubo ay nagkaroon na tayo ng tinatawag na Englishes o varieties of English.

Maikli lamang ang kasaysayan ng wikang Ingles, kung ihahambing sa kasaysayan ng wika natin. Batid natin na may tao na sa Filipinas noong 55000 BC at may nagsasalita na ng Kinaray-a o mala-Hiligaynon o mala-Ilonggo noong 1500 BC. Masasabi nating Malay o mala-Malay ang uri ng wikang ginagamit sa Filipinas bago dumating ang mga Kastila; Malay ang katumbas ng Old English.

Nang naging kapital ng arkipelago ang Maynila ay natural lamang na wika ng Maynila ang maging pangunahing wika natin. Noong ika-16 dantaon ay Malay ang wika ng Maynila. Dahil ang wika ng mananakop ay Kastila, natural lamang na mahaluan ng Kastila ang wikang Maynila, at ito na nga ang naging wikang Tagalog, na alam naman natin ay napakaraming salitang Kastila. Huwag na nating tanungin pa kung sino si Chaucer sa Filipinas; kilala nating lahat si Balagtas.

Nang dumating ang mga Amerikano’y Ingles naman ang naging wikang panturo. Dahil napakaraming libro ang sinulat sa wikang Kastila, masasabi nating naging katumbas ng wikang Greek ang wikang Kastila. Ang mahusay na iskolar na Filipino noong panahon na iyon ay kailangang marunong ng Ingles para makapagsalita at makapagturo at ng wikang Kastila para makapagbasa ng mga orihinal na dokumento’t panitikan. Ang paghalu-halo ng Tagalog at Ingles (at kasama na ang orihinal na Kastila na nakahalo na sa Tagalog) at ng Kastilang galing sa panaliksik ay masasabing Taglish, o katumbas ng Modern English ng Renaissance.

Ngayon, kapag dumarating ang Taglish sa lalawigang labas ng kamaynilaan ay nahahaluan ito ng mga salita’t estrukturang hango sa wikang katutubo. Ang pagsanib ng Taglish at bernakular ay, sa aking palagay, ang tinatawag nating Filipino. Sa madaling salita, ang wikang Filipino sa Cebu at Davao ay Taglish na may halong Cebuano. Ang wikang Filipino sa Iloilo ay Taglish na may halong Ilonggo. Ang wikang Filipino sa kabikulan ay Taglish na may halong Bikolano. Ang wikang Filipino sa kailokohan ay Taglish na may halong Ilocano. Ang wikang Filipino sa katagalugan ay Taglish na may halong Tagalog, na walang iba kundi Taglish. Samakatwid, Taglish ang Filipino ng mga Tagalog, pero hindi Taglish ang Filipino ng mga di-Tagalog, kundi Tagsebuwish, Tagilonggish, Tagbikolish, Tagilokish, at iba pa.

Maraming diyalekto ang Filipino pero iisang wika ito, na tulad ng natuklasan ng sumulat ng ating bagong konstitusyon. Purong wika ang mga wikang bernakular. Ang Tagalog ay Tagalog, ang Bikolano Bikolano, Ilocano Ilocano, at iba pa, pero ang Filipino ay halu-halo at iba-iba ayon sa lugar, tulad ng Englishes.

Ngayon nama’y singkronik ang gagamitin kong pamaraan para pag-ibahin ang Filipino at Tagalog. Gagamitin kong texto ang orihinal sa Filipino at ang salin sa Tagalog ng unang pangungusap sa Seksyon 2.2.2 ng Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas (1992).

FILIPINO:

Magiging boluntaryo ang pagturo sa Filipino. (18)

TAGALOG:

Ang pagtuturo sa Filipino ay kusangloob. (28)

Pansinin ang balangkas ng pangungusap. Sa Filipino’y una ang panaguri, tulad ng napansin nina Otanes. Sa Tagalog ay ginagamit ang panandang ay. Sa pormal na gamit ng Tagalog ay talagang ginagamit ang ay. Pormal ang gamit ng Filipino, dahil ito nga ang opisyal na palisi ng Unibersidad ng Pilipinas, pero hindi ginagamit ang ay. Ito ang unang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Pormal o lebel-panulat ang karaniwang ayos ng pangungusap na walang ay. Pansinin ang pagkawala ng pag-ulit ng unang pantig ng salitang-ugat na turo. Ang salitang pagtuturo ay Tagalog; ang salitang pagturo ay Filipino. Ayon kay Teresita Maceda na naging Direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, ang dahilan sa pag-alis ng pag-ulit ng unang pantig ng salitang-ugat ay ang impluwensiya ng mga wikang bernakular na tulad ng Cebuano. Nahihirapan daw ang mga Bisaya na mag-ulit ng pantig, kung kayat nagiging katawatawa o hindi istandard ang pagsalita ng Bisaya ng Tagalog. Pero sa wikang Filipino’y iba na. Hindi na kailangang mahiya ang Bisaya dahil tama na ang ugaling Bisaya sa paggamit ng panlapi at salitang-ugat. Ito ang ikalawang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Inuulit ang pantig ng salitang-ugat o ang pantig ng panlapi sa Tagalog; hindi na kailangang ulitin ang mga pantig sa Filipino.

Pansinin ang paggamit ng hiram na salita mula sa Ingles sa pangungusap na Filipino. Sa halip ng kusangloob na taal na Tagalog ay boluntaryo mula sa voluntary ang ginagamit sa Filipino. (Sa totoo lang ay dapat na boluntari ang halaw sa voluntary, pero naging siokoy na boluntaryo, na hango naman sa voluntario, pero hindi sa Kastila kundi sa Ingles nanggaling ang pagkasiokoy ng salita.) Mas laganap kasi sa kamaynilaan ang salitang voluntary kaysa kusangloob. Madalas nating marinig ang salitang voluntary kung may humihingi ng kontribusyon o kung may naghahakot para dumami ang dadalo sa isang lektyur o kung may nagsisimula ng organisasyon. Bihira natin marinig ang kusangloob. Sa Filipino ay karaniwang ginagamit ang mas madalas gamitin. Ito ang ikatlong pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Mas hawak sa leeg ang Tagalog ng panulatan o matandang gamit ng salita; mas nakikinig sa talagang ginagamit o sinasalita ang Filipino.

Pansinin na hindi sa Kastila humiram ng salita kundi sa Ingles. Sa Tagalog, kahit na sa makabagong Tagalog, kapag humihiram ng salita’y unang naghahanap sa wikang Kastila, bago maghanap sa wikang Ingles. Ganyan ang mungkahi ni Almario at ng maraming nauna sa kanya. Ito ang ikapat na pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Kahit na sa makabagong Tagalog ay Kastila pa rin ang wikang karaniwang hinihiraman; sa Filipino’y Ingles ang karaniwang hinihiraman, dahil nga Taglish ang ugat ng Filipino.

Samakatwid ay apat ang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog batay lamang sa iisang pangungusap na hango sa palisi ng Unibersidad ng Pilipinas. Kung pag-aaralan natin ang buong palisi na nakasulat sa Filipino at ang buong salin nito sa wikang Tagalog ay sigurado akong mas marami tayong makikitang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Iyon lamang pangailangan na isalin ang textong Filipino sa Tagalog ay patunay na na magkaiba ang dalawang wika.

Ngayon nama’y magbibigay ako ng ilang feature na sa palagay ko’y nagdidiferensyeyt sa Filipino at Tagalog. Dahil hindi naman ako linggwista’y hindi ko mapapatunayan na palatandaan nga ang mga ito ng pagkaiba, pero ibibigay ko ang mga ito para mairiserts ng ibang iskolar. Ipapaubaya ko na sa mga nag-aral ng lingguwistika ang pagpatunay o pagwalang-saysay sa mga natuklasan kong ibang feature ng Filipino sa Tagalog.

Una, sa Tagalog ay hindi ginagamit ang panghalip na siya para tukuyin ang hindi tao, pero sa Filipino ay karaniwan nang ginagamit ang siya para sa mga bagay. Halimbawa’y “Maganda siya.” Maaaring hindi tao at hindi man lamang buhay ang tinutukoy ng siya; maaaring kotse o damit o kulay.

Ikalawa, sa Tagalog ay hindi karaniwang dinaragdagan ng -s ang isang pangngalang isahan para gawing maramihan ito. Sa halip ay gumagamit ng pantukoy, pamilang, o pang-uri na tulad ng napansin ni Santos. Pero sa Filipino ay madalas gamitin ang -s para gawing maramihan ang isang pangngalan. Ang unang narinig kong gumamit ng feature na ito ay ang mga taga-Davao noon pa mang 1969. Doon, ang dalawa o higit pang softdrink na coke ay cokes. Sa kamaynilaan ngayon, hindi ginagamit ang Tagalog na mga parent ko kundi ang Filipinong parents ko; halimbawa’y sa “strict ang parents ko.”

Dapat kong banggitin dito ang pananaw ni Matute. Ang sabi niya tungkol sa salitang barongs ay ito:

Bakit barongs ang tawag namin, ang itinatanong mo, Kabataan? Hindi ba iyan ang dating tinaguriang barong-Tagalog? Oo. Ngunit dumami na nang dumami ang allergic, pinamamantalan ng punong taynga sa salitang Tagalog. Gaya na nga ang Wikang Tagalog, hindi Wikang Filipino. Kaya, inalis na ang salitang Tagalog sa salitang barong-Tagalog. Ginawang barong na lamang, ngunit sapagkat sa Ingles, kapag marami’y dinaragdagan ng titik s, kaya’t ang barong ay naging barongs. Bakit bumilis ang bigkas? A, iyan ay sapagkat ang Pasay man ay naging Pasay (mabilis) na at ang Davao ay naging Davao (mabilis) na. Kaya bakit ang barongs ay hindi magiging barongs (mabilis)? (56)

Mapapansin na pati si Matute ay naniniwalang iba ang wikang Tagalog sa wikang Filipino. Hindi nga lamang siya kumikiling sa wikang Filipino, pero inaamin niya na iba ang wikang ito sa wikang kinagisnan niya bilang manunulat sa Tagalog. Siya na nga mismo, sa aking pagkaalam, ang unang nakapansin sa paggamit ng -s bilang palatandaan ng pagkamaramihan.

Ikatlo, sa Davao ko pa rin unang narinig ang paggamit ng mag- sa halip ng -um- sa mga pandiwa. Hindi karaniwang umaakyat ng bahay ang Davaoeños, kundi nag-aakyat o nag-akyat. Kung sabagay ay sa timog-katagalugan ay talaga namang napapalitan ang –um- ng mag-; sa Parañaque lamang, na napakalapit na sa Maynila, ay nakain sila sa halip ng kumain. Sa madaling salita, hindi nakakapagtaka na sa Filipino ay mas madalas gamitin ang mag- kaysa sa -um-. Gaya nga ng sinabi ni Ma. Lourdes Bautista sa isang papel na binasa niya noong 1989 sa kumperensya ng Language Education Council of the Philippines: “It is clear that the affix used for English verbs in actor focus is mag- and never –um- (perhaps because it is easier to use a prefix than an infix), and therefore this reinforces the predominance of mag- over -um-” (27).

Ikaapat, at ito’y suhestyon ni Barry Miller. Sa Tagalog ay i- ang ginagamit sa tinatawag nina Otanes na benefactive-focus na pandiwa (310). Ang -an ay karaniwang directional-focus (301). Ito ang dahilan kung bakit, sa libro nina Teresita Ramos at Bautista tungkol sa mga pandiwa ay ibili ang benefactive-focus at bilhan ang directional-focus (1986: 37). Sa Tagalog, ang karaniwan nating sinasabi kung nakikibili tayo sa McDonald’s ay “Ibili mo nga ako ng hamburger.” Sa Filipino, ang karaniwan nating sinasabi ay “Bilhan mo nga ako ng hamburger.” (Natural, kung dalawang sandwich ang ipinabibili natin, sa Tagalog ay sasabihin nating “Ibili mo nga ako ng dalawang hamburger.” Sa Filipino ay sinasabi nating “Bilhan mo nga ako ng dalawang hamburgers.”)

Ikalima, sa Tagalog ay laging inaalis ang sobra sa isang katinig sa isang klaster ng katinig kung inuulit ang isang pantig. Halimbawa’y nagpiprisinta ang sinasabi sa Tagalog dahil ginagawang p na lang ang klaster na pr sa inuulit na pantig na pri. Sa Filipino ay ginagamit ang buong klaster; samakatwid, nagpriprisinta o magprapraktis. Hindi na takot sa klaster ang Filipino, di tulad ng Tagalog na hangga’t maaari’y umiiwas sa nagkukumpul-kumpulang katinig.

Ikaanim, dahil laganap na ang Filipino sa kabisayaan ay hindi na maaaring ibatay lamang ito sa Tagalog na tulad ng nais mangyari ng mga Tagalista. Napakarami ng mga Bisaya at hindi makatarungan na sila ang babagay sa mga Tagalog gayung napakaunlad na ng lunsod ng Cebu at lingua franca ng Bisayas at Mindanaw ang wikang Cebuano. Isang pagkaiba ng Cebuano sa Tagalog ay ang kawalan ng mga salitang panggalang na po at ho. Kung pag-iisahin tayo ng wikang Filipino at hindi paghihiwahiwalayin ay dapat huwag ipagpilitan ng mga Tagalog na gumamit ng po at ho ang mga Bisaya. Hindi naman nangangahulugan ito na walang galang sa matanda o sa kapwa ang mga Bisaya; sa katunayan ay kasinggalang ang mga Bisaya ng mga Tagalog sa kanilang mga magulang at iba pang karaniwang pinag-uukulan ng galang. Pero wala sa wika ng mga Bisaya ang mga salitang panggalang na po at ho. Hindi tao ang pinag-uusapan dito kundi wika. Sa wikang Cebuano ay hindi tanda ng paggalang ang paglagay ng po at ho. Samakatwid, sa wikang Filipino ay hindi dapat siguro isama ang po at ho. Gamitin na lamang ito sa Tagalog o sa diyalekto ng Filipino na ginagamit sa katagalugan.

Anim na pagkaibang estruktural ang naibigay ko para namnamin ng ating mga linggwista. Maliliit na bagay ang mga ito, pero makabuluhan kung mapatunayan. Ngayon nama’y babalikan ko ang malaking isyu tungkol sa relasyon ng Filipino sa Tagalog.

Diyalekto lamang ba ng Tagalog ang Filipino? Ito ang palagay ni Ma. Lourdes Bautista. Maaari, at ito’y hindi dapat problemahin dahil sa kasaysayan ng wikang Ingles ay diyalekto lamang ng Englisc ang East Midland nang ito’y ginamit ni Chaucer sa London. Pero ang diyalektong ito sa London ang naging kasalukuyang tinatawag nating Ingles. Kung diyalekto man ng Tagalog ang Filipino ng kamaynilaan ay pansamantala lamang naman ito. Sa susunod na mga dantaon ay tatawagin na itong Filipino at kakalimutan na ang Tagalog kung saan ito nagmula, gaya ng pagtalikod ng kasaysayan sa iba pang diyalekto ng Englisc. Samakatwid ay hindi ako sang-ayon kay Otanes na ang Filipino at ang Tagalog ay parehong wika kung estruktura at balarila ang pinag-uusapan at nagkakaiba lamang sila sa larangan ng sosyolinggwistika. Sa palagay ko’y iba ang Filipino sa Tagalog kahit na estruktura at balarila ang pag-uusapan. Ang kanyang diniscrayb sa kanyang libro’y Filipino at hindi Tagalog. Aksidente lamang ng kasaysayan na hindi pa naiimbento ang salitang Filipino noong panahong sinusulat ni Otanes ang kanyang gramatika, pero siya ang kaunaunahang nakapansin na may Educated Manila Tagalog na dapat seryosohin. Kaya nga, kapag isinalin ang Reference Grammar sa Filipino ay dapat tawagin itong Gramatika ng Filipino sa halip ng Gramatika ng Tagalog. Sa ganitong paraan ay lilinaw ang kasaysayan ng ating wikang pambansa. Kung si Lope K. Santos ang gumawa ng balarila ng Tagalog, si Fe T. Otanes naman ang gumawa ng gramatika ng Filipino.

May kongklusyon ba ako? Mayroon. Nagsimula ako sa pamagitan ng pagbanggit ng mga teoretikal na prinsipyong aking pinaniniwalaan, isa na nga ang ginawa ni Gonzalez sa Philippine English. Pagkatapos ay nagbigay ako ng ilang halimbawa ng totoong gamit ng wika ng ating mga tinitingalang manunulat, upang patunayan na hindi tama ang karaniwan nating akala ukol sa balarila. Pagkatapos kong magbigay ng kasaysayan ng Filipino na batay sa kasaysayan ng wikang Ingles ay pinuna ko ang ilang katangian ng wikang Filipino na iba sa wikang Tagalog. Ano ang patutunguhan ng lahat ng ito?

Sa aking palagay, ang perents sa larangan ng wika ay ang mga sikat na writer na tulad nina Abueg, Almario, Lualhati Bautista, at Medina. Kung totoo nga na ang ginagawa ng perents ay inaakalang tama ng kabataan, masasabi nating inaakala at nagiging tama ang talagang ginagawa ng ating mga batikang manunulat. Hindi ko ipinakita na ito rin ang ginagawa ng nakararaming Filipino sa kasalukuyan. Pero naipakita ko, sa palagay ko, na kung ang pinakamagandang gamit ang pagbatayan, ang wikang umiiral ngayon sa paligid natin, lalo na sa labas ng katagalugan, ay Filipino at hindi Tagalog. Naipakita ko na rin sana na may pagkaiba, maliit man o malaki, ang Filipino sa Tagalog.

Ang Wikang Filipino sa Taong 2000 ni Andrew Gonzalez, FSC

Tila yata napakaraming paksa ngayon na isinasali natin sa medium-term plan ng Pangulong Fidel V. Ramos tungkol sa ating layuning pambayan, ang pagpapaunlad ng ating bayan at ang pagiging Newly Industrializing Country (NIC) ng Pilipinas sa Taong 2000. Kaya nga’t pati na ang wika ay isinasama natin sa ating mga layunin.

Ngunit kung tutuusin, ang taong 2000 ay pitong na lamang at darating na. Halos naandoon na tayo. Maraming bagay ang mangyayari sa ating bayan sa susunod na pitong taon. Ngunit sa palagay ko naman hindi talaga magiging iba ang ating sitwasyon sa wika sa pagtatapos ng pitong taon. Magkakaroon nga ng progreso, ngunit ang mga senyales nito ay narito na. Kaya’t hindi na tayo kailangang manghula pa sapagkat kung titingnan lamang nating mabuti at susuriin ang kasalukuyan, tila narito na nga ang mga senyales para sa kinabukasan.

Bagama’t bago naman tingnan ang kinabukasan, kailangan nating sulyapan ang nakaraan sapagkat mahirap unawain ang kasalukuyan, lalo na ang kinabukasan, kung hindi natin kikilalanin ang nakaraan.

Sa ating Batasang Pambansa noong 1936, pagkatapos ng ratipikasyon ng ating Saligang Batas sa Gobyernong Commonwealth noong 1935, si Kinatawan Norberto Romualdez ay tumangkilik ng isang batas na tinatawag natin ngayon na ‘National Language Law.” Ang batas na ito ang siyang nagtatag sa National Institute of Language na pinalitan noong 1938 ng Institute of National Language o Surian ng Wikang Pambansa. Itong sangay na ito ng Pamahalaan ang nangasiwa sa pagpapaunlad ng ating wikang pambansa na pinili noong 1937 at base sa Tagalog. Noong 1939, mayroon na tayong balarila, ang balarila ni Lope K. Santos, at mayroon na ring bilingual wordlist noong panahong yaon. Ipinag-utos din ng ating pamahalaan ang pagtuturo ng ating wikang pambansa sa huling taon sa mataas na paaralan at bilang isang sabject sa mga kolehiyong pangguro (teacher training colleges) noong 1940. Mayroon ding batas na ginawa ng Asemblea noong 1941 na nagsasaad na ang Wikang Pambansa ay magiging opisyal na wika sa pagtatapos ng Gobyernong Commonwealth. Ang ibig sabihin ng isang wikang opisyal ay maaari itong gamitin sa iba’t ibang larangan ng burokrasya at gobyerno, kahit sa Asemblea mismo at sa pagsulat ng mga batas para sa bansa.

Ang ating wikang pambansa ay itinuro sa lahat ng mga antas ng ating paaralan mula noong 1946; noong 1959, sa pagpapasya ng Kalihim ng Edukasyon na si Jose Romero, muling pinalitan ang pangalan ng ating wika, Pilipino. Ito ay itinuturing din na ‘Tagalog-based Pilipino.’

Hindi na natin babanggitin ang maraming mga suliranin ukol sa pagkakabase ng ating wika sa Tagalog sapagkat may mga kapatid tayong sa Kabisayaan, lalo na sa Cebu, na magpasahanggang ngayon ay hindi sumasang-ayon sa pagkakapili ng ating wika base sa Tagalog. Ayon sa kanila, higit na marami ang mga gumagamit ng wikang Binisaya (Cebuano, Hiligaynon at Waray) kaya’t dapat ay Bisaya ang naging base ng ating wikang pambansa at hindi Tagalog. Ngunit sa palagay ng karamihan sa ating mga mamamayan at ayon sa pasya ng Korte Suprema, naaayon sa batas ang pagpili ng base sa wikang pambansa sa Tagalog mula pa noong 1937.

Malaking dahilan ng pagtatalo sa wika noong Constitutional Convention noong 1971 at hindi yata matatapos ang usapan; kaya nga ang batas o artikulo ng Konstitusyon ng 1973 at nagbigay ng direktibo na gagawa pa tayo ng wikang pambansa na pinangalanang Filipino at ito ay base sa lahat ng mga wikang Pilipino. Walang nangyari sa wika sa panahong mula 1973 hanggang 1986 sapagkat sa Interim Batasang Pambansa noong panahon ni Marcos ay walang batas na ginawa sa pagpapairal ng probisyon sa Konstitusyong hinggil sa wika. Ngunit noong 1986 sa Constitutional Commission sa pagtatangkilik ng Cory Aquino Government, may probisyon sa Saligang Batas na nagsasaad na ang wikang pambansa ng ating bayan ay Filipino. Sang-ayon sa probisyong ito, hindi na pinoporma pa ang wikang pambansa sapagkat ito ay narito na, at ang pangalan nito ay Filipino. Ngunit hanggang ngayon, opisyal na wika pa rin ang Ingles at ang Pilipino (base sa Tagalog) ngunit ang wikang pambansa ay Filipino na, at ito ay gagamitin sa hinaharap, hindi lamang sa pang-araw-araw na gawain kundi maging sa mga paaralan at pamantasan sa pagtuturo ng mga araling panlipunan at wika at maging sa agham at teknolohiya kapag sapat na ang pagpapaunlad nito.

Ang Filipino Ngayon at Bukas

Kung susuriin natin, ang Filipino ay base rin sa Tagalog ngunit sa pagpapaunlad at pagpapayabong ng wika, ito ay payayamanin ng mga salitang galing sa iba’t ibang wika ng ating kapuluan, hindi lamang sa mga wikang taal kundi maging sa mga wikang banyaga rin. Ang mga wikang banyagang ginagamit natin sa pagpapayaman ng ating wikang pambansa ay ang Ingles at Kastila, ang wikang-Arabo, at marahil ang iba’t ibang mga wika na pag-aaralan pa natin sa hinaharap gaya ng wikang Hapones. Maaari rin tayong humiram ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang banyaga.

Ayon sa Census ng Taong 1990, ang bahagdan o percentage ng mga Filipinong marunong magsalita ng Filipino ay 84%. Kung gagawin nating isa ang Tagalog, Pilipino at Filipino, maaari nating tingnan ang mga datos mula sa mga census sa nakaraan at maaari nating makita ang progreso ng Filipino bilang katutubong wika o lingua franca o wikang ginagamit ng mga Filipino, na ang pangunahing wika o mother tongue ay hindi Tagalog. Ito ay tinatawag nating wikang pangkomunikasyon sa iba’t ibang grupong etniko dito sa Filipinas. Ito ang mga datos mula sa census:

|Taon |Tagalog/Filipino |Bahagdan |
|1939 |4,060,859 |25.5% |
|1948 |7,101,196 |39.4% |
|1960 |11,968,809 |46.1% |
|1970 |20,130,467 |56.2% |
|1980 |34,301,468 |74.9% |
|1990 |50,990,693 |84% |

Bilang ng mga Nakapagsasalita

Hindi natin matiyak kung gaanong karami sa ating mga kababayan ang makapagsasalita ng Filipino sa taong 2000. Ngunit sa estadistika, may mga paraan kung paano natin maipoproject o maitutudla kung ano ang hinaharap, base sa mga trends na nangyayari ngayon. Ito ay tinatawag na extrapolation at simple ang matematikang ginagamit dito. Sa tulong ng isang dalubhasa sa estadistika, prinoject namin ang bilang at pagkatapos ng taon na ito, ang naging projection ay 97.1% ang marunong magsalita ng Filipino sa taong 2000.

Kaya kahit na wala tayong gagawin sa mga paaralan at sa mass media, dadami na at halos isang daang (100) porsyento na ang magiging dami ng marunong magsalita ng Filipino sa wakas ng dantaong ito. Talagang ‘widely disseminated’ o laganap na ang Filipino at kahit na ang mga mamamayan na may ibang mothertongue o wikang taal ay makakapagsalita na rin ng Filipino bilang pangawalang wika o ‘second language.’

Hindi na tayo kailangan pang magsipagtalo. Kahit na wala tayong gawin sa pagpapasigla ng Filipino, hindi na maaaring ihinto pa ang pag-unlad at paglaganap ng ating wikang pambansa.

Ang Intelektwalisasyon ng Filipino

Bagama’t lumalaganap ang Filipino at yumayabong na ang panitikan na kinakatha sa wikang ito, nangangailangan pa rin ng kultibasyon sa larangan ng intelektwalisasyon, Ano ang ibig sabihin ng salitang ito:

Sa buhay ng isang wika, ito ay ginagamit sa iba’t ibang larangan. Sa simula, ginagamit natin ang wika sa ordinaryong pamumuhay, bilang wika sa bahay sa pakikipag-usap natin tungkol sa mga bagay na pang-araw-araw sa buhay ng isang pamilya at sa ating mga kaibigan, sa palengke at sa pang-ordinaryong pangangalakal.

Kung gagamitin natin ang isang wikang pambahay at pambayan sa ibang larangan at hindi pa tayo sanay sa paggamit nito, magkakaroon ng mga sagabal na kailangan pa nating lagpasan.

Hindi lamang tayo nangangailangan ng mga bagong salita lalung-lalo na sa mga sabject sa paaralan at sa pamantasan, nangangailangan din tayong gumawa ng mga bagong texto o libro at inilathalang sipi tungkol sa mga paksang hindi pang-araw-araw, gaya ng mga paksa sa agham at teknolohiya at sa iba’t ibang sabject sa kurikulum.

Ang paggamit ng isang wika sa larangan ng kaisipan at ng buhay pang-akademik ay yaong tinatawag nating ‘intelektwalisasyon’. Ito ay bagong tuklas pa lamang at hanggang ngayon ay hindi natin alam kung anu-ano ang mga dimensyon ng penomenang ito, kung paano nating mapauunlad ang isang wikang gaya ng Filipino bilang wikang ginagamit sa larangan ng iskolarli diskors o diskursong pang-akademik. Kailangan ang mga pagsasalin ng maraming artikulo at libro sa Filipino galing sa mga wikang intelektwalisado na gaya ng Ingles at Kastila, Pranses, Hapones at Aleman. Nangangailangan tayo ng maraming dalubhasa sa iba’t ibang espesyalisasyon na magaling din sa wika upang maisalin nila sa isang uri ng Filipino na maaaring maunawaan ng mga estudyante ang mga artikulo at libro.

Hindi ito matatapos kaagad, sapagkat ang mga taong dalubhasa sa isang espesyalisasyon at marunong ding magsalin sa wastong Filipino ayon sa antas ng mag-aaral ay hindi marami. Ito ay isang special gift at hindi lahat ng mga guro ay sanay sa wastong paggamit ng Filipino. Maraming tao ang kailangan bago makalikha ng mga kasulatan sa Filipino hindi lamang sa panitikan (marami na ang mga ito) ngunit gayon din sa larangan ng agham at teknolohiya at sa mga disiplina o sabject sa pamantasan. Ito ang tinatawag nating proseso ng intelektwalisasyon at maraming taon ang kailangan natin para dito.

Kaya nga sa palagay ko, ang pinakamabigat na gawain ng ating mga patriota o makabayan ay gamitin ang Filipino para sa intelektwalisasyon at paramihin ang corpus ng literatura pang-agham sa Filipino sa darating na pitong taon bago tayo pumasok sa ikadalawampu’t isang siglo ng ating panahon.

Pangwakas na Hamon

Bilang pangwakas, ang hamon sa bagong henerasyon o salinlahi ng mga guro ay payabungin ang ating wikang pambansa sa pag-intelektwalisa nito at gamitin ito sa larangan ng buhay pang-akademik. Gawin natin ang ating magagawa upang yumabong ang ating wika. Para sa gawaing ito, kailangan din nating maging dalubhasa sa Ingles upang maging tunay na tula mula sa Ingles tungo sa Filipino. Dapat maisalin natin ang kabihasaan natin sa Ingles upang magamit din ng madla at masa sa isang wikang gamay na nila at nauunawaan, ang ating wikang pambansa, ang ating minamahal na FILIPINO.

Wika sa Edukasyon: Hanggang Salita Lamang ni Isagani R. Cruz

Sa totoo lang, pagod na ako sa kasusulat tungkol sa paksa ng wikang panturo. Nasabi ko na ang kaya kong sabihin, at kung may kapa pa akong sabihin ay hindi ko naman gustong sabihin. Oo nga’t marami pa akong gustong sabihin, pero hindi ko naman kayang sabihin. Sa madaling sabi’y panahon na talaga para tumabi na lamang ako at pabayaan ang kabataang mangarap ng imposibleng pangarap na isang araw, magiging Filipino ang pangunahin at kaisaisang wikang panturo sa bayang Filipinas.

Halimbawa’y nasabi ko na iba’t ibang diskurso ang umaaligid sa isyu ng wikang panturo. Nariyan ang diskurso tungkol sa wikang pambansa, ang diskurso tungkol sa lingua franca, ang diskurso tungkol sa intelektwalisasyon ng wika, at ang diskurso tungkol sa wikang panturo. Dahil malabong mag-isip ang ating mga lider sa gobyerno, kung nag-iisip nga sila, walang kamatayan ang debate tungkol sa wikang dapat gamitin sa loob ng klasrum. Dapat bang Filipino ito? Ang lingua franca? Ang wikang pambahay? Mga wikang banyaga tulad ng Ingles? Kastila? Arabo? Malay?

Sa totoo lang, pagod na rin ako sa kapapanayam sa iba’t ibang grupo tungkol sa wikang panturo. Daang libo na siguro ang nakarinig sa akin sa dinami-dami ng mga panayam ko sa buong bansa tungkol sa wika at edukasyon. Kabisado ko na ang reaksyon ng aking mga tagapakinig. Kapag dati na silang maka-Filipino ay pinapalakpakan ako. kapag dati na silang Inglesero ay pumapalakpak na lamang para hindi sumama ang aking loob, para hindi akok mapahiya at manghinayang sa oras na ginugugol ko sa paglakbay at pagtalumpati. Samakatuwid ay walang relasyon ang aking panayam sa paniwala ng aking mga tagapakinig. Kung kampi na sila sa akin ay kampi sila bago pa ako magsalita. Kung kontra na sila sa akin ay kontra pa rin sila pagkatapos kong magsalita. Sa totoo lang ay tayo-tayo lang naman ang nag-uusap, tayo-tayong mga alagad ng wika, tayo-tayong humahanga at nakauunawa sa kagandahan at kagitingan ng wikang pambansa.

Sa totoo lang, pagod na pagod na ako sa kakukulit sa may kapangyarihan na sundin ang utos ng ating saligang batas na gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagturo. Kahit na noong nagkaroon ako ng pagkakataon sa loob ng pitong buwan bilang USEC sa Departamento ng Edukasyon na baguhin ang patakarang pangwika ng pampublikong edukasyon, hindi ko pa rin makumbinse ang kahit na sarili ko mismong tao doon na sumunod na sa batas.
Ngayong malapit na akong magretiro bilang guro at iskolar, kita ko na–tulad ng mangyari sa napakaraming mga pantas mula sa panahon ni Socrates—na walang kabuluhan ang lahat ng ating pagsikap. Patuloy na mananatiling mangmang kung hindi ang nakararaming kabataan ay ang kanilang mga magulang, guro, at opisyal. At dahil ang lahat ng kabataan, sa loob lamang ng iilang taon, ay magiging magulang, guro, at opisyal din, patuloy na iiral sa mundo ang tinawag ni Balagtas na kaliluhan, ni Rizal na kamangmangan, at ni Marx at ng mga Marxista na naghaharing-uri, lahi, bansa, at wika.
Pero dahil narito na rin lang kayo at parang hindi pa kayo pagod, baliktanawin natin ang ilang isyung pagod at pudpod na.
Noong 1973, idiniklara ng National Board of Education ng Departamento ng Edukasyon na palisi ng gobyerno ang paggamit ng dalawang wikang panturo – wikang Pilipino (na ngayon ay Filipino) at wikang Ingles (NBE Resolution No. 73-7, s. 1973).
Noong 1974, ipinairal ng Departamento ng Edukasyon at Kultura ang tinatawag na Bilingual Education Program (BEP) (DEC Order No. 25, s. 1974). Ayon sa BEP, ang bilinggwal na edukasyon ay “the separate use of Pilipino [Filipino] and English as media of instruction in definite subject areas, provided that additionally, Arabic shall be used in areas where it is necessary.”
Dahil wala pa noong Commission on Higher Education (CHED), na 1994 pa lamang naitatag, sakop ng BEP ang lahat ng kolehiyo at unibersidad. Iniutos ng DEC na “by school year 1984, all graduates of tertiary curricula should be able to pass examinations in English and/or Pilipino [Filipino] for the practice of their professions.” Noong 1975, idiniin pa ito ng DEC. Ayon sa DEC, kailangang magturo ang lahat ng kolehiyo at unibersidad sa wikang Pilipino [Filipino]: “Courses in English and Pilipino [Filipino] shall be offered in tertiary institutions as part of appropriate curricula pursuant to the policy of bilingual education” (DEC Order No. 50, s. 1975).
Malinaw ang layunin ng BEP. Mula Grade One hanggang Fourth Year, ang wikang Filipino ang gagamiting wikang panturo sa lahat ng sabject maliban sa Ingles, Syensya, at Matematika. Ang wikang Filipino ang ipinag-utos na gamitin ng lahat ng guro sa lahat ng ibang sabject, tulad ng “social studies / social science, character education, work education, health education, and physical education.” Ang mga ito ang kasama ngayon sa tinatawag nating sabject na Makabayan. Mula First Year sa kolehiyo hanggang magtapos ng medisina o abogasya o Ph.D., ang estudyante ay kailangang turuan ng lahat ng sabject, maliban sa Ingles, Syensya, at Matematika, sa wikang Filipino.
Noong 1986, nagbago ang ating saligang-batas. Iniutos ng ating bagong saligang-batas ang paggamit ng wikang Filipino (Filipino na at hindi na Pilipino) bilang wikang panturo sa lahat ng antas ng edukasyon. Ganito ang nakasaad sa Konstitusyon ng 1986: “Dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum na opisyal ng komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon” (Artikulo 14, Seksyon 6). Dagdag pa ng Konstitusyon: “Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic” (Artikulo 14, Seksyon 7). Ito ang saligang batas. Hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, sa ibang salita ay hangga’t hindi tinatanggal ng Kongreso ang Ingles, pangalawang wika ng edukasyon, at hindi pangunahing wika, ang Ingles. Ang pangunahing wika ay Filipino, dahil hindi ito matatanggal kahit na ng batas o ng Kongreso. Ang Ingles pwedeng ibasura, pero ang Filipino ay hindi pwedeng isantabi. Malinaw ang saligang batas. Dahil halos lahat ng mamamayan ay bumoto na ipairal ang saligang batas, masasabi natin na, sa mata ng batas, ang higit na nakararaming Filipino ay naniniwala na Filipino at hindi Ingles ang dapat maging pangunahing wika ng edukasyon sa ating bansa. Noong 1987, dahil nagbago ang Konstitusyon, binago ng Departamento ng Edukasyon, Kultura at Isports (DECS) ang BEP. Ipinagbawal ng DECS ang paggamit ng wikang Ingles maliban sa tatlong sabject ng Ingles, Syensya, at Matematika sa lahat ng antas ng edukasyon. Bukod pa roon, pinayagan ng DECS na gamitin ang wikang Filipino kahit sa pagturo ng Syensya at Matematika. Ganito ang layunin noon ng DECS: “the maintenance of English as an international language for the Philippines and as a non-exclusive language of science and technology” (DECS Order No. 52, s. 1987). Inutusan ng DECS noon ang lahat ng kolehiyo at unibersidad na mamuno sa pagbago ng wikang panturo sa pamagitan ng tinatawag na “intelektuwalisasyon”: “Tertiary-level institutions shall lead in the continuing intellectualization of Filipino. The program of intellectualization, however, shall also be pursued in both the elementary and secondary levels.” Karaniwang inaakalang dalawa ang BEP – ang BEP ng 1974 at ang BEP ng 1987, pero iisa lamang ang layunin ng dalawang palising ito, ang ipagamit bilang pangunahing wikang panturo sa lahat ng antas ng edukasyon ang wikang Filipino. Samakatwid ay hindi bilingguwal na palisi talaga ang hinangad noon ng BEP, kundi monolingguwal na palisi. Hangarin ng Departamento noon na maging iisa ang wikang panturo – ang wikang Filipino – at ang wikang Ingles ay pantawid lamang sa panahong hindi pa sanay ang ating mga guro, kulang pa ang mga textbuk, at gumagawa pa ng kaukulang mga test. Pati na ang pagbago ng probisyon tungkol sa wika sa Konstitusyon ng 1986 ay makikita sa ganitong pananaw: malinaw na pansamantala lamang ang paggamit ng wikang Ingles sa ating mga paaralan at kolehiyo, dahil nakasulat na ito’y “hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas” lamang. Kapag makabuo na ng kaukulang batas ang Konggreso, tatanggalin na ang wikang Ingles sa lahat ng paaralan sa bansa. Huwag nating isipin na hindi mangyayari ito sa isang iglap. Napakadaling palitan ang wikang panturo sa atin. Ginawa iyan ng mga kano nang nilusob nila tayo noong simula ng nakaraang siglo. Ginawa iyan ng mga hapon sa loob lamang ng ilang buwan. Kapag napatunayan na na hindi natin kaibigan ang Estados Unidos, at ito’y madaling mangyari kapag hindi nila tayo sinaklolohan paglusob sa atin ng Al-Qaeda dahil kinakampihan natin sila, magagalit ang mga mambabatas natin at, tandaan ninyo itong sinasabi ko sa araw na ito, biglang magkakaroon ng batas na matagal nang hinihingi naman ng ating Konstitusyon. Noong 1992, pagkatapos ng matinding pag-aaral kung paano malulutas ang lahat ng problema ng ating sistema ng edukasyon, ipinasya ng Kongresso, sa pamagitan ng Congressional Commission on Education (EDCOM), na tanggalin na ang wikang Ingles bilang wikang panturo sa kahit aling sabject sa elementarya at haiskul. Ani EDCOM, “the vernacular and Filipino [should be] the medium of instruction for basic education.” Dagdag ng EDCOM: “In Grade 4, Filipino shall be the medium of instruction and will continue to be the language of instruction for all subjects, except English, until the fourth year of secondary education.” Binigyan pa ng taning ng EDCOM ang gobyerno: “Filipino [should be] the medium of instruction by the year 2000.” Dahil naisip na noon ng EDCOM na itatag ang CHED at dahil malinaw na may kalayaang akademiko ang lahat ng kolehiyo at unibersidad sa bansa (ayon sa Konstitusyon ng 1986), hindi maipilit ng Kongreso na tanggalin na ang wikang Ingles sa kolehiyo, pero humirit pa rin ang EDCOM at sinabing, “In the long term, there should be a switch to Filipino in technical-vocational education.” Sa madaling salita, sa salita ay malinaw na wikang Filipino, na maaaring tulungan ng mga wikang bernakular, ang dapat na kaisaisang wikang panturo sa ating bansa sa elementarya at haiskul, at kung tutuusin, pati na rin sa kolehiyo. Pero hanggang salita na lamang iyan, dahil sa totoo lang, kahit na sa Makabayan, kahit na sa mismong sabject na Filipino, kahit na sa mga sabject sa humanidades sa kolehiyo, ay buhay na buhay pa rin ang wikang Ingles. Sa totoo lang, pagod na ako sa kasusulat at kalelektyur tungkol sa paksa ng wikang panturo. Halimbawa’y nasabi ko na na iba’t ibang diskurso ang umaaligid sa isyu ng wikang panturo. Nariyan ang diskurso tungkol sa wikang pambansa, ang diskurso tungkol sa lingua franca, ang diskurso tungkol sa intelektwalisasyon ng wika, at ang diskurso tungkol sa wikang panturo. Dahil malabong mag-isip ang ating mga lider sa gobyerno, kung nag-iisip nga sila, walang kamatayan ang debate tungkol sa wikang dapat gamitin sa loob ng klasrum. Dapat bang Filipino ito? Tagalog? Ang lingua franca? Ang wikang pambahay? Mga wikang banyaga tulad ng Ingles? Kastila? Arabo? Malay? Sa totoo lang, pagod na pagod na ako sa kakukulit sa mga may kapangyarihan na sundin ang utos ng ating saligang batas na gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagturo. Ngayong malapit na akong magretiro bilang guro at iskolar, kita ko na – tulad ng nangyari sa napakaraming mga pantas mula pa sa panahon ni Socrates – na walang kabuluhan ang lahat ng aking pagsikap. Patuloy na mananatiling mangmang kung hindi ang nakararaming kabataan ay ang kanilang mga magulang, guro, at opisyal. At dahil ang lahat ng kabataan, sa loob lamang ng iilang taon, ay magiging magulang, guro, at opisyal din, patuloy na iiral sa mundo ang tinawag ni Balagtas na kaliluhan, ni Rizal na kamangmangan, at ni Marx at ng mga Marxista na gahum ng naghaharing uri, lahi, bansa, at wika. Pero dahil narito na rin lang tayo at parang hindi pa kayo pagod, baliktanawin natin ang ilang isyung pagod at pudpod na. Malinaw ang ating saligang batas, ang sinasabi ng Konggreso, at ang mga utos ng Departamento ng Edukasyon. Malinaw na wikang Filipino ang dapat gamitin sa halos lahat ng mga sabject sa lahat ng antas. Malinaw na sa mga rehyon, maaaring gamitin ang wika ng rehyon bilang pantulong na wikang panturo. Samakatwid ay maaaring gamitin sa loob ng klasrum ang wikang Sebuwano sa Cebu at sa maraming lalawigan sa Mindanao, maaaring gamitin ang wikang Iloko sa mga paaralan sa norte, maaaring gamitin ang wikang Tagalog sa lahat ng paaralan sa katagalugan. Ang pangunahing wika ng edukasyon sa kamaynilaan ay Filipino, ang pantulong na wika ay Tagalog, at – hangga’t wala pang sinasabi ang Kongreso – maaaring gawing salimpusa ang wikang Ingles sa loob ng klasrum. Dito pa lamang ay makikita na natin ang pagkaiba ng nakasulat sa batas sa totoong nangyayari sa ating bansa. Mismong sa Kongreso ay hindi nila binabasa ang saligang batas. Malinaw naman na ang karamihan sa Kongreso ay mga ilitereyt dahil hindi marunong magbasa, bukod pa sa hindi sila marunong magsulat. Kasalanan naman natin kung bakit natin iniluklok sa Kongreso ang mga mangmang na ang hawak lamang ay popularidad bilang artista o pangalan ng kanilang pamilyang mayaman sa mga rehyon o perang galing sa jueteng o droga o kidnap o iba pang krimen, perang ipinamumudmod lamang nila sa atin tuwing eleksyon. Hindi natin maaasahan ang Kongreso na sumulat ng batas na magtatanggal sa Ingles bilang wikang panturo, kahit na malinaw na iyan ang intensyon ng ating saligang batas, dahil no read no write ang lahat ng ating mga Kongresista at Senador. At ang pinaka-no read no write sa lahat ay ang lahat ng naging pangulo ng ating bansa, na nagsabing Ingles daw dapat ang pangunahing wikang panturo sa atin, kahit na labag ito sa saligang batas. Tuwing may darating na eleksyon ay nagkakaroon ako ng kaunting pag-asa na hindi pala nasayang ang aking pagod magsulat at magpanayam tungkol sa wikang panturo, pero pagkatapos ng bawat eleksyon ay nagiging malinaw na wala pa rin nangyayari at mangyayaring pagbabago sa ating bansa dahil sila-sila pa rin ang ating ihinahalal. Malabo na talaga ang kinabukasan. Tingnan na lang ninyo ang nakaraang eleksyon. Sa Senado ay naroon na naman ng mga malalansang isdang walang pagmahal sa sariling wika. Sa totoo lang, kalimutan na natin ang nakaraan at ang mga darating na eleksyon dahil walang mangyayari sa ating mga guro. Hirap na hirap tayong hubugin ang ating mga estudyante para maging tapat at marunong, pero patuloy tayong pahihirapan ng presidente, mga senador, at mga kongresista na no read no write kung saligang batas ang pinag-uusapan. Dumaan na ang taong 2000 at tulad ng millennium bug na hindi natuloy, ang paggamit ng wikang Filipino bilang kaisaisang wikang panturo ay hindi ipinanganak at ni hindi man lamang ipinaglihi. Kahit na mismong mga Kongresista at Senador noon ang nagsabi na ibasura na ang Ingles bilang wikang panturo maliban sa sabject mismo ng Ingles ay patuloy na umiiral sa ating mga paaralan at kolehiyo ang wikang Ingles. Hanggang salita lamang, hanggang laway lamang, ang paniwala ng ating gobyerno at ng ating mga pantas na lahat ay kinunsulta ng EDCOM na Filipino, at hindi Ingles, ang dapat na maging wikang panturo sa lahat ng lebel sa lahat ng sabject at sa lahat ng paaralan. Noong nagkaroon ako ng pagkataon na isulat ang bagong General Education Curriculum (GEC) ng CHED ay ipinasok ko kaagad ang radikal na ideya na dapat nating sundin ang saligang batas. Sa sinulat kong draft ng CHED Memorandum Order No. 59, series of 1996, na hanggang ngayon ay umiiral pa, sinulat ko na ang lahat ng mga sabject sa humanidades at agham panlipunan ay dapat na ituro sa wikang Filipino. Habang tinatayp ang order ng mga bobong taypist sa CHED, pinasok nila ang salitang “preferably” sa aking sinulat, kaya ngayon ay ganito ang naging palisi ng CHED: “Courses in the Humanities and Social Sciences should preferably be taught in Filipino.” Pero hindi pinakialaman ng mga bobong taypist sa CHED ang sinulat ko tungkol sa mga sabject sa literatura. Ginawa kong palisi ng CHED na maaaring gamitin ang wikang pambahay, ang lingua franca, at kahit na ano pang wikang katutubo sa loob ng klasrum para ituro ang literatura. Ganito ang aking sinulat at ito ay pinirmahan ng mga Komisyoner noon: “At the discretion of the Higher Education Institution, Literature subjects may be taught in Filipino, English, or any other language, as long as there are enough instructional materials for the same and both students and instructors/professors are competent in the language.” Ang ganda, di ba? Maganda, sa papel, sa salita. Pero ano ba talaga ang nangyayari sa totoong buhay? Sa paglibot ko bilang USEC noon sa daan-daang mga paaralan sa bansa, naging malinaw sa akin na hindi sinusunod ang Bilingual Education Policy. Sa higit na nakararaming mga paaralan ay hindi ginagamit ang Ingles bilang wikang panturo sa Matematika at Syensya, at kung minsan ay mismo sa sabject na Ingles. Pero hindi rin ginagamit ang wikang Filipino bilang wikang panturo sa iba pang mga sabject. Ang karaniwang ginagamit ay ang wikang pambahay o katutubong wika ng rehyon o lunsod o barangay. Sa ibang paaralan ay palisi ito, dahil kasama sila sa tinatawag na proyektong Lingua Franca na sinimulan ni Brother Andrew Gonzalez, FSC, nang siya ang Kalihim ng Edukasyon. Pero sa karamihan ng mga paaralan ay napipilitan ang mga guro na gamitin sa klase ang sariling wika o kumbinasyon ng Ingles at kanilang sariling wika, o kumbinasyon ng Filipino at kanilang sariling wika. Ang dahilan para sa malawak na paggamit ng Taglish o Seblish o Ilokalish o Filipinong mala-Sebuwano na Filiwano o Filipinong mala-Ilokano na Filikano ay, una, ang kagustuhan ng guro na maintindihan ng mga bata ang liksyon, at ikalawa, ang kakulangan ng galing ng guro sa Ingles o sa Filipino. Sa paglibot ko naman bilang akreditor ng PAASCU at Quality Assessor ng CHED sa mga kolehiyo sa bansa ay malinaw din sa akin na hindi sinusunod ang Bilingual Education Policy. Madalas ituro ang mga sabject sa humanidades at agham panlipunan sa wikang Ingles, pero balubaluktot naman ang Ingles na ginagamit kaya hindi natututo ang mga estudyante ng humanidades at agham panlipunan at hindi rin natututo ng wikang Ingles. Kung hindi lamang laging masarap ang inihahaing pagkain sa akin kung ako’y dumadalaw sa mga paaralan at kolehiyo ay talagang katarantaduhan ang patuloy kong pag-ikot sa bansa. Sakit sa katawan at sakit sa loob lamang ang naghihintay sa akin at sa kahit sinong lumilibot sa ating mga eskwelahan. Sa madaling sabi’y walang relasyon ang nakasulat sa papel sa totoong buhay. Kung malinaw ang nakasulat kahit na magulo ang isip, kung mayroon man, ng mga namumuno sa ating bayan, magulo ang nangyayari sa ating mga klasrum dahil hindi malinaw sa ating mga guro kung ano ba talaga ang dapat na umiral na wikang panturo. Kapag magbabasa sila ng mga librong batay sa riserts, lumilinaw sa ating mga guro na dapat na wikang pambahay ang gamitin bilang wikang panturo, pero kapag dinadalaw sila ng mga superbisor na karaniwang matagal nang wala sa klasrum, napipilitan silang mag-Ingles kuno para hindi masabon. May magagawa pa ba tayo para mabago ang sitwasyong pangwika sa ating mga klasrum? Sinabi ko na pagod na ako, pero hindi ko sinabi na matutulog na ako. Pala na lang ako sa tabi at hindi na ako mismo ang hahawak ng patalim ng wika. Bilang pala o miron, may tatlo akong nais ipagawa sa susunod sa akin, sa ibang salita, sa inyong lahat. Hango ang tatlong ito sa riserts ng World Bank nina Dutcher, N., at Tucker, G. R., noong 1994 tungkol sa “The use of first and second languages in education: A review of educational experience.” Pinag-aralan nina Dutcher ang napakaraming mga bansa sa mundo at natuklasan nila na ang higit na nakararaming mga bansa ang gumagamit ng dalawa o higit pang wikang panturo sa kanilang mga paaralan. Ayon kina Dutcher, “there are many more children throughout the world who have been and continue to be educated through a second or a later-acquired language, at least for some portion of their formal education, than there are children educated exclusively via the first language. In many parts of the world, bilingualism or multilingualism and innovative approaches to education that involve the use of two or more languages constitute the normal everyday experience.” Dahil dito, maraming liksyon ang natutuhan na sa ibang bansa na maaari nating gamitin para pagyamanin ang wikang Filipino bilang wikang panturo. Malinaw naman kasi na hindi mawawala ang Ingles sa atin bilang wikang panturo, dahil nga bobo ang ating mga lider. Kung kaya’t mabuti pang sumuko na tayo sa pagiging bilinggwal natin, tulad ng higit na nakararaming mga bansa sa mundo. Sa maraming mga mungkahi nina Dutcher, may tatlong angkop na angkop sa wikang Filipino. Tanong nina Dutcher at ng World Bank: “Are the language(s) selected for instruction written, codified, standardized, and elaborated?” Ang Filipino ba ay nakasulat? Oo. Codified o may diksyunaryo? Mayroon na, iyung ginawa ng U.P. Istandardisado? Hindi pa, dahil wala pang Balarila ng Wikang Filipino. Elaboreyted o maaaring gamitin sa pormal na mga sitwasyon? Medyo hindi pa, dahil hindi pa ito ang pangunahing wikang ginagamit sa pagsulat ng mga batas. “Are sufficient core and reference materials available for teachers and students in the language(s) of instruction? If not, are there trained individuals available who can prepare such materials?” May sapat na libro na ba para sa lahat ng sabject? Malapit na, dahil mahigit na sa isang daan ang ginawang textbuk ng Sentro ng Wikang Filipino sa U.P., dagdag pa ang mga textbuk ng komersyal na mga pablisher. May mga tao bang kayang gumawa ng mga librong magagamit sa klasrum? Marami, pero pagod na sila, o kaya’y tinatamad, o kaya’y walang panahon dahil naghahanap-buhay sa ibang paraan. “Is there a sufficient number of trained and experienced teachers who are fluent speakers of the language(s) of instruction and who are trained to teach via that language(s)?” Mayroon ba tayong mga gurong kayang magturo sa Filipino? Halos lahat, kaya lang ay takot, pagod, o tamad. Na-treyn na ba ang mga gurong ito na magturo sa Filipino? Hindi pa. Makikita natin kung ano pa ang dapat ninyong gawin bilang guro, iskolar, at nagmamahal sa sariling wika. Una’y kailangang sumulat kayo ng Balarila ng Wikang Filipino. Kailangang gumawa pa ng mas makapal na diksyunaryo ng wikang Filipino. Kailangang maghalal ng mga kongresista at senador na bihasa sa Filipino at hindi matatakot na sumulat ng batas sa wikang Filipino at hindi sa wikang Ingles. Iyan lamang ang mungkahi ko sa inyo para sa darating na mga eleksyon: huwag ninyong iboto ang kahit na sinong nagsabi na kailangang gamitin ang wikang Ingles sa loob ng klasrum. Huwag na nating isipin ang kwalipikasyon, karanasan, at korupsyon. Lahat naman sila ay may kwalipikasyon, at hindi naman tama ang bintang na dapat laitin ang walang karanasan. Si Cory Aquino ba ay may karanasan nang iboto natin siyang pangulo? At huwag na tayong maglokohan na may mga kandidatong hindi korap. Paano ka hindi magiging korap kung ang suweldo mo ay mas maliit pa sa suweldo ng clerk sa Makati pero ang gagastusin mo sa eleksyon ay milyon-milyon? Natural lamang na kailangang bawiin mo ang ginastos mo, kaya magiging korap ka gusto mo man o hindi. Ang isipin na lamang natin bilang mga gurong nagmamahal sa ating sariling wika at sa ating sariling mga estudyante ay kung ang ihahalal natin ay may pag-ibig sa wikang Filipino. Kung maka-Ingles ang kandidato, ibasura na natin. Ikalawa’y kailangang gumawa ng napakarami pang mga libro sa wikang Filipino. Kaunti pa lamang talaga ang mga libro sa ating sariling wika, di tulad sa ibang bansa kung saan mabilis isalin, halimbawa, ang mga librong nasa Ingles sa kanilang sariling wika, kung kaya’t hindi kailangan ng higit na nakararaming mamamayan doon na mag-aral pa ng wikang Ingles. Ikatlo’y puwede ba, magturo kayo sa Filipino! Kung hindi kayo magsisimula sa sarili ninyong klasrum, walang mangyayari sa atin. Kayong mga titser, kayo ang may kasalanan kung bakit hanggang ngayon ay lumalabag pa rin sa ating saligang batas ang lahat ng ating mga unibersidad, kolehiyo, at paaralan. Dahil ang paglabag sa batas ay pagiging kriminal, kriminal tayong lahat. Kriminal tayo dahil dinuduraan natin ang saligang batas bawat araw na nagtuturo tayo sa wikang Ingles! Ang mga administrador naman sa inyo, iyung wala nang klaseng hawak at wala nang pagkataong magturo sa wikang Filipino, puwede ba, isulat ninyo ang lahat ng inyong mga memo sa wikang Filipino. Nakasulat din sa saligang batas na ang ating sariling wika ang dapat na wika ng opisyal na komunikasyon. Kung hindi kayo susulat ng mga memo at liham at palisi at manwal at libro sa Filipino, walang mangyayari sa atin. Mananatili tayong kriminal. At hindi lang kriminal, kundi bobo. Magiging katulad tayo ng mga Kongresista at Senador at Pangulo na sarili lamang ang iniisip at hindi ang kapakanan ng taumbayan, ng maliliit na taong hindi nakakaintindi ng Ingles, ng mahihirap na hindi nakatapos ng pag-aaral nila, ng mga Filipinong hanggang ngayon ay alila, utusan, masahista, nars, at puta sa ibang bansa sa mundo. Kung iyan ang gusto ninyong kapalaran, bahala kayo. Ako, pagod na.

Ilang Suliranin Tungkol sa Intelektwalisasyon ng Filipino ni Bonifacio P. Sibayan

Tatalakayin ko sa artikulong ito ang ilang suliranin tungkol sa pagpapaunlad o intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Naniniwala ako na hindi natin maaaring sabihin na ang intelektwalisasyon ay susi sa maunlad na pagtuturo at pagkatuto kung hindi natin mauunawaan kung bakit, paano, at kung anong larangan ng wikang Filipino ang dapat bigyan ng intelektwalisasyon.
Pagpaplano ng Wika (Language Planning)
Lahat ng kasangkot sa pagtuturo at pagsusulong ng wikang Filipino ay dapat maging masugid sa pagbibigay-malasakit sa pagpaplano ng wika. Ang pagkuha ng isang asignatura o subject sa Language Planning ang magpapakilala sa isang mag-aaral ng mga huwarang teorya at praktikal na pagkaunawa sa ilang bagay tulad ng mga sumusunod: 1. Pagpapasya o pagpili ng wika (language determination or selection) 2. Paglinang at pagpapaunlad ng wika (kung saan isang bahagi ang intelektwalisasyon) 3. Patakaran ng pagbabalangkas ng wika (para maunawaan ang katwiran ng pag-aaral ng dalawang wika o ang sinasabi nating edukasyong bilinggwal o bilingual education) 4. Pagpoprograma ng wika 5. Pagsasagawa o implementasyon ng wika (kung saan paraan at pamamaraan ng pagtuturo ay dalawang paksa lamang) 6. Pagpapahalaga ng wika
Marami pang ibang masalimuot na paksa ang dapat maunawaan ng mga tagapagpaunlad, tagapagtaguyod, tagatangkilik, tagapagtanggol ng wikang Filipino. Ilang sa mga ito ay ang mga sumusunod: 1. Ang pagpapalit at pagbabago ng wika (language replacement and language shift) 2. Ang tungkulin (role) o bahaging ginagampanan ng Filipino na may kinalaman sa Ingles at sa iba’t ibang katutubong wika ng mga di-Tagalog sa iba’t ibang larangan ng wika (language domains) 3. Ang tungkulin o bahaging ginagampanan ng Ingles sa intelektwalisasyon ng Filipino 4. Kung bakit kailangang maintelektwalisa ang Filipino, at kung paano ito isasagawa 5. Ang kontribusyon ng ibang katutubong wika sa pagsulong ng Filipino 6. Ang karapatan ng isang tao o grupo sa wika (language rights) 7. Ang intelektwalisasyon ng Filipino sa iba’t ibang larangan ng wika Ang Pagpapalit ng Isang Wika
Isa sa pinakamahalagang layunin sa pagpapaunlad ng Filipino ay ang paghalili nito sa Ingles balang araw.
Ipinahayag ng Executive Order No. 335 ang pagpapasiya sa paggamit ng Filipino na pampalit sa Ingles. Ngunit tinanggihan ng mga Cebuano ang nasabing pahayag. Bakit? Sapagkat ang mga mamamayang Pilipino, tulad ng mga Cebuano, na di likas na gumagamit ng wikang Tagalog, ay mawawalan ng silbi o malalaos.
Pansinin na ang mga Cebuano ay di tumutol sa paggamit ng Filipino sa mga larangan ng lingua franca o wikang pantelebisyon, pampelikula, at dyaryo o pahayagan. Ngunit sila ay tumutol sa pagpapalit ng Filipino sa wikang Ingles sa dalawang larangan ng wika – sa larangan ng pamahalaan at sa larangan ng edukasyon. Ang ibig sabihin nito, ang pagtanggap o pagtutol sa pagpapalit ng Filipino sa wikang Ingles ay may kinalaman sa mga larangan o pinanggagamitan ng wika.
Maraming katwiran ang mga Cebuano sa pagtutol sa pagpapalit ng wikang Filipino sa wikang Ingles. Ang dalawa sa mga ito ay ang mga sumusunod: 1. Hindi nila gusto ang ginagawang paglapastangan sa kanilang katutubo at natamong karapatan sa wika. Binigyang-diin ng vice-mayor ng Cebu ang bagay na ito nang sabihin niya sa isang kapulungan kamakailan sa De La Salle University na “ang mgaTagalog ay nagpupumilit na isungalngal ang wikang Tagalog sa aming lalamunan” (ram Tagalog down our throats). 2. Nararamdaman nila na sila’y nanganganib dahil hindi sila handang magsalita at magsulat sa Filipino.
Ang pagtutol na ito ng mga Cebuano ay isang magandang halimbawa sa hirap ng pag-intelektwalisa sa isang wika at ng isang bansa. Totoong napakahirap palitan ang isang wikang intelektwalisado na tulad ng Ingles na ginagamit sa mahahalagang larangan ng wika. Noong araw, ay mas madaling napalitan ng Ingles ang Español dahil ang Ingles ay intelekwalisado na noon pa man. Ang kailangan lang noon ay ang pagtuturo nito sa mga tao o pag-intelektwalisa sa mga tao. Sa ibang salita, handa na ang Ingles noon na pampalit sa Español.
Tatlong Uri ng Larangan ng Wika (Three Types of Language Domains)
Upang maintindihan natin ang hirap ng suliranin sa pag-intelektwalisa ng Filipino ay kailangan nating malaman ang teorya ng larangan ng wika (theory of language domains) at ang paggamit nito sa pag-unlad ng Filipino. Pag-aralan natin ang sumusunod na tatlong uri ng larangan ng wika : (i) di mahalagang larangan ng wika (non-controlling domain of language), (ii) medyo mahalagang larangan (semi-controlling domain); at (iii) mahalagang larangan ng wika (controlling domain of language).
Ang di mahalagang larangan ng wika ay maaaring di nakasulat at maaaring gamitin sa kahit anong wika. Halimbawa, ang larangan ng tahanan at ang larangan ng lingua franca. Hindi natin kailangang planuhin ang paggamit ng Filipino sa mga di mahalagang larangan. Isang malaking pagkakamali ang paniwalang dahil ang Filipino ay ginagamit sa pagsasalita at naiintindihan ng halos lahat ng mga Filipino sa di mahalagang larangan ay maaari na rin itong gamitin sa bahaging larangan ng pamantasan o higher education. Ang uri ng Filipino na sapat para sa tahanan o para sa lingua franca ay maaaring hindi sapat para sa larangan ng edukasyon sa pamantasan.
Ang mga medyo mahalagang larangan ay ang mga larangan kung saan ang pagsusulat ay hindi sapilitan. Ang ibig sabihin nito ay maaaring sumali ang isang tao nang halos lubos sa mga ito maski hindi marunong magsulat at magbasa nang maayos. At hindi rin binibigyan ng pansin ng mga tao ang wikang ginagamit sa mga medyo mahalagang larangan. Ang mga halimbawa ng medyo mahalagang larangan ay ang relihiyon at ang libangan (entertainment).
Ang ikatlong uri ng larangan ng wika ay ang mga mahalagang larangan. Ang mahahalagang larangan ay ang larangan na nangangailangan ng mabuti at wastong pagbasa at pagsuat. Ang wika na kailangang gamitin sa mahalagang larangan ay ang tinatawag sa Ingles na learned language. Ito ang mga larangan ng wika na dapat bigyan ng pansin ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino. Ang mga mahalagang larangan ay nangangailangan ng pagtatala, tulad ng computer data bank.
Sa ibang salita, maliwanag na ang mahalagang larangan ng wika ang nangangailangan ng intelektwalisasyon.
Ang ilan sa mga importante o mahalagang larangan ay ang mga sumusunod: (i) edukasyon (lalo na ang hayskul at ang pamantasan); (ii) pamahalaan; (iii) pagbabatas; (iv) hukuman; (v) agham at teknolohiya; (vi) negosyo, pangkalakalan at industriya; (vii) ang mga propesyon na may bahaging larangan (sub-domain), tulad ng medisina, abogasya, atb.; (viii) mass media (broadcast and print); at (ix) literatura.
Ang Register
Kailangang tandaan natin na bawat bahaging larangan o bahaging-bahaging larang (sub- and sub-subdomain) ay may sariling register. Ang ibig sabihin ng register ay ang tanging paggamit ng wika sa isang larangan o bahaging-larangan. Ang konseptong ito ay mahalaga sa pag-intindi ng mga suliranin ng intelektwalisasyon ng wika. Halimbawa, alam nating lahat na kung hindi tayo doktor, hindi natin maiintindihan ang register ng medisina na nakasulat sa Ingles.
Katangian ng Mahahalagang Larangan ng Wika Ang mahahalagang larangan ng wika ay may sumusunod na mga katangian: 1. Idinidikta nila ang wika na kailangang pag-aralan at gamitin. 2. Ang wikang ginagamit ay specialized at learned. Samakatwid, kinakailangan ng kaalaman na tiyak, kaya kailangan ng specialization. 3. Ang mga mahalagang larangan ay nangangailangan ng dunong ng pagsasalita, pagbabasa, at pagsusulat; kailangan dito ay precise language o tiyak, tumpak, ganap na salita; hindi katulad ng ginagamit natin sa di mahalagang larangan ng wika. 4. Ang kaalaman sa mahalagang larangan ay iniipon (cumulative). Kung kaya’t kinakailangang malaman ang karunungan ng nakalipas (past knowledge) at kasalukuyan. Ang karunungan ng nakalipas ay nasa mga aklat, journals, at ngayong may computer na, nakaimbak sa data banks. Maliwanag na maliwanag na halos lahat ng nakalipas na karunungan sa mahalagang larangan ay hindi magagamit sa Filipino. 5. Ang pagdami ng kaalaman sa mahalagang larangan ng wika ay mabilis. Ang kasalukuyang karunungan ay nasa bagong mga aklat, pangkasalukuyang journals at pananaliksik na papel (research papers). Ito ay hind makukuha sa Filipino.
Ang pagsabog (explosion) ng karunungan sa mahalagang larangan ay katakut-takot. Ang paghahabol sa pagsabog ng kaalaman na nakasulat at nakatala ay isa sa pinakamalaking suliranin sa intelektwalisasyon ng Filipino at ang pagpapalit nito sa Ingles. Sa kasalukuyan, ang bagong karunungan ay batay sa nakalipas na karunungan na matatagpuan ng mga Pilipino sa Ingles at hindi sa wikang Filipino.
Samakatwid, inaasahan natin ang pag-unlad ng Filipino sa mahalagang larangan at bahaging larangan; kinakailangan natin ang nakalipas at ang kasalukuyang karunungan sa Filipino. Ito ay isang kailangang gawain. Ang lawak ng suliranin ay sobrang malaki at nakakalito. Kung inaasahan natin na papalitan ng Filipino ang Ingles, kailangan na hindi lamang ang wikang Filipino ang maintelektwalisa; isama natin ang pag-intelektwalisa ng mga tao, ng mga Pilipino sa buong bansa.
Ang isa sa mga unang dapat gawin sa intelektwalisasyon ng Filipino ay ang isang intelektwalisadong wikang katulad ng Ingles na ginagamit sa mga mahalagang larangan ay hindi maaaring palitan nang basta ganoon lang ng isang wikang hindi intelektwalisado. Malinaw na kinakailangang mas mabuti ang ipapalit.
Hindi sapat ang mga dahilang nasyonalismo, o pagkamakabayan at patriotismo o pag-ibig sa bayang tinubuan, gayundin ang pagkakakilanlan (identity) upang palitan ang Ingles. Karamihan sa mga Pilipino, lalung-lalo na ang mga di Tagalog, ay hindi naniniwala na ang Filipino ay tatak ng nasyonalismo o patriotismo. Tama sila. Ito ay bahagi ng kanilang karapatang pangwika.
Ang Bahagi o Papel (Role) ng Ingles sa Intelektwalisasyon ng Filipino
May paniwala ang maraming tagapagtanggol ng Filipino na hindi natin kailangan ang Ingles. Sapat na rin daw na marunong magsalita, magbasa, at magsulat sa Filipino. Hindi lamang ito isang malaking pagkakamali; ito ay delikado sa kasalukuyang kalagayan ng Filipino. Ang tagapagtaguyod ng Filipino ay dapat magaling sa Ingles dahil ang wikang Ingles lamang ang paraan kung paano maiintelektwalisa ang Filipino.
Harapin natin ang katotohanan. Kaunti lamang ang kaalaman, kung mayroon man, sa syensyang panlipunan, agham at teknolohya, matematika, medisina, batas, atbp., sa wikang Filipino. Ang kaalaman ukol sa mga larangang ito ay maaaring makuha sa Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin (translation). Ngunit halos wala pang naisasalin sa mga larangang ito. Halimbawa, paano ipamamahagi ang karunungan sa medisina sa isang taong marunong lamang sa Filipino. Imposible. Hindi maaari.
Ano, samakatwid, ang magiging gamit ng Filipino kung hindi ito maaaring gamitin sa pagkuha ng karunungan?
Mga Mungkahi
Kung maaari akong magbigay ng mungkahi, ang aking mungkahi ay ang mga sumusunod: 1. Lahat ng tagapagtaguyod ng Filipino, lalung-lalo na sa larangan ng edukasyon, na hindi pa nag-aaral ng Language Planning, ay dapat mag-umpisa na. 2. Ang mga tagapagtanggol ng Filipino ay dapat makaalam tungkol sa mga suliranin ng pagpapalit at pagbabago ng wika. 3. Hindi sapat na ang mga tagapagtanggol ng Filipino ay marunong lamang sa pamamaraan ng pagtuturo sa Filipino. Dapat ay magaling sila sa Ingles at Filipino. Bukod sa pagiging guro, dapat sila ay mga iskolar, tagapagsaliksik, at manunulat sa tiyak na karunungan. 4. Ang Filipino, upang umunlad at maging intelektwalisado, ay dapat gumamit ng Ingles. 5. Bigyang-diin ang karunungan, hindi ang pamamaraan. 6. Ang mga guro, tagapagtaguyod ng Filipino, at mga kasapi sa mga samahang pangwika ay dapat magsaliksik para sa Language Planning. Ang mga solusyon sa mga suliranin ng wikang Filipino ay kailangan ng karunungan o iskolarsyip; hindi paghula at pakiramdam. 7. Sapagkat ang karunungan ay iniipon (cumulative), ang mga tala ng nakalipas na karunungan ay dapat isalin. Ito ang dapat gawin ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino.
Isang Bagay na Dapat Pansamantalang Tigilan
Sa wakas, uulitin ko: May mga bagay-bagay na dapat huwag nang bigyang diin ng mga pinuno o tagapagtaguyod ng wikang Filipino para mas mabigyang tugon ang mahigpit na pangangailangan sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Halimbawa, ang mga tagapagtaguyod ng Filipino ay dapat tumigil muna sandali sa pag-uukol ng panahon sa mga pamamaraan o methods of teaching.
Iminumungkahi ko na dapat pag-ukulan ng pag-aaral ng mga tagapagtaguyod ng Filipino ang larangan ng karunungan na nauukol sa Language Planning. Napakahirap intindihan ang paksang intelektwalisasyon ng Filipino kung hindi natin alam ang iba’t ibang bahagi at kuntil-butil o detalye ng Language Planning.

Wikang Filipino – Wika sa Globalisasyon ni: Tereso Tullao, Jr., Ph.D.

Buod

May papel ba ang wikang Filipino sa harap ng laganap na globalisasyon na naglalayong pag-isahin ang iba’t ibang aspekto ng buhay sa buong mundo tungo sa isang bilihan, sa isang pamantayan, sa isang wika? May malakas na sigaw tayong naririnig na kinakailangang paunlarin ang ating kaalaman sa wikang Ingles dahil ito ang wika ng komersyo, wika ng siyensya, wika ng makabagong teknolohiya; samakatuwid, ang wika ng globalisasyon. Ang ganitong pananaw ay naniniwala na ang kaalaman sa wikang Ingles ng ating mga manggagawa ay isa sa mga pangunahing batayan ng ating pagiging kompetitibo. Ang kaalaman sa wikang Ingles ang dahilan ng ating komparatibong kalamangan sa kalakalang internasyonal. Sa kabilang banda, ang sanaysay ay naghahamon sa pagtatanghal at pagpapaunlad ng wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon para sa mga nakararaming Filipino. Kahit na ang proseso ng globalisasyon ay nagsasanib, ang kakayahan nitong maghati ay nagbabantang mahiwalay ang maraming Filipino sa mga biyaya ng globalisasyon. Upang mangibabaw ang epekto ng pagsasanib kaysa epekto ng paghahati, higit na episyente na maging susi ang wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon. Ang layunin ay maisama ang dumaraming mamamayang Filipino na mas nakauunawa sa wikang Filipino sa mga biyaya ng globalisasyon.

Ang Papel ng Wika sa Ating Lipunan

Mahalagang kasangkapan ng panlipunang kapital ang wika na ang gamit ay gawing episyente o mabisa ang mga transaksyon sa isang ekonomiya. Dahil ito ay instrumento na namamagitan sa mga tao, may kakayahan itong maging susi sa integrasyon ng isang lipunan. Subalit kung ang lipunan ay pinamumugaran ng maraming wika, o may nangingibabaw na wika sa paligid ng maraming wika, hindi nagagampanan ng wika ang kakayahan nitong pag-ugnayin ang mga tao, mga sektor, mga lugar sa isang lipunan. Samakatuwid, di episyente ang mga transaksyong ekonomiko. Ang ganitong kalakaran ay maaaring maging sanhi sa mabagal na pagsulong bunga ng magastos na paggamit ng mga produktibong sangkap.

Ang kritisismo sa wikang Ingles sa kakayahan nitong maging mahalagang sangkap ng panlipunang kapital ng Filipinas ay hindi nakabatay sa dahilang ito ay isang dayuhang wika. Kahit pa tinatanggap na ang wikang Ingles bilang nangingibabaw na wika sa larangan ng pulitika, batas, ekonomiya, at kultura sa bayang ito, hindi naman nito napag-uugnay ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang pakikilahok sa mga nabanggit na aspekto ng lipunan. Hindi rin pinagdududahan ang wikang Ingles dahil ang pangingibabaw nito ay nakabaon sa pagiging wikang ginagamit ng mga naghaharing-uri, namumuno, kumokontrol at nagpapalakad ng ating lipunan. Ang alinlangan sa wikang Ingles ay nagmumula sa pagiging wikang di mapag-ugnay, wikang mapaghiwalay, at wikang naghahati ng mga sektor at mamamayan. Kung ang wikang Ingles ay tunay na mapag-ugnay at nagiging daan sa episyenteng pamagitan ng mga transaksyon, hindi mahalaga ang pagiging dayuhan nito o kung ito ay ginagamit ng mga naghaharing uri dahil may panlipunang halaga pa rin ito sa mga nasasakupan dahil sa pag-unawa nila rito nagagamit ito sa kanilang mga transaksyon. Kung ito ang nangyayari, masasabi nating tunay na ngang mahalagang sangkap ng ating panlipunang kapital ang wikang Ingles.

Ang wika ay hindi lamang isang instrumento na nag-aayos at namamagitan, ito ay rin ay instrumento na nagpapatatag at nagpapaunlad sa isang lipunan. Tulad ng nabanggit na, inaayos ng wika ang mga transaksyon ng mga tao upang magawa at magamit ang mas malawak na yaman. Ang maayos na transaksyon ay nauuwi sa mabisang paggamit ng mga yaman ng isang lipunan at nakapagbibigay daan tungo sa pinakamataas na antas ng kagalingan habang tinutugunan ang mga pangunahing kagustuhan ng mga tao.

Samantala, ang katatagan ng isang ekonomiya ay natatamo kapag ang mga resulta ng mga transaksyong nagpapalawak ng yaman ay tumutugma sa mga resulta ng mga transaksyong gumagamit sa mga yaman. Alam natin ang papel na ginagampanan ng pamahalan at ng bilihan upang mapatatag ang iba’t ibang presyo ng mga yaman sa isang lipunan. Ngunit may mahalagang papel din ang kultura upang mahimok ang mga mamimili ng sari-saring produkto at serbisyo na itugma ang kanilang kagustuhan sa harap ng kapos na yaman. Sa kabila ng mga patakarang fiscal, monetaryo at pagpapalitan ng salapi, nariyan din ang paghahamon at paghihikayat sa ating mga mamayanan na magsakripisyo, magtipid, magbayad ng buwis upang matugunan ang katatagang ekonomiko. Ang wikang nauunawaan ng nakararami at hindi ang wikang nangingibabaw ang higit na mabisang gamitin upang maabot ang pinakamaraming mamamayan na tutugon sa problema ng katatagang ekonomiko.

Tignan natin ang lakas at bisa ng paggamit ng wikang Filipino. Marami sa ating kababayan ang may negatibo o halos walang kaalaman sa diwa ng WTO, APEC at AFTA nang ito ay tinatalakay sa wikang Ingles ng mga lider ng pamahalaan. Ang Value Added Tax (VAT) ay hindi rin maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan dahil iilan sa ating mga pinuno sa BIR ang kayang ipaliwanag ito sa wikang Filipino. Ngunit nang magbuhos ng maraming anunsyo ang pamahalaan sa pagpapaliwanag tungkol sa APEC at VAT na isinulat sa wikang Filipino, marami ang nakaunawa at humina ang sigaw ng pangamba at pagrereklamo ng mga mamamayan.

Mahalaga rin ang papel ng wika sa mobilisasyon ng mga mamamayan tungo sa kaunlaran. Hindi lamang mabisa ang wika sa agarang mobilisasyon, nagagamit rin ito sa pagtugon sa mga isyung pangkaunlaran tulad ng populasyon, pagkasira ng kapaligiran, pagpopondo ng kaunlaran, pagnenegosyo, pagbabayad ng tamang buwis, pagpapataas ng produktibidad at marami pang iba. Ang wika ay magagamit upang mapalawak ang kapasidad ng ekonomiya na makalikha ng yaman sa mga susunod na henerasyon. Halimbawa, sa pag-anyaya sa ating mga kababayang kapos sa mga kinakailangang yaman, ang wika ng nakararami ang ginagamit upang maunawaan nang lubusan na ang pagnenegosyo sa halip na pagiging empleyado ang angkop na istratehiyang pangkabuhayan para sa kanila.
Ang mahalagang papel ng wika sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya ay nakapaloob sa layuning itanghal ang integrasyon ng ekonomiya. Subalit, may dalawang uri ng integrasyong hinaharap ang isang ekonomiya: ang integrasyong panloob at integrasyong eksternal. Ang bawat uri ng integrasyon ay may angkop na pamagitang wika na ginagamit upang malasap ang mga biyaya ng integrasyon.

Integrasyong Panloob

Sa isang sanaysay may isang dekada na ang nakalilipas, inilarawan ko ang kahinaan o kawalan ng integrasyon ng ating lipunan na nagdudulot ng malaking sagabal sa ating mabilis na pag-usad bilang isang ekonomiya, isang bayan at isang lipunan. Naririyan ang mahigit sa pitong libong pulo na pinaghihiwalay ng malalawak na karagatan. Kung minsan dahil sa kawalan ng sapat ng paraan ng transportasyon, ang hiwa-hiwalay na mga pulo ay nauuwi sa mabagal na kalakalan sa pagitan ng mga isla. Kung tayo ay isang buo o pinag-isang ekonomiya bibilis ang daloy ng palitan ng produkto at serbisyo sa pagitan ng mga pulo na siyang magpapalawak sa dagdag na yaman sa ating ekonomiya.

Sa larangan ng ekonomiks, ang formal at impormal na sektor ay nauuwi sa dalawahang ekonomiya, magkahiwalay at mahina ang kapit sa isat-isa. Ang duwalismong ito ang isa sa mga sagabal sa ating pag-usad.

Nariyan din ang agwat sa kultura na lumalabas sa wikang nangingibabaw at sa kulturang kanluranin na katapat ng naiibang kulturang bayan na ang gamit ay ang wika ng masa. Ang agwat ng magkahilerang kultura ay makikita rin sa ng paggamit ng wikang Ingles sa mga pamantasan, komersyo at pulitika samantalang ang paggamit ng Filipino at iba pang katutubong wika ay sumasakop lamang sa mga impormal na diskurso at usapin.

May agwat din sa larangan ng pulitika sa ating bayan. Ang kanluraning sistema ng demokrasya ay tinatapan ng impormal na pulitika ng personalidad. Magkahiwalay ang pulitika ng isyu sa pulitika ng mga sikat. Kahit sa pagpapatupad ng batas, kung minsan ay ginagamit pa rin natin ang pamamaraan ng kakilala kaysa sa pagtupad sa mga umiiral na regulasyon, patakaran, batas, regulasyon at probisyon ng Konstitusyon.

Marami, iba’t iba ang antas at lalim ng agwat sa pagitan ng dalawang magkasalungat na panuntunan sa iba’t ibang aspekto ng ating lipunan. Ang agwat na ito ang isa sa mga sanhi kung bakit mahina ang ating lipunan lalo na sa kaayusang ekonomiko. Dahil sa luwang ng mga agwat na ito, hindi mahihigpit ang mga koneksyon ng iba’t ibang aspekto ng buhay na nauuwi sa kahinaan sa pagtugon sa mga layunin ng isang lipunan. Bunga ng mga agwat na naghihiwalay sa mga sektor, ang kakayahang mapataas ang pambansang yaman ay kumikitid. Dahil din sa agwat na ito, nagiging mahina ang pundasyon sa katatagan at kaunlaran.

Globalisasyon, ang integrasyong eksternal

Ang globalisasyon ay mailalarawan bilang mga samut-saring proseso na naglalayong mapag-isa ang iba’t ibang networks ng mga networks sa buong mundo sa pamamagitan ng kompetisyon, pakikipag-ugnayan (inter-koneksyon) at pagtutulungan (inter-dependence). (Tullao, 2001). Ang kasalukayang prosesong ito ay bumabalot at nagpapabago sa lahat halos ng antas ng buhay at lipunan sa iba’t ibang lugar sa buong mundo. Ang lawak, lalim at bilis ng paggalaw ng mga produkto, kapital, kaalaman at mga tao sa pagitan ng mga bansa ang nagpalawak sa kasalukuyang gamit ng konsepto ng globalisasyon. Dahil dito, ang globalisasyon ang isa sa pinakalantad na realidad sa kasalukuyan na nakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng buhay at ito ang pangunahing dahilan na nagbibigay ng bagong batayan at katuturan sa umuusbong na papel ng mga indibidwal, institusyon at istruktura sa isang lipunan.

Ang konsepto ng globalisasyon ay isang paradokso dahil maraming kaakbay na kontradiksyon ito. Sa kabila ng pagiging mapagsanib nito, ito ay nagdadala rin ng paghihiwalay bilang katapat na sakripisyo. Kahit na ito ay may kakayahang mag-ugnay, ito ay rin ay mabilis sa tumatanggi sa mga hindi handa at hindi karapat-dapat. Kahit na ito ay lumilikha ng pamantayang global, nauuwi ito sa di-pantay na pakikinabang sa proseso. Samakatuwid, sa paglayon nitong matamo ang pinag-isang mundo lumilikha ito ng duwalismong internasyonal at marami itong nasasaktan sa proseso ng integrasyon.

Sa larangan ng produksyon, ang pangingibabaw ng pamantayang episyenteng pamamaraan, nawawalan ng trabaho ang mga manggagawa at nayayapakan ang mga industriyang hindi kayang makipagtunggali sa pamantayang internasyonal.

Sa pagtatanghal ng pinag-isang pamantayan at ang unti-unting paglalatag ng isang pamahalang global, ang mga bansa ay nawawalan ng kapangyarihan at humihina ang kanilang kasarinlang gumawa ng mga regulasyon sa loob ng kanilang sinasakupang teritoryo.

Ang mga daang ginagamit upang mapag-ugnay ang mga networks sa produkto, kapital, teknolohiya at kaalaman ay ang parehong daang ginagamit ng iba’t ibang sektor upang ilantad ang mga di-pantay, di-inaasahan at mga sistematikong panganib na ibinubunga ng globalisasyon habang pinag-uugnay ang mga networks. Ang mga networks na nag-uugnay ay ang mga daan ding ginagamit upang magkabuklod ang ibat-ibang sektor sa iba’t ibang sulok ng daigdig upang tutulan ang patuloy na globalisasyon dahil sa bigat ng mga ibinubungang sakripisyo nito.

Dahil sa bilis ng pagsulong sa information technology, maraming tao sa buong mundo ay nakakukuha ng informasyon na mas mabilis pa sa kidlat. Subalit ang ganitong pag-uugnay sa informasyon ay nagpalawak din ng dibisyon sa kakayahang makakuha ng informasyon at sinasagi ang mga indibidwal, sektor at mga bansa bunga ng limitadong yaman at kakayahang makibahagi sa network sa informasyon.

Sa larangan ng kultura, pinag-iisa ang mundo sa pamamagitan ng pagtatanghal ng isang pandaigdigang kultura, kaayusan, gawi, sistema ng estetika at kung minsan ay pati wika. Ang wikang ginagamit sa mga transaksyon sa globalisayon ay unti-unting kumikitid sa iilang wika sa pangunguna ng wikang Ingles.

Batay sa mga kontradiksyong nabanggit, ang isang timbang na pananaw sa globalisasyon ay kinakailangan upang maunawaan ang mga di pantay na resulta ng di mapigilang kasalukuyang realidad. Ang influwensya ng pulitika, ekonomiya, nagbabagong ideya at papalakas na kamulatang panlipunan at pangkapaligiran ay mga pwersa na pagpapasulong o hahadlang tungo sa isang timbang na pamamahala ng globalisasyon.

Wikang Filipino at ang Integrasyon

Ano ang papel ng wikang Filipino sa kapaligirang may dalawang uri ng integrasyong hinaharap ang ating lipunan? Walang duda na sa larangan ng integrasyong panloob binanggit na natin ang mga pangunahing papel ng wikang nauunawaan ng nakararami sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya. Ang pananaw na ito ay lumilihis sa pananaw na ang wikang Filipino ay ginagamit lamang upang itangghal ang nasyonalistikong damdamin. Samakatuwid, ang integrasyong kultural ang tanging matatamo sa paggamit ng wikang Filipino. Ipinahihiwatig din ng pananaw na ito, sa larangan ng komersyo, batas, at pulitika ang nangingibabaw na wikang Ingles ang dapat pa ring pairalin kahit na mahina ang kakayahan nitong pag-isahin ang mga nabanggit na duwalismo sa iba’t ibang aspekto ng lipunan

Ang pananaw na ito ay tinatanggihan ko dahil naniniwala ako na sa harap ng duwalismo sa ating lipunan may halagang ekonomiko ang wikang Filipino na ginagamit sa mga transaksyon ng mas nakararaming Filipino. Dahil ito ang wikang ginagamit ng informal na sektor, ang malawakang paggamit nito ay may makabuluhang halaga sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya. Sa aking palagay, ang pagpapatupad ng pananaw na walang halagang ekonomiko ang wikang Filipino ang isa sa mga dahilan kung bakit mahina ang integrasyong panloob na nauuwi naman sa mabagal nan pag-usad ng ating ekonomiya. Sa harap ng kahinaan ng wikang Ingles na pag-ugnayin ang lipunan, bakit ayaw nating bungkalin ang potensyal ng wikang Filipino na mapakitid, kung di man isara, ang mga agwat sa ating duwalismong lipunan.

Sa integrasyong eksternal, ang mga tagapagtaguyod ng globalisasyon ay sumisigaw na kinakailangan ang pag-aaral at pagsasanay sa wikang Ingles dahil ito na ang nagiging wika ng kalakalang internasyonal at ang wika ng globalisasyon. Hindi ko minamaliit ang ganitong pananaw o ipinagkakait na may katotohanan ang ganitong paniniwala. Ang aking pangamba sa pananaw na ito ay baka lalong maging mapaghiwalay o mapaghati sa halip na maging mapag-isa ang proseso ng globalisasyon kung hindi natin pauunlarin ang wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon. Papaano naman nakasasali sa proseso ng globalisasyon ang napakaraming mamamayang Filipino kung hindi sila marunong at bihasa sa wikang Ingles? Sila ay magiging halimbawa na isinasantabi ng globalisasyon dahil hindi sila nakikihalok sa pagtanggap ng mga biyaya nito.

Sa aking palagay sa harap ng globalisasyon, higit na kailangan ang integrasyon internal upang mapalakas ang kakayahan nating makipagtunggali sa kalakarang global. Ang malakas na integrasyong panloob din ang magpaparami sa mga mamamayang makikisangkot sa mga benepisyo ng globalisasyon. Samakatuwid, kinakailangang pasiglahin, pagyamanin at palakasin natin ang panloob na yaman upang makipatunggali, at makinabang sa mga benepisyo ng globalisasyon at integrasyong eksternal. Ang malakas ng integrasyong panloob ang panlaban natin sa kultura ng eksklusyon ng globalisasyon na pumapatid sa mga mahihina at di kompetitibo.

Nangangahulugan ba ito na isasantabi na natin ang wikang Ingles? Sa harap ng isang baylingwal na kultura, kahit gustuhin natin hindi na natin maaaring itapon pa ang wikang Ingles. Nasa atin na ito kayat pagyamanin natin ito at gamitin natin ito sa ating integrasyong eksternal. Ngunit kakailanganin at dapat din nating pagyamanin ang antas ng kaalaman sa iba’t ibang disiplina sa wikang Filipino upang maging instrumento ito sa pagpapakitid ng mga agwat sa pagitan ng mga mamamayan sa iba’t ibang aspekto ng lipunan.

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga intelektwal sa gawaing ito. Kinakailangan maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan ang mga prinsipyo at konsepto sa wikang alam nila nang makisangkot sila sa proseso ng globalisasyon.

Halimbawa, sa pagtatanim o pag-aalaga ng hayup, kahit hindi marunong ng Ingles ay magiging produktibo pa rin ang mga mamamayan dahil naunawaan nila ang mga makabagong pamamaraan sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop sa wikang nauunawaan nila. Ang mga makabagong proseso ng produksyon ay ipinaliliwanag sa mga produktibong manggagawang Thai, Tsino, at Taiwanese sa wikang lokal kayat madali nilang itong naipatupad. Kung Ingles ang mamamayani sa atin, ang mga aral lamang ang agarang makagagamit ng benepisyong ito. Kaya, kung maisasalin o maipaliliwanag ng mga intelektwal na Filipino ang mga makabagong teknolohohiya sa wikang Filipino, magiging malaganap ang paggamit ng teknolohiya at may potensyal na tumaas ang pambansang kita.

Sa larangan ng medisina at kalusugan, madaling mauunawaan ng mga ordinaryong Filipino ang mga paraan ng pangangalaga sa sarili at panggagamot kung ito ay naipaliwanag sa wikang Filipino.

Sa larangan ng batas, kung maipaliliwanag ito sa wikang nauunawaan ng mga ordinaryong mamamayan, marami ang makauunawa sa kanilang karapatan at mga obligasyon bilang mamamayan.

Sa larangan ng pananalapi, kung maipaliliwanag ang iba’t ibang instrumento ng pag-iimpok at dahilan ng pamumuwis, baka kaunti na lamang ang magrereklamo sa kakulangan ating pamahalaan at madaling maibubungkal sa kanilang isipan ang mga biyaya ng pagsisikap at pagnenegosyo.

Batay sa direksyon ng ating demographiya, dumarami na ang mga Filipinong nakauunawa sa wikang Filipino batay sa Tagalog. Ito ang nagiging lingua franca ng maraming Filipino. Subalit kahit marami ang nakauunawa nito, matatagalan pa ang lalakarin upang maging tunay na intelektwalisado ang wikang Filipino at baka abutin pa ng 100 ayon kay Bonifacio Sibayan. Ngunit kailangang simulan na ang unang hakbang ngayon.

May mga taong nagsasabing ang papapaunlad ng wikang Ingles ay isang paghahanda para hindi tayo maisantabi ng proseso ng globalisasyon. Ang wikang Ingles nga ba ang susi sa ating integrasyong eksternal? May sapat bang batayan ang pangangamba ng ilan na pinahihina natin ang Ingles dahil ginagamit natin ang wikang Filipino sa pagsasaalita? Mawawalan na nga ba ng komparatibong kalamangan ang mga Filipino sa bilihang internasyonal sa paglaganap at paggamit ng wikang Filipino? Ito ang mga tanong ng mga tumututol sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Kung ang wikang Ingles ang batayan ng ating kompetitibong kalamangan, bakit higit na mabilis ang pag-unlad ng Thailand, Tsina at Vietnam kung ihahambing sa ating ekonomiya gayong hindi naman bihasa sa Ingles ang kanilang mga manggagawa? Hindi Ingles ang dahilan ng kanilang masiglang ekonomiya bagkus maaaring ituro ito sa kanilang mahigpit na integrasyong panloob. Samantala, ang kahinaan ng integrasyon ng ating ekonomiya ang sanhi ng ating mabagal na pag-usad.

Naririto sa atin ang mamahuhusay na manager, sanay sa wikang Ingles ngunit ang mga tauhan, manggagawa at tagasunod nito ay pawang gumagamit, dahil mulat, ng wikang Filipino. Papaano makukuha ang tamang timbre at tono ng isang musika gayong hindi magka-akma ang mga namumunong konduktor sa mga tagasunod na musikero?

Ang dapat nating ipangamba ay ang kawalan ng interes ng mga intelektwal sa bayang ito na paunlarin ang wikang Filipino sa harap ng paglaganap at pagtanggap ng maraming mamamayan sa wikang Filipino sa paglipas ng panahon at sa ibat ibang sektor at lugar sa ating bansa.

Tulad ng nabanggit ko na, ang papel ng mga intelektwal ay mag-aral, magsalita, magsalin at magsulat sa wikang Filipino. Ang ganitong hamon ay hindi upang itakwil ang Ingles ngunit upang mabisang mailipat ang mga biyaya ng siyensya, makabagong teknolohiya, gawi, at kultura sa wikang madaling maunawaan ng nakararaming Filipino. Nasisiyahan na ba tayo na 30% lamang ng ating mga kababayan ay nakauunawa sa wikang Ingles at wala tayong ginagawa sa katotohanang mahigit sa 90% ng mga Filipino nakauunawa sa wikang Filipino? Malaki ang papel ng mga intelektwal sa bayang ito upang maging susi sa integrasyong internal. Sa pagbubungkal nila ng kanilang profesyon at disiplina sa wikang Filipino, posibleng mapag-ugnay ang hiwa-hiwalay nating lipunan at madali nang maidadala sa mga Filipino ang integrasyong eksternal.

Dahil dito ang pagpapayaman at pagpapalawak ng wikang Filipino bilang wikang intelekwalisado ay magiging wika sa globalisasyon. Ang wikang Filipino ang magiging tagapamagitang wika upang maunawaan at makilahok ang marami nating mamamayan sa proseso ng globalisasyon.

Samantala ang pagtataguyod ng Ingles sa harap ng maraming Filipinong hindi nakauunawa nito ay isang mapaghiwalay at di episyenteng pamamaraan. Ang mga dati nang nakikinabang sa globalisasyon ay sila pa rin ang patuloy na makikinabang sa prosesong ito.

Mayroon akong mga espesipikong hamon sa departamento ng Filipino sa ating pamantasan. Kung hindi maisasagawa ng mga taga departamento ng Filipino ang pagsasalin, dalawang bagay ang kanilang magagawa. Una, makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga intelektwal ng mga iba’t ibang disiplina sa unibersidad at pagtulungan ang pagsasalin ng mga obra maestra sa ibat ibang displina. Ikalawa, kung walang makukuhang espesyalista, ang mga tagapagsalin ay dapat mag-aral ng mga displina hanggang sa masters level.

Higit pa sa pagsasalin, ang mga bagong teorya, imbensyon, kalakaran sa isang displina ay dapat nang matutunan at maibahagi sa mga ordinaryong Filipino at estudyante upang matutunan nila ang makabagong kaalaman sa bawat disiplina. Kasama rin ang paglalathala ng mga pananaliksik sa disiplina ay dapat isulat sa wikang Filipino.

Ang aking ipinagpapalagay dito ay mananatiling Ingles ang mangingibabaw na wika sa ating bansa. Marami pa ring intelektwal ang mag-aaral, nananaliksik at magsusulat sa wikang Ingles. Subalit ang mga intelekwal ding iyan ay dapat ding mahasa sa pagsusulat at paglalahad sa wikang Filipino.

Kung ang papel ng Ingles ay mapag-uugnay tayo sa bilihang internasyonal at matamo ang integrasyong eksternal, ang magagawa ng pagpapaunlad ng Filipino ay mapalakas ang ating integrasyong internal. Dahil na rin sa pagiging baylingwal ng mga Filipino, mauuwi ito sa pagpapalakas ng integrasyong eksternal at internal. Ang pagtugon sa dalawang uri ng integrasyon ay maaari ring gawin ng wikang Ingles ngunit sa aking paniniwala, hindi episyente ito at mahirapan ang Ingles, kahit na ito ay ang nangingibabaw na wika, bunga ng kasalukuyang duwalismo sa ating lipunan.

Kongklusyon

Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino ay isinusulong dahil sa tatlong pangunahing dahilan. Una, malawak ang gamit ng wikang Filipino hindi lamang sa pagpapatingkad ng damdaming nasyonalistiko. Ikalawa, ang wikang Filipino ay magagamit sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya. Ikatlo, dahil may kakayahang mapalakas ng wikang Filipino ang integrasyong panloob, may potensyal itong maging wika sa globalisasyon.

Sa isang bansang papaunlad na humaharap sa pwersa ng globalisasyon, marami ang nagtatanong kung bakit kinakailangan pang paunlarain ang wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina gayong mas kailangan nating matuto ng Ingles na itinuturing wika ng kalakalang internasyonal. Hindi natin kinakaila at tinatanggihan ang integrasyong eksternal ngunit isang pangunahing kundisyon upang malasap nang lubusan ang mga biyaya ng globalisasyon ay ang lakas ng integrasyong internal. Iilan lamang sa ating mga kababayan ang nakalalasap ng mga biyaya ng globalisayon dahil sa mga kaalaman na natutunan sa wikang Ingles samantalang marami sa ating mga kababayan ay nahihirapang makisangkot bunga ng kawalan ng kaalaman. Ang ganitong sitwasyon ay isang lantarang palatandaan ng kahinaan ng integrasyong internal.

Ang integrasyong internal ay mapalalakas kung ang kaalamang natutunan sa wikang Ingles ay maisasalin sa wikang Filipino. Dahil dito higit na maraming Filipino ang magkakaunawaan at mas marami din ang maaaring makisangkot at makinabang sa biyaya ng globalisasyon.

Kung marami sana sa ating mga pinuno ng pamahalaan, intelektwal, negosyante ay marunong magsalita at magpaliwanag ng mga bagay sa pulitika, ekonomiya, kalakalan at relasyong internasyonal sa wikang Filipino, madaling matatanggap ng mga mamamayan ang anumang panukala na nagmumula sa pamahalaan, pwersa ng bilihan at makabagong teknolohiya. Ito rin ang nagpapalakas ng integrasyong internal.

Tinatanggap natin na ang Ingles ay lalo pang lalaganap sa buong daigdig bilang wika ng kalakalang internasyonal at wika ng iba pang larangan ng lipunan. Ngunit sa paglaganap nito sa ating bansa lalo nating magagamit ito sa ating kapakanan kung isasabay ito sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Gamitin natin ang Ingles sa pagpapahigit ng ating integrasyon sa labas ng bansa kasabay ng paggamit ng Filipino upang humigpit ang integrasyon sa loob ng bansa. Ang mas mahigpit na integrasyong internal ay nauuwi sa pag-ani ng mga biyaya ng integrasyong eksternal ng mas marami naitng mamamayan. Dahil dito, hindi lamang nagiging wika sa globalisasyon ang wikang Filipino, nagiging tunay na susi ito sa kaunlaran.

Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan ni Conrado de Quiros

Hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit kinakausap natin ang ating mga aso sa wikang Ingles. Wala kang naririnig na nagsasabing, “Upo, Bantay, upo,” o
“Habol, Kidlat, habol.” Ang maririnig mo ay “Sit, Rover, sit,” o “Fetch, Fido, fetch.” O kung poodle, Fifi. Kung sa bagay tayo mang mga taong Filipino ay may mga pangalang
Rover, Fido, at Fifi, kaya hindi nakapagtatakang pangalanan din natin ang ating mga aso ng ganoon.

Ang nakapagtataka ay kung bakit kinakausap natin sila sa Ingles. Ibig sabihin, kakaiba ba ang korte ng kanilang mga utak at natural silang sumusunod sa mga utos sa
Ingles? Ang tinig ba ng Ingles ay hawig sa mga tunog na ginagawang silent dog whistle?
Ipauubaya ko sa mga dalubhasa sa sikolohiya ng hayop ang pagpapaliwanag nito.
Pero may punto rito. At ang punto ay ito: marami at sarisari ang gamit ng wika; hindi lamang bilang isang paraan ng komunikasyon ng dalawang tao. Sa tingin ko, lubos na simplistiko ang paniniwalang ang wika ay isa lamang kasangkapan sa komunikasyon. Sa tingin ko, lubos na simplistiko ang paniniwalang ang tanging papel na ginagampanan ng wika sa lipunan ay ang pagbibigay-daan sa palitan ng mga idea ng mga tao sa lipunang iyon. Totoong ang isang wika ay isa ring paraan o kasangkapan sa komunikasyon. At bagama’t isang bahagi lamang ito ng kabuuan ng wika ay malaking bahagi ito. Sa bagay na ito, malaki ang halaga ng Ingles bilang isang paraan ng komunikasyon. May punto ang mga nagsasabi sa atin na hindi natin maaaring kaligtaan ang Ingles. Talaga namang hindi.
Ang Ingles ay ang ating susi – o sabi nga ng mga bata, ang ating “connect” – sa mundo.
Ito ang ating susi sa pandaigdigang impormsyon. Lalong-lao na sa panahong ito na masasaksihan natin ang isang “information explosion” na likha ng computers. Malamang ay narinig na ninyo ang Internet, ang pandaigdigang electronic board para sa lahat ng uri ng impormasyon. Sa pamamagitan ng Internet ay maaari nating ma-access pati na ang US
Library of Congress at mag-research doon. Maaari rin tayong makapanood ng sine o retratong bomba. Walang MTRCB sa Internet.

Pero kailangan pa rin ang Ingles para mapakinabangan ang mga biyayang ito.
Bagama’t ang mga computer programs ay nagiging mas graphic na kaysa word-based— gumagamit ng icons kaysa salita—kailangan pa ring magbasa kahit katiting. At ang iskrip ay sa Ingles. Bukas ang information highway sa anumang uri ng sasakyan, kahit kariton, pero nakasulat sa Ingles ang mga signs sa kalye. Pag hindi tayo marunong mag-Ingles, mawawala tayo sa kalye. At talaga namang pagkalalawak ng mga kalye rito.
Pero huwag nang isipin ang Internet; isipin na lang ang simpleng paglalakbay.
Kailangan pa rin ang Ingles—maliban na lang kung sa Pilipinas ka lang maglalakbay. At kung tutuusin, hindi bale na rin ang mundo—o ang pisikal na paglalakbay sa mundo na maaaring magawa ng iilang Filipino lamang. Isipin na lang ang paglalakbay ng isip na magagawa sa pagbabasa, panonood ng sine, pakikinig ng balita. Kailangan pa rin ang
Ingles—liban na lang kung ang papanoorin lang ay mga sine ni Silvester Stallone.
Walang duda na kailangan natin ng Ingles. Walang duda na mahalaga ang Ingles.
Subalit, dito man ay marami nang mga maling akala tungkol sa kahalagahan ng Ingles.
Isa sa mga maling akalang ito ay ang paniniwalang ang Ingles ay ang susi sa kaunlarang pang-ekonomiya. Ito ang paboritong argumento ng mga nagtataguyod ng Philippines
2000.

Pinabubulaanan ito ng Thailand. Mahirap kumilos sa Bangkok hindi lamang dahil sa ang sulat dito ay sulat-bulate, ayon nga sa isang kaibigan, kundi dahil iilan lamang ang marunong mag-Ingles. Iba pa kung paano nila bigkasin ang Ingles, na talaga namang papawisan ka ng dugo bago mo maintindihan. Kahit na hotel clerks ay hindi makapag-
Ingles ng diretso. Ang pinakamadaling paraan para makapagtalastasan sa taxi driver at tindero ay sign language.

Pero gayumpaman, ang Thailand ay isang tigre, samantalang tayo, na ipinangangalandakan ang ating Ingles, ay isang basang-sisiw lamang. Ayon kay Peter Limqueco, isang kaibigan na nag-eedit ng isang diyaryo sa Bangkok. Pumapangalawa lamang ang Thailand sa Japan sa computer technology sa Southeast at South Asia. Makikita ang ebidensiya ng kaunlaran sa Bangkok—sa mga gusali, sa mga skyway, sa mga pagawaan. Ang kaunlaran dito, ayon kay Peter, ay hindi sinusukat sa taon kundi sa buwan. Mawala ka lang ng ilang buwan at nagbago na ang hitsura ng lugar. Bale ba, bagama’t hindi marunong mag-Ingles ang mga Thai ay higit na malaki ang kanilang turismo kaysa atin. Ihambing mo ang turismo nila at turismo natin at parang pinaghahambing mo ang daga at elepante. Ang bilang ng mga turistang pumapasok sa atin sa isang taon ay ang bilang ng turistang pumapasok sa Thailand sa isang buwan.
Malinaw na ang mga tao ay bumibisita sa ibang bansa hindi dahil sa kaalaman ng mga mamamayan doon ng Ingles.

Subali’t hindi pa ito ang problema sa Ingles. Sapagka’t gaya ng nasabi ko kanina, hindi lamang isang paraan ng komunikasyon ang wika. Lalong-lalo na ang Ingles. Lalong-lalo na sa bansang ito. Ang Ingles ay hindi lamang isang paraan para makapag-usap; ito ay isa ring paraan para makapaghari. Hindi lamang ito isang susi sa impormasyon; isang susi ito sa kapangyarihan. Ang Ingles ay kapangyarihan sa isang paraan na higit pa sa karaniwang kahulugan na kapag matatas kang magsalita ay may kapangyarihan ka sa kaligiran mo. Kapangyarihan ang Ingles sa isang payak o literal na paraan. Marunong kang mag-Ingles, makakarating ka sa itaas. Hindi ka marunong mag-Ingles, mauuwi ka sa pagiging kargador.

Sa bansang ito, hindi lamang salita ang Ingles kundi orasyon, na pinanghahawakan ng isang kaparian. Ano man ang sabihin mo, matino man o hindi, kapag sinabi mo sa Ingles ay nagkakaroon ng bigat, o halaga. Ang “marunong mag-Ingles” ay hindi lamang palatandaan ng kagalingan sa lengguwahe. Palatandaan ito ng kaalaman, ng pagkakaroon ng “class,” ng pagkakaiba sa karaniwang mamamayan. Kapag sinabi mo ang isang bagay sa Ingles ay tila pinag-isipan mo ito ng malalim. Siguro ito ang dahilan kung bakit kinakausap natin ang ating mga aso sa Ingles. Siguro, akala natin, kapag nag-Ingles ka, aso man ay seseryosohin ka.

Sa mula’t mula pa ay nasapol na ng mga Kastila ang katotohanang ang wika ay kapangyarihan, at sinikap nilang pakinabangan ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagkakait sa mga Indio ng salitang Espanyol. Kung sa bagay, sa umpisa ay hindi ito tuluyang sinadya. Nakita ng mga misyonerong kagaya ni Pedro Chirino na mas madaling pag-aralan ang mga salitang Indio kaysa turuan sila ng Espanyol. Mas madaling turuan ang mga Indio ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng kanilang mga wika kaysa Espanyol.
Makikita rin ang mga bagay na ito nina Mike Velarde at iba pang mga matagumpay na
“misyonero” sa kasalukuyan. Sa bandang huli na lamang sadyang ipinagbawal ng mga
Kastila ang wikang Espanyol sa mga eskuwelahan at iba pang institusyon ng mga Indio.
Ito ay para ipuwera sila sa alta sosyedad at tuloy sa pagpapalakad ng bayan. Iba ang naging karanasan ng mga bansa sa America Latina. Kaiba sa Filipinas, ang mga bansang ito ay naging settler colonies, o mga kolonyang tinirahan ng mga taong galing sa kanluran. Para matirhan ang madaming lugar dito ay pinagpapatay ng mga settler o kolonyalista ang katutubong populasyong Indio. Isang malinaw na kaso ng genocide. Umusbong ang isang populasyong creole, na galing sa mga dayong Espanyol at nagsasalita ng Espanyol.

Naunawaan ng mga Espanyol na ang wika ay kapangyarihan pero nagkamali sila sa pagsasamantala nito. Ang mga Amerikano ang makakakita ng wastong pagsasamantala nito. Ito ay hindi ang pagkakait ng wikang kolonyal sa mga Indio kundi ang pagpapalaganap sa kanila nito. Ang pagkakait ng mga Espanyol ng wikang Espanyol sa mga Filipino ay hindi nakapagpabait sa mga Indio. Naging rebelde sila. Ang pagtuturo ng Ingles sa mga Filipino ay hindi nakapagrebelde sa kanila. Naging masunurin sila. Ito ang totoong problema sa Ingles, ang dahilan kung bakit hindi natin dapat akalaing ito ay isang purong grasya. Malinaw sa ating kasaysayan na ang Ingles ay hindi lamang naging paraan ng komunikasyon kundi paraan ng kolonisasyon. Ang Ingles ay hindi naging paraan para sa pag-uusap ng mga mamamayan. Naging paraan para ito ay sa paghahati ng mga mamamayan. Ang tanging diyalogo na ginawa nito ay ang diyalogo sa pamamagitan ng pamahalaang kolonyal at ng lokal na naghaharing-uri. Kasunod sa kaputian ng balat, ang galing sa paggamit ng Ingles ay naging pasaporte sa sirkulo ng kapangyarihan.

Nalikha ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Ingles ang isang naghaharing-uri na sumasawsaw sa kanilang kultura. Ang wika ay hindi lamang koleksiyon ng mga salita at mga paraan sa paggamit nito. Ang wika ay isang buhay na bagay. Tumutubo ang wika mula sa puso ng isang bayan. Sumususo ang wika sa pambansang kasaysayan at karanasan. Ang pag-aral ng Ingles ay hindi lamang pagkabisa ng mga salita at paggamit nito. Ang pag-aral ng Ingles ay pagbabad sa kultura na lumikha nito. Alam ko. Bilang isang manunulat sa Ingles, alam ko na para ka magkaroon ng kumpiyansa sa salitang iyon ay kailangang angkinin mo ang kaluluwa noon. Hindi lamang grammar at syntax ang wika. Ang wika ay kultura at sensibilidad. Kung tutuusin, ang wika ay hindi laging nagdudulot ng komunikasyon. Kung minsan, nagdudulot ito ng kawalan ng komunikasyon. Malinaw na malaki ang ambag ng
Ingles sa pangalawa. Higit tayong pinaghiwalay kaysa pinag-isa nito. Makikita ang puwang sa lipunan sa ating mga sine, ang pinakapopular na uri ng entertainment dito sa atin. Kapag mayaman ang pamilya ay tiyak na Ingles ang dialogue. Kapag katulong ang karakter ay mag-tatagalog, lalong-lalo na ang tipong may puntong Batangas o Bulacan.
Para maging class ang dating, ang mga artista mismo ay sumasagot sa Ingles sa mga interview. Bagama’t sikat siya sa labas, si Melanie ay laging magiging api rito dahil hindi siya marunong mag-Ingles.

Ano ang dapat gawin? Paano natin pagtutugmain ang pangangailangan natin sa Ingles sa isang banda at ang pangangailangan natin ng isang wikang magbubuklod sa atin sa kabila?
Ang sagot ay ang pagpapalakas ng wikang pambansa. Ang wikang iyan ay hindi maaaring maging Ingles. Iyan ay isang kaso ng, sabi nga sa Ingles, the “tail wagging the dog.” Hindi maaaring ipagpag ng buntot ang aso. Ang pambansang wika ay maaari lamang maging Filipino.

Ang maling akala, o fallacy, ay ang paniniwalang kapag gusto mong palakasin ang Filipino ay gusto mong pahinain ang Ingles. Hindi totoo iyan. Gusto nating palakasin ang Filipino, pero gusto rin nating palakasin ang Ingles—bilang pangalawang lengguwahe, o second language. Ang mahalaga ay ang katagang “pangalawa” or “second.” Hindi maaaring maging una ang Ingles.

Makikita natin sa halimbawa ng Thailand at iba pang mga bansag Asyano na hindi lamang ito posible kundi kailangan, Ayon sa mga nagtataguyod ng Philippines 2000, ang mga bansang ito sa kasalukuyan ay puspusang nagpapalaganap ng Ingles: bakit tayo pupunta sa kabilang direksiyon? Simple. Dahil sa kung ang mga bansang ito ay kasalukuyang nagpapalaganap ng Ingles, ito ay dahil sa mayroon na silang sarili nilang wika—Thai, Bahasa, Intsik, Hapon, Koreano. Bagama’t puspusan nilang itinutulak ang pag-aaral ng Ingles, wala sa mga bansang ito ang magpupumilit na palitan ang sariling wika ng Ingles.

Kung bumisita ka sa ibang bansang Asyano, o Arab, ang unang maiisip mo ay kung gaano tayo kaiba sa kanila. Hindi tayo ang rule, tayo ang exception. Ang mga higanteng diyaryo sa mga bansang ito ay nasa wikang pambansa. Iilan lamang ang nasa Ingles, at ito ay nakatutok sa mga banyaga. Hindi aksidente na mas marami ang mambabasa ng mga diyaryong Thai, Arab, Bahasa. Natural na gustong basahin ng mga tao ang naiintindihan nila.

Maaaring ang mga bansang ito ay puspusang nagtuturo ng Ingles, pero matapos lamang silang magkaroon ng isang matatag at malusog na wikang pambansa, isang wikang pinagmulan ng national discourse, o usapang pambansa, isang wikang pinagmumulan ng kanilang puri at karangalan. Ganito nila nagagamit ang Ingles habang naiiwasan ang alienating effects nito.

May kaibhan sa paghango at pagpapalit, may kaibhan sa paghiram at sa pagkopya. “God bless the child that’s got his own,” ayon nga sa isang kanta. Totoo iyan hindi lang para sa mga indibidwal kundi para rin sa mga bansa. Ang ibang bansa ay mayroong pinanghahawakan, tayo ay wala. Sila ay humahango at humihiram, tayo ay nagpapalit at kumokopya. At tingin natin sa sarili natin ay cosmopolitan tayo. Hindi ito pagiging cosmopolitan, ito ay simpleng pagiging uprooted.

Bakit hindi Filipino English bilang wikang pambansa? At ano naman ang gamit sa atin ng Ingles na tayo lamang ang nakakaintindi. At kung tutuusin, ano naman ang naging ambag ng Filipino English—ang mga salitang “aggrupation” at “actuation”? Walang ganyang mga salita sa Ingles. Ang mga salita doon ay “group” at “action.” Ang Filipino ba ay mayamang wika? Kaya ba nito ang seryosong diskusyon? Makikita natin sa mga talk show sa TV—salamat sa pinasimulan ng Public Forum—na ganito na nga. Sayang lamang at hindi pa ito nangyayari sa diyaryo. Ang Filipino ay lengguwahe lamang ng mga tabloids at hindi broadsheets.

Kung tutuusin, ano ba naman ang likas na mahusay na wika? Bago dumating si Goethe, mahusay lamang ang Aleman para sa Barbarians. Bago dumating si Pushkin, ang Russian ay mahusay lamang para sa pag-toast ng vodka. At bago dumating si Shakespeare, ang Ingles ay mahusay lamang sa isang sakop. Ang husay ng lengguwahe ay nasa mga taong gumagamit nito.

Ang paborito ko pa ring kuwento rito ay ang isang direktor ng teatro na minsan ay tinanong ng isang estudyanteng pa-wers-wers: “Talaga bang epektibo ang Filipino sa teatro?” Sumagot ang direktor, “Putang ina mo.” Namutla ang estudyante at dali-daling umalis.

“Tingnan n’yo,” sabi ng direktor sa kanyang crew, “epektibo ang Filipino sa teatro.”

Ang Wika ay Kasangkapan ng Maykapangyarihan: Ang Wika Bilang Instrumentong Politikal ni Bienvenido Lumbera

Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito. Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din dito. Sa bawat pangangailangan natin ay gumagamit tayo ng wika upang kamtin ang kailangan natin - kung nagugutom, humihingi ng pagkain; kung nasugatan, dumadaing upang mabigyan ng panlunas; kung nangungulila, humahanap ng kausap na makapapawi sa kalungkutan.

Subalit kaiba sa hininga, hindi likas na bahagi ng pisikal na buhay natin ang wika. Isa itong instrumentong hiwalay sa ating katawan, isang konstruksiyong panlipunan na kinagisnan nating "nariyan" na. Natutunan natin ito sa magulang, pamilya, paaralan at komunidad, at pagdating sa atin, kargado na ng mga kahulugan at pagpapahalaga na galing sa ibang tao, ibang lugar, at ibang panahon. Sa pagtanggap natin sa wika, pumapaloob tayo sa isang lipunan at nakikiisa sa mga taong naroon. Samakatwid, ang kamalayan natin bilang indibidwal ay karugtong ng kamalayan ng iba sa lipunan. Kapag may kapangyarihang sumakop sa kamalayan ng kapwa natin sa lipunan, kasama tayong napapailalim sa nasabing kapangyarihan.

Mula sa paksaing "Wika at Politika," humango ako para sa panayam na ito ng buod na nakasaad sa pamagat: "Ang wika ay kasangkapan ng maykapangyarihan." Ihahanap ko sa ating kasaysayan ng mga halimbawa ang nasabing buod. Sa aking pakahulugan, ang "maykapangyarihan" ay sinuman at alinman na may lakas na pinanghahawakan na nagpapasunod sa tao o nagpapatupad ng balak at layunin. Ang "instrumentong politikal naman" ay mekanismo na kumukuha ng pagsang-ayon ng maraming tao sa mga espesipikong gawaing itinatakda ng maykapangyarihan.

Ang wikang Filipino (sa anyo nitong Tagalog sa maagang yugto ng ating kasaysayan) ay naging instrumentong politikal nang sakupin tayo ng dayuhan noong siglo 16. Ang dumating na mga kolonyalista ay alagad ng dalawang panginoon, ang Monarkiyang Espanyol at ang Simbahang Katoliko. Nauna nang sinakop ng mga kolonyalista ang Amerika Latina, at doon ay natuto sila sa naging karanasan nila sa pagpapasuko ng mga katutubo. Naging madugo ang walang-habas na pagpapasuko nila roon, kaya't nang dumating sila sa Filipinas, ay handa nilang subukin ang "mahinahong" pagpapasuko, lalo pa't maliit lamang ang pangkat nila kung ikukumpara sa mga mamamayang dinatnan nila.

Sa panig ng mga misyonerong kasama ng mga sundalo, ang misyon nila ay ang pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. May pag-aalangan sa hanay nila kung paano ibabahagi sa mga katutubo ang doktrina ng Simbahan - ayon sa paniniwala na naipalaman na ng Simbahan sa Peninsula ang mga banal na aral ng Katolisismo sa kanilang wika, tila wikang Espanyol ang kailangang gamitin sa pagsasalin ng relihiyon sa mga bagong binyagan. Subalit iilan lamang ang mga misyonero at lubhang marami ang mga paganong kailangang agawin sa demonyo sa lalong madaling panahon. Sa isang pagpupulong ng mga pinuno ng mga orden relihiyoso, naipasyang sa mga wikang katutubo gagawin ang pagtuturo ng pananampalataya. Sa kapasyahang iyon, naging instrumentong politikal ang mga wika ng mga katutubo. Ang bawat orden ay nagtalaga ng mga misyonero na ang tungkulin ay ang pag-aaral ng mga wikang katutubo, at dito lumitaw ang mga pangalang ngayon ay kinikilala bilang mga tagapagpauna sa pag-aaral ng wika ng mga Tagalog—Francisco Blancas de San Jose, Gaspar de San Agustin, Juan de Plasencia, Pedro de San Buenaventura, Francisco de San Antonio, Domingo de los Santos, Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar.

Ang pagsasalin ng mga tekstong Espanyol ay masasabi nating siyang panimulang hakbang sa pag-angkin ng mga misyonero sa Tagalog. Noong 1593, lumabas ang unang librong limbag sa Filipinas, ang Doctrina Christiana. Nasa librong ito ang mga batayang dasal ng Simbahan na isinalin sa Tagalog: Padre Nuestro, Ave Maria Purissima, Credo, Salve Regina atbp. Mahalagang banggitin na ang librong ito ay nilimbag hindi para sa mga katutubo kundi para sa mga misyonerong magpapalaganap ng pananampalataya. Matututunan ng mga katutubo ang mga dasal sa pamamagitan ng tradisyong pabigkas. Ibig sabihin, sa simbahan sa oras ng katesismo, isinasaulo ang mga dasal at paulit-ulit na bibigkasin hanggang ang mga ito ay maging bahagi na ng kamalayan ng mga binyagan.

Sa unang hati ng siglo 17, isang misyonerong nagngangalang Pedro de Herrera ang nagsalin ng mga pagninilay tuwing may Santo Exercicio, na nalimbag bilang Meditaciones, cun manga mahal na pagninilay na sadia sa Santong pag Eexercicios (1645). Nasa anyong patula ang mga pagninilay, dalit ang tawag ng mga Tagalog, at ito ay nagpapakilala sa bisa ng tradisyong pabigkas na inangkin na rin ng mga misyonero upang mapadulas ang pagkatuto ng mga katutubo.

Sa pagsisimula ng siglo 18, isang manlilimbag na layko ng mga Heswita, si Gaspar Aquino de Belen, ang magsasalin ng Recomendacion del Alma ni Tomas de Villacastin at ilalabas ito bilang Mga panalanging pagtatagobilin sa caloloua ng tauong naghihingalo (1703). Ang saling ito ni Aquino de Belen ay katibayan ng masinsinang pagsakop sa kamalayan ng mga katutubo na hanggang sa hukay ay inaakay sa pananampalataya ng mga misyonerong armado ng wikang katutubo.

Nakita natin sa halimbawa ng Meditaciones ni Pedro de Herrera kung paano inangkin ang anyong pabigkas upang maihatid sa mga bagong binyagan ang mga kapaniwalaang Kristiyano. Ang lumang anyo ng tulang dalit ay pinasukan ng bagong nilalaman. Upang ang mga paganong tulang pasalaysay, marahil ay kabilang dito ang nawalang epiko ng mga Tagalog, ay magamit sa ikasusulong ng Kristiyanismo, ang salaysay ng pagsakop ni Kristo sa kasalanan ng sangkatauhan ay iginawa ni Gaspar Aquino de Belen ng mahabang tula na aawitin ayon sa tradisyon ng mga Tagalog. Ito ay ang Mahal na Passion ni Jesu Christong P. Natin na Tola (1703), ang akdang pagsusumundan ng Pasyong Pilapil na hanggang sa kasalukuyan ay inaawit ng mga Filipino tuwing sasapit ang Mahal na Araw.

May mahabang kasaysayan ang tula sa Filipinas, na ang pinagsimulan ay hindi na natin matutunton palibhasa'y kasintanda ito ng tradisyong pabigkas. Subalit ang unang akdang nakasulat sa prosa ay tila nalikha lamang noong siglo 17 at ito ay pamanang kolonyal ng prayleng Francisco Blancas de San Jose. Memorial de la vida cristiana en lengua tagala (1605) ang pamagat na Espanyol ng libro subalit ito ay kinatha sa wikang Tagalog. Nilalaman ng Memorial de la vida cristiana ang mala-sermong pagpapaliwanag sa bawat isa sa Sampung Utos ng Diyos sa prosang batbat ng talinghaga at nagpapamalas ng galing ni San Jose sa paghuli sa estilo ng mga Tagalog. Totoo na ang sinaunang mga Tagalog ay nagsasalita ng prosa sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap sa kanilang mga kabaranggay, kaya lamang ang kanilang prosa ay hindi pa isang anyo ng pagpapahayag dahil wala silang imprenta. Si San Jose ang siyang naging unang prosista dahil ang ordeng Dominiko ay nag-aari noong mga unang taon ng siglo 17 ng tanging imprenta sa Filipinas.

Ang kapangyarihan ng mga prayle sa unang yugto ng kolonyalismong Espanyol ay sinisimbolo ng imprenta. Ito ay bagong teknolohiya na ipinasok sa kultura ng mga Tagalog sa pamamagitan ng mga misyonero. Hindi nito nahalinhan ang tradisyong pabigkas ng mga Tagalog kahit pa sa panahon ng Rebolusyong 1896, pero dahil kamangha-manghang teknolohiya ang magsatitik sa papel ng mga salitang dati'y mga tunog lamang, ang imprenta ay nangyaring maging bukal ng lakas ng kulturang dayuhan na ipinatanggap sa mga katutubo.

Magsisimulang bawiin ng mga Filipino sa siglo 19 ang kapangyarihang kalakip ng wikang Tagalog na inagaw ng mga prayle. Sa bagong siglo, ang imprenta ay hindi na esklusibong pag-aari ng mga orden relihiyoso. May naitayo na noong mga imprentang komersiyal, at ang produksiyon ng mga libro ay nakapagpalitaw na ng mga akdang sinulat ng mga katutubo. Ang Florante at Laura (ca. 1838) ni Francisco Baltazar ay isa sa mga akdang iyon. Iilan pa sa panahong iyon ang marunong bumasa kaya't lumaganap ang tula sa pamamagitan ng tradisyong pabigkas at paawit. Sa bawat pagkakataong ito ay bigkasin/awitin sa mga pagtitipon ng mga Tagalog, ang karanasang nilalaman ng tula ay namamahay sa kamalayan ng mga nakikinig at doon ay nagkakaanyong personal at umuungkat sa mga danas at alaala ng indibidwal sa kanyang pakikipamuhay sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan. Nag-iba na ang nilalaman ng wikang naririnig at isinasaloob ng mga katutubo na dati'y ang danas na dala ng mga salita ay limitado lamang sa mga sermon at pagninilay. Ngayo'y may pagsusuyuan, pagbabaka at pagtutol sa pagtataksil at pang-aapi. At hindi nag-iisa ang tula ni Baltazar sa paghahatid ng bagong karanasan; may iba pang mga awit na kapanahon ng Florante at Laura.

Ang pagsilay ng Florante at Laura sa lipunang kolonyal ay naghatid ng kapangyarihan sa wikang Tagalog. Gumamit ito ng tradisyonal na himig at ng ritmong pamilyar ng pagtulang Tagalog. Isinunod ni Baltazar ang daloy ng naratibo sa naratibo ng mga romance na mula sa Espanya. Ang mga tauhan ay isinunod rin sa padron ng mga tauhan sa mga romance. Subalit sariling imbento ng imahinasyon ni Baltazar ang kanyang salaysay. Samakatwid, tila gustong ipakita ni Baltazar na kaya rin ng isang Indio ang humabi ng tulang maihahanay sa mga tulang pasalaysay na dala ng mga Espanyol. At habang lumalawak ang madlang nakarinig at tinablan ng bisa ng naratibo ni Baltazar, sa pagsasanib ng karanasan ng iba't ibang indibidwal na umangkin sa tula, nagsimulang ituring na isinasatinig ng tula ang hinaing ng mga mamamayang nahihirapan sa pamamahala ng mga dayuhan. Sa ganitong transpormadong anyo tatanggapin ng mga edukadong Indio at Mestisong tulad nina Rizal at Mabini ang tula ni Baltazar.

Ang kapangyarihang ibinalik ni Baltazar sa wikang Tagalog ay magbubunsod ng hayagang pagtutol sa pagtula ni Marcelo H. del Pilar. Ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ay hindi na lamang naghahandog ng isang kawiliwiling salaysay at mga pahiwatig. Ang diyalogong nakapalikod sa tula sa pagitan ng Ina at Anak ay umungkat sa mga isyu laban sa mga prayle. May pagtalakay sa tula sa relasyon ng Monarkiya, Simbahan at mga mamamayan. Ito ay tahasang pag-angkin sa kapangyarihan ng wikang Tagalog upang maipaabot sa Monarkiya ang paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan. Sa dakong hulihan ng tula, ipinahihiwatig ng Inang Espanya na pulutin ng Filipinas ang mga aral sa isinalaysay na kinahantungan ng mga prayle sa Europa nang maganap ang Repormasyon ni Martin Luther.

Ang Rebolusyong 1896 ay pinasabog ng mitsang sinindihan ng Kilusang Propaganda nina Rizal at Del Pilar. Ang pag-angkin ng kapangyarihan ng wika ay lalong titingkad kung gugunitain ang prosa ng misyonerong Francisco Blancas de San Jose sa Memorial (1605) at itatabi ito sa prosa ni Emilio Jacinto sa Liwanag at Dilim (ca. 1896). Kapwa prosang matalinghaga ang dalawang akda. Ang una ay pagpapaliwanag sa mga kapaniwalaang Kristiyano na ipinatanggap ng mga misyonero, ang ikalawa ay paglilinaw sa mga kaisipang mapagpalaya na ang tinatanaw ay ang pagsasarili ng mga Filipino.

Ang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" (1896) ay isang pagninilay gaya ng mga pagninilay sa Meditaciones (1645) ni Pedro de Herrera. Ang inihaharap ni Andres Bonifacio sa kanyang madla ay ang kalagayan ng bayang lugmok sa mga kahirapang dulot ng kolonyal na pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga ispesipikong halimbawa ng pagkaapi at pagkaduhagi, hinahalukay ng tula ang kalooban ng kanyang mga tagapakinig upang ang mga ito ay makiisa sa paghihimagsik ng Katipunan. Taglay pa rin ng wikang binawi sa mga misyonero ang mga konotasyon ng pagsisisi at pagtangis sa naging bunga ng pagpapabaya ng Kristiyano kay Hesukristo na pamana ng kasaysayan ng wika. Ngayo'y nagiging instrumento ang wika para maihiwalay ang mga Filipino sa mga taliba ng kolonyal na pananakop.

Pagsapit ng 1898, nang ang Filipinas ay sakupin ng mga Amerikano, ang wikang Tagalog ay humakot sa Rebolusyon ng matinding lakas at ito ay ginamit ng mga rebolusyonaryong manunulat sa pagsisikap na maitaboy ang mga bagong kolonyalista. Ang panitikan, ang teatro at ang peryodismo ay nagpamalas ng tapang at giting na nagpasigla sa paglabang gerilya sa kanayunan. Ang unang dekada ng siglo 20 ay kinatampukan ng mga nobelistang Inigo Ed. Regalado at Faustino Aguilar, ng mga makatang Pedro Gatmaitan at Albino Dimayuga, ng mga mandudulang Aurelio Tolentino, Juan Abad at Juan Matapang Cruz, at ng mga peryodistang Lope K. Santos at Pascual Poblete.

Mananatiling sandigan ng lakas ng wikang Tagalog ang Rebolusyon at ang pakikidigma sa mga Amerikano. Hanggang sa kasalukuyan ay pinasisigla ng pinagdaanang kasaysayan ng wika ang paggamit sa wikang Tagalog ng mga manunulat. Subalit sa pagkatatag ng sistema ng edukasyong sa Ingles tinuturuan ang mga kabataang Filipino, may ilang panahon ding naliliman ng wika ng mga bagong kolonyalista ang wikang Tagalog. Ang bagong instrumentong politikal ng mga mananakop ay ang school, paaralang publiko sa simula, at di naglaon, pati na ang mga pribadong paaralan na tumanggap sa wikang panturong dala ng dayuhan. Dahil ito ay nasantabi sa labas ng paaralan, walang institusyong masilungan ang wikang Tagalog. Hindi ito inagaw ng bagong mananakop, itinulak lamang sa laylayan ng lipunang kolonyal. Sa larangan ng paglalathala, nasadlak ang wikang Tagalog sa mga babasahing popular na inaba-aba ng mga edukadong sa Ingles nagbabasa at nakikipag-usap. Sa kabutihang palad, pinulot ito ng bagong teknolohiya ng pelikula at sa pamamagitan ng kamangha-manghang sining ng tinawag na "aninong gumagalaw," pinalakas ito sa hanay ng nakararaming mamamayan hindi lamang sa Katagalugan kundi pati sa iba pang bahagi ng bansa. Subalit ang lingguhang magasin at ang pelikulang Tagalog ay mga anyong popular na sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay itinuring na mababang uri ng libangan, kaya't sa kabila ng malaganap ng pagtanggap sa wikang Tagalog sa iba't ibang dako ng Filipinas, nanatili itong walang prestihiyo.

Sa huling hati ng dekada 60, isang kilusang politikal ang pinasilang ng mga kondisyong inihanap ng mga kabataang nasa kolehiyo at unibersidad ng kalutasan. Ayon sa pagsusuri ng bagong kilusan, ang mga kagipitan sa pamumuhay sa bansa ay bunga ng kontrol ng mga dayuhan sa ekonomiya at ng paghahari ng mga mayayamang nagmamay-ari ng malalawak na lupain. Mula sa hanay ng mga lider na naninilbihan sa mga kapitalistang dayuhan at sa mga panginoong maylupa nanggagaling ang humahawak sa gobyerno, at ang mga ito ay nagpapayaman sa pamamagitan ng mga opisinang kanilang inuupan. Hindi sa mga datihan nang naglilider manggagaling ang pagkilos na maglalapat ng lunas sa sakit ng lipunan. Ayon sa mga aktibista ng kilusang makabayan, ang babago sa lipunan ay ang nakararami sa lipunan. May bagong salitang pumasok sa wika, ang salitang "masa," na tumutukoy sa nakararaming hindi isinasali sa paghawak ng kapangyarihan. Ang "masang" iyan na isinisentro ng kilusan ang panggagalingan ng panibagong lakas ng wikang Tagalog bilang instrumentong politikal.

Nakita ng mga lider-estudyanteng naglalayong baguhin ang lipunan na kailangan nilang maka-ugnay sa nakararami, at ang Ingles ay nagiging sagwil sa halip na kawing sa kanilang pakikiisa sa masa. Sa mga kolehiyo at unibersidad, magsisimulang igiit ng mga aktibista na sila ay bigyan ng kakayahang umugnay sa mga mamamayang ang karamiha'y hanggang paaralang primarya lamang ang naabot. Iyon, sa kanilang paningin, ay magaganap lamang kung magkakaroon sila ng kasanayan, kung kindi man katatasan, sa pagsasalita ng wika ng masa. Wala mang patakaran ang mga paaralan para pagbigyan ang hinihingi ng mga estudyante, nagkaroon ng pagbubukas ang mga ito sa pagtuturo na gumagamit sa wikang Tagalog (na noo'y nasimulan nang tawaging "Pilipino").

Sa kasalukuyan, nagkapuwang na ang wikang Filipino sa kurikulum. Hindi pa ito ang kinikilalang wikang panturo, pero may lugar na ito sa school. Nakapasok na sa Akademya ang wika ng "masa." Bagamat ang marami sa mga maykapangyrihan ay nagmamatigas pa rin na sa Ingles lamang magaganap ang tunay na edukasyon ng kabataang Filipino, hindi na naigigiit ang ganyang delusyon nang walang sumasalungat. Napanghawakan na ng kilusang makabayan ang wika ng masa, at wala nang esklusibong kapangyarihan ang mga maykapangyarihan sa wikang inangkin ng kabataan.

Politika ng Wika, Wika ng Politika ni Randolf S. David

Malugod ko pong ipinaaabot ang aking pagbati at pakikiisa sa inyo sa okasyong ito ng Unang Pambansang Kongreso ng Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Filipino (o SANGFIL).
Bawat isa sa mga layuning nais isulong ng SANGFIL–ang pagpapalaganap sa Filipino bilang wikang panturo, bilang opisyal na wikang pantalastasan, at wikang pangkabuhayan, at bilang midyum sa agham, teknolohiya, kalakalan at industriya–ay itinuturing kong mga layunin ko rin. Nakahanda akong kumilos na kasama ninyo upang makamit ang mga layuning ito lalo na sa madaling panahon.
Gayunman, kung ano ang pinakamabisang paraan para higit tayong makalapit sa ating mga mithiin ay bagay na hindi ko pa ganap na napag-isipan. Ako’y nababahala na baka wala akong maibahagi ngayong hapon na makapaglilinaw sa ganitong praktikal na problema.
Pikit-mata kong tinanggap ang imbitasyong ito sapagkat naakit ako sa pamagat ng ating kumperensiya: Politika ng Wika, Wika ng Politika. Akala ko alam ko na ang kahulugan ng mga katagang ito, hanggang sa mapag-isipan kong mabuti. Ngayon, nagsisisi ako kung bakit ako pumasok sa masalimuot na lunggang ito. Pero, bahala na.
Politika ng Wika
Kailanma’y hindi naging neutral o inosenteng larangan ang wika. Ang komunikasyon, ayon sa mga pilosopo ng Frankfurt School, ay isang larangan ng dominasyon. Ang wika ay nagsisilbing instrumento ng pagkontrol sa kamay ng mga makapangyarihan, at instrumento naman ng pakikibagay o pag-iwas at pagtutol sa parte ng mga biktima ng kapangyarihan. Hindi nakapagtataka, kung ganoon, na pagkatapos na pagkatapos ng tagisang militar, ang laging kasunod ay ang tagisan ng mga wika. Katunayan, ang mas mahabang proseso ng pagpapaamo ay nagaganap sa larangan ng wika. Masdan, halimbawa, kung paano ginamit ng mga Kastila ang ating mga katutubong wika bilang sisidlan ng kanilang mga pinakaunang isinaling mensahe. Masdan rin kung paano hinuli ng mga Amerikano ang ating diwa’t kamalayan sa pamamagitan ng pagkalat ng Ingles. At ganoon din ang mga Hapon, Bagama’t ngayon pa lamang lumilinaw ang papel ng wika sa kanilang pangkalahatang estratehiya para sakupin ang buong Silangang Asya noong dekada kuwarenta. Ayon sa isang masteral thesis na isinulat ni Yolanda Alfaro-Tsuda para sa UP, hindi pa man nagsisimula ang giyera ay nakapagsagawa na ang mga Hapon ng malalim na pagsusuri sa ating pangunahing wika upang mula rito’y mabalangkas nila ang isang patakaran para sa mabisang pagtumba sa Ingles bilang dominanteng wika sa Pilipinas.
Ang politika ng wika ay isang perspektiba na sumusuri sa mga epekto sa wika ng tagisan ng kapangyarihan. Angkop na angkop ang ganitong perspektiba sa pag-unawa ng patakaran ng wika sa sitwasyong kolonyal. Ipinakikita nito, halimbawa, ang malalalalim na motibong politikal na nakakubli sa mga pinaka-inosenteng desisyon tungkol sa mga patakarang pangwika. Na ang mga ito’y hindi lamang simpleng pagsunod sa lohika ng mabisang komunikasyon, kundi manipestasyon ng isang malawak na estratehiya ng paglupig o dominasyon..
Marami nang pag-aaral ang naisulat ayon sa pananaw na ito. At marahil kalabisan nang ulitin ang mga ito sa pagkakataong ito. Mas gusto kong bigyang pansin ang mga kahulugang ipinahihiwatig ng mga salitang “Wika ng Politika”, ang kabilang pisngi ng ating tema.
Wika ng Politika
Sa aking palagay, higit pa sa kumbensiyonal na pakahulugan sa politika bilang eleksiyon o rebolusyon ang tinutukoy dito. Mas malawak ang kahulugan ng politika bilang isang larangan ng buhay. Saanman may pagpupunyagi o pagkilos na makalikha ng epekto, doon ay may “will to power” o pagkukusang makapangyari. Ito’y larangan ng politika. Sa madaling salita, hindi kailangang magkaroon ng hayagang paniniil para masabi nating ito’y politikal. Kadalasan, ang epekto ng kapangyarihan ay eksklusyon o pagbaon sa limot. Hindi kailangan na laging may tiyak na awtor na nagplano ng estratehiya ng paglupig para masabi nating ito’y politikal. Kadalasan, ang mga pangyayari’y hindi sinasadya, o produkto lamang ng mahabang serye ng mga pangyayaring walang iisang may akda.
Sa aking palagay ang sitwasyong pangwika sa ating lipunan sa kasalukuyan ay maaari nating tingnan mula sa ganitong punto de bista. Bagama’t hindi maitatanggi na nagkaroon, ng sistematikong programa para, mangibabaw at palaganapin ang wikang Ingles sa ating lipunan, hindi ito ganap na ipinaliliwanag kung bakit nabusabos nang ganyan ang ating sariling mga wika, at kung bakit nahihirapang maigpawan ng Filipino ang mga sagka sa pag-unlad nito. Larangan pa rin ito ng politika, subalit mabibigo tayo marahil kung ang ating hahanapin ay isang indibidwal, grupo, o uri na may pakana sa lahat ng ito. At marahil, kung nais nating mabago ang sitwasyon sa isang mapagpasiyang paraan, ang hinahanap natin ay higit pa sa isang bagong opisyal na patakarang pangwika kundi isang bagong praktis na ginagabayan ng isang malakas na hangaring makapangyari. Upang ganap na maunawaan ang aking sinasabi, hayaan niyong banggitin ko ang aking karanasan sa telebisyon.
Taliwas sa inaakala ng marami, hindi po ako pumasok sa telebisyon at nangahas na gumamit ng wikang Filipino bilang midyum ng seryosong talastasan upang kusang tumulong sa pagpapalaganap o pagpapayaman sa ating pambansang wika. Isang masuwerteng aksidente lamang po ang aking paggamit ng Filipino sa aking programa.
Wala sa aking plano o pinirmahang kontrata na maging kampeon ng paggamit ng Filipino sa mass media. Katunayan, ang pamagat ng aking programa, hanggang ngayon, ay sa wikang Ingles. Truth Forum noong una, Public Forum ngayon. Kung alam ko lang mula sa umpisa na magiging talk show pala ito sa wikang Filipino, hindi siguro ako pumayag maging host ng programang ito, at wala sana ako sa harap ninyo bilang isang masugid na tagapagtaguyod ng wikang Filipino. Totoo nga nakung minsan, ang isang maliit na hakbang sa buhay natin ay nagbubukas para sa atin ng isang buong larangang hindi natin inaasahan. Mahirap sabihin kung minsan kung tayo nga ba ang may akda ng ating pagkilos, o tayo lamang ang epekto ng iba’t ibang pagkilos o nagkasunod-sunod, mga pagkilos na walang iisang intensiyon.
Halos buong buhay ko bilang isang estudyante at bilang propesor ay aking inilaan sa pagbabasa, pagsusulat at pagsasalita sa wikang Ingles. Sapul sa pagkabata, ang wika ng aming pamilya ay Kapampangan. Nakakaintindi kami ng Tagalog, nagbabasa kami ng komiks sa Tagalog, nanonood ng pelikulang Tagalog, at nakikinig sa programang Tagalog sa radyo. Subali’t Kapampangan ang salitang gamit namin, hindi Tagalog at lalong hindi Ingles. Ang Ingles ay pang-declamation lamang, pang-displey kumbaga, isang bandera ng iyong pagka-edukado. At ang Tagalog ang wikang ginagamit sa mga love letter.
Kailanma’y hindi ko pinroblema ang alinman sa ating mga wika; ang sadyang pinroblema ko ay ang wikang Ingles–sapagkat wari’y napakahirap i-master ito, at iilan lang ang may talentong humawak sa wikang ito. Lumaki ako sa paniniwala na ang Ingles ang wika ng mga edukado, ng mayayaman, ng makapangyarihan at ng mga respetado sa mataas na lipunan. At sino ang ayaw maging bahagi ng mga hanay na iyon?
Sa probinsiya, kung saan ako nag-elementarya at naghay-iskul, nahilig ako sa pagbabasa ng mga komiks at mga magasing tulad ng Liwayway at Bulaklak. Wala itong kinalaman sa pagiging makabansa o pagka-Filipino sapagkat hindi ko natatandaan na ito’y naging isang punto ng pagpapasiya para sa akin. Bahagi lang talaga ng aking mundo sa pang-araw-araw.
Ang sabi ko nga, ang talagang pinagsadyaan ko ay ang wikang Ingles. Nagbasa ako ng maraming libro sa Ingles upang matutunan ang lengguwaheng ito; pangalawa na lamang siguro ang anumang kasiyahang maidudulot ng aking pagbabasa. Pag-aaral para sa akin ang pagbabasa ng Ingles, hindi bahagi ng aliw o pamamahinga.
Sa kabilang banda, ang Kapampangan sa akin ay wikang sinasalita lamang o midyum ng pang-araw-araw na komunikasyon; hindi binabasa at minsan lamang ginagamit sa sulat. Noong ako’y nag-aaral sa England, madalas akong sulatan ng aking ina kalahati sa Ingles, kalahati sa wikang Kapampangan; pero lahat ng aking mga kapatid ay pawang sa wikang Ingles nakikipag-ugnayan sa akin. Sa palagay ko walang kinalaman ito sa anumang likas na kahinaan ng Kapampangan. Bagkus, resulta ito ng unti-unting paglalaho ng mga babasahin sa wikang ito. Bukod sa mga matatandang sarsuwelista at makata, wala nang masipag na nagsusulat sa Kapampangan kahit noong bata pa ako. Nanatili itong simpleng oral na lengguwahe lamang. Pero bakit hindi Tagalog? Palagay ko ang dahilan ay una kaming tinuruan at natututong magsulat sa wikang Ingles, hindi sa Tagalog.
Kaiba ang naging papel ng Tagalog, na mabilis kumalat dahil sa komiks, pelikula, magasin, at radyo. Ang mundong binuksan nito ang nagbigay ng mga modelo sa mga Filipino sa lahat ng sulok ng kapuluan kung paano umibig, mangarap, at mabuhay. Hindi ipagtataka kung ganoon na hindi lamang sa Pampanga kundi sa maraming lalawigan ng bansa, ang mga love letter ay sa Tagalog isinusulat, hindi sa Ingles o Kapampangan at marahil hindi rin sa Cebuano o Ilokano. Hindi dahil sa kulang sa damdamin ang ating pangrehiyong wika, kundi dahil Tagalog ang nagkataong naitampok ng pang masang kultura. Wala tayong dapat ipagpasalamat sa gobyerno sa pagkakaroon ng ganitong sitwasyon.
Noong ako’y nasa elementarya pa, nariyan na rin ang Ingles noon – sa Reader’s Digest, sa mga pelikula, sa mga textbuk sa eskuwelahan, at sa mga pocketbook. Subali’t hindi pa ito kasing laganap ng Tagalog. Wala ito sa karaniwang pang-abot ng Filipino, kahit high school graduate pa, puwera na lang kung nagtapos ka noong peace time.
Bukod dito, ang wikang Ingles – tulad ng wikang Filipino na pormal na itinuturo bilang asignatura noon – ay wikang hindi natural, o bahagi ng pang-araw-araw na mundo ng karaniwang Filipino.
Nag-iba ang sitwasyong ito para sa akin nang pumasok ako sa UP noong 1961. Sa pamantasan, Tagalog – o marahil ang tinatawag nating Filipino ngayon – ang wika sa dormitoryo. Subali’t marami-rami rin ang mas bihasa sa paggamit ng wikang Ingles kahit sa pang-araw-araw lang. Sa loob ng klase, halos wala nang naririnig na ibang wika kundi Ingles. Ang wikang ito ang masasabi nating humati sa mga probinsiyano at sa mga taga-siyudad. Pawang pelikulang Ingles ang pinag-uusapan sa pamantasan; sa kontekstong ito’y naging bakya ang komiks at pelikulang Tagalog. Mga nobelang Ingles ang pinagpasa-pasahan, hindi Bulaklak at Liwayway. Wala, ni isang subject na itinuturo noon sa katutubong wika. Mga awiting Ingles ang patok, sa loob at sa labas ng pamantasan.
Ang modelo ng makabago at edukadong Filipino ay nilikha mula sa laganap na mga elemento ng Kanluraning sibilisasyon. Ang wikang Ingles ang nagsisilbing pinakamabisang behikulo ng kulturang ito. Sa aking paningin, dito nagsimula ang unti-unting paglubog ng kaluluwang Filipino.
Nagsimula lamang ang pagtutol sa ganitong kalakaran bandang dekada sitenta na. Sa panahong ito, muling natuklasan ang katutubong wika bilang sandata ng pagtutol. Ang pagtutol sa imperyalismong Amerikano ay mas madaling nasakyan nang ito’y naging pagtutol din sa wika ng imperyalista. Sinasadya, may pagkapormal, self-conscious ang paggamit sa wikang Filipino sa panahong ito. Ang katutubong lengguwaheng gamit ang siya na ring pinakadiwa ng mensahe ng paglaya. Pagkatapos ng maraming dekada ng pagkabusabos, noon lang natin inangking muli ang sariling wika bilang mahalagang sagisag ng ating identidad.
Sa isang iglap, ang pinatulog na diwa ng katutubong lengguwahe ay nagising. Ginamit ito bilang sandata sa pakikibaka; puno ng puwersa, galit, at angkop na pananalita. Walang ibang wikang ginamit kundi Filipino para isulat ang ideolohiya ng pagtutol – sa mga dula, awiting makabayan, mga tula, mga manipesto at mga islogan. Sa panahong ito, muling nagsama ang bakya at intelektuwal.
Sapagkat mga kabataan ang nanguna sa muling pagsibol na ito ng wikang katutubo, pinakamalalim ang epekto sa kultura, lalo na sa mga awitin. Hanggang ngayon, patuloy nating inaani ang mga bunga ng pagyabong ng wika sa dekada sitenta – mapapansin ito sa mga awiting rock-protest ng mga banda ng mga kabataang mang-aawit ngayon. Subalit sa ibang larangan, mapapansin din natin na wari’y paatras na naman ang katutubong wika. Ang Ingles, ang wikang tinutulan ng henerasyon ng dekada sitenta, ay tila ganap nang nakabawi, at ngayo’y higit pang malakas at arogante.
Anong mga kaisipan ang nais kong halawin mula sa ganitong karanasan? At ano ang kinalaman nito sa politika ng wika?
Una, ating mapapansin na ang pag-usbong at paglaho, ang pamumukadkad at pagtiklop ng isang wika, ay resulta ng isang masalimuot na proseso. Maraming puwersa ang naglalaro sa larangang ito, subali’t mahirap sabihing may iisang makapangyarihang may akda sa naging kalagayan ng isang wika. Ang isang sitwasyong pangwika ay produkto lamang ng interaksiyon ng marami at iba’t ibang proyekto. Ang ilan dito ay sadyang tumutukoy sa isang patakaran sa wika. Subali’t karamihan ay bahagi lamang ng mga maniobra sa negosyo at politika at hindi tuwirang nakatuon sa pagpapalaganap ng alinmang wika.
Mababangggit ko bilang halimbawa ang sarili kong programang Public Forum sa telebisyon. Ang programang ito’y sadyang sumakay sa alon ng demokratisasyon na humantong sa tinaguriang People Power Revolution sa EDSA. Nang kami’y magsimula sa Channel 13 na bagong sequestered pa lamang noon, talagang layunin namin na gamitin ito na isang forum para mabigyang tinig ang pananaw ng iba’t ibang sektor ng lipunan lalo na ang mga tinatawag nating mga batayang sektor. Ang balak namin ay kalapin na lamang ito sa pamamagitan ng M-O-S interview. Pero ang tunay na diskusyon ay sa studio pa rin, gaya nga ng aking naikuwento, aking ipinalagay na sa wikang Ingles ito gagawin.
Lahat ng public affairs talkshows noon ay sa wikang Ingles lamang ginagawa. Ang Filipino ay ginagamit lamang sa mga movie at celebrity gossip. Ang dahilan nito – ang sabi sa akin – ay sapagkat ang mga talkshows na pang-alas diyes y media ay sadyang para sa middle class at opinion leaders nakatuon. Sila umano ang gising pa sa mga oras na ito, at sila lamang umano ang may interes na makinig sa tipo ng mga isyung pinagtatalunan. Sa kabilang banda naman daw, ang public affairs radio mula sa madaling araw – habang tulog pa ang middle class at elite – hanggang sa pagpasok sa trabaho ay sadyang laan lamang para sa masa.
Mahirap baguhin ang ganitong mga tradisyon sa telebisyon. Kaya natural lamang na sumunod kami sa ganitong kalakaran. Bukod dito, talagang mababa ang aking kakayahang gumamit ng Filipino. Walang kuwestiyon na Ingles ang dapat naming gamiting wika sa Public Forum.
Datapwa’t nangyari ito sa unang palabas lamang noong Nobyembre 1986. Sa aming unang pagtatanghal na iyon na ayaw ko nang maulit, lumabas akong isang malaking tanga. Panauhin ko noon si Kumander Dante na kalalabas pa lamang sa bilangguan. Sa bawat tanong ko sa kanya sa Ingles, wala siyang pangingiming sumagot sa Filipino. Bagama’t Kapampangan siyang katulad ko, magaan at magandang pakinggan ang kanyang Filipino. Lubha akong napahiya sapagkat nakita ko’t nadama ang malaking kahangalan ng pagpipilit magsalita ng Ingles gayong ang kausap mo ay kapwa Filipino at ang pinag-uusapan ninyo ay mga isyung Filipino at ang mga nakikinig ay pawang mga Filipino.
Sa madaling salita, ang aking proyekto sa simula’t simula ay ang demokratisasyon lamang ng telebisyon sa pamamagitan ng pagbibigay puwang at tinig sa karaniwang Filipino. Hindi ko kaagad naisip na kung gusto mong marinig ang nais sabihin ng isang Filipino, ang una mong dapat gawin ay igalang ang kanyang wika at hayaan mo siyang mangusap sa tanging wikang kanyang ginagamit sa pang-araw-araw. Aking natuklasan na kapag pinuwersa mo ang karaniwang mamamayan na makipagtalastasan sa isang wikang dayuhan na bagama’t naiintindihan niya’y hindi naman siya nasasalita, lalabas siyang mangmang o walang nalalaman. Subalit kapag ibinalik mo sa karaniwang mamamayan ang kanyang sariling wika, kahit pa diputado o pangulo ay handa siyang makipagtalo. Dito sa parehas na larangang ito ng katutubong wika, liyamado pa siya, sapagkat iyong mga opisyal ng gobyerno at teknokrat na nakalimot na sa sariling wika ang siya ngayong lalabas na uutal-utal at tanga. Akin ding natuklasan na walang matayog, mahirap, o abstraktong kaisipan na hindi maaaring ihayag sa sariling wika. Sa katunayan, nang matuklasan kong muli ang sigla ng ating wika, pinagsikapan ko ring hanapin ang likas na musika nito. At hindi ako nabigo. Ako mismo’y namamangha sa mga kahulugang iniaalay ng ating wika sa sinumang may tiyagang maghanap.
Depende sa reglamento ng laro, kung ganon, ang wika ay kagyat na nagpapalakas o nagpapahina. Kung paano sa telebisyon, ganoon din sa iba pang larangan ng lipunan.
Kapag ang lengguwahe ng ating mga batas at ng paglilitis ay wikang dayuhan, ang gumagamit ng wikang katutubo’y dehado kaagad. Ang kanyang minimithing katarungan ay nakasalalay sa kapritso ng pagsasalin. Isang dating estudyante ko ang kasalukuyang nagsasagawa ng isang pag-aaral tungkol sa sitwasyon ng mga Filipino sa Japan at Amerika na kailangang humarap sa korte. Nais niyang makita kung paanong nasasagasaan ang katarungan dahil sa pagsasalin ng mga court-appointed interpreter. Ang sabi ko sa kaniya ay hindi na niya kailangan pang lumayo sapagkat maski dito sa Pilipinas ay araw-araw nagaganap ang katawa-tawang sitwasyon ng pagsasalin ng mga testimonya ng mga saksi mula sa wikang Filipino patungo sa Ingles. Mga dayuhan sa sariling bansa!
Kung sabagay, bakit natin ipagtataka ito gayong mismong mga pangulo ng ating bansa’y sa wikang dayuhan nag-uulat sa bayan tuwing pagbukas ng Kongreso. Para na rin nilang sinasabing ang karaniwang mamamayan ay hindi kasali sa bayan. Ito’y pagpapakita lamang na ang sadyang kinakausap ng pangulo at ng matataas na opisyal ng bayan ay yaong iilan lamang na may kakayahang humubog sa kinabukasan ng bayan.
Kapag ang wikang katutubo ay nagagamit lamang kaugnay ng maliliit na bagay na pinag-uusapan, at ang wikang dayuhan ang nakakasanayang gamitin upang ipahayag ang mas mataas na uri ng talastasan – ang wikang katutubo ay nabubusabos habang ang dayuhang wika’y namumukod. Sa kalaunan, ang karamihan ay mag-iisip na nasa wika natin ang depekto, wala sa anupamang patakarang unang ipinairal.
Kapag ang mga iginagalang at mga sikat na intelektuwal ay naririnig at nababasa lamang sa wikang dayuhan at walang ingklinasyon na gumamit ng sariling wika, umaangat sa paningin ang wikang dayuhan, habang bumababa sa estimasyon ang sariling wika. Kung walang magpupunyaging isalin sa katutubong wika ang mahahalagang literatura at produktong intelektuwal ng mga banyagang kultura, iisipin ng marami na may likas na kakapusan ang ating sariling wika, at walang ibang lunas kundi pagsikapang pag-aralan ang wikang dayuhan.
Walang wikang umuunlad kung hindi ito nababasa’t naisusulat. Walang wikang umuunlad kung ito’y hindi sinasanay na maglulan ng mga kaisipang bago sa ibang mga kultura. Kailangang makipag-usap ang ating katutubong wika sa mga wika ng ibang bansa, sa halip na isantabi ito sa muling pag-aakalang hindi na ito angkop sa nagbabagong panahon.
Halos lahat ng mga bansang nakapagpundar sa sariling pambansang wika, isang wikang ginagamit sa negosyo, politika, pagtuturo, batas at gobyerno, kultura, at pang-araw-araw na komunikasyon, ay ang mga bansang nagpatupad ng isang mahigpit na patakarang pangwika sa simula pa lamang ng kanilang pagsasarili bilang isang bansa. Lahat sila’y gumamit ng poder ng estado upang mabigyan ng sapat na pagkakataon at puwang ang napiling pambansang wika na maging bahagi ng karanasan ng bawat mamamayan. Dahil dito, mas may kahandaan silang tumanggap sa hamon ng mga pandaigdigang wika at lagumin ang mga ito sa loob ng kanilang mga sariling wika. Nakakayanan nilang pagsilbihan sila ng mga dayuhang wika, sa halip na sila’y maging alipin ng mga ito.
Subali’t ang isang lipunan na sa simula pa lamang ng kasaysayan nito bilang isang nagsasariling bansa ay nagpatangay na sa dinamismo ng isang pandaigdigang kultura at kabihasnan, ay mahihirapan nang gumamit ng awtoritaryong pamamaraan para magpataw ng isang programang pangwika na hayagang sasalungat sa lohika ng modernisasyon at globalisasyong nakabatay sa Ingles. Mahigpit itong tututulan sa ngalan ng demokrasya’t katarungan. Sa kabilang banda naman, ang isang bilingguwal na patakaran ay nauuwi sa konsuwelo de bobo lamang – kung walang utak na manggagaling mula sa hanay ng mga guro, intelektuwal at mga taong mass media.
Ito ang aking konklusyon: huli na para mangarap tayo ng isang pambansang pamunuang magtatampok sa katutubong wika bilang sagisag ng pagsasarili, at handang itumba ang kaharian ng wikang Ingles sa ating lipunan. Subalit hindi pa huli upang gumising tayo’t magkusa – sa bawat maliit na larangang ating kinikilusan – na ipalutang sa himpapawid ang himig ng ating pambansang wika, nang walang pag-aatubili, pag-aalinlangan o pangingimi. Sa madaling salita, kung gusto nating lumaya ang ating wika, gamitin natin itong sandata – ngayon at sa bawat okasyon.
(Pinagkunan: DALUYAN, Tomo VII: Bilang 1-2 1996)

Ang Pantayong Pananaw Bilang Diskursong Pangkabihasnan ni Zeus A. Salazar

Ang pantayong pananaw ay lumitaw mula sa aking analisis ng mga pundamental na punto-de-bistang pangkasaysayan sa proseso ng ating pagiging bansa. Noon pang unang bahagi ng mga taong 70, ang pinakabuod ng pananaw na ito ay isang importanteng batayan na ng aking kurso sa historiograpiya, kung saan pinag-aralan ang metodolohiya, pilosopiya at pamamaraan ng pagsusulat ng kasaysayan. Sa particular, noong 1974, ipinahayag ko ang buod ng pananaw na ito sa isang hiniling ng Malakanyang na pagsusuri ng inihahanda pa lamang noon na Filipino Heritage.

Pinuna ko noon na ang pananaw ng inihahaing na ensiklopedia ay hindi pantayo kundi pangkami, sapagkat ang kinakausap ay mahihinuhang mga tagalabas (o mga elite na medyo o lubusang tagalabas na ang kaisipan) at hindi ang mga Pinoy mismo. Makikita ito sa mga sumusunod na pangyayari: (1) ang wika ay banyaga at hindi naiintindihan ng nakararami sa lipunang Pilipino; at (2) ang tendensiya ay tingnan ang ating bansa bilang isang obheto ng pag-aaral mula sa labas, ibig sabihin, hindi mula sa loob, hindi rin para sa taong tagaloob, at lalong hindi nasasalalay sa mga konsepto, pandama at diwa mismo ng mga kulturang Pilipino at ng Kabihasnan ng Kapilipinuhan sa agos ng Kasaysayan nito hanggang sa ngayon.

Hindi tumalab ang tuligsang ito. Ang importante noon para sa mga gumagawa ng ensiklopedia ay maipakita ang opinyon at pagkaunawa ng mga elite tungkol sa Pilipinas, sa kanilang sariling kasiyahan, i.e. para sa kanila mismo at para sa mga banyaga na gusto nilang pahangain o akitin. Sa katunayan, ito ang direksyon din ng mga publikasyon ng Malakanyang noong panahon ng “Bagong Lipunan” (at, sa pangkalahatan, hanggang ngayon). Ang pangangailangan ng mga nakapagpapasya noon (at, sa kasamaang palad, ngayon pa rin) ay ang ipaliwanag at ipaintindi tayo at ang ating bansa sa mga tagalabas, sa halip na unawain natin muna mismo ang sariling bansa at ang sariling karanasang pangkalinangan, i.e., para sa atin mismo, sa diwang atin at sa wikang atin, sa pamamagitan ng mga dalumat at halagahin (values) ng ating (mga) kultura, kasama ang mga natamo at naangkin sa pagdaloy ng Kasaysayan; sa madaling sabi, sa loob ng, at alinsunod sa ating sariling Kabihasnan.

Samakatuwid, walang pagkakaiba ang Filipino Heritage sa ensiklopediang matagal na noong nailathala ni Zoilo Galang, maliban sa mga bagong datos at sa dami ng mga manunulat ng mas bagong obra. Pagkatapos, nagplano pa nga rin ang Malakanyang noong Dekada 80 na ipagawa ang isang ensiklopedia sa ganitong diwa at, mangyari pa, sa wikang Ingles. Hindi pa rin naintindihan ng mga nagplano kung ano ang magiging pagkakaiba nito sa mga ensiklopedia ng mga Amerikano, Ingles, Australyano at iba pang bayang Anglo-Amerikano, maliban siguro (1) sa pangyayaring gawa ang ensikolopediang Pilipino ng mga taong may nasyonalidad na Pilipino; (2) sa posibilidad ng pangongopya ng mga manunulat na Pilipino; at (3) sa “pakikipagtulungan” ng mga banyaga sa gawaing ito. Malinaw ang pagkakahawig ng ganyang Gawain sa “pakikipagtulungan” ng mga elite natin sa banyaga sa ekonomiya at iba pang larangan .

Ibig sabihin, “malabo” ang pagiging tunay na Pilipino ng ensiklopediang binabalak noon. Ang tinutumbok ng diwa nito ay ang magkaroon ng isang bersyong Pilipino na mula (o nakita) sa banyaga, para sa elite na Pinoy at sa kanilang kaunawaan (o kausap) sa Ingles. Ang pinalilitaw at pinag-iibayo ay hindi ang mula sa karanasang cultural ng baying Pilipino, para sa buong baying Pilipino, i.e., hindi nasa loob ng isang pantayong pananaw na makabubuo sa bansa.

Ano nga ba talaga itong “pantayong pananaw”?

Pantayong Pananaw

Ang buod ng pantayong pananaw ay nasa panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay ng mga katangian, halagahin, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan—kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng, isang wika; ibig sabihin, sa loob ng isang nagsasariling talastasan/diskursong pangkalinangan o pangkabihasnan. Isang reyalidad ito sa loob ng alinmang grupong etnolinggwistikong may kabuuan at kakanyahan, sa atin at sa ibang dako ng mundo.

Sa lahat ng mga wikang Pilipino, matatagpuan ang mga konseptong katumbas ng sa Tagalog o P/Filipinong “kayo,” “sila” at “tayo.” Tinutukoy nitong huli ang nagsasalita at ang lahat ng kanyang kausap, kasama kahit na iyong wala subalit ipinapalagay na kabahagi ng kabuuang kinabibilangan ng nagsasalita at mga kausap. Halimbawa, ang ekspresyong “tayong mga Pilipino,” sa pagkakaiba nito sa “kaming mga Pilipino,” ay implisitong nagpapahiwatig na ang nagkakausap-usap ay mga Pilipino lamang. Ibig sabihin, hindi kasali ang mga banyaga, ang mga di-Pilipino. Sa sitwasyong ito, ng kalagayan, konsepto, kaisipan at ugali na maaaring pagtuunan ng pansin ay medaling maintindihan, dahil napapaloob sa ating sariling lipunan-at-kultura, na kapwa ipinahihiwatig ng (at nakabalot sa) isang wikang nauunawaan ng bawat isa. Maipag-kakabit-kabit natin sila sa isa’t isa nang hindi na kailangan pang tukuyin ang iba pang mga konsepto, tao, ugali at kaisipan na kaugnay nila. Sa katunayan nga, maraming bagay at dalumat ang implisito nating nauunawaan at napag-uugnay-ugnay. Sila at ang kanilang kaakibat na pag-uugali ang siyang bumubuo ng isang “mentalidad” (natatangi at katangi-tanging kaisipan at pag-iisip) na mahirap maintindihan ng isang dayuhan na hindi pa nakapapasok sa isang kultura-at-lipunang may pantayong pananaw.

Ibig sabihin, kung ang isang grupo ng tao ay nag-uusap lamang hinggil sa sarili at sa isa’t isa, iyan ay maihahalintulad sa isang sistemang sarado o closed circuit—isang “nakapinid na pakikipag-ugnayan.” Nagkakaintindihan ang lahat nang hindi na dapat tukuyin ang iba pang bagay na nasa labas. Samakatuwid, ang isang lipunan-at-kultura ay may “pantayong pananaw” lamang kung ang lahat ay gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam ng lahat ang kahulugan, pari ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa. Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang code o “pinagtutumbasan ng mga kahulugan,” ibig sabihin, isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mag kahulugan, kaisipan at ugali. Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang pagkakaroon ng iisang wika bilang batayan at daluyan ng pang-unawa at komunikasyon.

Madaling makita ito kung titingnan natin ang mg grupong etnolinggwistiko sa Pilipinas. Halimbawa, ang mga Tagalog ay may iisang wika at nagkakaintindihan sila sa loob ng wikang ito kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng may kaugnayan sa kaugalian at kaisipan ng lahat. Kaya noong araw, pati ang knailang relihiyon ay iisa—nananalig sila sa anito, at sa mga mitolohikal na personahe na ang pinakasentral ay tinatawag nilang “Bathala.” Ang mitolohikal na tauhang ito ang siya ring prinsipal na katauhan ng kanilang epiko o awit. Nang mawala ang awit na ito tungkol kay Bathala noong panahon ng Kastila, ang ipinalit ay ang pasyon, subalit ang pangunahing katauhan nito ay isa ring “bathala”—ang diyos ng mga Kastila, si Kristo. Makikita natin nabago pa dumating ang mga Kastila sa kapuluan, bawat isa sa mga grupong etniko ay may sariling “pantayong pananaw,” o sariling kabuuan na nasasalalay sa pagkakabit-kabit ng mga elementong kultural at panlipunan sa isa’t isa, na naiintindihan at naipamamalagi ng mga kasapi ng grupong etnikong iyon sa pamamagitan ng sariling wika.

Sa ganitong pagkakaunawaan, ang pantayong pananaw kadalasan ay hindi hayag sa mga tao mismo, kung buo ang kanilang lipunan-at-kalinangan. Ito ay dahil sa reyalidad, dahil sa iyon ang talagang kinagisnan nila. Wala nang iba pang kultura silang natutuhan, maliban sa mga elementong nakapasok sa (at naangkin na ng) kanilang batayang kalinangan. Nakikita ito sa kanilang mga ugali, kilos at gawa na ipinahihiwatig ng, at nasasalalay sa iisang wika-at-kalinangan. Para silang mga isda sa tubig.

‘Ang Musika ay Pag-aari ng Lahat…, Hindi Lamang ng Matataas…’
Pakikipanayam kay Edru Abraham ni Ruben D. Canlas Jr.

Tubong-Tuguegarao, si Pedro R. Abraham Jr., o Edru, ay nagkainteres sa musika nang sumali siya sa koro ng simbahang Metodista. Speech and Drama ang tinapos niya sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Mayroon din siyang M.A. sa Art History. Napadpad siya sa Indonesia kung saan nakapag-aral siya sa Padepokan Seni Bagong Kussudiarja. Sa London naman ay sumama sa International Human Rights Internship Program. Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa Departamento ng Art Studies (dating Humanities) sa U.P. Noong Enero, narinig ang ilang mga likhang himig ni Edru sa Dalawang Makata, Dalawang Musikero Isang Konsiyerto. Makailang ulit na naimbitang magpalabas sa iba't ibang okasyon ang grupo. Si Edru rin ang naglapat ng tunog sa pagsasaentablado ng Isang Dulang Panaginip ni August Strindberg nitong nakaraang Agosto. Maraming pinuri sa produksiyong ito, kasama na ang musika ni Edru. Matapos ito, binuo niya ang Kontemporaryong Gamelang Pilipino, mula sa mga estudyanteng wala o konti lamang ang karanasan sa pagtugtog.
Ano ang depinisyon ninyo ng musikang Pilipino?
Dalawang usapin iyan. Una, ang malawak na depinisyon ay yong lahat ng musikang ginagawa ng Pilipino at tinatangkilik ng Pilipino. Halimbawa, sa larangan ng popular music, ang mga komposisyon nina George Canseco at Heber Bartolome. Nandiyan din ang musikang katutubo. Ito ang malawakang depinisyon ng musikang Pilipino: lahat ng musikang tinatangkilik ng mga Pilipino na bunga ng kanilang karanasan, maging ito'y katutubo o makabagong komposisyon na ginagawa ng mga eksperto sa musika. Ngunit, sa ikalawang usapin, kung hahanap tayo ng isang uri ng musikang identifiably Pilipino, katulad ng sinasabi nating "Spanish music" or "Japanese music", sa panahong ito ay bumubuo pa lamang ng mga elementong magiging clearly identifiable na Pilipino music. Ang ibig kong sabihin, dahil ang kamalayang Pilipino ay humigit-kumulang isandaang taon pa lamang kung ihahambing natin, halimbawa, sa mga Intsik na libong taon na ang kabihasnan, hinuhubog pa lamang natin ang ating musika.
Sa partikular, ano ang mga elementong humuhubog sa musikang Pilipino?
Ang una, ang musikang kinagisnan na ng karaniwang Pilipinong nasa kapatagan. Napakaraming musika niyan. Meron din namang mga musika na karaniwang hindi natin kinakategorya dito sa grupong ito, katulad ng sa Cordillera, sa mga Muslim, sa gitnang Mindanao at sa Panay, sa Palawan, sa Mindoro, ang musika ng mga tribong nandoon. Mayroong musika tungkol sa trabaho, sa kanilang mga pananampalataya, sa kanilang pagmamahalan. Iba't ibang uri ng musika, iba't ibang estilo.
Bukod pa riyan, dahil bukas naman tayo sa mga impluwensiyang galing sa labas, maraming pumasok na ideyang moderno. Samakatwid, nariyan ang musikang tradisyonal at ang musika ng tribu. Hindi rin dapat maging sarado sa pagpasok ng kung anumang ideyang galing sa labas.
Nabanggit ninyo na ang musika ay nagmumula sa mga karanasan ng Pilipino. Aling mga karanasan ang tinatalakay ng musika?
Ang karanasan ng Pilipino ay may dalawang malalaking kategorya batay sa kanyang karanasan sa pamumuhay sa kanyang kapaligiran. Marami tayong awit at musikang tugon sa kalikasan. Halimbawa, tungkol sa mga ibon, gubat, mga diyos. Mayroon din tayong mga musika tungkol sa hirap ng buhay at tungkol din sa kabutihan ng buhay. Iyan ang dalawang malalaking kategorya: mga awit tungkol sa karanasan ng tao bilang isang bahagi ng kalikasan, at mga awit tungkol sa karanasan ng tao bilang bahagi naman ng lipunan. Halimbawa ng mga awit na nasa ikalawang kategorya: iyong relasyon ng babae sa lalaki, ng magkakaibigan, ng tao sa diyos, o iyong pag-usisa o pag-analisa sa mga pangyayari, kung bakit mayroon bagang mga uri ng tao na nagmamalupit sa kapwa tao, kung bakit gayong mayaman ang Pilipinas, ay mayroong mga naghahari at may nagkokontrol ng ekonomya at kayamanan at pulitika samantalang iyong iba naman ay dukha. Binibigyan din ng halaga ng musika ang mga kahalagahan, katulad ng pagiging makatao, pagiging makabansa, pagiging maka-Diyos. Kaya lang, may mga paksa na kung minsan ay sobra-sobra na. Katulad ng mga usaping romantiko, halos lahat ng record na lumalabas dito sa popular music ay iyo't iyon din ang topic. Kapag ganyan nang ganyan, nagiging kasangkapan ang musika sa pagtakas sa katotohanang umiiral sa ating lipunan. Kailangan din naman tayong tumakas paminsan-minsan ngunit kung pagtakas palagi ang ating ginagawa sa pamamagitan ng sining, palagay ko ay binabawasan natin ang bisa ng sining sa ating buhay.
Para sa inyo, ano ang tungkuling kailangang gampanan ng musika sa ating buhay?
Una, ang musika ay nagbibigay ng aliw, totoo naman. Ikalawa, ang musika ay nagpapalalim ng ating damdamin. Ikatlo, nagpapalalim ng ating pag-unawa sa ating katauhan bilang mga tao, bilang mga Pilipino. At ang ikaapat, ang musika ay dapat mag-provoke, dapat mag-udyok sa atin upang mag-isip at tuluyan nating maramdaman ang mga bagay-bagay na kailangan nating tugunan sa ating lipunan na karaniwang iniiwasan natin ngunit kailangang harapin dahil nandiyan at mayroon tayong responsibilidad. Hindi lang para sa ating sarili ito, kundi sa karamihan ng ating kababayan sa Pilipinas, katulad nitong mga usapin ng karalitaan ng karamihan ng ating kababayan. So, lahat iyan, para sa akin, ay kailangang gampanan ng musika.
Sa palagay ninyo, natutugunan ba ito ng kasalukuyang kalagayan ng musikang Pilipino?
Natutugunan, ngunit dito sa musika bilang pag-aanalisa at pagbibigay kritisismo sa nangyayari sa lipunan at sa pagturo sa mga landas na maari nating kunin, iilan pa lang ang Pilipinong na-expose diyan. Dumami-dami na nga nitong dekada otsenta at lalong lumawak pa itong tinatawag nating democratic space pati na sa musika, sa exposure nating lahat sa musika mula noong rebolusyon. Ngunit ikumpara mo na lang kung ilang beses kang nakarinig, halimbawa, ng karaniwang romantic music na Pilipino at kung ilang beses naririnig ang mga komposisyon ni Joey Ayala sa radyo.
Bukod sa inyong dalawa ni Joey Q Ayala, sino pa ang nagbibigay ng kritisismo ng lipunan?
Well, nandiyan ang Inang Laya, si Susan Fernandez - Magno, sina Gary Granada, iyong Asin. Pati na rin si Freddie Aguilar, to some extent. Kung minsan may kababawan nga lang ang analisis ni Freddie Aguilar, pero dahil popular siya, marami siyang naaabot. At tama rin naman `yang balita niya tungkol sa kalikasan, iyong mga temang ganyan na karaniwan ay hindi mo maririnig.
Ito ba ang tinatawag na alternatibong musika?
Oo, ang tawag ko diyan ay alternatibong musikang makabago ng Pilipinas, AMMP. Ang alternatibo sa usaping ito ay iyong mga paksang hindi tinutukoy ng karaniwang musika, ng popular music. Ang isa pa, dito sa alternatibong musika, puwede ang musikang puro himig lang, walang titik, walang lyrics. Alternatibo [rin ito] sa karaniwang naririnig sa disco. Kailangang linawin na ang karaniwang tingin ng tao sa "musika" ay "kanta". Ang tunay diyan, pinagsanib ang titik at saka ang musika sa kanta.
Bakit hindi kinikilingan ng kasalukuyang sistema ng midya ang ganitong klaseng musika?
Hindi kinikilingan iyan ng sistema ng broadcasting sa atin dahil, unang-una, iilang producer lang ang gustong gumawa ng recording dahil masyadong mahal. Mayroon na ngang ginawa katulad ng nangyari sa Inang Laya. Ngunit kung pipili ka sa paggawa ng isang [album ni] Joey Ayala na umaabot ng dalawang daang libong piso ang kailangan, at sa pagkuha kay Whitney Houston na babayaran mo lamang ng sampung libong piso bilang royalty, sinong pipiliin mo kung kita lang ang pag-uusapan? Negosyo yan, e di natural kanta ni Whitney Houston ngayon ang ipo promote mo sa radio program. Magbabayad ka ng payola. May tinatawag silang Top Forty format e. Karamihan ng mga radio program ay kailangan [sundin] kung ano ang Top Forty. E hindi naman ganyan si Joey Ayala. Papaano ka pa makakalusot sa radyo? Merong isang executive order si Pangulong Corazon Aquino na dapat daw bawat oras apat na musikang Pilipino ang kailangang tugtugin [sa radyo]. Sasabihin naman sa iyo ni G. Alcuaz ng National Telecommunications Commission na walang taong taga-monitor; normal so, hindi nasusunod. Kaya talagang kinakawawa. Ganunpaman, dahil nga may collective consciousness na umiiral, naghahanap ang tao ng alternatibo. Bigyan mo sila ng pagkakataong makarinig ng ganito, more often than not bukas naman ang kanilang isip.
Hindi naihihiwalay itong sinabi ko sa malawakang sistemang pampulitika at pang-ekonomya rin, na ang may kontrol ng recording industry ay sila rin ang may kontrol ng ekonomya. Kung naglalaban man sila ay sa itaas naglalaban. Ganyan ang naging problema. May kaugnayan ito sa sistema ng ekonomya at pulitika.
Ang may kontrol ng ekonomya at pulitika ay iisang uri ng tao na ang pinapalaganap ay iyong tutugon sa kanilang interes. E kung ang kanilang interes ay tubo, papaano pa makakalusot itong mga nararapat na musika na walang pagkakataong marinig ng karamihan sa ating kababayan?
Ano ang nangyayari sa sinong ng musika sa ganitong sistema?
Masining din naman ang ipinapasok nilang musika. Katulad ng musika ni Michael Jackson. Kaya lang, kung puro tipong Jackson na lang ang maririnig ng kabataan, iyong Pilipino singer Jackson pa rin ang gagayahin. Napakaraming klase ng American music: classics nina Copland, ang jazz. Pero ang naririnig mo lang, Jackson... Ang totoo niyan, ang pinakamagagandang himig ay bunga ng karanasan ng tao, ng kanilang paghihirap doon sa ibaba.
Maraming pangyayari sa ating lipunan na kailangang tugunan nang madalian. Kaya para sa akin mas importante ngayon ang Inang Laya kaysa kay Regine Velasquez. Ang sinasabi ni Regine, okey nga sa kabataan, pero parang aliwan lang iyan. Sinasabi ng alternatibong musika, "Hoy, gumising ka na!" Meron ngang ginawa si Heber Bartolome: nasugatan ka na nga dahil sa awareness mo sa pangyayari, lagyan mo pa ng kalamansi para talagang magising ka na nang husto at gumalaw na. Marami ang tulog, maraming nagtutulug-tulugan pa.
Kumusta naman ang kalagayan ng AMMP at ang pagpapalaganap ng alternatibong musika?
Naniniwala ako na ang tao'y naghahanap din ng alternatibo. Kung minsan, hindi nila alam na may alternatibo. Parang bata iyan, kung minsan hindi niya alam iyan. Bigyan mo siya ng karanasan, sasabihin niya, "Ay! Ang ganda pala nito." Pagkakataon lang iyan. Kapag nagising mo na sila sa bagay na iyan hahanap-hanapin na iyan. Well, ibibigay kong halimbawa ang Inang Laya: bago 1986 ay hindi puwedeng pumasok iyan sa recording industry at sasabihing treason, sasabihing komunista ka, insurgent, dahil kumakanta ka ng ganyang klaseng musika. After 1988, nakadalawang album na sila. Kung dalawang album, kumita yung unang album. So meron din palang audience. Ibig sabihin, hangga't maaari, pasiglahin, katulad ng ginagawa ng CCP [Cultural Center of the Philippines], at palawakin ang oportunidad na marinig ng tao ang ganitong klase ng musika na hindi pa nila masyadong kilala.
Ano naman ang ginagawa ninyo para mapalaganap ang alternatibong musika?
Nitong Enero 26, nagkaroon na kami ng konsiyerto na ang pamagat ay Dalawang Makata, Dalawang Musikero, Isang Konsiyerto. Ang dalawang makata ay sina Domingo Landicho at Ed Maranan. Ang dalawang musiko naman ay si Lester Demetillo, director ng U.P. Guitar Ensemble, at ako. Nilapatan namin ng musika ang mga tula [nina Landicho at Maranan]. Bumigkas din ng kanilang tula ang mga makata. Maraming mahahalagang bagay ang sinusulat ng ating mga makata. Sabi ko, kung lapatan ng musika ang mga ito, mas malawak ang maaring abutin. Masaya naman kami dahil mahusay ang pagtanggap ng audience.
Anong mga estilo ng musika ang ginamit sa konsiyertong ito?
Bukod sa mga estilo ng musikang alam na ng mga tao, gumamit kami ng mga estilong katutubo sa makabagong paraan. Halimbawa, iyong kundiman. Hindi sa estilo ni Santiago o ni Abelardo, ngunit sa estilong angkop sa mga krisis nitong kasalukuyan. Ganoon din ang ginawa ni Lester. Ang mga pormang ginamit ko halimbawa ay balse, polka, may maskota na galing sa Cagayan, merong mga balitaw. Gumamit din naman ako ng blues, meron pa akong rap -- para huwag namang sabihin na alienated kami sa karaniwang naririnig ng mga kabataan. Bukas ako sa lahat ng bagay na iyan basta't makarating sa tao.
Ano naman itong tinatawag ninyong Kontra-Gapi?
Nitong mga nakaraang linggo nagtatag ako ng ibang grupo na kung tawagin ay Kontemporaryong Gamelang Pilipino. Ang gamelan ay pangkat ng musika sa Timog Silangang Asya na binubuo ng mga gong, mga agung na malalaki, mga tambol, kung minsan may kutyapi (stringed instrument), may mga plawtang iba't ibang uri. Kung tawagin ang orkestrang iyan ay gamelan. "Kontemporaryo" dahil makabago, "gamelan" dahil meron din tayong tradisyon ng gamelan dito mula sa mga kapatid na Muslim sa Mindanao, at saka "Pilipino" dahil Pilipino ang gumagamit ng mga kasangkapang ito sa paglikha ng bagong musika. Ang tawag ko dito, Kontra-Gapi.
Ano naman ang mga layunin o prinsipyong napapaloob sa Kontra-Gapi?
Karaniwan, may isang taong gumagawa ng musika na kung magustuhan ng isang tao ay gagayahin na lang. Wala na iyong creativity ng tao na napalitaw sana kung sila mismo ang gagawa ng kanilang musika o katulong sila sa paggawa nito. Hiwalay ang tagalikha sa taga-interpreta ng musika. Lilikhain ni George Canseco, kakantahin ni Kuh Ledesma. Ang iniisip ko, aba, bakit ganito? Malupit ito dahil ang pagkamalikhain ng tao ay nawawala.
Iba sa tradisyon ng gamelan. Iyong lider o guro ay magbibigay lang ng malawak na alituntunin: "Ganito ang gagawin natin. Ganito ang ating ritmo, ganito tayo kabagal, ganito tayo kalakas, ganito kahina, okey?" At kung anu-ano pa ang sasabihin niya sa iyo. Pagkatapos niyang sabihin iyon, malaya ka nang gumawa ng kahit anong gusto mo. Therefore, strictly speaking, hindi iyong lider ang composer. Parang siya lang ang giya. Hindi ba ganyan ang nangyayari sa komunidad at sa pamilya? Ang maganda sa prinsipyo ng Kontra-Gapi ay hindi mo sasabihing, "Sori na lang, ha? Wala kang masyadong alam sa musika. Makinig ka na lang muna." Kahit ang alam mo lang ay magpukpok sa isang bagay paminsan-minsan, tatanggapin ka na muna. Sa kapupukpok mo, matututo ka rin sa mga iba't ibang uri ng instrumento hanggang sa iyong pinaka-sophisticated sa lahat matututunan mo rin, katulad ng mga kulintang, mahirap-hirap na iyan. Tatanggapin mo sa pangkat ang sinuman, basta't may interes iyong tao at may disiplina.
Ngayon, hindi ka makakatugtog sa banda o sa orchestra kung hindi ka eksperto; hindi ka pakakantahin kung hindi ka eksperto. Bakit ganon? Akala ko ba ang musika ay sa tao? Bakit hindi ka puwedeng gumawa ng sariling tunog? Kung gagawa ka rin lang ng musika, di gumawa na tayong lahat ng musika.
Karaniwan sa konsiyerto, anong nangyayari? May mga taong nanonood lang and they are not active and creative. Natutuwa sila pero hanggang panonood lang sila. Iba yung tumutugtog, iba yung nanunuod. Dito sa aming prinsipyo, ang buong komunidad, ang lahat ng tao sa paligid ay kapwa manlilikha ng musika sa komunidad. Maliwanag na mayroon ding sociological at psychological, bukod sa political, na implikasyon itong aking sinasabi. Bigyan mo ng kapangyarihan ang tao, empowerment ika nga, and let them be creative from the grassroots. It is not empowering to create music for them so that they can imitate it. It is more empowering to make them set the circumstances by which they themselves can co-create in a process of community.
Bale binabalik niyo ang musika sa tao?
Oo. Iyon na nga ang ibig sabihin ng Kontra-Gapi. Binabalik ko ang musika sa tao para sila'y kasama sa paglikha. Gusto ko ring buksan ang kaisipan ng ating mga kababayan na maraming-marami pang estilo ng musika na puwede nilang pakinggan na kasing-tanyag din, kasing-tayog at kasing-husay ng sa Kanluran, na hindi naman kailangang isipin na ang mahuhusay na musika ay yaong galing lang sa Kanluran. At isa pa, ang musika ay pag-aari ng lahat at hindi lamang dapat magmula doon sa mga inaakalang matataas sa larangan ng ekonomya o pulitika. Dahil nga ito ay pag-aari ng lahat, dapat makikinabang din sa paggawa ng musika ang mga taong nasa ibaba ng lipunan.
Itong Kontemporaryong Gamelang Pilipino ay adhoc lang noong una. Wala naman akong intensiyong magtatag niyan. Nagsimula lang ang grupong ito para sa musika ng Isang Dulang Panaginip. May nagsabi, sayang kung buwagin ko iyong grupo dahil lang tapos na ang palabas. Ang unang encouragement para sa amin ay maraming natuwa dahil kakaibang pananaw sa kultura ito. Nakikita nila kung paano nagiging buhay ang kultura sa pamamagitan ng pananaw na ang musika ay para sa tao, at ang tao ang gumagawa ng musika. Iyon ang tinatawag ni John Bloching na "Music is soundly organized humanity or humanly organized sound."
Marami na kaming imbitasyong tumugtog sa ganito't ganoong okasyon. Iyong una naming palabas na kami-kami lang ay doon sa Heritage [Art Center]. Maraming mga artistang nanood doon na talagang dalubhasa at marunong. Sabi nila sa akin, "Sige, ipagpatuloy mo iyan." Naeengganyo naman kami na ipagpatuloy. Palagay ko ang pinakamataas na papuring natanggap namin ay doon sa isang bata sa UPIS, noong kami'y tumugtog. Ang sabi niya sa akin, "Sir, puwede ba akong sumama sa grupo ninyo? Kasi wala akong alam sa musika, pero gusto kong maging musician din, katulad ninyo."
Ano kaya ang hinaharap na nakikita ninyo para sa musika sa Pilipnas?
Ang musika ay dapat gamitin bilang sangkap ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kung masasabi kong gusto ko ang musikang ito, na musika ko ito, at habang sinasabi mo iyan, iyong taga-Batanes, taga-Tawi-Tawi, taga-Palawan at Samar ganyan din ang sinasabi, magkakaroon ka na ngayon ng pambansang kultura na sinasagisag ng musikang iyan. Pagkatapos noon, puwede mo nang ipamahagi iyan sa buong mundo dahil may tiwala kang ang musika mo ay bahagi ng karanasan ng iyong lipi na hindi mo kailangang ikahiya. At ipagmamalaki pa nga.
(Pinagkunan: Kultura: A Quarterly Forum for Artist, Critic and Audience, vol. 2, no.3, 1989, pp. 50-56.)

Alisin ‘Ka Mo Ang Dyipni? Teka Muna… ni Velario L. Nofuente

May sakay na kasaysayan, sining at kultura ang dyipni

Naging bahagi ng di-makamayaw na usapan ang plano ng bagong tatag na Ministri ng Transportasyon at Komunikasyon. Ayon sa panukala, hindi na pahihintulutang pumasada ang dyipni sa mga pangunahing kalsada upang sa hinaharap ay tuluyan nang alisin ang behikulo sa loob ng Metro Manila. Lalong umugong ang pala-palagay nang sa ikalawang Linggo ng Setyembre ay ilunsad ang operasyon laban sa mga dyipning kolorum.

Natigatig ang may limampung libong drayber at dalawampu’t pitong libong opereytor at may kung ilan pang libong mekaniko at manggagawa sa maliliit na motorshop at tindahan ng segunda-manong gulong at baterya. Nangatwiran silang baka wala sa matuwid na tanggalin ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng marami at sinasakyan ng milyon-mlyong mamamayan.

Ang dahilan ng pagtutol ng ilang estudyante ng sining at ilang mga dayuhan sa plano’y nakabatay sa katangian ng sasakyan bilang ispesimeng pangkultura. Ang dyipni sa kanilang paningin ay isang pambihirang ekspresyong pansining ng sambayanan. Patayin mo sa lehislasyon ang sasakyan at pinigil na rin ang kakayahan at kalayaan ng bayan upang lumikha.

Sa kabilang dako, pinuri ng ilang nananangan sa kapakanang pang-ekonomiya ang pag-aalis ng dyipni. Panahon ngayon ng krisis sa langis at ang dyipni ay maaksaya sa gasolina kung bibilangin ang nakakaya nitong isakay na pasahero sa isang normal na biyahe.

Ang pag-sang-ayong ng ilang motorista’y nakasalig naman sa pagkayamot sa drayber na akala mo’y hari sa aspaltong gubat—walang sinusunod na batas kundi ang makadampot ng pasahero. Magaspang sumingit, humihinto kahit saang sulok, humahagibis kahit lubak at nakakapundi sa tenga ang lakas ng stereo.

Sa maraming tao…

Sa panig naman ng ulang Tomasitong laging-duda, ang panukala ng Ministri ay hindi daw dapat ikabahala sapagkat bahagi lamang ito ng mga ningas-kugong programa. Paano raw matatanggal ang dyipni gayong bahagi na ito ng institusyon at kulturang Pilipino? Parang sinabing lipulin ang lamok sa Metro Manila. Katunayan, mahigit nang sampung taong pasulpot-sulpot ang plano at operasyong alisin ito pero hayan at lalong dumarami.
Para sa dayuhan, ang behikulo ay “kataka-taka,” “pambihira,” “kakaiba,” at kung minsa’y “imposibleng sasakyan.” Sa mga oras na matrapik, ang mga kalsadang may dikit-dikit na bumper ng dyipni ay nagmumukhang isang mahabang hardin ng mga bulaklak na iba-iba ang kulay sa buwan ng Mayo. Sa mga probinsya, ang dyipning may kapasidad na dalawampung pasahero’y nakapagkakarga ng tatlumpu sa dami ng sabit sa estribo at bukod pa sa mga kaing ng gulay, sako ng bigas at sisidlan ng kambing na nakatali sa bubong.

Ngunit para sa maraming Pilipino, ito ay singkaraniwan ng kaning araw-araw ay ipinalalaman sa sikmura. Ito ang maaasahang sasakyan ng manggagawang papunta sa pabrika, ng estudyanteng naghahabol sa klase, ng nanay na tuwing umaga’y gumaganap ng tungkuling pasampu-sampung pisong pamalengke, ng nag-oopisinang naubusan ng pantaksi, at maging ng executive sa panahon ng krisis sa gasolinang espesyal.

Ang dyipni ay katulad ng maraming bahay at ugaling bahagi na ng buhay-Pilipino. Ang disenyo ay halo-halong maski papaanong tulad ng sangkap ng lutong pinakbet, at makulay na para ng pistang Ati-Atihan sa Aklan. Ang loob ay sing-ingay ng palengke ng Divisoria, ngunit relihiyosong tulad ng simbahan ng Quiapo.

Tulad din ito ng komiks sa maraming aspekto. Kapwa lumaganap sa Pilipinas matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, at kapwa rin tumatanggap ng pintas na “bakya” mula sa ilang mataas-ang-ilong na Pilipino. Ang dyipni ay kailangan ng lipunang hindi malutas ang malalang problema sa transportasyon, ang komiks ay kailangan ng sambayang nais tumakas sa malupit na realidad ng buhay. Tulad din ng komiks na halos tanging literatura ng masa, ang dyipni ay sining ng hindi kilalang artista. Ngunit kapwa hindi matanggap ng tinatawag na “culturatti” bilang literatura at sining.

Niretoke ng kagipitan

Ang unang dyipni na nakita ng mga Pilipino ay sasakyang pandigmaang naglilibot sa kalye noong liberation at kinalulunanan ng sundalong Amerikano. Ang sasakyan, kasama ng tsokolate, chewing gum, sardinas at de-lata ay naging katakam-takam sa bayang nagdanas ng hirap sa loob ng apat na taon. Ang Amerikano’y umastang liberator at ang Pilipinong naging tagatanggap ng propagandang dala ng Amerika’y sumalubong sa mga sundalong puti na nakasenyas ng “V” ang daliri at sumisigaw ng “Hello Joe” at “Victory Joe.” Mahirap ang buhay, pumipila sa rasyon ng pagkain ang sambayanan, nanghihingi, at ang iba’y nag-aabang ng itinatapong sapak ng kapeng Hills Bros. sa labas ng depot upang ilagang muli, para mainitan ang gutom na sikmura.

Nawasak noong digmaan ang lahat halos ng sasakyang demakina at naging problema ng Pilipinas ang transportasyon. Problema rin ng Amerikano kung paano ibebenta ang mga surplus na dyip na pandigma na inaagiw lamang sa depot. Naging kombinyente ang solusyon. Ang mga behikulong pandigma ay ipagbili sa Pilipino upang magsilbing komersiyal na transportasyon.

Ang dyipni ay isang pansamantalang solusyon para sa problema matapos ang digmaang. Ngunit ang pansamantala’y naging pamalagian. Naging pabor ito para sa mga Amerikano. Ang kanilang sasakyang patapon ay naibenta, at may siguradong palengke pa sila para sa spare parts. Ang pagbebenta ng dyip ay nagpatuloy, ang tipong MacArthur ay naging tipong Eisenhower, at nagging tipong Kennedy.

Ang dyipni kung ganoon ay tila bastardong anak. Ang makina’y galing sa Amerika at ang kaha ay niretoke ng Pilipino. Upang makadaan ang pasahero, nilagyan ng pintuan sa likod. At higit sa lahat, ang kahang kulay berde oliba ay pinatungan ng iba-ibang kulay. Nagkaroon ng ebolusyon mula sa 8 pasaherong AC (auto calesa) na bumibiyahe pa rin ngayon sa Pasay at Paco, hanggang sa mahabang 16 pampasaherong PUJ (public utility jeep). Naging dekadang 1970, ang hapon ay nakilahok sa pagsusuplay ng makina o buong jeep na Toyota at Isuzu.

Anak ng kalese at kotse

Ang disenyong tsasis ng dyipni ay hango sa disenyong ginagamit sa kalesang pangunahing transportasyon bago nagkadigma. Hila ng magigilas na kabayo, ang mga kalesa noon ay may iba-ibang disenyo at dekorasyon. Maging ang kabayo ay tila haring may korona sa ulo at brass blinkers o pantakip sa mata. Ang mga sikat na carroceria sa Tundo ay balita sa makulay na sasakyang naglip-klap-klip-klap sa mga lansangan. Sa kasalukuyan, wala na halos carroceria at ang pumalit ay naglipanang machine, vulcanizing at auto repair shop.

Minana ng dyipni ang nilikha at inadorno sa kalesa, at minana rin ang taguring “hari ng kalsada”. Ngunit may malaking pagkakaiba ang kalesa at dyipni at ang karuwahe noong araw, lalo na yaong magaganda at buong yabang na ipinapaseo sa mga plaza ang mga insulares, peninsulares at principalia. Ang dyipni ay nanatiling sasakyang proletaryo. Sumakay man ang mahirap dito ay hindi upang magyabang, kundi dahil mahal ang upa sa taksi, malayo ang pupuntahan at may mabigat na kargada. Ang ordinaryong ilustrado ng bagong panahon ay namamasyal sakay ng kanilang bagong Mercedes Benz at Toyota Crown. Ngunit, bilang bahagi ng package tour, ang mga turista ay pinasasakay sa dyipni at inililibot sa ilang metro kuwadradong Nayong Pilipino.

Kung sisipating mabuti ang dyip, madaling sabihing ito ay pangit. Parang kahon ang kaha, mukhang masikip at makitid, halos sumayad sa lupa kapag puno ng pasahero. Ganito man ang pangkalahatang hitsura nito, naaapektuhan din sa isang banda ng modelo ng kotse. Noong dekadang 1950 at mga unang taon ng sumunod na dekada, nauso ang kotseng may palikpik na tila kotse ni Batman. Nagkaroon ng ganitong modelo ng dyip. Nang mauso ang patikwas na disenyo ng Galant ng Chrysler, may ilang dyip na mataas ang unahan upang magmukhang patikwas.

Dahil ang kotse’y status symbol, malimit gawing dekorasyon ng dyipni ang mga parting buhat sa tsasis ng kotse. May dyipning sa unaha’y may nakatayong bituing insignia ng Mercedes Benz, may tatak ang hubcap na Ford Escort, may mud guard Renault, o takip ng radiator mula sa Toyota Crown. Tila ang batas ng dyipni’y “maski ano puwede.” Kung hindi magkasya ang hubcap ng Volkswagen sa gulong ng dyip, gawing dekorasyon. Maganda ang insignia ng Galanat, ilagay mo sa tagiliran ng stasis. Ito ang dahilan kung bakit malimit manakawan ng hubcap ang mga kotseng nasa parking lot—nabibili ito ng drayber ng dyipni sa Gandara, at sa tindahan ng magbubulok at botegrapa.

Isang pistang de-gulong

Bawat dyipni ay iba, walang magkapareho. Kung baga sa pintura, ang pintor ng dyipni ay ayaw ng reproduksyon. Kung nagkataong medyo nagkahawig ang dalawang dyipni, ang tsuper naman ang gumagawa ng kaukulang pagbabago sa paglalagay ng adorno. Ito ang dahilang kung bakit mahirap ilarawan ang isang dyipni at sabihing ganito na ang lahat ng dyipni sa buong bansa. Ang magagawa lamang ay maglarawan ng lang tipikal na uri.

Ang harapan ng dyip ay isang façade. Nandito ang tila pamistang dekorasyon, at ang hindi magkamayaw na ilaw. Bongga ang pista, buhos ng pagkain. E ano kung maubos ang salapi ngayon, bukas ay bahala na. Puno ng kikisap-kisap na ilaw kasabay ng bukas na parklight at headlight. E ano kung tumagal lamang ng tatlong buwan ang baterya. Saka na isipin iyon, ang mahalaga’y magmukhang marangya ngayon.

May pagpapahalagang Pilipino na makikita sa dyipni ang paglalagay ng dekorasyon sa harapan. Sa Pilipinas, maaaring walang kaayusan sa loob ng bahay, ngunit unang napagbubuti ang harapan ng bahay na nilalagyan ng mamahaling kurtina at pasong may halaman. Kaya nga sa simbahan sa Pilipinas, malimit na hindi pa tapos ang konstruksiyon ng simbahan, ngunit ayos na ang magandang façade na may palamuting arkitektural. Sa dyipni, ang laging pinakamakulay ay ang harapan.

Nakasentro sa bubong ang pula at puting plastic na korona at tila ito’y simbulo ng pagkahari, dahil malimit na may nakasulat na “Jeepney King,” “Queen Annie,” “Tony D’Great,” “Superstar Cheryl,” “Magnificent Bong,” o (ang hari sa gawaan ng dyipni) “Sarao Motors Inc.” Sa gabi, nakapaligid dito ang kikisap-kisap na ilaw na tila patalastas sa bilbord. Kung minsan, may asul na sunvisor sa ilalim ng korona, na may nakadipang plastic na pakpak ng manok o agila, at napapalibutan din ng ilaw.

Sa pagitan ng sunvisor at salamin, may nakabiting plastic strip na kinalalagyan ng destinasyon o rutang daraanan tulad ng Quiapo-España Extension, Cubao-Quezon Blvd. Sa salamin ay sangkaterbang istiker ng Board of Transportation, UST, panata sa Antipolo, at pira-pirasong papel na reflector, na nakabalot sa gilid ng salamin.
Pantasyang tumatakbo

Sa hood ng humigit-kumulang na isang metro-kuwadrado ay ibinubuhos na yata ng lahat ng pagkamalikhain ng Pilipino. Ang hindi nawawala rito ay ang kabayong kroma na diretsong nakatayo sa hood upang sabihin marahil na hindi nalilimutang ang pinagmulan ng dyip ay ang kalesa. Ngunit may operator na naglalagay ng hanggang 10 kabayo, na tila habang na pahiwatig na sila’y dugong bughaw na nasa karwaheng hila ng maraming kabayo.

Kasama ng kabayo ang hindi magkamayaw na tila gubat ng dekorasyong nakaturnilyo sa hood. Mag mga diretso sa korteng-U na kural na bakal, apat na antenang hindi konektado sa radio at balot ng plastik, sampung side-mirror, at mga parklights, na kombinasyon ng pula, berde, asul at kahel. Nakapagtataka kung minsan kung paano pa, sa likod ng gubat na ito, nakikita ng drayber ang kanyang destinasyon.

Sa pagitan ng hood at salamin nandoon ang malalaking letra ng pangalan ng anak o apo, o kaya’y ng may-ari tulad ni “Inang Petang”, “Ronel-Rowna.” Kung ang nakasulat ay “Roma 16-16,” asahang ang drayber o opereytor ay miyembro ng Iglesia ni Cristo.

Hindi lang depensa ang bumper kundi siksikan din ng likhang-sining. Nakaturnilyo rito ang plaka at tatak ng body builder. Nakasabit sa bumper ang rubber sheet na tila palda ng dalaga, may disenyo ng araw, bituin o kidlat, at nasa gitna ang pamagat ng isang popular na kanta—“Remember Me,” “God Knows,” “My Love For You,” at “Bakit?”

Minana ng dyipni ng nilikha at inadorno sa kalesa at minana rin ang taguring “hari ng kalsada”. Ngunit may malaking pagkakaiba ang kalesa at dyipni ay ang karuwahe noong araw lalo na yaong magaganda at buong ybang na ipinapaseo sa mga plaza ang mga insulares, peninsulares at prinsipalia. Ang dyipni ay nanatiling sasakyang proletaryo. Sumakay man dito ang mahirap ay hindi upang ipagyabang kundi mahal ang upa sa taksi, malayo ang pupuntahan at may mabigat na kargada. Ang ordinaryong ilustrado ngbuong panahon ay namamasyal sakay ng kanilang bagong Mercedes Benz at Toyota Crown. Ngunit, bilang bahagi ng package tour, ang mga turista ay pinasasakay sa dyipni at inililibot sa ilang metro kuwadradong Nayong Pilipino.

Kung sisipating mabuti ang dyip, madaling sabihing ito ay pangit. Parang kahon ang kaha, mukhang masikip at makitid, halos sumayad sa lupa kapag puno ng pasahero. Ganito man ang pangkalahatang hitsura nito, naapektuhan din sa isang banda ang pagbabago ng modelo ang kotse. Noong dekadang 1950 at mga unang taon ng sumunod na dekada nauso ang kotseng may palikpik na tila kotse ni Batman. Nagkaroon ng ganitong modelo ang dyip. Nang mauso ang patikwas na disenyong Galant at Chrysler may ilang dyip na mataas ang unahan upang magmukhang patikwas.

Dahil ang kotse ay status symbol, maliit na gawaing dekorasyon ang dyipni ang mga parting buhat sa tsasis ng kotse. May dyipning sa unaha’y may nakatayong bituing insignia ng Mercedes Benz.

Ilaw, kulay, guhit at salita

Ang bintana sa dyipni kung minsa’y tila sa bahay sa probinsya, maluwag para makapasok ang hangin. Nilalagyan ito ng pula at dilaw na kurtina, ng jalousies, at kung umuulan, ay tinatabingan ng plastic. Sa ilalim ng bintana, nakaturnilyo ang signboard ng destinasyon at ruta ng dyipni. Nakasabit sa tabi ng drayber ang kalbong reserbang gulong, na singpanot rin ng apat na gulong na nakakabit. Hindi baling kalbo, bongga pa rin—ang tila nais sabihin ng mapormang nangingislap na hubcap. May hubcap na sa maniwala kayo’y hindi ay may nakasabit na ilaw at sa gabi’y tila tsubibo o pailaw na galling sa Bocaue, Bulacan, kung bagong taon at pista.

Sa bubong ay maaaring may nakatayong bilbord ng sine ni Lito Lapid o Rio Locsin. At sa ibaba, may makikitang gomang palda na malimit nasusulatan ng modelo ng dyipni. “Legaspi Special,” “Tabing de Luxe,” “Atendido Concorde,” “Sarao Super de Luxe,” “Atentido Tri-Star.” O ang mga katatawanang at kasabihan: “Bitin Ako sa Iyo,” “Kay Sarap, Isa pa Nga,” “Gutom ang Drayber, Palugaw-lugaw lang.”

Tila kambas ng pinto rang tagiliran ng dyipni. Sa pagitan ng mga linya ng nikiladong dekorasyon at steel bar, isinisingit ang iba-ibang kulay, guhit, larawan, at dekorasyon. Ang mga ito’y parang rocketship na naghahabulang tila hinango sa Star Wars, Voltes V, o jet ng Blue Diamond ng Philippine Air Force, ang sagitsit ng kidlat, lagablab ng apoy at tinirintas na lubid.

Halinang Maglakbay

Ang pasukan sa likod ng dyipni ay nadaan din sa mahabang ebolusyon. Ito ay dating nabubungaran ng simpleng tent. Ngayon, ito’y tila pinto ng maraming simbahan na parang daanan ng reyna o maharlika. Sa magkabilang-tabi ay may tubong hawakan ng pasahero kung sasakay (mahirap abutin ang kamay ng Pilipina, Filipino custom, no touch), sabitan ng pasaherong hindi makaupo sa loob, o sabitan din ng basket, kaing, bayong na galling sa palengke at lalagyan ng tinda ng naglalako ng puto o taho.

Sa labas ng Maynila, may mga kolorum na dyip o hindi nakarehistro bilang PUJ. Kapag dumarating ang highway patrol o may operasyong anti-kolorum ang LTC, isinasabit ang parang pintuang lata na may nakasulat na “For Family Use” o “Private.”

Sa tuntungan ay may nakasulat na panghalina: “Pogi Driver,” “Watch Your Step,” “Halina Baby, Sakay na,” “Welcome.” Kung minsan, tila nakaloloko: “Wow Legs,” “Chicks Loader,” “Chicks Patrol,” “Chicks Mechanic.” Ang pagpapakitang-gilas o pagyayabang ng drayber ng dyipni ay hindi nawawala, kaya sa tila paldang nakasabit sa ilalim ng baytang ay malimit na nakasulat na “Driver, walang sabit,” “Wanted Wife 35-35-35,” “Kiss Me,” “Loverboy Nani,” “Great Lover.” Maaari namang ito’y mayabang na nagbibigay ng warning na kasunod: “Distancia Amigo,” “Sabi Barok, HUwag Tutok,” “Alikabok, Harurot.”

Bahay-sambahan, bahay-aliwan

Pagpasok ng pasahero sa dyip, mararamdaman ang kakaibang atmospera. Parang siya’y nasa tahanang Pilipino at wala sa sasakyan. Para itong sala o silid, bawat ispasyo ay may nakasulat at nakadikit. Unang-unang mapapansin ang altar, imahen ng Lady of Perpetual Help, Bleeding Christ o ni St. Christopher (paborito ng drayber ang santong ito sa kabila ng balitang naalis sa pagkasanto). Tila ritwal ng drayber na sabitan ng sampagita tuwing alas sais ng hapon ang altar, na tila paganong nagtatagubilin sa Diyos na “Aalayan Kita pero tulungan mo ako sa aking hanapbuhay.” Bihirang drayber ang nagsisimba kng Linggo, pero may sarili siyang ritwal sa paghiling ng suwerte at kaligtasan sa biyahe sa imaheng nasa kanyang harapan. Suwerte rin ang hanap ng mga drayber na may paboritong numero (malimit ay 7 to 8) sa ulo ng kambiyong yari sa bola ng bilyar.

Nasa ibaba ng altar, abot-kamay lamang ang lalagyan ng perang kailangan mapuno bago isauli sa opereytor ang dyipni. Ang salaping tinatanggap ng kanyang ani. Sa gawing kanan ay may miniature na botelya ng San Miguel Beer na nakapatong sa stereo cassette, na malakas na bumubunghalit ng kanta ni Imelda Papin.

Pansinin ang mumunting bintana para sa gas, at ampere, at 80% na nakatitiyak ang mga ito’y hindi gumagana. Kakatwa dahil kumpleto sa tapete sa ibabaw ng cassette, may maliliit na bumbilyang kikisap-kisap.

Nakadikit sa salamin at sa tabi ng cassette ang sticker (kung minsa’y isinulat ng pentel) na nagbibigay ng batas sa loob ng sasakyan: “Magbayad ng maaga ng di maabala,” “Barya po lamang sa umaga,” “Feet off please.” Tila itong pagsasabing “Bahay ko ito kaya sumunod ka sa kagandahang-asal.” Para ipaalaalang ang discount ay para lamanmg sa estudyante.

“Barok Dabiana, I.D. mo’y ipakita.” Sa dyip ay walang kundoktor na naniningil ng bayad kaya may isteker na “God Know Judas Not Pay” na parang nagsasabing “Konsiyensy mo naman,” pati paraan ng pag-upo ay may batas: “Pakiipit po lamang.” O “Upong Diyes” (1960), “Upong 15” (1972), “Upong 30” (1978”, “Upong 45” (1979), “Upong 50 (1979), na repleksiyon din ng pagbaba ng halaga ng pera sa bansa.

Mamang drayber, makatang tsuper

Mayabang ang drayber, malimit karinggan ng dilas tungkol sa sex, na hindi nahihiyang idinidispley ng mga istiker “Kung nais mong lumigaya sa kama, sa drayber ikaw ay sumama,” “Sa motel ang sarap, sa maternity ang hirap,” “Driver Lover, Jingle lang ang pahinga,” “Di baling kaliwete, ‘wag lang pahuhuli,” “Ang limutin kita’y di ko magagawa ngunit paano naman ang aking kabiyak.”
Isang dyipning biyaheng Bel-Air-Washington, Makati, ang may kakaibang dekorasyon. Nakadikit sa harap ang mga sulat-kamay tulang may sukat at tugma, pahiwatig ng drayber man ay makata rin.

May drayber na kakaiba ang bisyo. Pinapatay ang stereo at nakikipagtalakayan tungkol sa lahat ng isyu-mula Skylab hanggang sa mga katiwalian sa pamahalaan.

Nakapagitan sa drayber at pasahero ang isang dashboard na may pin-up ng seksing artista o singing idol. Sa bubong, nakasabit ang dalaweang ispiker ng stereo na kung patugtugin ay sobra ang lakas. May dalawang mahabang tubo na kinakapitan ng pasahero para hindi siya sumadsad kapag ang drayber ay bilang nagpreno.

Ang tila kisame ng bubong ay malaking ispasyo at dito’y sarisaring disenyo, pangalan at pamagat ang mababasa—lahat ng pangalan ng buong angkan ng opereytor, mga paboritong kata, anim na kuwadrong comic strip. May bagong inobasyon ngayon na ang mekanismo’y ginagaya marahil sa bus at ganito ang tagubilin. “Hilahin ang pisi, pagsutsot sa aso, pag-para sa tao.” Parang sinasabi nito na “Ako’y hindi Alipin, Ako’y tao ring tulad ninyo.”

Lumipad-kumitid

Ang dyipni ay literature ng isang tribo sa makabagong panahon. Pumasok ka sa dyip at maging bahagi ng isang tribo upang basahin nang kolektibo ang comic strip ni Barok sa bubungan, ang mga pangalan ng kamag-anak ng opereytor, o ang mga istiker at “kawikaan” nakasulat doon. Ang pasahero sa dyipni ay hindi indibidwalistang nagbabasa ng diyaryo, nakikibasa siya sa samut-saring literatura, nagmamasid sa iba’t ibang sining sa loob ng sasakyan.

Tila elastikong goma ang kapasidad ng dyipni. Repolasiyon wari ito ng kapangyarihan ng Pilipinong umangkop sa sitwasyon. Ang 16 na pasahero ay kasya, pero puwede ring gawing 17, at kung may sasakay pa, puwedeng gawing 18. Kung hindi kakasya, sumabit na lang, aabutin ng mga nakaupo ang kargada, at kasya pa rin. Parang bahay ng Pilipino ang dyipni. Dumating ka sa oras ng kainan, paglalabas ka ng maybahay ng ekstrang pinggan, at kasya pa rin ang kanin at ulam, dumating na kamag-anak galing sa probinsya—gastusin ang konting naiipon, o mangutang muna sa tindahan. Pumunta ka naman sa probinsya, at doo’y may manok na puwedeng gilitan ng leeg. Huwag ubusin ang panahon sa kaiisip kung paano natutulog ang pamilyang may sandosenang anak sa loob ng barung-barong. Mahusay mamaluktot ang Pilipino habang umiikli ang kumot.

Bawat sakay ng dyipni ay tila bahagi ng isang kolektiba. Iyong nasa tabi ng drayber ay tila na-ordinahang abutin ang pamasahe ng nasa dulo upang makaabot ito sa drayber. Ang para ay pasa-pasa. Kapag nagpapara ang isa, lahat halos ay nakikisutsot at nakikipara. Kapag may batang sumakay, kinakalong upang mapagbigyan ang ibang sumasakay. Ang lahat ng ito’y may dalang babala-kapag hindi na matagalan ng Pilipino ang pamamaluktot, sabay-sabay din silang gigising at tatayo.

Tila may ritwal na ginaganap sa loob ng dyipni. Ang mata ng pasahero’y wala sa direksyon ng patutunguhan. Sila ay magkakaharap, nagkakadikit, hindi ito ang lugar para sa indibidwalista.

Bakit kailangan maging makulay at maliwanag ang dyipni na tila pista? Mahilig ang Pilipino sa pista. Ito’y dumadayo upang maglibang at kumain. Kailangang akitin ng drayber ang pasaherong mahilig sa pista, at ang dyipni ay nagmimistulang maliit na perya—maingay, malinaw, at Masaya.

Bigay-todo ang pista, kahit sa taong mahirap kumain ng tuyo, magtitiis ang nag-anyaya basta may maipakain sa bisita. Ang mahalaga’y maraming bisita. Bigo ang pistang kakaunti ang bisita. Ganoon din ang drayber ng dyipni. E ano kung sira na ang oil level at ampere gauge, sariling problema ito ng drayber at hindi apektado ang pasahero. E ano kung sira ang kilometrahe, hindi nagbibuilang ng distansiya ang pasahero. E ano kung kalbo ang gulong, drayber na ang bahalang magdumiin sa preno. Ang mahalaga’y bongga ang dyip sa mata ng pasahero, malakas ang stereo, makulay ang paligid; may kurtina, at nakakaakit ang rangya ng ilaw.

May ekonomikong dahilan din ang drayber kung bakit nais niyang mapuno nang sobra-sobra sa kapasidad ang dyipni kahit lumabag siya sa batas. Mataas ang lahat—boundary; P70.00; diesoline P1.75; gasolina P3.00. At ang tong sa pulis na pag tumaas ang mga presyo’y tumataas din. Kaya ang drayber ay kinaiinisan. Pumaparada kahit bawat ihihinto ang pasahero kahit saan magaspang sumingit na tila laging may karera. Kailangan niyang kumita. Magbuunganga si Mrs. sa hindi kasyang panggastos. Mataas na rin ang presyo ng simpleng dibersiyong pag-inom ng beer at pagdalaw sa cabaret.

Mahalin man o Itakwil

Tulad ng pista, ang dyipni ay bahagi na ng buhay Pilipino. Katunayan, ang Ford, Toyota, Vokswagen at Chrysler ay mga kumpanyang multinasyonal na sumakay sa popularidad ng dyipni at lumikha ng mga ganitong sasakyan. Ngunit dahil nilikha nang maramihan, wala sa mga ito ang sining o ang disenyong baroque. Sa halip, isahang lagyan ng makulay na lamang. May ilang drayber ng Tamaraw na sumubok lagyan ng makulay na disenyo ang kanilang sasakyan upang makopya ang magic ng dyipni. Masyadong diretso ang linya ng mass produced na dyipni at hindi akma sa sensibilidad ng Pilipino.

Gayunpaman, hindi dapat ikatuwa na lamang nang walang paglilimi ang dyipni. Hindi dahil nandito ang inobasyong Pilipino, na dapat nang yakapin. May katwiran ang panukalang alisin ang dyipni. Kung ikukumpara sa bus, mas magastos at mas maliit ang kapasidad ng dyipni. Para itakbo ang ilang pasahero, halos parehong dami ng gasolina, gulong at spare parts ang nauubos. Nagpapalala ito hindi lamang sa trapiko at sa krisis sa gasolinan kundi pati na rin sa pagsandig natin sa korporasyong multinasyonal.
Ilang beses nang ninais pahituin ang dyipni, ngunit hindi nagtagumpay, dahil bahagi ang dyipni ng suliraning sosyolohikal. Maraming walang trabaho sa Pilipinas, at ang dyipni ay nagbibigay ng trabaho sa libo-libong paekstra-ekstrang drayber at mekaniko. Makitid ang mga kalye at hindi kasya ang bus.

Kung talagang kailangang ipagpatuloy ang pag-aalis sa dyipni sa mga pangunahing daan hanggang tuluyang alisin ito sa buong Metro Manila, ituloy natin. Kapakanang pambansa ang dapat mangibabaw. Gayunpaman, sa pagsasabatas at pagpapapatupad ng plano, isaalang-alang lamang na ang dyipni ay behikulong may sakay na kasaysayan, sining, at kultura.

Aanhin pa ang Kritika Kung Patay na ang Pelikula ni Clodualdo del Mundo, Jr.

Sa sanaysay na ito, tatalakayin ko ang tatlong uri ng cinema ayon kina Fernando Solanas at Octavio Getino, dalawang filmmaker/theorist na Argentino. Dadaanin ko ito sa pagtingin sa sistema ng produksyon ng pelikulang Filipino. Pagkatapos, titingnan ko ang maaaring magamit sa konsepto ng pangatlong cinema.

Paano nga ba ginagawa ang pelikulang Filipino? Noong panahon ni Lino Brocka, nagagawa ang isang pelikula mula sa isang panaginip ng prodyuser. Ayon kay Lino, minsan ay nanaginip ang dakilang “mader” ng industriya ng pelikulang Filipno. Tinawagan si Lino ni Mother Lily (Monteverde) at ang usapang nag-umpisa sa “Hello, Lino” ay nauwi sa pelikulang Hello, Young Lovers. Nanaginip daw si Mother noong nakaraang gabi at sa buong panaginip paulit-ulit ang awiting “Hello, Young Lovers” (mula sa The King and I). Dapat gumawa ng pelikulang Hello, Young Lover, ang interpretasyon ng prodyuser. Dinala ni Lino si Butch Dalisay sa tahanan ng Regal at doon pinag-usapan ang panaginip: pwede daw sina Snooky at Gabby; may amuyong na nagsabing maganda ang sof-focus photography; ganoon ang nakukuhang epek sa Baguio, pero malayo ang Baguio, kaya sa Tagaytay na lamang; ayaw ni “mader” na may mamamatay sa katapusan, kaya kailangang “happy ending”; may nagbanggit ng huling eksena ng The Graduate, yaong inagaw ni Dustin Hoffman si Katherine Ross sa simbahan at isinakay sa bus; pwede sigurong may ganoong eksena sa huli, pero yaong naiiba naman; marunong magmotorsiklo si Gabby, kaya itatakas si Snooky, nakaangkas sa motorsiklo (Dalisay 1993). Umuwi sina Lino at Butch para bunui ang iskrip, nagsisisi marahil o inis na inis sa sarili, dahil ang bangungot nila ay hindio kasimbango ng kay Kidlat Tahimik.

Kung hindi panaginip, ang basehan ng pelikulang Filipino ay ang uso—halimbawa, ang marahas na katotohanan (daw) ng front-page stories sa mga pahayagan. Si Carlo J. Caparas ang naghahari ngayon sa ganitong klaseng pelikula at ang ginagawa niya sa komiks ay ginagawa niya ngayon sa pelikula. Ang ibig sabhin, tumatabo siya nang limpak-limpak.

Hinding magiging makatotohanan ang paglalarawan ko ng paggawa ng pelikulang Filipino kung titigil ako sa pinagmumulan ng mga kwento nito. Sa katunayan, nagagawa ang pelikulang Filipino dahil aveylabol si Vilma, si Sharon, o si Anjanette; pwede si Richard, si Edu, o si Cesar; kailangang gawin na ngayon ang pelikula dahil ngayon lang pwede si Christopher o si Rudy; kailangang maghintay muna dahil ginagawa pa si FPJ. Hindi ginagawa ang pelikulang Filipino dahil may dulang pampelikula, ang sinasabi sa textbuk na simula ng filmaking process. Sa pelikulang Filipino, ang dulang pampelikula ay huling kabit lamang—“A, oo nga pala, ‘yung iskrip.”

Hindi ko inilalarawan nang ganito ang paggawa ng pelikulang Filipino upang mapagkatuwaan natin. Kung tutuusin nga ay nakalulungkot ang gayong kondisyon. Gusto ko lang ipalabas na ganoon ang kalakaran sa isang industriyang gumagawa ng komoditi at nagkataong ganoon ang sistema ng kumikitang produksyon—pinaghahalu-halo ang artist at ang komersyante, ang panaginip at ang uso, at ang magagamit na star. Kung ano/sino ang mabili iyon ang gagawin sa industriya. Ito ang pelikula ng kapitalista, ang tinaguriang unang cinema (tgn, Gentino at Solanas 56-81).

Mayroong mangilan-ngilang filmmaker na nag-aambisyong mabigyan ng katuparan ang tawag ng sining sa labas ng sistema. Ito ang cinema ng mga burgis, ang pangalawang cinema, ayon kina Solanas at Getino. Ito ang cinema ng mga awtor, halimbawa ang art cinema ng dekada ’50 at ’60, ang mga pelikula nina Fellini, Bergman, Richardson, ng mga filmmaker ng nouvelle vogie, si Gidard (noong unang bahagi ng kanyang buhay bilang filmmaker), si Truffaut, si Resnais. Sa ating bakuran, maaari sigurong ituring si Lino Brocka sa grupong ito. Bagamat ginawa ni Brocka ang kanyang mga pelikula sa loob ng industriya, makikita sa mga pelikulang melodrama na ginawa niya ang kanyang sariling tatak.

May konseptong binuo sina Solanas at Getino noong katapusan ng dekada ’70. Ito ang konsepto ng pangatlong cinema. Bagamat umusbong ito mula sa natatanging panahon sa Argentina, may sinasabi ito para sa iba’t ibang bayan sa Latin America, Asya at Africa, para sa mga kondisyong neokolonyalismo. Para kina Solanas at Getino, hindi naging sapat na alternatibo ang pangalawang cinema, dahil sa kalaunan ay nagagamit din ito ng sistema at kung tutuusi’y hindi ito tahasang lumalaban sa sistema. Kaya, kailangan ng pangatlong cinema, sa konseptong ito, ang filmmaker na nagkakaisa ng layunin. Ayon kay Jorge Sanjines, isang radikal na filmmaker mula sa Bolivia na kaisa sa konsepto ng pangatlong cinema, ang istruktura ng produksyon ay hindi dapat nagmumula sa itaas pababa, kundi isang pagbubuo ng pelikula na hindi nakasalalay sa isang pag-iisip, kundi sa tulung-tulong na pag-iisip ng grupo.

Ipinaliwanag din nina Solanas at Getino sa kanilang analisis na dahil ang pinupuntirya ay ang pagbabago ng lipunan at ng buong bansa, ang dapat mangibabaw sa pelikula ay ang tema, hindi ang mga tauhan; ang bayani ay hindi ang indidwal, kundi ang masa. Ang nilalaman ay ang pagsaliksik sa impormasyong naglaho sa kinis ng unang cinema. Ang pelikula ay hindi pagtakas, kundi paghuli, sa katotohanan. Ang sinehan, sa ganitong pananaw, ay isang malayang espasyo—malaya, dahil hindi ito nasasakop ng ideolohiya ng sistema. Dito, madidiskubre ng tao ang unang hakbang tungo sa kaganapan ng kanyang pagkatao. Kaya kung tutuusin, ang pelikula ay hindi isang palabas, kundi isang pagkilos. Dahil ito’y isang pagklos, ang hinahanap na reaksyon ay hindi pananamlay, kundi masigasig na paglaban. Ang manonood ay isang aktor, hindi gaya ng manonood ng unang cinema na inaasahan lamang na manatiling masaya sa kanyang kinauupuan. Ang manonood sa pangatlong cinema ay inaasahang bumangon, lumaban dahil ang tinalakay ng pelikula ay kailangang aksyunan. Kaya masasabing hindi talaga tapos ang pelikula ng una at pangalawang cinema. Ang pelikula ng pangatlong cinema ay bukas, dahil nga nasa pagpapatuloy ng manonood/aktor ang katuparan nito. Sa madaling salita, ang pelikula ay isang pretext lamang, isang simula lamang ng mga aksyong susunod pa. Dahil sa rebolusyonaryong tunguhin ng pangatlong cinema, tinatagurian itong radikal, guerilla cinema, cinema ng liberasyon, cinema ng dekolonisasyon, at ngayo’y tatagurian kong pangarap na cinema ng Filipino.

Hindi miminsang nagkaroon ng pagakaktaon ang ating mga filmmaker na ipamalas ang kanilang kahalagahan sa bansang patuloy na naghihikahos. Nasaan sila noong panahon nio Marcos? Noong panahon ni Aquino? Nasaan sila ngayong panahon ni Ramos? Totoo ngang di kakaunting filmmaker ang nagtangkang baguhin ang sistema. Maraming umusbong na independent filmmaker (ang ibig sabihi’y independyente sa sistema); sa kasamaang-palad, ang kanilang panaginip ay makapaglabas lamang sa mga film festival sa iba’t ibang bansa.

Kung tutuusin, kailanma’y hindi nga nagalit ang Filipinong filmmaker—bilang nagkakaisang lakas. Ang nasirang Lino Brocka ang nagpuputok ang butsi dahil sa kalagayan ng bansa, ngunit pinasabog niya ang kanyang galit sa loob ng sistema—kung saan sigurado ang kabiguan. Kailangan ng kilusan sa labas ng sistema. Maari kayang magkaroon ng pangatlong cinema sa ating bayan? Nasa maputik na lupa ang mga paa ko, kaya maliwanag sa akin ang sagot—Hindi. Ngunit hindi ko tinalakay ang konseptong ito ng pangatlong cinema bilang ehersisyong pang-akademik lamang. Sa tingin ko, may magagamit tayo sa konseptong ito.

Ayon kay Julio Garcia Espinosa, isang filmmaker-theorist na Cubano, sa kanyang sanaysay na pinamagatang “Imperfect Cinema” hindi na kailangan ang kritiko bilang tagaugnay sa pagitan ng pelikula at manonood (1987:166-177) . Dahil ang kanyang idea ng pelikula, gaya ng idea ng pangatlong cinema, ay pelikulang hindi tapos, hindi sarado, ang kaganapan ng pelikulang ito ay nasa kamay ng aktibong manonood; hindi dapat umaasa sa kritiko upang magkaroon ng saysay ang pelikula; ang kailangan lamang ay ang aktibong partisipasyon ng manonood upang buuin, gawing ganap ang naumpisahang pelikula. Ngunit sa ating kondisyon, dahil mahirap baguhin ang sistema, at lalong mahirap ang gumawa ng pelikula sa loob o labas ng sistema (bagama’t hindi imposible), ang alternatibo ay ang pag-usapan ang pelikula ng industriya, suriin ito, at gawing rebolusyonaryo ang kritika.

Ano kaya kung hiramin natin ang idea ng pangatlong cinema sa larangan ng kritika? Ang nasa isip ko ay ang ideang ang pelikula ay isang panimula lamang, isang pretxt. Kung gayon, tatalakayin ng kritiko ng pelikula bilang isang dahilan lamang upang talakayin ang tunay na texto, ang kalagayan ng bayan. Ang takbo ng ganitong kritika ay hindi titigil sa pagbasa ng pelikula; mula sa pelikula, ito ay tutungo sa ating paligid, sa ating sariling mundo, at sa mundong ito’y isang munting boses ang kritiko, bagama’t isang boses na may kapangyarihan dahil may pagkakataong marinig. Ang kritiko ay isang kagamitan lamang, hindi isang awtoridad—gaya ng paggamit ng filmmaker ng pangatlong cinema; ang kanyang idea ay hindi tapos, hindi sarado, bagkus ito’y naghahanap ng kaganapan; ang kritisismo ay isang aktor na naghahangad na mapalaya ang mambabasa. Ito ay matatamo lamang kung magiging aktibo ang mambabasa. Hindi trabaho ng kritiko ang paggawad ng tropeo, sapagkat ang pagbibigay ng gawad ay isang pagpapatunay ng pakikiisa sa industriya ng una’t pangalawang cinema. Ang kanyang trabaho ay talakayin ang mga isyung makabuluhan sa bayan, mga isyung maaaring nalalambungan o nababaluktot o hindi natutumbok ng kinis ngpelikula ng industriya. Malaki ang hinihingi nito sa kritiko. Kailangan ang pananaliksik ukol sa isyung tatalakayin; kailangan ang malalim na pag-unawa, hindi lamang ng problema, kundi pati ng sistemang nagpapausbong sa problema. Ang papel ng uri ng kritikang ito ay gamitin ang magagamit sa pelikula; isiwalat ang kahulugan nito kung kinakailangan; ngunit, sa huli, ang tanging pakay ay gamitin lamang ito bilang pretext; ang mahalaga’y gamitin ito tungo sa isang masusing pagsusuri ng tunay na textong dapat pagkaabalahan, ang kalagayan ng bayan at kapwa Filipino. Gaya ng pangatlong cinema, ang natatanging layunin ay ang kalayaan—kalayaan sa kamangmangan, sa paghihirap, at sa pang-araw-araw na karahasan.

Sa maikling sanaysay na ito, tinalakay ko ang alternatibo sa una at pangalawang cinema, ang tinagurian nina Solanas at Getino na pangatlong cinema. Dahil mananatiling pangarap lamang ito sa isang bayang baliw na baliw sa aliwan, naisip kong baka maaaring hiramin ang konsepto at gamitin ito sa larangan ng kritika. Sa pagsusuri ng pelikulang Filipino, hindi na kailangang pagkaabalahan pa ang pagsulat ng review at kung anu-anong artikulo—dahil pare-pareho rin naman ang sasabihin. Ang nasabi na sa film review at kritika noong dekada 70 ay maaaring ixerox na lamang ngayon. Ang mahalaga’y gamitin ang pelikula—dahil popular ito— at gamitin itong pretext. Ipakita ang kahungkagan nito at buksan ang mata ng Filipino nang makita niya ang kanyang sarili at ang kanyang bayan. Gaya ng isang teorya, ang konseptong ito ay naghahanap ng katuparan.

Ang Bersyon sa Filipino ng Bagong Konstitusyon ng 1987: Isang Institusyunal na Lapit sa Pagsasalin ni Lydia P. Lalunio

Layunin sa Pagsasalin

Mula sa pakikipanayam kina G. Tagumpay Glorioso, Assistant Chief, Translation Division ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) at Bb. Leticia Macaraig, Senior Language Researcher ng nasabi ring dibisyon, napag-alaman ng mananaliksik na layunin ng pagsasalin ng konstitusyon sa Filipino na isagawa ang probisyon sa ating konstitusyon na dapat ihayag ito sa Ingles at Filipino. Probisyon din na dapat maisalin ito sa iba pang wika kaya sampung salin ang naisagawa ng LWP. Ang Konstitusyon ay isinalin sa Filipino, Bikol, Ilokano, Waray, Cebuano, Pangasinan, Hiligaynon, Tausug, Maranao at Maguindanao. Maraming salin ang ginawa upang lubos na maunawaan ng masa ang Konstitusyon. Piniling pagsalinan ang sampung pangunahing wikang nasabi dahil karamihan sa tao ay iyan ang sinasalita. Habol sa botohang isinagawa ang mga salin ng konstitusyon kaya apurahan ang pagsasaling isinagawa.

Mga katutubong nagsasalita sa wikang pinagsalinan ang pinagsalin. Ito ay pagtupad sa pamantyayang dapat taglayin ng nagsasalin, Ani Santiago (1976): “Dapat na ang tagasalin ay may kakayahan sa wikang isinasalin o source language at sa wikang pagsasalinan o target language.”

Ayon sa panayam, sinabi ni G. Glorioso na siyang nagsalin sa Filipino, na ang Direktor ng LWP na si Atty. Pineda ang siyang nag-edit at nag-aproba ng ginawa niyang salin, Nagkukunsultahan sila sa terminolohiyang gagamitin. Minsan-minsan ay kumukunsulta sila kay Dr. Ernesto Constantino ng UP at kay Dr. Alfonso Santiago ng PNC, na masasabing mga awtoridad sa Filipino. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang puna at mungkahing ibinibigay sa kanilang kinasangguni.

Masasabing ang pamamaraang ginamit sa pagsasaling teknikal sa Filipino ay ginamit din sa salin sa iba’t ibang wika kayat lahat ng salin ay panteknikal. Masasabi ring lahat ng salin sa iba’t ibang wika ay pangmasa dahil isinalin sa mga wikang sinasalita ng masa.

Dahil apurahan ang pagsasalin, bawat matapos na bahagi sa Ingles ay isinasalin kaagad sa Filipino. At bawat maisaling bahagi sa Filipino ay kaagad isinasalin sa iba’t ibang wika ng naatasang magsalin. Pansining ang nagsasalin sa iba’t ibang wika ay sumasangguni sa saling-Filipino ng konstitusyon. Ito’y sa dahilang magkakamag-anak ang mga wika sa Pilipinas. Nabibilang ang mga wika sa Pilipinas sa Malayo-Polynesiang ng mga wika. Nagkakahawig sa istruktura kayat higit na nadadalian ang nagsasalin sa ibang wika kung pagkatapos basahin niya ang isasaling bahagi sa Ingles ay babasahin niya ang salin sa Filipino at saka pa niya isasalin sa kanyang wika. Hindi naman lagi itong ginagawa ng tagasalin. Kung minsan ay tuwiran ang pagsasalin. Mula sa Ingles ay isasalin ang bahagi sa wikang pagsasalinan. Sa pagsasalin ay inirereistruktura ng tagasalin ang wikang isasalin. Ayon sa panayam na ginawa kina Bb. Macaraig na nagsalin ng konstitusyon sa Pangasinan, at ayon pa rin sa iba pang tagasalin, ginagawa raw nila ang pagsangguni sa Filipinong salin kung masyadong teknikal at mahirap isalin ang bahaging Ingles.

Pamamaraang Ginamit

Ayon kay G. Glorioso, maingat sila sa pagsasalin dahil baka maiba ang interpretasyon kapag lumayo sila. Hangga’t maaari ay hindi sila lumalayo sa istruktura ng Ingles. Dahil abogado si Direktor Pineda, batid niya na dahil batas ang isinasalin, kailangang huwag maiba ang interpretasyon ng salin sa orihinal. Sa ayos ng pangungusap, ang karaniwan at di-karaniwang ayos na may ay ang ginagamit sa pagsasalin. Ang paggamit ng kayariang angkop sa isinasaling pangungusap ay batay sa na rin sa pagiging madulas ng salita. Nagtatanungan o nagkukunsultuhan angmga tagasalin upang matapos agad ang pagiging madulas at nauunawaan ng isinaling bahagi.

Dahil batas ang isinalin, nahirapan sila sa mga teknikal na katawagan tulad ng party list system, writ of habeas corpus, at iba pa. Upang malunasan ang suliraning ito, angmga katawagang hiniram sa Latin ay hiniram na ring buo at inaytaliks gaya ng nasa Ingles na kopya. Halimbawa ay ang la banc, prima pacie, ex-officio, reclusion perpetua, at iba pa. Ang mga nakaaytaliks ay ang hiniram nang buo sa Latin gaya ng nabanggit na halimbawa. ANg mga hiniram nang buo sa Ingles ay hindi na inaytaliks gaya ng commander-in-chief at bill of attainder.

Halimbawa:

Artikulo VII. Ang Kagawarang Tagapagpaganap. Sek 18. Dapat maging Commander-in Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas ang Pangulo.

Ang iba pang halimbawa ng mga katawagang hiniram nang buo sa Ingles ay graft and corruption, impeachment, Civilian Home Defense Forces, homestead, entity, Chief of State, stewardship at iba pa.

May mga hiniram naman na binaybay sa palabaybayang Filipino ngunit ang bigkas ay Ingles. Halimbawa ay ang prayoriti, depyuti, ikolodyi, yutiliti, komitment, parti-list, disability, detensyon, rebenyu, rebyu, imyuniti, at iba pa.

May mga saling ginawa na himig Kastila ngunit baybay—Filipino gaya ng asosasyon, kooperatiba, komisyon, proklamasyon, estado sibil, pulitikal at iba pa.

Pansinin din na may mga salitang Ingles na dahil ponemiko at tinatanggap na ng nakararami ay hindi na binago gaya ng asset, dependent, immigrant, interpret, urban, rural at iba pa.

Bukod sa panghihiram, gumamit din ang mga tagasalin ng coining. Ginamit lamang ito sa mga katawagang baka hindi rin maunawaan kung hihiramin nang buo gaya ng marginal fisherman. Isinalin ito ng mangingisdang tawid buhay. Sa paglikha ng salita ay tiniyak na bahagi ito ng kanilang talasalitaan.

Mga Suliranin sa Pagsasalin

Naging malaking suliranin ang ispeling o baybay ng salita. Noong unang ay hindi natanggap ng tagasalin ang baybay ng syensya, buwis, teknolohiya, miyembro at ibang tulad nito ang baybay. Parang may kulang at masakit sa mata. Ngunit sa pakikipag-usap sa mga consultant, napahinuhod na rin silang baguhin na ang kinamihasnang baybay sapagkat matagal nang nabago ang bigkas. Kung ang Filipino ay ponemiko bakit nga hindi isulat ito ayon sa pagkakabigkas? Sanayan nga lamang mata

Isa pa ring suliranin ang paghanap ng katumbas na idyoma katulad ng lameduck politician. Idyoma ito na noong una ay dalawa ang salitang ginawa: pipitsuging at kakaning-itik. Pinag-uusapan kung aling salin kaya ang higit na angkop at sa huli ay nagkasundong kakaning-itik ang gamitin.

Paglalagom

Sa paglalahat, isinaalang-alang ng mga nagsalin ang tatlong salik ng pagsasalin ayon kay Nida (1964). Ito’y ang mga sumusunod: layunin ng pagsasalin, kalikasan ng tekstong isasalin at uri ng babasa o gagamit, kaya nga sinabi nilang maingat sila dahil batas ang isinasalin at mahirap maiba ang interpretasyon.

Ayon kay Newmark (1988) masasabing matapat ang salin kung maingat ang ginawang pagsasalin. Ang metodong matapat na salin ay nagtatangkang gumawa muli ng eksakto o katulad na kahulugang kontekstwal ng orihinal, sa kabila ng mga hadlang na istrukturang gramatikal ng wikang pinagsasalinan.

Sinabi ni Holmes (1978) na nag panghihiram ay maaaring isaalang-alang kung walang eksaktong katumbas ang isang salita sa ibang wika. Ginamit ito sa maraming pagkakataon gaya ng mass media, impeachment at iba pa.

Samantala, sinabi ni Pinchuck (1977) na nag panghihiram ay maaaring pabuo lalo na kung ang baybay ng hinihitam na salita ay ponemiko gaya ng rural at urban. Kung hindi naman ay magagamit ang transkripsyon tulad ng isports, ikolodyi, impormal, kurikula, nomino, literasi, ilitereyt at iba pa. Binabaybay ang salin ayon sa pagkakabigkas nito sa isinasaling wika at ginagamit sa pagsulat ang palabaybayan ng wikang pinagsasalinan.

Isa pang pamaraang ginamit ay ang adaptasyon. Sinabi ni Pinchuck (1977) na ang pagkakaroon ng intensidad sa alinman sa dalawang ito—pagbabawas o pagdaragdag sa wikang pinagsalinan ay isang uri adaptasyon. Ang paghanap ng katapat na idyoma, tulad ng kakaning-itik para sa lameduck politician ay isa pa ring adaptasyon.

Isa pa ring ginamit ay ang transposisyon o pagsasaalang-alang ng kayarian ng wikang pagsasalinan. Kahit na sabihing matapat sa orihinal ang salin, ang balangkas ng pangungusap sa Filipino ay isinaalang-alang sa pagsalin.

Upang masubok naman ang kahinaan ng salin sa iba’t ibang wika, ang mga mungkahi ni Santiago (1976) sa pagsubok sa salin ay isinagawa. Una ay ang pagbabasa nang malakas sa isang tao ng salin at punan sa mga bahaging hindi maliwanag. Tinanong din ang bumasa sa mga bahaging sa palagy niya’y hindi gaanong malinaw. Ikalawa, nirebisa ang salin at ipinabasang muli hanggang maiayos at maging madulas ang salin. Ang pagbabalik-salin sa orihinal at paghahambing kung magkatulad ang diwa ng salin at orihinal ay isinasagawa rin ng mga tagasalin.

Sa madaling salita, ang mga teorya at pamaraan sa pagsasalin ay nailapat sa malawakang gawaing ito, Tiyakang nakaharap ng mga tagasalin ang mga suliraning kaakibat nito at natuto sila sa mga pamaraang isinagawa sa pagbibigay-lunas sa mga nakaharap na suliranin .

Mga Katutubong Pamamaraan ng Interpersonal na Komunikasyon ni Melba Padilla Maggay

Batay sa pakapa-kapang pagtalos ng mga palatandaang maaaninag sa ating wika, napag-alaman sa pag-aaral na ito na an gating kultura ng komunikasyon ay umiinog sa daigdig ng paghihiwatigan. Isang maselang pagpapaabot ng mensahe ang pahiwatig sa pamamagitan ng mga di-tuwirang palatandaan. Sa dami ng mga salitang kaugnay nito, masasabing ito’y isang bukal na konsepto, malalim at maaaring panggalingan ng iba pang kaisipang magpapalawak sa ating kaalaman ukol sa katutubong pag-uugnayan.

Napansin din na may mga salitang nagbabadya ng pag-uugnayang tuwiran, na madalas nalilingid sa ating pansin. Ito’y karaniwang mamamalas sa mga di-pormal na sitwasyon o kontekstong may namamagitang pagpapalagalagng-loob; o sa mga pormal na okasyong sadyang inilaan para sa sa pagtatagisan ng talino at pagpapalitan ng mga kuro-kuro. Makkita rin ito sa mga pag-uugnayang may kinalaman sa mga panlabas na aspekto n gating pakikitungo sa isa’t isa.

Sapagkat ang ating mga nakagawiang pangkomunikasyon ay nababalot ng isang kulturang mataas ang antas ng pakikisalamuha ng mga kabilang dito, napag-alaman din na mayabong ang mga salitang nakaugat sa penomenong ito. Napansin na dahil sa masikip na daloy ng pag-uugnayan, madaling nabubuwag ang bakod na namamagitan sa impormasyong publiko at mga pahayag na wika nga’y “Atin-atin lamang.”

Nahalukay din sa pag-aaral na ito ang pananatili ng mga matuling estilo ng retorika, mga tradisyon ng palabigkasan na nagpapahiwatig ng isang mayaman at marikit na kultura ng komunikasyon. Dala marahil ng hindi pa napapawing kulturang pabigkas, patuloy pa rin ang mga katutubong pananalumpati na matalinghaga, mabulaklak, at matulain.

Ang sumusunod ay isang panimulang paglilista ng mga nakagawiang paammahayag sa loob ng konteksto n gating kultura.

1. Mga salita o paraan ng komunikasyon na may kinalaman sa pagpapahiwatig o sa di-tuwirang pagpapaabot ng mga mensahe, maging pangmadla man o para lamang sa kinauukulan. Maihahalimbawa ang parinig, pasaring, pahaging, padaplis, paramdam, papansin. Ang ganitong pagpapahaging ay karaniwang naipapahayag sa pamamagitan ng mga masalimuot na kombinasyon ng verbal at di-verbal na mga palatandaan. Halimbawa: ligoy, tampo, biro, lambing, dabog, maktol, paglalangis.

2. Mga salita o paraan ng komunikasyon na umiinog sa mahalagang paggamit ng isang tagapamagitan sakali’t may maselang mensaheng kailangang ipabatid. Maihahalimbawa ang mga sitwasyong may alitan, pagsasamaan ng loob o di pagkakaunawaan. Kabilang ditto ang ipabatid, ipahayag, ipasabi, ipabilin, ipaabot.

3. Mga salita o paraan ng komunikasyon na may kinalaman sa pagbubunyag o pagpapahiwatig ng mga impormasyong kinimkim sa dibdib at kaloob-looban. Halimbawa: ipagtapat, ihinga, ilabas, ilahad, isiwalat, isambulat.

4. Mga salita o paraan ng komunikasyon na may kinalaman sa panlabas na aspekto nito, o di kaya’y nakakawing sa pangangailangang magpakita ng giliw o magandang impresyon para sa madla o tagalabas. Ilan ditto ang sinasabi nating pabalat-bunga, pakitang-tao, palabas o ang makabagong pagpaparating ng kung sino o ano tayo na tinaguriang “dating.”

5. Mga salita o paraan ng komunikasyon na may kinalaman sa paglalantad ng sarili na may pagka-matapang ang apog; medyo presko o hambog. Ang mga pagpapahayag na ito ay karaniwang tinataasan ng kilay at itinuturing na mababaw, maingay at panlabas lamang. Kabilang ditto ang pakitang-gilas, porma, garbo, bongga, bidahan, o bola.

6. Mga salita o paraan ng komunikasyon na tuwiran ang pagsasagutan; karaniwang nagaganap sa mga okasyong pormal at pangmadla, tulad ng balitaktakan, pagtatalo, taltalan, talastasan, tuligsaan. Sa mga ganitong pagtatalo, madalas maingat sa pagsasalita ang mga kalahok, maraming pasakalye at paunang pagpapaunmahin kahit tuwiran ang pagtutol o pagsalungat. Kung minsan ang ganitong pagtatalo ay nauuwi sa mainitang sagutan, isang penomenong makikita rin sa mga personal na sitwasyon na gaya ng masidhing hidwaan o di-pagkakaunawaan.

7. Mga salita o paraan ng komunikasyon na may kinalaman sa pagsisiwalat ng mga impormasyong nauukol lamang sa pansariling mga bagay-bagay gaya ng ipangalandakan, itsismis, ibandila, ipagladlaran, ipagbukambibig, at ipagsabi.

8. Mga salita o paraan ng komunikasyon na nagaganap sa mga sitwasyong sosyal o sa mga okasyon ng pagsasama-sama at pagtitipon-tipon; karaniwang pinangungunahan ng pagbabalitaan, pagpapalitan ng mga kuwento at tsismis, pagbeso-beso, chica-chica, kumustuhan, kuwentuhan, huntahan, daldalan, dakdakan.

9. Mga salita o paraan ng komunikasyon na may kinalaman sa pagbibigay ng balita sa madla o ng mga mensaheng nauukol sa pangkalahatan, tulad ng ipahayag, ibalita, ipaalam, ipaabot, ipatalastas, magbigay ng babala.

10. Mga salita o paraan ng komunikasyon na nagpapahiwatig ng patuloy na tradisyon ng katutubong retorika, gaya ng pag-uulat at pagsasalaysay sa prosa; o ng mga matulain at malasining na pagpapahayag na tulad ng balagtasan, balitaw, putungan, ambahan, oggayam, at bugtungan.

Palalawigin ang mga pamamaraang ito ng pagpapahayag sa mga sumusunod na paglalahad.

Pahiwatig at Iba pa

Sa lahat ng mga kategorya ng pagpapahayag na nabanggit, ang pahiwatig marahil ang pinakalaganap at maaaring masabing pinakabuod ng ating kulturang pangkomunikasyon. Ang dami ng mga salitang kaugnay nito ay indikasyon na ang karaniwang pamamaraan ng ating pamamahayag ay palihis o padaplis. Ipinababatid ang mga mensahe sa pamamagitan ng maiingat na paggamit ng mga kilos at kumpas ng katawan, pagtitinginan, pagpaparinig, at iba pang verbal at di-verbal na palatandaan. Kung bibigyan ito ng pormal na depinisyon, masasabing ang pahiwatig ay isang katutubong pamamaraan ng pagpapahayag na di-tuwirang ipinaaabot ngunit nababatid at nahihiwatigan sa pamamagitan ng matalas na pakikiramdam at matunog na pagbabasa ng mga himaton; o ng mga verbal at di-verbal na palatandaang kaakibat nito. Isa itong mensaheng mataas ng pagkaalanganin (ambiguity), ang di-pagkatiyak na kahulugan. Kadalasan mamamalas ito sa mga okasyong ang ipinahahayag ay maselan, kahiya-hiya, at tigib ng panganib na makasakit ng loob o dili kaya’y makayurak ng dangal ng isang tao.

Ang Ilang kaugnay na salita nito ay ang mga sumusunod: 1. Mga salitang nagsasaad ng sinasadyang pasaklay na pagtukoy; mga palihis na pagpupuntirya gay ng

1.a. pahaging – isang mensaheng sinadyang sumula o magmintis, kung baga’y parang isang baling dumaan nang palihis sa tainga at umalingawngaw sa hangin; 1.b. padaplis – isang mensaheng lihis dahil sadyang nilalayon lamang na makanti o masanggi nang bahagya ang kinauukulan, gaya ng isang palaso na sumagi at nag-iwan lamang ng kaunting galos. 2. Mga salitang ang pinag-uukulan ng mensahe ay hindi ang kaharap na kausap kundi ang nakikinig na taong nasa paligid at nakaririnig ng pinag-uusapan, gaya ng

2.a parinig – isang malawak na instrumentong verbal para sa pagpapabatid ng niloloob ng nagsasalita na nakatuon hindi lamang sa kaharap kundi sa sinumang nakikinig sa paligid; maaaring isang reklamo o di kaya’y pasalingit na pagpapaabot ng anumang di-kasiya-siya; maaari rin itong pahilis na nagpapahayag ng pag-ibig o ng anumang ginugustong mangyari ng nagsasalita at hindi masabi nang harap-harapan sa kinauukulan; 2.b. pasaring – mga verbal at di-tuwirang pagpapahayag ng pula, puna, paratang at iba pang mensaheng nakakasakit na sadyang iniuukol sa mga nakaririnig na kunwa’y labas sa usapan. 3. Kaakibat din ng konsepto ng pahiwatig ang mga salitang humihikayat ng pansin sa pamamagitan ng pandama, tulad ng

3.a. paramdam – isang mensaheng ipinaaabot, ng tao o ng sinasabing gumagalang espiritu, sa pamamagitan ng mga manipestasyon na nahihinuha sa pakikiramdam, gaya ng pagdadabog, pagbagsak ng mga kasangkapan, malakas na pagsasara ng pinto, kaluskos, patay-sinding ilaw, pagkabasag ng baso at iba pang pagpapahiwatig ng pagkagalit, pagkainis o pagpaparamdam (ng espiritu), at pagpapabatid ng kung anong bagay; 3.b. papansin – mga mensaheng humihingi ng atensiyon, kadalasang ginagawa kapag pakiwari ng nagmemensahe ay kulang siya sa sapat na pansin. Kadalasan ipinahahayag ito sa pamamagitan ng pagtatampo, labis na pagmamagara, o pagkabanidosa sa pananamit at kilos, sobrang kakulitan sa mga bagay-bagay at kung ano-ano pang kalabisang ginagawa upang makapukaw ng pansin at isip ng iba. 4. Mga salitang nagpapahayag ng mga mensaheng ang dating sa nakikinig ay waring nasasaling siya o di kaya’y pinahihiwatigan ng isang bagay na ayaw niya o kinayayamutan, gaya ng:

4.a. sagasaan – isang pagsaklaw sa mga tinuturing na hanggahan sa pakikipag-usap na tinututulan ng nakikinig bilang isang paalaala na maaaring may nasasaktan: “Dahan-dahan at baka makasagasa ka.” Ang walang pakundangang makasakit ng loob ay inihahambing sa marahas na “pagsagasa” o walang patumanggang pagyurak ng mga isinasaalang-alang na mga panuntunan sa pakikitungo at mahinusay na pag-uusap.

4.b. paandaran – isang mekanismo ng pagpapahiwatig na karaniwang nakatuon at umiikot sa isang paksa o tema na hindi mailahad nang tahasan at paulit-ulit na binabanggit sa sandaling may pagkakataon. Ang nakaririnig dito ay dagling nakahihinuha ng pinatutunguhang punto nito at kadalasan ay mayayamot at pipigilan ang nagsasalita ng “Huwag mo akong paandaran,” o kay’y “Kow, nagpaandar ka na naman.”

Ang pahiwatig ay maaaring

1. Verbal – binibigkas na gaya ng parinig o pasaring;

2. Di-verbal – ipinapahayag sa pamamagitan ng makahulugang katahimikan o pagsasawalang-kibo, o mga kilos ng iba’t ibang bahagi ng katawan, gaya ng paniningkit ng mata, pagpilantik ng kamay o pagtaas ng kilay; at

3. Kombinasyon ng verbal at di-verbal, gaya halimbawa ng paglalambing, na kadalasa’y binubuo ng sarisaring verbal o di-verbal na himas o karinyo; o kaya’y pagtatampo o pagpapakita ng kunwa-kunwaring sama ng loob sa pamamagitan ng paglait, pag-irap, pagsimangot, paglabi, o di pagpansin sa kinauukulan.

Ang pahiwatig bilang konsepto ay madalas nag-aanyo at nababalot ng ligoy, isang paikot-ikot at wari’y walang katapusang pasakalye bago mailahad ang pakay ng usapan. Tigib oito ng mabulaklak na pananalita, labis na papuri o pagpapaumanhin, pagpapatumpik-tumpik at pag-aatubili, masalimuot na pagsasaalang-alang, at pagbanggit ng mga bagay na wari’y walang kinalaman sa pinapaksa.

Malimit mamamalas ang penomenong ito sa isang sitwasyong maselan ang ipinapahayag o nagkakahiyaan ang mga nag-uusap. Ginagamit din ang ligoy bilang pamamaraan ng pagpupugay at pagpaparangal sa isang talastasan; o di kaya’y upang palamlamin ang tindi ng puna, lalo na kung binigkas yaon sa harap ng madla o sa sitwasyong marami ang nakaririnig. Sa isang kumbersasyon, madalas na nauubos ng ligoy ang buong panahon ng usapan. Lumilitaw na lang sa bandang huli ang tunay na pakay, kunwari’y pahuling salita, o isang bagay na nakaligtaan wari at noon lang sumagi sa isip. “Siyanga pala, muntik ko nang malimutan…”

Kahalintulad ng ligoy ang biro, ang uri ng pahiwatig na karaniwang ginagamit upang pahinain ang dating ng isang puna at pula. Kapag ang puna ay tumutukoy sa opisyal ng pamahalaan at iba pang autoridad, madalas pinauunahan ito ng “Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit…” Mapapansin na karaniwang nakatuon ang biro sa mga kaibigan, sa mga tao na hindi pinag-aalangan. Idinaraan din sa biro ang pagbibigay ng puna kapag ang pinipintasan ay isang mataas na tao o maykapangyarihan at hindi kayang banggain nang basta-basta na lamang.

Ang Kulturang Popular at Ang Makabayan

ni Rolando B. Tolentino

May lutang na kaibahan ng kahulugan sa salitang “makabayan” at sa paglapat nito sa kurikulum ng Makabayan. Ang salitang makabayan ay nagpapahiwatig ng isang esensya ng progresibong pagka-Filipino o isang ideal tungo sa transformatibong nasyonalismo mula sa grassroots at perspektibang anakpawis at maka-anakpawis na uri. Ang makabayan ay isang ideal na kailanman ay hindi napapantayan at nakakamit pa. Para ito ang pribilisasyon kay Jose Rizal bilang pambansang bayani; at sa kataas-taasan, kagalang-galangan niya, walang Filipino na makakapantay sa kanyang nakamit na pagkadakila. Kaya ang lahat ng pagtatangkang maging makabayan at maghayag ng proyektong may pagka-Filipino, kundi man maka-Filipino, ay nagsisilbi lamang parole sa langue ng proyekto ng nasyonalismo. May pang-uring dimension ang pagiging makabayan—kinakailangan nito ng mass-based na tumutukoy ng may malawakang kasapian, kundi man ng pakiwari man lamang (“feeling belong”), sa pananalig sa ehersisyo ng makabayan, at pamunuan na magdadala sa aktwal na realisasyon ng ehersisyong ito. Ang tunay na makabayang proyekto ay may perspektibang anakpawis o ang nakararaming manggagawa at magsasaka, kundi man ng makauring solidaridad ng burgesya para sa batayang sektor na ito. Dahil kung walang makauring perspektiba ang makabayan, walang tunay na layuning panlipunan at historikal na transformasyon ang pag-eehersisyo nito. Paano masasabing makabayan ang isang bagay na hindi nagpapalaya ng nakakaraming bumubuo ng sambayanan?

Kaya ang aktwal na kontrol sa konsepto ng pagiging makabayan ay nakasalalay sa may kapangyarihang ilagay sa kahon sa konseptualisasyon nito. Ibig kong sabihin dito, kung hindi masundan ang mabigat na kahilingan ng konsepto ng makabayan, minamabuti na lamang ng may kapangyarihan na ilagay ito sa simplifikadong kahon kung saan ito inaakalang may ganap na matutumbasan at madadanasan. Pero paano ikakahon ang ideal? Hindi naman kailangang lumayo ang tingin dahil tulad ng pagkakahon ng emperyo ni Henry Sy, epektibong naikahon ang karanasang malling. Ang malls ng SM (ShoeMart) ay higanteng struktura ng kahon ng sapatos para magkaroon ng hiwalayan ang karanasang panloob at panlabas. Ang panlabas ang aktwal at historikal na kapaligiran—mainit, matrafic, peligroso sa krimen, maaring maulanan, mausok, madumi, tadtad ng subkaranasan sa kahirapan at karahasan, tulad ng pulubing namamalimos, snatcher ng cellphone, batang nagpapapik-ap, at iba pa. Ang panloob ay ang hyperreal at simulated na karanasan—naka-aircon, mabilis at organisado ang daloy ng mga tao, magaganda ang bilihin at hitsura ng mga tao, hindi ka matatakot na maglabas ng cellphone, may gwardiya sa bawat bukana at sa maraming tindahan, walang usok, malinis ang kapaligiran. Pero ang lahat ng ito ay hindi ang malawakang kapaligiran na pinagdadaranasan ng maraming pakiwari ng mga mamamayan. Ito ay isa lamang sityo na naging pangunahing lagusan ng kolektibo at indibidwal na aspirasyong makaangat, isang pagsipat sa posibilidad kung ang bansa at ang mamamayan nito ay magiging maunlad na entidad—First World, kosmopolitan, moderno at postmoderno—o ang hitsura at pakiramdam ng pagiging maunlad. Sa kahon ni Henry Sy at ng may kapangyarihan, lusaw na ang pagiging makabayan para madanas ang potensyal ng pagiging globalisado (globalized).

Kung gayon, ang mahiwagang kahon ng pagiging makabayan ng burgesya ay ang paglusaw nito para mapatagos ang globalisadong karanasan, kasama ng pagbebenta ng mga marka ng pagiging global. Kung kay Henry Sy, ito ang pagkakaroon ng kapangyarihang konsumerista ang mamamayan—makakain, makabili ng damit, makapanood ng sine o sa madaling salita, magkaroon ng oras at pera (ang katangian ng leisure class) para sa pagdanas ng libangan (leisure). Kung ito ang Makabayan curriculum, ito ay ang substansyal na pagpapahalaga sa Ingles, Siyensya at Matematika, ang deempasis sa Filipino, at ang pagsadlak sa “iba pa” ng mga kurso sa serbisyo ng taliwas na makabayang adhikain nito—Sibika at Kultura, Heograpiya, Kasaysayan at Sibika (SK; HKS); Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP), Musika, Sining at Edukasyong Pagpapalakas ng Katawan (MSEP); at Edukasyon sa Kagandahang-Asal at Wastong Pag-uugali (EKAWP)—na maari ring isipin na pagpapantay ng mga larangang ginawang kaiba, tulad halimbawa ng edukasyong pantahanan at kasaysayan o kultura at kagandahang-asal. Sa pagtutumbas bilang pantay nitong at “iba pang larangan at sa pag-angat ng teknikal na kaalaman, kasama ng Ingles, iniipit ang posisyong historikal—konstitusyonal at kultural (sa pamamamagitan ng pagpapalaganap ng wikang Filipino ng mass media, tulad ng estasyong AM, pelikulang Filipino, primetime viewing sa libreng telebisyon at sa tabloid) sa pangunahin—ng larangan ng Filipino.

Sa isang banda, tila nagiging teknikal na larangan din ang pag-aaral ng Filipino na nagbibigay-diin sa kaibahan ng langue at parole (ng gramar, kompetensiya sa skills, at iba pa). Kung sa siyensya at matematika ito, ang pag-aaral ay nakatuon ng mga batas ng hard at biological sciences at ang partikularidad ng aplikasyon nito sa iba’t ibang kahalintulad ng karanasan. Kung gayon, ang kritikalidad ay iniiwan, sa kalakhan, sa asignaturang Makabayan, na ang sapantaha ko’y malamang na naituturo rin bilang teknikal na larangan kaysa nagbibigay-diin sa liberal na aspirasyon ng edukasyon. Ang liberal na aspirasyon ay nagtuturo ng paraan ng kaisipang magpapalaya sa mag-aaral para maka-imagine ng posibilidad ng mga tao at bagay. Kung gayon ang ehersisyo ng kurikulum ng Makabayan ay hindi naman talaga tunay na makabayan at hindi rin tunay na mapagpalaya ng kaisipan.

Samakatuwid, antitetiko ang makabayan at ang kurikulum ng Makabayan. Ang kurikulum ng Makabayan ay lapat pa sa larangan ng kulturang popular dahil pareho itong nakasandal sa globalisadong karanasan kung saan ang mag-aaral/guro-mamimili ay pinapatikim at pinapalasap ng shopping goodies na inaakalang makakapagdulot sa kanya ng pakiwira—kahit pa salat sa kanyang materyal na posisyon—ng pang-angat, kundi man ng posibilidad lamang nito tungo sa kalangitan ng globalisadong kosmpolitanismo. Parang kahit hindi makabili ng pinakabagong modelo ng cellphone, halimbawa, ang mamamayan ay inilalagay sa puwesto na nakikilala niya ang bago at luma, ng abante at palaos, ng dapat at lipas na pagnanasaan, na kahit pa hindi niya kayang makabili ng cellphone ay alam naman niyang gumamit nito. At tulad ng paradigmatikong afekt ng sagadsagarang konsumerismo at malawakang impormasyon dito, ang hindi nakokonsidera ay ang posisyon ng abang kawalan: na kapag wala kang cellphone sa kalagayang idinidikta ng kapaligiran mo na ambisyuning magkaroon nito, ay nakakapag-udyok na magkaroon ka ng cellphone “by every means necessary.” Kaya sa kasalukuyan, peryodiko ang mga ulat ng mga taong kundi man nagnanakaw ng cellphone ay nananakawan, kundi man, nagpapakamatay para hindi manakawan nito. Sa pambansang kalagayang hindi pantay ang distribusyong pang-ekonomiko, na tunay na pinaghirapan ng dugo, pawis at luha ang pagkakaroon ng cellphone—ng kabataang manggagawa man o ng mga magulang nito—hindi katakatakang sa gitna ng masigabong advertisement na nagpapatingkad ng pagnanasa sa branded na komoditi na ipagpatayan mo itong bagay—ang kondensasyon ng ambisyon at materyalisasyon ng kosmopolitan at urbanisadong pagnanasa—kahit pa alam na hindi dapat o sa mismong araling matematika ng panlipunang buhay, hindi sulit.

Nagnanakaw ako dahil sila lang ba ang may karapatang magkacellphone. Nagnanakaw ako dahil karapatan ko ring magkaroon ng cellphone. Magpapakamatay ako para sa cellphone dahil aking karapatan kong ipagtanggol ang aking ari-arian. Magpapakamatay ako para sa aking cellphone dahil hindi lang cellphone ang nilalabag kundi maging ang aking karapatan sa hanapbuhay at mabuhay ng mapayapa. Paano reresolbahin ng kurikulum ng Makabayan ang ganitong predikamento? Para sa kurikulum ng Makabayan, ang resolusyon ay ang kagalingan sa Ingles at teknikal na larangan makakapagbigay sa mag-aaral ng kakayahang mekanikal hanggang kritikal na mekanikal. Hindi nga ba’t napakarami ng pagtuligsa sa kurikulum ng Makabayan o sa sistemang edukasyon sa bansa dahil sa ang direksyon ng lahat ng pag-aaral ay tungo sa paninilbihan hindi sa interes ng sambayanan kundi sa interes ng gobyernong makapag-stage manage ng employment match batay sa iba’t ibang nakamit na antas ng pag-aaral?

At ito ang hindi na lamang paglalagay sa kahon kundi ang pagpipinta ng may kapangyarihan sa sarili nitong kanto. Sa isang banda, nilalayon niyang mabigyan ng tumbas na paborableng kabuhayan ang mag-aaral kahit ano pa man ang matapos niyang antas. Pero kung kulang naman ang pondo para sa edukasyon—kulang ang guro, klasrum at libro, at hindi pa binibilang rito ang kompyuter, internet akses, cable television—anong pagtutumbas ang magaganap? Sa kabilang banda, sa mas malakihang pambansang kalagayan na mas tunay ang iilan lang ang may kapangyarihan at kakayahang makapamili at kung gayon, malawakan ang mayoryang namumuhay sa mababang antas ng kalidad ng buhay—walang politikal, pang-ekonomiko at kultural na karapatan—ano ang puwang ng kurikulum ng Makabayan? Hindi ba’t ipatanggap sa kanila ang kaayusang nagpapahikahos sa kanila, sa kanilang magulang, sa kanilang mga guro at manggagawang pang-edukasyon sa pamamagitan ng pagplakda ng mga ideal na hindi naman magiging paborable sa mga tulad nila?

At ito rin ang ginagawa ng kulturang popular. Ang kulturang popular ay kulturang nilikha ng kapital, serbisyo-publiko ng negosyo para ipatangkilik sa malawakang mamamayan. Tulad ng diyaryo, halimbawa, nilikha ang balita hindi pa para malaman natin ang kaganapan sa kapaligiran kundi para kumita ang nagmamay-ari nito. Hatid ay serbisyo-publiko, ang pagbibigay ng balita, pero ang uwi ay ang pera mula sa bulsang ipinapatangkilik ito. Kailangan ng kultural na produkto ng media at teknolohiya para ito malawakang lumaganap. At pati naman ang media at teknolohiya—mula format ng programang balita (ang tambalan ng lalake at babae, ang dibisyon ng gawain ng mga ito, ang daloy ng pagbabalita, ang katampukan ng balitang showbiz, ang kronolohiya ng krimeng naganap, ang live coverage kuno ng mga pangyayari, ang kawanggawa portion, ang paglapat ng musika sa bawat segment at ang hyper na pamamaalam ng host) hanggang sa kung sino ang makakabili ng akses sa cable at digital television, internet at iba pa—ay nilalahukan na ng partisipasyong makakapanghimok ng manonood para makapanghimok ng advertisers na bibili ng segundo at minutong placements. Sa pagitan ng pagbebenta ng Sun Cellular, Globe at Smart, Nissen’s Ramen at Papaya Soap, halimbawa, ibinebenta rin ang mga artista ng kompanya ng telebisyon, ang host na naghahatid ng balita nito, at maging ang mga product launch at political caucus na nanghihimok pa rin ng matinding konsumerismo. Sa huli, tila marami na tayong alam at maari na tayong pumila ng madaling-araw at maging kontestant sa Game Ka Na Ba gayong ang serbisyo-publiko ay naghahatid lamang ng sandamakmak na trivial information na hindi naman pakikinabangan kapag lumindol, bumagyo o sumabog ang bulkan. Kundi man iisipin ng mamamayang manonood na mabuti na lamang at mayroon pang mas masahol ang lagay kaysa sa kanya o talagang ganyan lamang ang buhay na napili ng napanood niya o pinili para sa kanya, isa ring mamamayang tila hindi niya kilala kung ito ay kriminal o politiko, o gusto niyang makilala kung ito ay artista o basketbolista.

Kung gayon, ano ang ipinagkaiba ng kurikulum ng Makabayan at ng kulturang popular sa pangkalahatan o media sa partikular? Sa isang banda, hanggang literasi o ang paraan ng pagbasa na sa kalakhan pa ay imformatibo kaysa kritikal ang naipapalaganap, o sa maraming pagkakataon, taliwas na imformasyon at paraan ng pagsusuri. Sa isang maliit na seksyon ng kurikulum ng Makabayan, inuugnay ang paggawa sa Diyos! Ano ang papel ng Diyos sa pagtutumbas kung bakit mahirap kumita ang manggagawa, kung kanino ito aasa kapag nadedehado, kung kanino nanggaling ang kanyang kalagayan at mga karapatan? Sa isa pang seksyon, bahagi ng pag-aaral ay ang pagtukoy ng mga lunan ng turismo at pasyalan! Gutom ngang pumapasok ng klase, salat sa pagbayad ng miscellaneous fees, walang pambili ng libro, at itinuturo sa mag-aaral ang mga lunan na kanyang dapat malaman at pag-ambisyunang mabisita!

Tulad ng media, ang kurikulum ng Makabayan ay lumilikha at tinutumbasan ng lampas na pagnanasang panlipunan hiwalay sa aktwal na materyal na kalagayan at dahil nga hiwalay, nililikhang tulay sa pagitan ng kosmopolitan at urbanisadong pagnanasa at ng malawakang kahirapan at karahasan. Sa kabilang banda, ang mayroong buong akses sa kurikulum ng Makabayan—lalo na kapag tinignan ang suggested activity, halimbawa—at sa kulturang popular ay ang nakakaangat sa lipunang lubos na mababa lang naman din ang minimum na standard ng buhay. Sa kabilang banda, sa malawakang proliferasyon ng media, tila may direktang impak na ang kulturang popular sa literasi ng mag-aaral-manonood. Ibig kong sabihin dito, ang mismong kasalatan sa edukasyon ang nag-udyok na ang matutunan ng mag-aaral ay sinu-supplement kundi man pangunahin nang nakukuha sa media at iba pang lagusan ng kulturang popular.

At ito ang nais kong pagtuunan ng iba pang pansin sa sanaysay—ang pagkakahalintulad na operasyon ng kurikulum ng Makabayan at ng media sa pagkahon at paglusaw ng aspirasyong makabayan.

Media at Kulturang Popular

Malaki ang papel ng media sa pagpapalawak at pagpapalalim ng kulturang popular. Hindi nga ba’t hindi magiging popular ang kulturang popular kung walang media na nagbibigay katangian ng mass (pangmalawakan, lalo na sa hanay ng underclass), mediated (pinatagos at intervened ng media) at overdetermined (kay Althusser na konsepto ng interrogated ng mga aparato ng estado, kung saan ang media ay may malaking bahagi dito)?

Matingkad ang media sa pag-unawa kung paano gumagana ang kulturang popular. Ang media ay ipinopostura bilang egalitaryo, may misyon at serbisyo ang pangunahing layunin. Sinasambit ng media na para ito sa paghahatid ng balita at programang walang pinapanigan. Walang self-reflexivity ang media dahil tila hindi nito pinag-uukulan ng interes ang sarili gayong wala naman talaga itong layunin, tulad ng kalakaran sa negosyo, kundi kumita. Nagbabalita ito para kumita, nakikipagkapwa-ko-mahal-ko para kumita, umuugnay sa mga kapuso’t kapamilya para kumita. Ginagawa ang pagkita na tila nanunuluyan sa mamamayan at sambayanan, kaya paratihan, may periodikong serbisyo publiko ang media lalo pa sa pahanon ng likhang tao’t kalikasan na disaster. Hinihimok tayong magbigay sa mga nasalanta ng bagyo at pagguho ng mga kabundukan kahit pa walang paghihimok na tumulong sa pagsasakdal ng mga salarin gayong nasa puwesto naman para gawin ito.

Itinatago ng industriya ng media ang kanyang sariling interes sa pamamagitan ng paglalatag ng mga misyong pangkorporasyon, tulad ng “in the service of the Filipino people.” Kagyat tayong ginagawang poder ng paglilingkuran at hinihimok tungo sa mabuting pagkamamamayan. Serbisyo-publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyong makakapagpadesisyon sa mamamayang manonood-tagapakinig-tagapagtangkilik tungo sa ikabubuti ng kanilang panlipunan at historikal na posisyon. Minamaso ang serbisyong ito na tila nga ba hindi nakakawing sa pangunahing interes ng industriya ng negosyo. Sa kasalukuyang punto ng ating pagtunghay sa telebisyon, ang balita ay nagiging “infotainment,” kumpleto sa music track sa pagdulog ng pinakamarahas na karanasan sa krimen, kawalang-katarungan at kahirapan. Ibinebenta ang mga tagapaghatid ng balita bilang mga personahe ng showbiz, at ang mga ito ma’y ginagawang endorsers na manghihimok sa odyens na tumangkilik ng mga produkto.

Ang balita ay nagiging showbiz at ang showbiz ay nagiging balita. Tila mas naninikip ang mga dibdib ng mga tao sa proliferasyon ng sex videos nina Piolo Pascual at Ethel Booba kaysa sa 66 na pinatay na peryodista simula pa 1986 at 49 na aktibistang lider ng mga progresibong organisasyon simula noong 2001. Ang korporasyon na nagpasikat sa mga personahe sa multi-media na telebisyon, pelikula, publikasyon, musika at radyo ay siya ring gumagawa sa mga naturang personahe—tulad ng 24 oras na serbisyo ng pandesal de pugon--bilang pinakamainit na balita. Sila na may kontrol sa industriya ang siyang may hawak ng mga iba’t ibang pinto nito—mula sa sandamakmak na aspirants ng star searches hanggang sa grupong exklusibong humahawak ng kanilang training, hanggang sa drama serye, noontime show at gameshows na kanilang lalahukan, hanggang sa recording studio na maglalabas ng kanilang album at magtitiyak ng kanilang promotion sa mga fiesta, mall at bar tour, hanggang sa may dambahin ang masa bilang natatangi. At ang kawawang Cinderella/o, pupulbusin ng mismong korporasyon ang mahabang maigsi nitong komersyal na buhay hanggang sa marami sa kanila ang matira na lamang sa laylayan—mga labi at latak ng nauna’t nagtangka, nagtagumpay pero hindi lubos, tinangkilik sa isang partikular na panahon at pangangailangan ng fans at mamimili.

Ang interaktibong partisipasyon ng fans, personahe at korporasyon ay nagtitiyak na ang fans ay hindi lamang mga sekular na relihiyoso kundi mga mamimili, ang artista bilang komersyal na santo at ang korporasyon bilang dambana ng pangangailangan, pananalig at pag-asa. Sa bawat pagtext sa Debate, pagpila ng kontestant at papili ng home partner, sa direktang pag-adres ng tagapaghatid ng balita, tinutunghayan ang manonood bilang hayagang kinakausap para mamili (to choose at to shop), na kakatwa ang salita dahil sabayan nitong natuhog ang dalawang akto na kalahok sa serbisyo-publiko ng media. Namimili tayo ng impormasyon na papaniwalaan, papanigan, paninindigan, at sa maraming pagkakataon, tila at aktwal na ipagpapatayan.

Sa huling usapin, hindi naman nagsisinungaling ang media kapag sinabing serbisyo ang hatid nito. Bahagi ang media ng sektor ng serbisyo (service sector) na nagbibigay-diin sa mga negosyong hindi lumilikha ng produktong yaman kundi ng finansyal na yaman. Kabilang sa sektor ng serbisyo ang entertainment, hotel at turismo, fastfood at retail, edukasyon at kalusugan. At sa hampas ng neoliberal na globalisasyon, ang lahat ng serbisyong kalahok nito ay unti-unti nang binubuksan para sa kompetisyon at partisipasyon ng mga higanteng manlalaro.

Ang dulot ng lahat ng kaganapan sa media ay ang konstruksyon ng afekt o dating na nagbibigay-diin sa panggitnang uring konsumeristang identidad. Sa aking palagay, ang usapin at identidad ng pagkamamamayan (citizenship) ay pumapailalim na lamang sa mas binibigyan ng importansyang identidad ng konsumerista. Ang mabuting mamamayan ay sa unang usapin, mabuting mamimili. Ang papel ng ganitong media ay para bigyan ng paglilimian at pagpipilian ang mamimili kundi man para makapamili ito o maging mulat man lamang sa aspirasyon ng posibilidad. Lumilikha ang media ng dating ng pag-asa para sa konsumerista—na kahit wala siyang kakayahang bumili ng pinakabagong modelo ng cellphone ay magiging mulat naman siya sa pamamagitan ng malawakang direkta at pisan na marketing sa kaalamang mayroon nang modelo at produktong hihigit pa bago pa man siya makabili ng kanyang maaabot-kaya. Ginagawang abot-tanaw ng media ang pangarap tungo sa posibilidad na akses sa komoditi.

Tayo na mamimili ay overdetermined naman ng aparato ng media—katuwang ang iba pang ideolohikal at represibong aparato—ang ating pagkatao. Sa pang-araw-araw na seduksyon ng media, tulad ng pang-araw-araw na aktibidad ng malling at panonood ng sine, ginagawang plebisito ang kumpiyansa sa ating panggitnang uring konsumerista at postmodernong pagkatao. Tila tayo nag-eehersisyo ng ating karapatan para sa impormasyon at pamimili gayong lahat ng ating kalistenikong pag-eensayo sa konsumeriso—pati na rin ng liberal na demokrasya—ay humahantong, sa huling usapin, sa pagtataguyod ng negosyong interes ng media.

Iisipin ng mambabasa nitong introduksyon na napaka-party pooper ko naman gayong kay raming ligayang handog ng pagtunghay sa mga texto-produkto ng media. Hindi naman maitatatwa ang katangiang ito ng media—nakakapanghalina ang seduksyon ng konsumerismo at liberalismo. Ang saya-saya ng mundo ng showbiz na kasalukuyang nagbibigay ng lehitimong akses sa iba pang tradisyunal na pag-aaring kapital—lupa at finansyal na yaman, maging ng edukasyon. Kung maganda ang pangangatawan at makinis ang mukha, kung bata’t may determinasyon, ang pag-aartista sa pangunahin at pagmomodelo, pagiging beauty queen o bikini winner, maging ang pagiging pinakamagaling na a-go-go o macho dancer sa mga pipitsuging bars, sa sekundaryo ang panibagong pasaporte sa aspirasyon ng panlipunang mobilidad. Paano ko ito itatatwa sa napakaraming umaasang makilahok, maging bahagi at maging integral?

Nakakalungkot na aminin na labas na ito sa poder ng kritikal na pag-aaral ng media. Ang media advocacy ay kinakailangan ng paglahok sa mga aktwal na industriya ng media. Ang puwang sa edukasyong media ay ang paglalatag hindi pa ng fundasyon dahil hindi naman kohesibong infrastruktura ang pag-aaral ng media o ang tertiaryong edukasyon, kundi ng pagtatanim sa puwang ng mismong infrastruktura sa alternatibong kakanyahang panunuri o kritikalidad sa mismong operasyon at praxis ng media, kasama ng napakaraming nag-aaral para maging media practitioners rito. Sa isang banda, magkahalintulad na spero ang media at edukasyon dahil mayroon itong kakanyahang maging pro-active sa transformasyong panlipunan. Tinatanggap ang mga debate sa loob at katuwang na labas ng mga sperong ito gayong sa huli, hindi naman talaga nababago ang substansya ng mundo ng sperong ito. Pero may nababago at may mababago kahit paano—ito ang pananalig kaya marami pa rin ang nakikibaka mula sa loob nitong spero. Sa kabilang banda, ang produksyon ng impormasyon at kaalaman mula sa mga sperong ito ay nagtitiyak, higit sa lahat, ng substansasyon ng hegemoniya ng parehong naghahari at pinaghahariang uri.

May tasitong pagtanggap na ang sperong intelektwal ay kapital na kayang bilhin at ipamili ng may hawak na aktwal na kapital. Pero wala namang mundo na nasa labas ng mga magkakasalikop na sperong ito. Ang pagbabago—radikal at reformismo man—ay nangangailangang isaalang-alang ang intrinsikong hegemonikal na katangian ng mga spero. Kaya ang kakanyahan ng edukasyong media ay ang pakikipagtunggali sa mismong refleksyon at representasyon nito: na ang texto-produkto ng media, sa kasalukuyang antas ng negosyong media, ay matutunggali lamang mula sa labas nito, sa edukasyong media na ang kinakausap ay hindi ang mismong negosyo ng media kundi ang itinatanging sektor ng edukador at skolar sa media.

Kung gayon, ang kritikal na pag-aaral ng media at ng texto-produkto nito—na siyang bumubuo, kasama ng kurikulum ng Makabayan, ng literasi ng mag-aaral—ang maaring maging suplemento sa formal na edukasyon. Ang suplemento, kapag nabigyan ng substansya, ay maaring makapagsilbing catalyst ng pagbabago. Hindi ituturo ng mismong media ang paraan ng pagbalikwas ng sarili nito produksyon at distribusyon ng produkto. Ang kritikal na media literasi ang maaring tignan na espasyo ng transformasyon sa makitid na pagitan ng mundo ng globalisadong karanasan nakatuntong sa malawakan ngunit napatahimik na karanasan sa kahirapan at karahasan at ng mundo ng edukasyon at kulturang popular, kahit pa mas masayang tunghayan ang huli kaysa una.

Kompiyuter, Wika, at Filipino

ni Roberto Añonuevo

Nakatutuwa at maraming kabataang Filipino na nahihilig sa kompiyuter. Saanman ka man pumunta sa Metro Manila, may mga internet café yata sa bawat kanto. Nauso rin ang wi-fi, kaya puwede ka nang mag-surf habang umiinom ng serbesa o ngumunguya ng tinapay.
Ngunit ang nakagugulat ay isinisilang ngayon ang bagong henerasyon ng mga Filipinong kabataang bihasa sa pagpoprograma ng kompiyuter. Mga kabataang ang iba’y sumusuway sa itinatakda ng pormal na edukasyon, ngunit dalubhasa sa larang ng kompiyuter at internet. Ang nakapanghihinayang ay kung gaano kahusay sa kompiyuter at internet ang mga kabataan, nakakaligtaan naman nilang gamitin ang wikang Filipino upang gumawa ng programa para sa Filipino.
Sa maniwala kayo’t sa hindi, sinimulan kong magsalin ng mga kodigo sa kompiyuter mulang Ingles tungong Filipino. Nagpatulong ako sa isang eksperto sa kompiyuter, at itatago ko sa pangalang Topz P., upang maisayos ang paglalapat o tumbasan ng mga salita mulang Ingles tungong Filipino at maiwasang lumitaw ang barok na salin.
Nagtagumpay naman sa aking palagay ang ginawa naming proyekto, at masasabing higit na maganda kaysa sa Ingles na Tinagalog na ginawa ng Wikipedia Tagalog. Ang bunga ng aming pagpapagal ay makikita sa wikifilipino.com. Bagaman kinakailangang pinuhin pa ang nasabing salin, malaki ang paniwala ko na magiging pamantayan iyon sa mga susunod na gagawa ng kompiyuter sa Filipinas.
Naniniwala ako na hindi lamang dapat maging mahusay sa kompiyuter, pagpoprograma, at internet ang mga kabataan. Kailangang maging bihasa rin sila sa wikang Filipino dahil magagamit nila ang wikang ito sa paglikha ng mga rebelde’t pambihirang pagpoprograma na magiging kasangkapan ng Filipino para sa pakikipagtalastasan at pagpapanatili ng seguridad.
Kaya hinahamon ko ang mga kabataan ngayon na lumikha ng mas bago’t mas mahusay na programang ginagamit ang wikang Filipino. Nahuhuli ang Filipinas dahil lagi nating kinakausap ang mga banyaga at nakakalimutan nating mag-usap nang batay sa wika natin. At tiyak ko, kapag naipundar na natin ang diskurso batay sa wikang Filipino, matatakot sa atin kahit ang mauunlad na bansa, dahil nagsisimula na tayong magkaisa; at mapipilitang mag-aral sila kung paano tayo kakausapin alinsunod sa nais nating mangyari at sa wikang batid natin.
Gamitin natin ang bagong teknolohiya upang isulong ang pagka-Filipino natin. Panahon na upang magwagi sa bagong himagsikan sa himpapawid, at magwagi nang lubos ang mga Filipino.

Ang Filipino sa Inhenyeriya ni Carlito M. Salazar, PhD

Ang wika ay salamin ng kultura. Sa sariling wika lamang lubos na maipapahayag ng isang tao ang kanyang sarili, at sa wikang ito lamang siya lubos na mauunawaan ng iba. Kahit pa sabihing tayong mga Filipino ang pangatlong bansa sa buong mundo na may pinakamaraming mamamayang nakakaintindi at nakapagsasalita sa Ingles, mahirap pa ring mag-isip at magsalita sa wikang hindi naman natin kinagisnan at hindi ginagamit sa pang-araw-araw na pakikisalamuha sa ating kapwa Filipino.

Noong ako’y nag-aaral pa sa kolehiyo at maging noong ako’y isang postgraduate student, kinakailangang basahin ko nang ilang beses ang libro para lamang lubusan kong maintindihan at matandaan ang leksyon na nasa Ingles. At kahit ngayong itinuturo ko na ang mga ito ay paulit-ulit ko pa rin itong binabasa upang maipaliwanag nang mabuti sa aking mga estudyante. Kung sa akin ay nangyari ito, bakit hindi mangyayari sa iba? Ito ang dahilan kung bakit minabuti kong ibigay ang lektyur ko sa inhenyeriya sa Filipino.

Masasabing sa Kolehiyo ng Inhenyeriya sa Pamantasang De La Salle ay ako pa lang ang naglelektyur sa Filipino. Masasabi ring wala pang dokumentong karanasan ang Kolehiyo hinggil sa paggamit ng Filipino sa mga sabjekt pang-inhenyerira.

Sa aking pagtuturo, halos ang kabuuan ng aking lektyur ay isinasahawa ko sa Filipino. Sa unang araw sa klase ay ipinaliliwanag ko sa aking mga estudyante ng hangga’t maaari ay Filipino ang gagamitin ko sa lektyur. Ikinakatwiran ko lamang na ako’y naghihirapang mag-Ingles. Wala namang reaksyong sumasalungat. Mandi’y tinatanggap nila ito. Sa totoo lang, lumalabas ding bilinggwal ang pagsasakatuparan ng lektyur ko. At sa kurso ng mga diskusyon, karaniwang Ingles pa rin ang aming ginagamit para sa mga terminolohiyang pang-inhenyeriya. Sa katunayan, ang mga propesor na panig sa paggamit ng Filipino sa inhenyeriya ay nagmungkahing Ingles ang gamitin sa mga sumusunod na terminolohiya:

adiabatic – adiabatic o adyabatic chemical reaction – reaksyong kemikal combustion – kombustyon engine – makina o engine enthalphy – enthalpy o entalpi entropy – entropy o entropi equilibrium – equilibrium o eqwilibryum fluid – fluid o fluwid free energy – free energy liquefaction – liquefaction pipeline – pipeline o payplayn pressure – pressure o presyur o presyon pump – pump o pamp refrigeration – refrigeration o refrigeresyon reversible process – reverible proseso o reversibol na proseso turbine – turbine, turbayn o turbino

Sa aking pagtutuo ay napapansin ko na mas nalilito at nahihirapan ang mga estudyante kung babaybayin pa sa Filipino ang mga salitang nabanggit sa itaas. Ang opinyon ng ilang guro ay bakit pahihirapan pa ang mga mag-aaral kung mas maiintidihan at matatandaan naman ang mga terminolohiya sa orihinal na baybay ng mga ito.

Ilang sarbey

Noong ikatlong traymester ng taumpampaaralan 94-95, lahat ng sabjekt na hinawakan ko ay inilektyur ko sa Filipino. Gayunpaman, ang mga halimbawa at mga pagsusulit ay sa Ingles pa rin sa dahilang wala pa naman talang aklat pang-inhenreriya na nasusulat sa Filipino at ang Board Exam ay sa Ingles pa rin. Ang mga sabjekt na ito ay PROCDES (Process Design in Chemical Engineering), HEATTRA (Heat Transfer), CHECOMP (Computer Calculations in Chemical Engineering), at MOMETRA (Momentum Transfer).

Sa huling araw ng lektyur, nagsagawa ako ng sarbey at hiningan ko ng opinyon ang mga estudyante. Ipinaliwanag ko sa kanila na babasahin ko ang mga isinulat nila matapos ang course card distribution upang hindi sila mangamba na baka maapektuhan ang grade nilka.

Ang tanong sa sarbey ay kung pabor ba sila o hindi pabor sa paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng mga sabjekt na pang-inhenyeriya. Hiniling ko ring magbigay sila ng ilang puna at opinyon. Ang resulta ay ang sumusunod:

|Sabjekt |Pabor Gamitin ang Filipino sa |Hindi Pabor Gamitin ang Filipino|Bilinggwal |
| |Klasrum |sa Klasrum | |
|PROCDES |31 (70%)* |5 (11%) |8 |
|(4th year, Industrial | | | |
|Engineering, minor in Chemical | | | |
|Engineering) | | | |
|PROCDES |12 (67%)** |5(28%) |1 |
|(4th year, Chemical Engineering)| | | |
|HEATTRA |12 (43%)*** |8 (29%) |8 |
|(3rd year, Industrial | | | |
|Engineering) | | | |
|CHECOMP |22 (63%)**** |5 (13%) |8 |
|(3rd year, Chemical Engineering)| | | |

Samantala, 10 estudyante sa unang sabjekt, 5 sa ikalawa, tatlo sa pangatlo, at 22 sa ikaapat ang pabor na Filipino ang gamitin para sa mga lektyur/diskusyon at sa Ingles naman ang mga libro.

Sa mga pabor na gamitin ang Filipino sa lektyur/diskusyon at Ingles pa rin ang libro at ibang babasahin, sinabi nila na:

1. Nahihirapan sila sa pagbabasa ng Filipino at sa mga ispeling nito. Halimbawa: kors-course, sabject-subject, payp-pipe, flanj-flange

2. Hindi standardized ang pag-ispel ng mga terminolohiyang Ingles sa Filipino. 3. Sanay na sila sa pagbabasa ng Ingles, at ang mga librong aveylabol ay Ingles pa rin.

Mapapansin na malaki ang bahagdan ng mga estudyante na pumapabor sa paggamit ng Filipino sa inhenyeriya. Ito ay isang mahalagang signal ng pagtanggap ng mga estudyante sa Filipino.

Narito ang mga puna ng mga mag-aaral na pabor sa paggamity ng Filipino sa loob ng klasrum:

1. Mas madaling maintindihan ang mga teorya at konsepto. 2. Mas madaling maitanim sa isipan ang mga leksyon. 3. Kung ang diskusyon at mga babasahin ay Ingles, karaniwang mini-memorya lamang ng estudyante ang mga teorya at konsepto nang halos hindi nauunawaan. 4. napapadali ang proseso ng pag-aaral. 5. Mas relaks at at-ease ang mga estudyante. 6. Mas buhay at informal ang diskusyon. 7. Mas komportableng gamitin ang Filipino at mas madalinmg maihayag ang sarili. 8. mas nagpapartisipeyt ang mga estudyante. 9. Nawawala ang limitasyon sa pagpapahayag ng mga ideya. 10. Nawawala ang barrier sa komunikasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral. 11. Hindi naiilang ang estudyante. 12. Nawawala ang tensyon sa loob ng klase. 13. Friendly ang atmosphere. 14. Mas madaling maiassociate ang mga pinag-aaralang teorya sa pang-araw-araw na buhay. 15. Nagpapatibay ng damdaming nasyonalismo 16. Hindi na doble ang dapat intindihinm ng estudyante—mahirap na ang teknikal sabjekt, mahirap pang mag-intindi at magtransleyt sa Ingles. 17. Naiistimulate ang pag-iisip ng estudyante.

Ito naman ang mga puna ngmga mag-aaral na hindi pabor sa paggamit ng Filipino sa klasrum:

1. Ingles na ang kinalakihan at Ingles ang medium of instruction sa halos lahat ng kurso. 2. Siguro sa susunod na henerasyon na lang magsimula sa Filipino, at dapat simulan ito sa elementarya at hayskul. 3. Ang mga libro ay Ingles, mahirap pang mag-transleyt. 4. Mas nakakalito ang Filipino. 5. Bentahe ang Ingles, dahil ito ay internasyonal. 6. Hindi pa panahon at mawawala ang pagiging competitive natin sa mundo. 7. Hihina lalo ang guro at estudyante sa Ingles. 8. Hindi tayo aasenso sa negosyo, lalung-lalo na sa internasyunal.

Marami sa mga hindi pabor na gamitin ang Filipino sa mga teknikal sabjekt ang nagsasabing okay naman daw ito sa mga hindi teknikal na sabjekt tulad ng JPRIZAL, FILIPINO, RELSFOR, HISTORY, LITERATURE at iba pang maynor sabjekts.

Isa pa ring kapansin-pansin sa sarbey: mas rekomendado ng mga estudyanteng may dugong Chinese ang paggamit ng Filipino.

Mga Hinaharap

Nakikita natin na marami na rin sa mga mag-aaral ang bukas ang isipan sa paggamit ng Filipino sa klasrum, lalung-lalo na sa lektyur at diskusyon. Subalit sa panig ng mga guro sa inhenyeriya, maliit pa rin ang bahagdan ng pabor dito. At mas madalas, rehiyonalismo pa rin ang dahilan. Gayunpaman, mapapansing sa pang-araw-araw na komunikasyon ay madalas na nilang ginagamit ang Filipino. Samakatuwid, darating din ang panahon, na lahat tayo’y makakapag-isip-isip na higit na mainam gamitin ang Filipino sa anumang larangan sapagkat dito tayo kumportable.

Ang Filipino ay may likas na talino sa wika. Madali siyang matuto ng kahit anong wika kung kinakailangan. At hindi naman kailangang mawala ang Ingles sa atin. Gusto lang nating padaliin ang proseso ng pag-intindi sa larangan ng inhenyeriya sa pamamagitan ng wikang Filipino. At isipan natin, kung ang isang aralin ay maipapaliwanag at maiintindihan nang maigi sa Filipino, bakit hindi natin gawin?

Mga Hamon sa Pagtuturo sa Wikang Filipino ng Inhenyeriya ni Rosemary R. Seva

Ang pagtuturo ang isa sa mga paraan upang mapaunlad ang antas sa paggamit ng wikang Filipino sa ating sosyedad. Gayunpaman, sa aking palagay ay marami pang hamon ang kakaharapin sa paggamit ng wikang Filipino sa ating mga paaralan lalo na sa kolehiyong aking kinabibilangan, ang Kolehiyo ng Inhenyeriya.

Sa aming kolehiyo ay hindi popular ang paggamit ng wikang Filipino. Ito ay dahil lahat ng mga materyal na ginagamit ay sa wikang Ingles nasusulat. Wala pang akalt sa inhenyeriya ang nasusulat sa Filipino at mahirap namang isalin ang mga terminolohiya sa Filipino. Paano nga ba isasalin sa kakaunting salitang Filipino ang salitang Calculus, Mechanics, at iba pang konsepto sa inhenyeriya. Minsan, kapag naisalin naman ang salita sa Filipino ay hindi naman kaaya-ayang pakinggan o di-kaya ay nawawala ang tunay na kahulugan nito.

Gayunpaman, may iminumungkahing solusyon sa suliraning ito. Ayon sa ibang eksperto sa wika, hindi na kailangang isalin ang mga termining Ingles sa Filipino. Dapat daw na ariiin na lamang ng Filipino ang mga salitang tulad ng calculus dahil hindi na naman talaga ito maisasalin. Kung ipagpapatuloy ng ating mga kababayan ang pagsasalita nito ay magiging bahagi na rin ito ng ating wila. Kung ganito ang mangyayari, magmumukha talagang Taglish o Enggalog ang pambansang wika natin, na hindi sinasang-ayunan ng nakararami. Para sa ibang tao, ang nagsasalita ng Taglish ay walang kasanayan sa parehong wika.

Upang matupad ang solusyong ito, kailangan lamang na may magsulat ng aklat sa wikang Filipino sa inhenyeriya. Ito alamng ang paraan upang masanay ang ating mga mag-aaral na umintindi ng mahihirap na konsepto at bumuo ng mga idea sa wikang Filipino. Nakakalungkot isipin na maraming mag-aaral ngayon na hindi makagawa ng isang magandang komposisyon sa wikang Filpiino ngunit magaling sa wikang Ingles.

Isa pang suliranin dito ay ang hindi paggamit ng mga guro ng Filipino sa pagtuturo. Ang mga eksamen sa klase ay nasa Ingles at ang Filipino ay ginagamit lamang ng ibang guro sa pagpapaliwanag ng mga mahihirap na konsepto. Gayunpaman, bilang isang guro na gumagamit ng Filipino sa klase ay napansin lp na higit na naiintindihan at nabibigyan-halaga ng mga estudyante ang pagpapaliwanag sa Filipino. Maraming estudyante ang nababagot sa mga gurong diretsong Ingles ang pagtuturo dahil tila wala itong “dating” sa estudyante. Kaya nga lamang ay mababa lamang ang antas ng wikang naiintindihan ng mga estudyante sa Filipino. Kapag ginamitan mo na sila ng mga salitang “ngunit” at “sapagkat” ay natatawa na sila at tila galing ka sa ibang planeta. Para sa kanila ay baduy ang mga salitang ito.

Isang paraan upang mabigyan ito ng solusyon ay ang paghikayat sa mga guro na gumawa ng pananaliksik sa wikang Filipino. Maaari nating bigyan ng insentibo ang mga guro sa agham at inhenyeriya na gumawa at magsulat ng kanilang mga pag-aaral sa Filipino. Sa ganitong paraan, kahit alam nilang mahihirapan sila sa pagsasalin ay mayroon namang insentibo silang matatangap. Matutulungan siguro tayo rito ng mga institusyon sa gobyerno na naglalayong paunlarin ang paggamit ng ating wika.

Isa pang naiisip kong solusyon dito ay ang pagpaparami ng mga unit ng Filipino sa kolehiyo. Kaugnay nito ay dapat ding ibagay ang pagtuturo ng Filipino sa kolehiyong tinuturuan. Halimbawa, kung inhenyeriya ang tinuturuan, dapat ay tinuturuan din silang magsulat sa Filipino ng kanilang mga ulat sa klase o ulat na nauukol sa kanilang mga eksperimento at tesis. Sa pamamagitan nito ay nasasanay ang mga estudyanteng magsulat sa Filipino. Noong ako ay nag-aaral ay panay panitikan lamang ang aming tinalakay sa Filipino. Dahil dito, hindi rin kami natutong magsulat ng mga teknikal na ulat.

Ang mga nabanggit kong ito ay ilan lamang sa aking mga karanasan at idea sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo sa aming kolehiyo. Umaasa ako hindi lamang ito nakatulong upang maintindihan kung bakit napakahirap paunlarin ang paggamit ng wikang Filipino sa inhenyeriya kundi natulungan din kaming mga inhinyero na magamit ang Filipino sa aming napiling propesyon. Isa ako sa kakaunti na umaasang magamit ang Filipino sa pagsusulat ng mga ulat na teknikal at gumawa ng aklat sa Filipino. Gayunpaman, sa ngayon, wala akong nakukuhang suporta sa maraming kasamahan ko o kahit sa aming mga estudyante.

Sana naman ay mamulat ang ating pamahalaan at mga kababayan na panahon na upang palaganapin natin ang paggamit ng ating pambansang wika sa anumang larangan. Kailangan nating gumawa ng aksiyon, ang pamahalaan lalo na, upang ang Filipino ay makilala bilang wika ng mga may pinag-aralan.

Similar Documents

Free Essay

Abcd

...ICT in Retail Sector – India  ICT in Retail Sector India July 2011 Executive Summary  Retail sector is estimated to reach INR x tr in 20‐‐ and is expected to witness a growth CAGR of  a% to reach INR y tr in 20‐‐  IT / ICT adoption in India is fast gaining popularity, wherein growing retail and trade activity is  p p p y g expected to push the adoption rate by a large extent  Cuurrently, retail sector in India spend about b% ‐ c % of the overall yearly sales on IT services Market  Availability of better and faster IT / ICT solutions with maximum accuracy is pushing the industry  forward significantly Technology  Adoption in  Retail   Currently, adoption of IT / ICT in retail sector is estimated at INR z bn of the overall IT / ICT Currently, adoption of IT / ICT in retail sector is estimated at INR z bn of the overall IT / ICT  industry in India  Growing trade and retail activities is resulting in the need for line of business specific applications  aimed at catering to the specific needs of the sector p y pp y  Cost component, flexibility and customization of applications are the key selection criteria  amongst retailers for the selection of IT / ICT tools and services  Cloud computing plays a major role in the enhancement of operational procedures of retailing  wherein data and information are transmitted on a real time basis thereby facilitating faster  decision making  It is predominantly implemented in the fields of supply chain management, inventory ...

Words: 1576 - Pages: 7

Premium Essay

Abcd

...PRINCIPLES OF MANAGEMENT Business Principles of Toyota Motor Corporation Toyota follows certain well-defined business principles guiding its functioning. These are: 1. Honour the language and spirit of law of every nation and undertake open and fair corporate activities to be a good corporate citizen around the world. 2. Respect the culture and customs of every nation and contribute to economic and social development through corporate activities in local communities. 3. To provide clean and safe products and to enhance the quality of life everywhere. 4. Create and develop advanced technologies and provide outstanding products and services that fulfil the needs of customers worldwide. 5. Foster a corporate culture that enhances individual creativity and teamwork value, while honouring mutual trust and respect between management and labour. 6. Pursue growth and harmony with global community through innovative management. 7. Work with business partners in research and creativity to achieve stable, long-term growth and mutual benefits and be open to new partnerships. These principles, will guide the company in its global vision 2010. This global vision envisages continuous innovations in future, use of environment friendly technologies, respecting and working with different sections of society and establishing an interactive relationship with society. Based on www.toyota.co.jp/en/enviornmental_rep/03 /rinen.html on 17.10.2006 CHAPTER L E A R N I N G OBJECTIVES 2 After...

Words: 13855 - Pages: 56

Premium Essay

Abcd

...Human Resources and Job Design The employees that we are going to hire are the essential part in the overall human resource and job design, they are valuable and crucial to the success of a business. We must hire the right candidate for the right job, to fully utilize our human resources. if the wrong people are hired , it will affect the work flow and efficiency. A good job design is necessary to make full use of the employees’ potential and ensure that the company is functioning well. We have to come out with a training program which ensure that the employees have excellent product knowledge, know how to close sales and build an after-sales relationship with customers to maximize any potential sales in the future. We must also ensure that the training program appeals to the employees, motivates them to learn what is required and enjoy the process. It is our job to make sure that the employees have a clear understanding of what are the tasks which they have to accomplish, e.g, knowing the functions of the camera, how to take care of the camera, what makes the camera worthy to purchase. They also need to know that their job is related to other roles in the organization, e.g the sales transactions have to be done properly so that the financial statement is properly accounted for, with no discrepancy. The job design must also enable the employee to balance between work and life, make them feel comfortable doing their job, developing a sense of belonging and accomplishment...

Words: 522 - Pages: 3

Premium Essay

Abcd

...Student Account/tuition information The Office of Student Business Services The primary function of the Office of Student Business Services is to assist the student in understanding their semester billing. This department is responsible for sending out semester bills, emailing monthly statements to the students Concordia email account if they have a balance, offer support for the Sallie Mae Tuition Pay Plan, process student refunds, issue book vouchers (if the student has a credit/negative (-) balance), and ensure payments on the student tuition account are posted accurately. This office also manages student accounts that are not currently enrolled but are in a collection status. Any student that is registered for any course whether full time or part time at Concordia University Chicago is responsible for financial obligations resulting from tuition and fees not covered by financial aid or any other source. Meet The Staff Anjelica Estrada: ext-3236 Director Student Account Representatives Nayibe Parra-Garcia: - ext-3010 Tinesha Smith: -ext-3232 Cashier Patrick Nelson:-ext-3241 The Office of Student Business Services is located in Addison Hall, Room 156. The hours of operation are Monday and Friday 8am-4:30pm, Tuesday-Thursday 8am-6pm. Traditional undergraduate academic year cost for the 2012-2013 academic year Per year Tuition Room & Board application) Technology Fee Student Activity Fee Green Fee $ 254.00 $ 270.00 $ 10.00 $ 127.00 $ 135.00 $ 5.00 $25,942.00 $ 8,280.00 Per semester...

Words: 2481 - Pages: 10

Premium Essay

Abcd

...THE e-ENABLED AIRLINE, AIRPLANE, FLIGHT DECK, CABIN COMMERCIAL AVIATION Commercial Airplanes Aviation Services P.O. Box 3707, MC 21-85 Seattle, WA 98124-2207 www.boeing.com/commercial/aviationservices SERVICES The e-Enabled Advantage Phone: 206-766-1160 Fax: 206-766-1720 E-mail: e-enabled@boeing.com www.boeing.com/commercial/ams | A V IE N - C N AS ELR V I C E SV A N T A M E D I F I C A T I O N TH Oe IE S B ED AD AND GO Printed in U.S.A. 404854 06/03 COMMERCIAL AVIATION SERVICES | T H E e - E N A B L E D A D VA N TA G E EXPERIENCE THE POWER OF N E T W O R K E D O P E R AT I O N S . e-Enabled Advantage A VISION OF THE FUTURE NETWORKED ENVIRONMENT In the not-too-distant future, airlines will routinely invoke the power of integrated information and communications systems to reach new pinnacles of operational efficiency and market presence. Boeing calls it the e-Enabled Advantage. We’re coordinating the expertise of our entire company to give the airline industry a future in which people, airplanes, assets, information systems, knowledge applications, and decision support tools work together seamlessly. The Jeppesen Electronic Flight Bag, SBS International Crew Scheduling and Management software, Connexion by BoeingSM, and Boeing Airplane Health Management signal the dawn of a new age, when airborne and ground-based operations are linked in real time to enable people to achieve the extraordinary every day. Unprecedented enterprise...

Words: 921 - Pages: 4

Premium Essay

Abcd

...Published on Friday, July 7, 2006 by the Associated Press | Demand for Organic Food Outstrips Supply | by Libby Quaid | | | America's appetite for organic food is so strong that supply just can't keep up with demand. Organic products still have only a tiny slice, about 2.5 percent, of the nation's food market. But the slice is expanding at a feverish pace. Growth in sales of organic food has been 15 percent to 21 percent each year, compared with 2 percent to 4 percent for total food sales. Organic means food is grown without bug killer, fertilizer, hormones, antibiotics or biotechnology. Mainstream supermarkets, eyeing the success of organic retailers such as Whole Foods, have rushed to meet demand. The Kroger Co., Safeway Inc. and SuperValu Inc., which owns Albertson's LLC, are among those selling their own organic brands. Wal-Mart Stores Inc. said earlier this year it would double its organic offerings. The number of organic farms — an estimated 10,000 — is also increasing, but not fast enough. As a result, organic manufacturers are looking for ingredients outside the United States in places like Europe, Bolivia, Venezuela and South Africa. That is no surprise, said Barbara Robinson, head of the Agriculture Department's National Organic Program. The program provides the round, green "USDA Organic" seal for certified products. Her agency is just now starting to track organic data, but Robinson believes the United States is importing far more organic food than it exports...

Words: 933 - Pages: 4

Premium Essay

Abcd

...Hollywood movies are one of the main reason that establish the racism and stereotypes of all colors. It spreads the fictions of whiteness around the world. Therefore, these movies: Tarzan, The Ape Man; Leave it to Beaver; Bringing Down the House and White chicks will bring a closer view about the difference between “white” and “un-white” character be described. Also, the introduction and chapter one of “Unthinking Eurocentrism: Multiculturalism and the Media” has provide a broad, critical overview of film primarily from and about the “Third World”. In chapter one “From Eurocentrism to Polycentrism”, they reviewed standard criticism of view in literary in cinematic work. This essay is aims defined the stereotypical images and roles of African Americans in films. First of all, the movie “Tarzan, The Ape Man” is the fairly easy target for people interested in the perpetuation of anti-black stereotypes. Tarzan is presented as a naked savage who doesn’t learn to wear clothes. It’s racist when in the movie, when Tarzan warning Jane and her father that Tarzan, the owner of the jungles has killed beasts and many black men. He pelts animals with thrown objects to torment them. He kills animals for pleasure. To Tarzan all blacks are lower. Besides, in the movie, the Africans of the Mbongan tribe are cannibalism, superstitious, contemptible and debased. Here it come the love of Tarzan, Jane a “white” woman is defined as beautiful, and apparently resourceful and intelligent. However, Esmeralda...

Words: 963 - Pages: 4

Premium Essay

Abcd

...n’t have to invest in those same improvements, creating a competitive disadvantage. The only benefit derives from how quickly Sabre disseminates best practices (best software), lowering costs not just for one company but for the industry as a whole, making everyone including CP more profitable. As a manager, deciding whether to use third party solutions that impact your core competencies, those cost savings benefits must outweigh the investments costs. IBM becoming involved is a similar situation, the economy as a whole receives cost savings, which CP receives a portion of, but also competitors can immediately match those savings. When IBM took over the data centers in Sydney, it allowed IBM to import best practices from across the globe and also allowed the full capacity of the data centers to be utilized by serving additional clients. Best practices bring lower costs to an operation and higher capacity usage brings greater revenue, all good things but again CP only gets a portion and IBM receives the rest. While costs and benefits are the ultimate management decisions, a coherent strategy from management allows IT professionals to more accurately estimate these value decisions. This is the critical area where CP made its mistakes. Due to the financial situations caused from 9/11, the new airport and China taking back Hong Kong; CP shifted to survival mode and cut costs by outsourcing indiscriminately. This damaged the company a few years later, because many of those...

Words: 621 - Pages: 3

Premium Essay

Abcd

...CONSERVATION IN INDIA One of the most pressing environmental issues today is the conservation of biodiversity. Conserving biological diversity involves restoring, protecting, conserving or enhancing the variety of life in an area so that the abundance and distribution of species and communities provide for continued existence and normal ecological functioning, including adaptation and extinction. India is a mega-diverse country, one of twelve countries that collectively accounts for 60–70% of the world’s biodiversity. A land of high species richness and endemism as well as of agro-biodiversity, India supports an astounding 8.1% of the world’s biodiversity. India also supports 16% of the world’s human as well as 18% of the world’s cattle population. In fact, an estimated 70% of India’s population is dependent locally on natural ecosystems for subsistence means of livelihood, including fuel, housing, food, water, and security of health. Consequently, the country’s biodiversity faces immense pressures. Poverty, lack of sustainable alternative livelihoods and absence of financial , social incentives for resource dependent communities, along with lack of integration of biodiversity and livelihood consideration in development planning around biodiversity-rich areas, have been identified as some of the root causes of threats to biodiversity. Biodiversity, as measured by the numbers of plant and vertebrate species is greatest in the Western Ghats and the northeast. This is because...

Words: 806 - Pages: 4

Premium Essay

Abcd

...A Guide to MLA Citations for Play Analysis #1 When do I need a citation? You need a citation when you: a. quote directly from a source b. paraphrase an idea from a source c. describe a study or statistic from a source d. are not sure the idea you are presenting came from your own brain How do I cite sources using MLA formatting? Assuming you are using Drama A Pocket Anthology, your “Works Cited” entry at the END of the paper would be modeled after the following: Chekhov, Anton. The Cherry Orchard. Trans. Avraham Yarmolinsky. Norton Anthology of World Masterpieces. Ed. Maynard Mack. 4th ed. Vol. 2. New York: Norton, 1979. 1192-1230. If you are using a play that is NOT in an anthology, your “Works Cited” entry at the END of the paper would be modeled after the following: Walker, Alice.  The Color Purple.  New York: Pocket Books-Washington Square, 1982.  What about in-text citations using MLA format? Here is the deal: If you don’t mention the name of the author/playwright in the body of your sentence, you need to include it in your parenthetical reference— The tendency to come to terms with difficult experiences is referred to as a "purification process" whereby "threatening or painful dissonances are warded off to preserve intact a clear and articulated image of oneself and one’s place in the world" (Sennett 11). If you DO mention the name of the author/playwright, the citation would look like this: Social historian Richard...

Words: 370 - Pages: 2

Premium Essay

Abcd

...Thomas J. Vallely thomas_vallely@harvard.edu ASIA PRGRAMS 79 John F. Kennedy Street, Cambridge, MA 02138 Tel: (617) 495-1134 | Fax: (617) 495-4948 Ben Wilkinson ben_wilkinson@harvard.edu VIETNAMESE HIGHER EDUCATION: CRISIS AND RESPONSE I. Overview This short paper seeks to provide the American members of the bilateral Higher Education Task Force with an opinionated analysis of the crisis in Vietnamese higher education. We begin by analyzing the magnitude of the crisis and its root causes. Next, we consider how key actors—the Vietnamese government, the Vietnamese people, and the international community—are responding to the situation. We conclude by stressing the importance of institutional innovation as a necessary component of an effective reform platform. A short essay on Vietnamese higher education and science by a prominent Vietnamese scientist is included as reference in an appendix. This memorandum is informed by Harvard’s experience building and operating the Fulbright Economics Teaching Program, a center of public policy teaching and research located in Ho Chi Minh City.1 At present the Ash Institute is a partner in a research project lead by The New School that is studying the institutional barriers to higher education reform in Vietnam. II. Dimensions of the Crisis It is difficult to overstate the seriousness of the challenges confronting Vietnam in higher education. We believe without urgent and fundamental reform to the higher education...

Words: 5398 - Pages: 22

Premium Essay

Abcd

...Bathan, Ivy Claire Mansit, Dezerein Faye Experiment #3 Auditory Perception Objectives: * To determine the simple reaction to time to sound. * To be able to locate the source of sound. * To discriminate the presence of obstacle. Introduction: Apparatus: * Bell (inspired) * Scarf (for blinded) * Chair Procedure: Part 1 E and S should become familiar with the following direction: Upper Front (UF) Upper left (UL) Upper Back (UB) Front (F) Down Left (DL) Upper Right (UR) Down Front (DF) Right (R) Right Back (RB) Left (L) Down Right (DR) Down Back (DB) Blindfold S and make him/her in a chair provided with a chin rest in the center of a room (or just go to a quiet place). E rings the bell from each the positions listed above. The bell should originate at a standard distance of 3 feet. The ringing of the bell’s repeated 10 times from each location in random order. Ask S to report where the source of the sound came from. The recorder takes note of the position of the bell and S’s right or wrong responses. All the observers must maintain complete silence during the entire duration of the experiment. Do not give the subject any additional cues in locating the sound. Mark with a check the correct responses and x for errors. Results: Trials | UF | F |...

Words: 501 - Pages: 3

Premium Essay

Abcd

...Enablers of Exuberance Jennifer S. Taub Sept. 4, 2009 DISCUSSION DRAFT Enablers of Exuberance: Legal Acts and Omissions that Facilitated the Global Financial Crisis Jennifer S. Taub1 I. Introduction This paper explores certain legal acts and omissions that facilitated the over-leveraging and near collapse of the global financial system. These ―Legal Enablers‖ fostered the boom that enriched a class of financial intermediaries who followed a storied tradition of gambling away ―other people‘s money.‖2 These mechanisms also made the pain of the bust disproportionately felt by the middle class and poor while shielding the middlemen who created the problems. These legal Enablers permitted the growth of a shadow banking system, without investment limits, transparency or government oversight. In the shadows grew a variety of highly leveraged private investment pools, undercapitalized conduits of securitized loans and speculation in complex credit derivatives. The rationale for allowing this unregulated, parallel system was that it helped to create innovation and provide liquidity. The conventional wisdom was that any risks associated with a hands-off approach could be managed by the ―invisible hand‖3 of the market. In other words, instead of public police, it relied upon private gatekeepers. A legal framework including legislation, rules and court decisions supported this system. This legal structure depended upon corporate managers, counterparties, ―sophisticated investors‖ and the...

Words: 54952 - Pages: 220

Free Essay

Abcd

...Personal Loan 24-hour- Service Guarantee Terms and Conditions Eligibility: 1. All Personal Loan applications including Pre-Approved loan applications are eligible for Personal Loan Service guarantee. 2. At the time of submission, the Personal Loan applications should be complete with all the required supporting documents. Start Point of Service Guarantee: Receipt of complete documents by the bank as evidenced by SMS sent from the bank to the customer. End Point of Service Guarantee: Final decision regarding customer’s Personal Loan application is communicated by the bank to customer via SMS. Personal Loan 24 – hour – Service Guarantee (“24-hr- service-guarantee”) is subject to the following Terms and Conditions: I. Personal Loan 24- hour- Service Guarantee 1. The “24-hr-service-guarantee” shall only apply in the cases where the applicants have provided the complete set of Personal Loan documents along with complete filled in forms in accordance with the Bank procedures. 2. Applications in which bank is unable to contact customer/referee on mobile/home/office phone or have document deficiency would not be considered for “24-hr-service-guarantee” 3. Applications which have been declined by the bank or cancelled by customer earlier, and are reappealed later, would not be considered for “24-hr-service-guarantee” 4. The “24-hr-service-guarantee” will not be applicable in instances where delays are encountered due to the applicant’s failure to satisfy the Bank’s due diligence...

Words: 1092 - Pages: 5

Premium Essay

Abcd

...“A STUDY ON THE FACTORS BEHIND BRAND SWITCHING IN TELECOM INDUSTRY ON THE BRANDS LIKE AIRTEL, VODAFONE, IDEA AND TATA DOCOMO IN SURAT CITY.” I Bhavin A. Vayla student of Navnirman Institute Of Management Surat, doing Marketing Research project on Telecom Network titled “Factors behind Brand Switching in Telecom Industry in Surat city.” Hence I would be grateful if you would spare your valuable time and co-operate by answering few questions to the best of your knowledge. I assure you that the information collected will be used for academic purpose only. 1) Do you use Telecom service? Yes. No. 2) Do you usually change your telecom network brand? 1 2 3 4 5 Strongly Agree Neutral Disagree Strongly Agree Disagree 3) Where do you look for information before switching your telecom network brand? In Stores. Internet. Television. Hoardings. Word of Mouth. Other . 4) What influences you to go for a particular Telecom network brand? Network Operator’s Office. Someone recently bought the same. Someone already used or using it. Can’t say. No influence. 5) Are you aware about the portability system of Telecom network? Yes. No. 6) Have you switched over your telecom network brand in last 1 year? Yes. No...

Words: 423 - Pages: 2